Mataas ang lipad ng dragonika'ng si Aleman, kung saan nakalulan ang buong angkan ng mga Harandia. Si Aleman ang eksklusibong transportasyon ng reyna at hari, dahil bukod sa malaki ang kaha ng naturang dragonika'y mayroon din siyang kakaibang kaliskis na maaaring pananggalang sa kung anumang panganib na darating. Samantala, hindi mapakali si Leopoldo habang panay ang tanaw sa malawak na karagatan mula sa himpapawid o di kaya'y sa kulay lilang kabundukan na sakop pa'rin nang kanilang kaharian.
Balisa ang eskpresyon ng binata, marahil sa nalalapit na pagtuntong sa Burgandia. Ayon sa mga magulang, naghahanap daw ng mapapangasawa at mamumuno ang nag-iisang anak nina Haring Buendia at Reyna Crex, ngunit hindi iyon ang dahilan kung bakit nasasabik ang puso ng prinsipe sa muling pagtuntong sa lupaing katabi lamang ng kanilang palasyo. Mas matimbang ang kagustuhang suyurin ang buong Burgandia o ordinaryong pamilihan, upang hanapin ang dalagang nakilala noong isang apat na mili-segundo'ng hapon.
Hindi pa man nakikilala ni Leopoldo ang prinsesa'y tiyak nang hindi nito mabibihag ang nakalaang puso ng prinsipe para kay Maria Crex Burgan, kaya gano'n na lamang ang pagtanggi ng kanyang isip sa kanilang tutunguhing palasyo.
"Mahal kong kapatid, mukhang malapit ka na yatang mahulog sa iyong mga iniisip?" putol ni Arnulfo habang naka-dekwatro sa isa sa mga mahahabang upuan sa loob ni Aleman.
"Kuya Arnulfo, huwag mong pangunahan si Kuya Leopoldo. Tiyak kong nagkita na naman sila ng dalagang 'yon." nakangisi ang nakababatang kapatid.
Napakunot-noo si Leopoldo sa tinuran ni Ricardo tila mayroon siyang natuklasan na lihim ukol sa paglabas nito sa palasyo. Hindi kaya?
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Leopoldo na bahagyang nakaramdam ng kaba.
"Hindi ba't ang sabi mo'y nakita mo na'ng babaeng gusto mong makasama habang buhay?" nakakaloko ang kanyang ngisi.
"Oh?" sabad ni Arnulfo.
"Malay ba natin kung hindi lamang sa panaginip nakikita ni Kuya Leopoldo ang babaeng iyon, kundi sa pangangarap din ng gising!" pagak na tumawa ang bunso. Samantala, hindi magkamayaw sa paghalakhak si Arnulfo sa sinabi ng kapatid rason para 'di maiwasang sumimangot ang nakatatandang prinsipe.
Binatukan ni Arnulfo ang kanilang bunso habang umiiling na lamang si Leopoldo dahil sa kapilyuhan ng dalawa, subalit naputol ang pagbibiruan nang mayroong Dama'ng tumungo sa kanilang harapan.
"Mahal na prinsipe, ipinatatawag ho kayo nina Haring Cantor at Reyna Penelope mula sa loob ng pribadong Alemer."
Ito ang isa sa mga silid-transportasyon ni Aleman, at dito namamalagi ang mag-asawa kung sila ay maglalakbay mula sa iba't-ibang kaharian sa Emerit. Nagkatinginan ang tatlong prinsipe saka tumungo sa loob ng pribadong silid, sa pangunguna ng panganay na si Leopoldo.
Nang makarating sa loob ay kaagad nagbigay- galang ang tatlo sa pamamagitan ng matikas na pagsaludo sa hari. Iyon ang kanilang natatanging pagkakakilanlan magmula pa sa kanilang mga ninuno. Sila ay nanggaling sa mga matatapang at magigiting na tagapagtanggol ng dugong Harandia kaya hindi matatawaran ang pangalang inukit sa bulwagan ng kanilang kaharian. Ang ginamit na panglilok ay mula sa armas na siyang dumurog sa ama ng nag-iisang Yanira sa kweba.
"Ipinatatawag niyo raw ho kami, ama?" panimula ng panganay.
Tumungo si Ricardo sa tabi ni Reyna Penelope habang si Arnulfo ay nanatili sa likuran ni Leopoldo na halos nakatikom ang bibig, sapagkat alam siguro ng binatang hindi naman sila ang dahilan kung bakit tinawag ng hari bagkus ay tungkol marahil sa nakatatandang kapatid.
"Iho, nais kong magbigay tayo ng regalo sa mag-asawang Burgandia upang sa gayon ay magkaroon ng puntos ang iyong panunuyo sa kanilang nag-iisang anak." bilin ni Haring Cantor.
Diretsahang tumingin ang prinsipe sa kanyang ama animo tutol sa mga narinig mula rito, rason upang mabagdan ng pag-aalala ang reyna.
"May bumabagabag yata sa iyong isip Leopoldo." anang ina.
"Lubos po akong nagpapasalamat sapagkat nais niyong makatulong sa'king paghahanap ng magiging kabiyak upang sa gayon ay mapangasiwaan ang ating palasyo ngunit hindi ko po yata masusunod ang inyong kahilingang makilala ang prinsesa ng Burgandia."
Nagkatanginan ang mag-asawa sa isa't-isa at mababakas ang pagtataka ngunit muling bumalik ang sulyap sa panganay na anak.
"Mayroon ka bang napupusuang iba, iho? Taga-Harandia?" balik-tanong ng ginang.
Panandaliang natigilan sa tanong ng reyna sapagkat hindi maaaring malaman ng mga magulang na sumuway sa batas ng palasyo. Mahigpit na i***********l ng Hari'ng lumampas sa bulwagan ng Harandia lalo't maraming banta ang mga tauhan o rebeldeng namumugad sa Doryang Timog ang nagkalat o pumupuslit maging sa payak na lugar ng mga Emeritian. Mayroon pa ring mangilan-ngilang nakalulusot sa mga bantay na karaniwang nagdudulot ng suliranin sa katahimikan ng Harandia o maging ng ibang karatig-lugar sa Emerit.
"Iho.." putol nito.
"Uhm, nakakilala ako ng isang dalaga sa, sa..." gustong pukawin ang bara sa lalamunan upang maisiwalat ang totoo.
"Sa panaginip ama, ina." singit ni Ricardo.
"Pft." reaksyon ni Arnulfo.
Hindi mapigilan ng ikalawang prinsipe na matawa ngunit mabilis tinakpan ang bibig lalo't matalim na tumitig sa gawi nito si Prinsipe Leopoldo.
"Isang panaginip?" nagtatakang tanong ng hari.
"Totoo ba ang sinasabi ng iyong nakababatang kapatid, iho?" anang ina.
Bumuntong-hininga at marahang tumango sa dalawang matanda upang hindi na humaba ang kanilang usapan. Doon namayani ang katahimikan saka nagsimulang magtawanan ang kanyang buong angkan, kaya naman mas nabahiran ng kahihiyan ang nararamdaman ng prinsipe.
"Iho, pft. Saan mo naman natagpuan ang dalagang sinasabi mo?" ani Reyna Penelope na halos hindi mapigilan ang malawak na pagngiti.
"Huwag mong sabihing nabahaginan kana nang kapangyarihan ni Haraya, iho?"
Lalong bumunghalit ng tawa ang kanyang mga kapatid maging ang mga magulang, dahilan upang magpasyang magpaalam sa mga Emeritian na naroroon sa loob ng Alemer, ngunit kahit tuluyang nakaalpas sa naturang silid ay hindi pa rin maibsan ang kanilang hagikgikan
"Nakakainis! Bakit hindi mo kasi inamin sa kanilang totoo si Maria Crex Burgan!" singhal sa sarili saka napakamot sa batok.
Nagpasyang umupo si Leopoldo malapit sa direksyunal na siyang nagmamando sa mga dragonika'ng sumasalang sa himpapawid.
Nababalot pa'rin nang inis ang emosyon ng binata dahil sa mga nangyari. Bagama't nagtataka ang direksyunal ay kumibit-balikat na lamang ang kanilang tauhan. Nagbago lamang ang kanyang reaksyon ng matanaw ang tuktok ng palasyo ng Burgandia. Isa lamang ang ibig sabihin nito, malapit nang dumaong ang kanilang kinalululanan sa palasyong nakatirik sa Doryang-Hilaga.
"Nalalapit na ang pagsadsad ni Aleman sa Burgandia...inuulit ko....nalalapit na ang pagsadsad ni Aleman sa Burgandia." anunsiyo ng direksyunal.
Hindi mapigilang mabalisa habang tanaw na tanaw ang malawak na palasyong pakay.
'Kailangan kong makapuslit kina ama't ina upang tumungo sa ordinaryong pamilihan. Hahanapin ko siya para iharap sa angkan ng Harandia...'
BURGANDIA-Doryang Hilaga
"Gising, Prinsesa Maria," mayroong maliit na boses na naulinagan sa bandang kanan.
Mabigat ang katawan ng prinsesa dahil halos magpalit na'ng hugis ang Hantala bago natapos ang kasiyahan sa ikalabing-walong kaarawan ni Maria. Hanggang ngayon ay hindi pa'rin matanggap ang naging desisyon ng hari ukol sa lalaking mapapangasawa, sapagkat iisa lamang ang tumanggap ng hamon ng kanyang Ama. Iisipin pa lamang ng dalaga'y parang gusto na nitong umatras sa batas ng Burgandia.
Si Leon ay makisig ang tindig kahit mayroong agam-agam sa kanyang pagkatao, lalo sa pinanggalingan ng lalaki ngunit hindi naging batayan ni Haring Buendia ang mga ganitong pamantayan dahil pinag-isipan ng ginoo ang kanyang mga ipapagawa upang masubok ang tatag, tapang at pakikiharap ng mga prinsipeng gustong masungkit ang isang trono sa Burgandia.
"Prinsesa..." muling tawag ng maliit na boses.
Lumipat ng posisyon si Maria saka unti-unting binuksan ang mga mata. Doon tumambad sa kanyang paningin ang maliit na diwatang kaibigan.
"P-Pinkie, m-magandang umaga." bati ng babae ngunit hindi man lamang umabot ang kasiyahan sa mga mata.
Tumulay si Pinkie sa hibla ng kanyang buhok saka sumalampak sa unang ginagamit ni Maria.
"Bakit mukhang hindi maganda ang umaga para sa'yo, prinsesa? Anong problema? Hindi ka ba nasiyahan sa iyong kaarawan noong anim mili-segundong Hantala ng gabi?" ngumuso si Pinkie.
"Hindi iyon, Pinkie. Mayroon lamang akong iniisip." bahagyang gumuhit ang malamyang ngiti sa labi.
Tumayo si Pinkie at umakyat sa balikat ni Maria kahit siya ay kasalukuyang nakahiga.
"Kung ganoon, anong iyong iniisip?" pangungulit ng diwata.
Bumuntong-hininga saka bumakas ang pag-aalala dahil sa kanyang hiniling sa amang hari bago hirangin ang prinsipeng tatapos sa mga pagsubok. Ni walang pagpipilian kundi si Leon at iyon ang ikinababahala ni Maria. Maliwanag pa sa Hantala ang kanyang nararamdaman para sa isang kawal ng Harandia ngunit bigong makita ng dalaga ang binatang nakilala sa ordinaryong pamilihan. Bagama't mayroong ilang prinsipeng nanggaling sa Harandia na siyang dumayo sa kaarawan subalit ni anino ng kawal na 'yon ay hindi nakita.
Hindi maiwasang magbalik-tanaw ng prinsesa sa mga nangyari noong kaarawan.
"Ama, mayroon akong nais iharap sa inyo na maaaring pagpilian bukod kay Prinsipe Leon.." matapos igawad ni Haring Buendia sa estrangherong manlalakbay ang tarhetang pula na siyang sumisimbolo sa mga lalahok sa pagsubok.
Sumulyap si Haring Buendia sa butihing asawa na tila nababahala rin ang reaksyon.
"S-Sino ang iyong tinutukoy, iha?" nag-aalinlangang saad nito.
Tumingin muna sa inang reyna bago naglakas loob na magsalita.
"Isang kawal ng Harandia.." nangingiming saad ni Maria.
Napasinghap ang karamihan saka napuno ng bulungan ang mga Emeritian, hanggang sa umugong ang matunog na halakhak ni Leon sa buong sulok ng palasyo, rason upang matalim na tumingin ang prinsesa sa bagamundong binata. Kitang-kita rin ang mapang-uyam na mukha ng kanyang Dama'ng si Kundiman.
"Isang kawal ng Harandia? Prinsesa, anong magagawa ng isang kawal sa Yanira? Sa mga taong hindi naniniwala sa tahanan? Kay Questas? Baka mamuti lamang ang iyong mata sa paghihintay dahil ni wala yata siyang sasakyan na dragonika, unicorn, baston o miski Hadrum ay hirap siyang makakuha. Maliban na lamang kung manghihiram siya ng pakpak sa mga diwata ng Galadia." pang-iinsulto ng lalaki kung saan sumang-ayon ang mga panauhing naroroon na sinabayan din ng maingay na tawanan
Nag-aalala akong tumingin sa amang hari na tila nakumbinse ng prinsipe sa Astramos.
"Iha, may punto si Prinsipe Leon sa kanyang mga sinasabi."
"P-Pero ama? Hahanapin ko siya sa, sa bulwagan ng Galadia at ihaharap ko sa inyo." pamimilit ni Maria ngunit dahil sa matibay na katwiran ng estranghero ay hindi napagbigyan ang kagustuhan ng dalaga.
Buong magdamag siyang nabahala sa mga tumatakbo sa utak ngunit nabalik sa kasalukuyan ang prinsesa ng pisilin ni Pinkie ang mapulang pisngi ni Maria.
"Uy, prinsesa! Ano ngang iniisip mo?"
"Hindi lamang ako mapalagay, Pinkie."
Matagal tumitig ang kaibigan sa dalaga tila tinitimbang ang mga sinasabi ni Maria hanggang sa magsalita ang dalaga na siyang bumasag sa sandaling pagmununi-muni.
"Ano kaya kung pumunta uli' tayo sa ordinaryong pamilihan?" nagningning mga mata nito.
"A-Ano?" nahintakutan ang kaibigang diwata.
"Nakikiusap ako, kailangan ko siyang mahanap..." saad nito sa diwata ngunit nakatingin sa kawalan ang dalaga animo desidido sa kanyang mga balakin ngayong araw.
"S-Sino?"
"Ang kawal ng Harandia..."
Bumangon si Maria saka magmamadaling tumungo sa kanyang malawak na sisidlan ng iba't-ibang istilo ng damit, ngunit nagpasya ang prinsesang suutin ang nabiling kasuotan noon sa ordinaryong pamilihan.
"T-Teka, Prinsesa Maria Crex uhm... mapapagalitan tayo ng iyong ama't ina." nagkakamot sa ulo si Pinkie.
"Nakikiusap ako Pinkie, muli nating gamitin ang katas ng Galexia. Parang awa mo na kaibigan, nais ko lamang makita ang kawal na 'yon..." nagsusumamo ang mga mata ni Maria habang nag-aalinlangan ang diwata sa kanyang mga binabalak gawin.
GALADIA-Doryang Silangan
Hindi mapakali si Haraya habang nagbibigay ng pataba sa mga nakapilang maliliit na diwata. Iyon ang katungkulan ng tagapagbantay ng talon sapagkat siya, bilang kahuli-hulihang lahi ng mga engkantadang tumitingin sa Galadia, ang naatasang mangalaga sa kapakanan ng mga iba't-ibang elementong naninirahan sa Doryang Silangan.
Iniisip ni Haraya kung paano mapapawi ang suliraning kahaharapin ng Burgandia at maging ang batong Elixir na nilikha ni Emeritus para sa kahariang hinirang.
"Haraya, isang mili-kilong pataba kapalit ng tatlong balitaptap." anas ng diwata.
"Maari mong kuhanin,"
Dumakot ng pataba ang naturang diwata sa ibabaw nang kanyang mahabang mesa na siyang gawa sa ugat ng Galaxia; at habang patuloy ang kanyang ginagawa'y muling naghari ang alinlangan sa utak subalit panandalian ding napuputol kapag mayroong pumapalit na diwata sa pila.
Maya-maya'y nagsimulang magulo ang mahabang pila, dahil sa isang mabilis na daluyong na siyang dumaan sa silangan. Doon narinig ang pamilyar at matinis na boses ng isang matanda. Si Ulna.
"Huwag mong tangkaing guluhin ang aking teritoryo, Ulna!" matapang na tumayo si Haraya upang sawayin ang manggagaway na maaring nambubuyo lamang sa mga taga-Doryang Silangan.
Makikita ang takot sa mga mata ng ilang diwata ngunit hindi ang engkantadang si Haraya. Maagap na ginamit ng tagapagngalaga ang baston upang tuluyang palayuin si Ulna.
"Hi-hi-hi! Masyado kang mainit Haraya!" nagsalita si Ulna na siyang nanggagaling sa maitim na usok na lumilibot sa mga maliliit na diwata.
"Bumalik ka sa pinanggalingan mo! Huwag na huwag kang makatutuntong dito sa Galadia!"
Lalong tumawa ang masamang manggagaway sa sinabi ng engkantada tila mayroon talaga itong kinalaman sa mga palaisipan ni Questas.
"Hi-hi-hi! Nagpapatawa ka siguro Haraya, malapit ka ng bumenta tulad iyong mga pataba mo! Hindi ko na kailangang tumuntong dahil mapapasaakin ang lahat ng nasa sa'yo sa nakatakdang oras!" pagbabanta ng matanda bago tuluyang naglaho ang maitim na usok.
Nagkatinginan ang mga diwatang nakapila at mababakas ang takot sa kanilang mga mukha. 'Kailangang pigilan si ko Ulna sa kanyang masasamang balak ngunit paano, Haraya?'
LUMAPAG ANG DRAGONIKANG si Aleman sa aplaya kung saan malapit sa bulwagan ng Burgandia. Doon, sinalubong ang buong angkan ni Leopoldo ng mga kawal na naninilbihan sa palasyo ng Doryang-Hilaga. Nagsitaas ang kanilang mga espada, na siyang simbolo ng hukbong Burgandia.
"Maligayang pagdating sa aming palasyo angkan ng Harandia. Ikinagagalak naming samahan ka'yo sa aming iginagalang na Haring Buendia." ayon sa pinakapinuno ng kanilang pulutong.
May taas itong pitong talampakan na siyang pinakamakisig at matangkad sa mga kawal ng Burgandia. Marami na'ring humahanga sa masugid na mandirigmang si Kumando. Sampu ng kanyang lahi ang nagbuwis ng buhay upang mapangalagaan ang kaharian, mula pa sa mga ninunong nagsilbi at namuno rin sa kanilang hukbo.
Kasalukuyang nakasunod ang tatlong prinsipe sa kanilang mga magulang na nangunguna sa paglalakad kaagapay ang mga kawal. Kalauna'y bumulong si Ricardo sa kanyang kapatid na panganay.
"Ang laki ng kanilang palasyo kuya. Mayroon kayang tanim na sayap sa bakuran ng Burgandia?"
"Pagkain na naman ang nasa isip mo, kaya ka nagiging madaldal eh!" irap ni Leopoldo habang si Arnulfo naman ay walang puknat sa pagkindat sa ilang mga dama sa gilid, rason upang mamula ang kanilang mga pisngi.
Nang makarating malapit sa trono'y bumaba ang reyna at hari ng Burgandia saka magalang na sinalubong ang kanilang mga panauhin.
"Natutuwa ako at nakarating kayo sa'ming palasyo, Penelope." mahinhin ang boses ng ginang.
"Sinong hindi masisiyahan kung inimbitahan ng isang kaibigan?" bumeso ang ina ni Leopoldo bilang tugon.
Nagtapikan sa balikat ang dalawang hari at halos hindi magkamayaw ang kanilang kumustahan hanggang sa tumikhim si Haring Cantor.
"Nais ko sanang humingi ng pabor Haring Buendia." panimula ng ama.
"Tara't tumungo muna tayo sa'king malawak na hapag."
"Mayroon ho ba kayong sayap?" putol ni Ricardo sa usapan.
"Marami, iho." masiglang sagot ni Haring Buendia.
"Ayos!"
Pinanlakihan ng mata ni Prinsipe Leopoldo ang nakababatang kapatid sapagkat hindi naaayon ang kinikilos ng binatilyo. Maging si Arnulfo ay nahihiya sa mga tinuran ni Ricardo ngunit tila balewala lamang iyon sa reyna at hari ng Burgandia.
Habang nasa mahabang hapag, ay sunud-sunod ang datingan ng mga dama upang ihain ang mga pagkaing masasarap. Samantala, walang puknat ang kanilang usapan ukol sa mga batas na ipinapatupad sa mga Emeritian. Ang hari sa Kanluran at Hilaga'y mayroong kani-kaniyang gawi sa pagpapatakbo ng mamamayan, ngunit kung ang pagbabasehan ay ang kapangyarihan? Ang Burgandia ang mas matimbang sapagkat sa trono ng palasyo sa Doryang-Hilaga inilagay ni Emiretus ang batong Elixir na sadyang nagsisilbing buhay at sigla sa buong Emerit.
"Maiba ako Buendia. Nasaan nga pala ang iyong prinsesa?" magiliw na tanong ni Haring Cantor.
"Marahil ay nahihimbing sa kanyang silid." sagot nito.
'Mukhang hindi ko gusto ang ugali ng prinsesa, ha? Hindi yata marunong kumilos at panay ang higa! Paano niya pamumunuan ang buong Burgandia kung palaging kasiping ang kanyang malawak na kama?'
"Napagod sa kanyang kaarawan?" tanong ni Reyna Penelope.
"Tama ka." umiling-iling si Reyna Crex at tila ayos lamang dito ang di magandang gawi ng prinsesa.
"Gusto ko nga palang ipakilala ang aking magigiting na mga anak, Buendia" putol ni Haring Cantor..
Dumako ang nakatawang mata ni Hari'ng Buendia sa kinauupuan ng tatlong binata.
"Ang aking panganay si Leopoldo, pangalawa ay si Arnulfo at ang pinakahuli ay si Ricardo."
Sumaludo si Leopoldo at Arnulfo taliwas sa nakababatang prinsipe, sapagkat abala si Ricardo sa kakangata ng sayap dahilan upang mabilis na hinila ng nakatatanda ang kanilang bunso, kaya naman halos mataranta itong sumaludo kay Haring Buendia.
Natawa ang hari dahil sa ginawa ng binata ngunit mas lamang ang pagkagiliw lalo sa gawi ng nakababata.
"Tumungo kami rito upang ilahok ang aking panganay sa'yong pagsubok. Hindi lingid sa'yong kaalaman na kami rin ay naghahanap ng kanyang magiging kabiyak." diretsahang saad ni Haring Cantor sabay sulyap sa panganay.
"At balita namin ay mahirap ang iyong mga ibinigay na pagsubok?" nahihintakutan ang mga mata ni Reyna Penelope.
Malumanay na sumubo ng ubas si Reyna Crex, saka sumulyap sa kanyang asawa upang kompirmahin ang kanilang nakalap na balita.
"Hindi ko man gustong pahirapan ang mapapangasawa ng aking prinsesa, ngunit kinakailangan kong masubukan ang kanilang abilidad na pamunuan ang Burgandia at maging mga Emeritian na nakatira sa'king nasasakupan."
Nagsitanguan ang mga magulang ng tatlong prinsipe bilang pagsang-ayon subalit wala sa usapan ang isip ni Leopoldo sapagkat iba ang tumatakbo sa kanyang utak. 'Kinakailngan kong makapunta sa ordinaryong pamilihan!'
"Uh, mawalang-galang po sa inyo? Nais ko po sanang tumungo sa palikuran?" anas ng prinsipe.
Naputol ang kanilang pag-uusap at bahagyang tumango ang mga ito.
"Kuya, maari bang sumama?" singit ni Ricardo ngunit pinanlakihan lamang siya ng mata ng binata saka nagmamadali itong lumabas ng kumedor.
Inilibot ang mga mata sa bawat sulok ng palasyo at hindi pinapansin ang mga dama'ng malalagkit ang tingin marahil sa kanyang angking kakisigan. 'Saan ang labasan dito?'
Lumiko ang prinsipe sa malalaking pundasyon ng palasyo ngunit may nakabunggo siyang kung anong bagay, subalit ang ipinagtataka'y wala ni isang Emeritia'ng naroroon. Anong nangyayari?
Nagpatuloy ang prinsipe sa paglalakad hanggang sa mayroong makitang nakasiwang na pinto sa gilid ng palasyo.
"Leopoldo, tingnan mo nga naman mukhang sinuwerte ka!" ngumisi ang lalaki dahil mukhang ang pintuan ang magiging susi sa kanyang binabalak na pagtungo sa ordinaryong pamilihan. Mula roon ay nakakita rin siya ng nakataling unicorn sa puno ng Kamarilyo.
"Magandang umaga kaibigan, mukhang gusto kong subukan ang maging taga-Burgandia pansamantala," nangingislap ang mata ni Leopoldo habang hinihimas ang puting balahibo ng inosenteng unicorn.
ORDINARYONG PAMILIHAN
"Oh Emiretus! Muntik na tayong mahuli Prinsesa Maria Crex! Buti na lamang hindi nawala ang bisa ng Galexia, kundi nakita tayo ng lalaking 'yon." inalis ni Pinkie ang kanyang salakot animo isang Emeritian sa naging reaksyon, kahit imposibleng makita ng mga taga-Burgandia dahil sa kanyang liit.
"Nasaan na kaya siya?" nagkakandahaba ang leeg ni Maria at hindi iniintindi ang sinabi ni Pinkie.
Pulutong ng Emeritian ang naroroon sa pamilihan kung saan may kaniya-kaniyang layunin. Ang ilan ay nakikipagkalakalan sa pataba ni Haraya habang ang karamihan nama'y namimili ng mga pagkain o prutas galing sa puno ni Questas.
"Hindi ka pala nakikinig sa'kin!" sumimangot si Pinkie ngunit dinala lamang ni Maria ang diwata upang i-upo sa kanyang balikat.
"Pasensiya na Pinkie, kailangan lamang natin na mahanap sa lalong madaling panahon ang kawal na iyon, sapagkat bukas na hihirangin ang mga lalahok na prinsipe sa pagsubok ni Ama." nababahala ang ekspresyon ng kanyang mukha habang walang tigil sa kakalingon sa bawat sulok ng pamilihan.
"Bakit, ayaw mo ba kay Prinsipe Leon? Makisig at mayroong matangos na ilong kaya 'di kataka-takang mahumaling ang ilang mga panauhin sa prinsipe ng Atsramos." mararamdaman sa tono ng diwatang nangangarap din itong makakilala ng makisig na prinsipe.
"Ngunit hindi siya ang napupusuan ko!" tanggi ni Maria Crex.
"Kunsabagay, mas makisig ang kawal na 'yon," kumbinsidong saad ni Pinkie saka sumalampak sa kanyang balikat.
Tumungo si Maria Crex sa mga sulok ng pamilihan ngunit bigo siyang makakita ng mga kawal na taga-Harandia. Ilang mili-segundo rin ang kanyang itinagal sa paglalakad ngunit hindi nito namataan ni anino ng estrangherong nakilala noong nakaraan.
Laglag ang balikat ni Maria habang bumabalik sa gitnang bahagi ng pamilihan. Maging si Pinkie ay nakikisimpatya ang reaksyon ng mukha. Kapagkadaka'y lumambitin sa kanyang mahabang buhok upang sumiksik sa bulsa ng prinsesa.
"Ayos lamang iyan prinsesa, baka hindi lamang talaga kayo ang nakalaan para sa isa't-isa!!!---Ahh Prinsesa Maria Crex tumabi ka, matutusok tayo ng sungay niya!" tili ni Pinkie habang nahihintakutan ang mga mata dahil sa paparating na unicorn kung saan matulin ang takbo.
Mabilis tumabi ang dalaga at kamuntikan pang matumba sa mga balitaptap na nakasalansan sa kaing.
"Wooh! Tigil!!!" sigaw ng lalaki subalit hindi mapigilan ang naturang unicorn.
Nakasakay roon ang kawal na sadyang nakasuot ng armor at pamilyar kay Maria dahil ito ay pagmamay-ari ng Burgandia. Hindi nagpatumpik-tumpik ang prinsesa saka sumipol ng napakalakas rason para huminto ang unicorn, subalit sa matinding pagpreno'y lumipad sa pataba ang kawal dahilan upang mabugaw ang mga diwatang namimili ng pataba.
Daha-dahang tumayo ang lalaki habang sapu-sapo ang nananakit na balakang.
Maya-maya'y tinanggal ng estranghero ang bakal sa ulo, dahilan upang halos manlaki ang mga mata ni Prinsesa Maria. Samantala, si Pinkie ay hindi rin makapagsalita ng maayos at panay ang turo sa binata bago sumiksik sa bulsa ni Maria upang magtago.
"L-Leopoldo Haran?" may pag-aalinlangang tawag dito.
Halata sa mukha ng binata ang matinding sakit dahil siguro sa pagkakatilapon sa mga patabang nagkalat sa daan.
"Maria Crex? A-anong? Saan ka nakatira?" unang bungad na tanong ni Leopoldo dahil hindi niya alam kung saan o kung paano magsisimula.
"Mga iho, iha--baka gusto ninyong bayaran kahit limang tupaz ang nawasak ng binata sa'king mga pataba?" saad ng nagtitinda ngunit dahil sa malagkit na titigan ay basta na lamang magkasabay na inabot ang kahit anong suot na alahas sa tindera.
"Ha? Isang emerald at r-rubi?" gulat na gulat ang ale ngunit mabilis nitong ibinulsa habang ang mga titigan ng dalawa'y walang puknat.
"Leopoldo!"
"Maria Crex!"
Magkapanabay na saad sa isa't-isa ngunit magkasabay ring nagsalita.
"May sasabihin--" muli silang nagkasabay saka nagtawanan habang si Pinkie ay panaka-nakang sumisilip sa bulsa.
"Mayroon ka bang nais sabihin?" panimula ni Maria.
"Tingin ko'y isang kalabisan kung ako ang mauuna sa'king pakay, Maria." namumula ang pisngi ni Leopoldo.
"Uhm, ikaw na siguro ang mauna sapagkat naghahanap pa 'ko ng lakas upang sabihin ang aking nais." tumalikod sandali si Maria Crex upang mapagtakpan ang kanyang pamumula.
"N-Nais ko sanang anyayahan ka sa, sa, aming tahanan upang ipakilala sa'king angkan. Hindi ko g-gustong--"
"Maria!Maria!" pabulong na tawag ni Pinkie habang hinahatak ang bulsa ng prinsesa.
"Shh, Pinkie..." saway ni Maria at muling isinilid ang diwata ngunit makulit ang kaibigan saka nagpupumulit na dumungaw.
"Maria!!!"
"Ayoko namang ilihim sa'yo ang aking pagkatao at blah, blah," patuloy sa pagpapahayag ang binata subalit ni hindi maintindihan ni Maria dahil natuon ang pansin ng dalaga sa kanyang kaibigang panay ang pangangalabit.
"Pinkie 'wag ka munang mangulit--"
"Si Kumando at ang hukbo!" singhal ni Pinkie na ikinagulat ni Maria na kinalaunan ay nilingon ang tinuturo ng kaibigang diwata.
"Alam mo Maria, simula ng makilala kita hindi na nawala ang imahe mo sa'king isip, kaya ayokong pakawalan ang pagkakataong...i--to" nang humarap si Leopoldo ay wala na'ng babae sa kanyang likuran rason upang makaramdam ng pagkabahala ang prinsipe.
"T-Teka? Maria?"
"Maria!"
Hinanap ni Leopoldo ang dalaga hanggang sa matanaw itong sumisiksik sa pulutong ng Emeritian dahilan upang halos takbuhin ng prinsipe ang kumpulan, kapagkadaka'y isa-isang itinulak ang mga naroroon, ngunit bigo itong maabutan ang dalaga.
Malungkot na bumalik si Prinsipe Leopoldo sa nakatindig na unicorn sa hindi kalayuan, upang mapilitang bumalik sa Burgandia na ang tanging nararamdaman ay kabiguan..
"Hindi ko siya naisama sa aming palasyo, kaibigan." nalulumbay na isinuot ang armor at muling lumulan sa unicorn.
BURGANDIA-Doryang Hilaga
Hingal na hingal ang dalawang magkaibigan habang papasok ng kastilyo ngunit mula sa bulwagan ay nahihintakutang sinalubong ni Wanda si Prinsesa Maria Crex.
"Apong Emeritus! Nariyan ka lamang pala prinsesa! Kaninang-kanina pa nababahal ang iyong ama't ina dahil hindi kita naabutan sa'yong silid. Saan ka nagtungo?" anas ng Dama.
Sumulyap si Pinkie kay Prinsesa Maria upang pabulaanan ang paliwanag na maaaring makapagpatigil sa tagapangalaga.
"Prinsesa Maria?" muling tanong nito.
"Uhm, d-diyan lamang sa hardin."
"Sa hardin? Saan sa hardin? Inutos ni Haring Beundia na halughugin ang palasyo o maging ang bulwagan ng Burgandia. Tumungo si Kumando at ang hukbo sa ilang bahagi ng ating nasasakupan..." paliwanag nito.
"Ah, W-Wanda, pumunta lamang ako sa kakahuyan p-para mamasyal. Ang mahalaga narito na kami ni Pinkie."
Tumingin si Wanda sa diwata, rason upang magtago ang kaibigan sa'king bulsa para hindi na magpaliwanag sa Dama.
"M-Mabuti naman at hindi ka naligaw Prinsesa. Bumisita nga pala ang hari at reyna ng Harandia kasama ang kanyang tatlong anak na lalaki, ngunit nababahala rin ang angkan ng Harandia sapagkat tila naligaw na yata ang panganay sa pasikut-sikot ng palasyo."
Tahimik na sumunod si Prinsesa Maria Crex sa kanyang Dama ngunit di maiwasang mapakunot-noo dahil sa narinig mula kay Wanda.
'Gaano ba kawalang direskyon ang buhay ng prinsipeng iyon upang mawala sa loob ng Burgandia. Isang mahinang klase!'
Umismid sa mga iniisip ukol sa panganay ng Harandia ngunit nanatili na lamang na tikom ang bibig habang papasok sa loob ng beranda. Nadinig ni Maria ang kumosyon sa loob hanggang sa tuluyang tumungo roon.
"Prinsesa Maria Crex!" tawag ng reyna.
Lumingon ang anim na pares ng mga mata sa bulwagan saka inanyayahan upang magbigay-galang sa mga naroroong Emeritian.
"Magandang alasdos mili-segundo ng hapon po sa inyo." yumukod ng bahagya ang prinsesa saka umupo sa bakanteng upuan.
"Napakayumi ng iyong anak Buendia. Sayang at tila naligaw si Leopoldo sa iyong palasyo ni hindi niya nasilayan ang ganda ng iyong prinsesa." papuri ng hari.
"Salamat Cantor. Saan ka tumungo iha? Wala ka raw sa iyong kama ayon sa Dama?" may pagtataka ang hari.
"Uhm, ah.."
"Huwag mong sabihing nagtungo ka na naman sa Doryang Sila--"
"Hindi po ina! Uh, namasyal lamang po kami ni Pinkie sa kakahuyan." muling yumuko sapagkat nakararamdam ng hiya sa mga panauhin. Samantala, lumapit ang batang prinsipe sa kinauupuan ni Maria saka itinukod ang kamay sa tuhod at tinitigan ng maigi ang diwatang nakalagay sa kanyang bulsa.
"Isang laruan o diwatang maliit?" tanong nito.
"Ah, si P-Pinkie, kaibigan ko." kinuha ni Maria ang diwata sa bulsa saka iniharap sa nakababatang prinsipe rason upang magtago sa pakpak si Pinkie dahil tinititigan ito ng maigi ng binatilyo.
Tinatapik-tapik ng diwata ang kanyang namumulang pisngi, rason upang hindi maiwasang mapangiti sa kilos ng kaibigan habang kaharap ang totoong prinsipe.
"Ricardo, baka mapisil mo ang kanyang kaibigan. Umupo ka na..." saway ng mas nakatatandang kapatid.
"Bakit kasi wala sa'ting diwata Kuya Arnulfo. Sila pala'y magaganda at makikinis." inosenteng papuri ni Ricardo na siyang malaking dahilan upang magtawanan ang lahat maliban kay Pinkie na lumipad palayo sa prinsipe at muling sumiksik sa loob ng bulsa ni Maria.
Hindi mapigilan ni Maria'ng matawa sa pagiging bokal ng bunsong anak ng Harandia ngunit natigil ang lahat ng mayroong sumingit sa usapan.
"P-Pasensiya na ama't uh ina!" tila hingal na hingal ang nagsalita mula sa likuran kung saan nakahambala ang entrada ng beranda.
"Kuya Leopoldo!" tawag ng mas nakababata.
"Saan ka nagtungo? Ipinahahanap ka tuloy sa mga kawal sapagkat nag-aalala silang hindi ka nakarating sa palikuran. Kumusta ang iyong tiyan mo? Hindi ka ba nagkalat sa palasyo?" sunud-sunod na tanong ng isang prinsipe.
Natigilan ang lahat maging si Maria ng makita ang lalaking tinawag na Leopoldo. Dumako ang mga mata ni Maria Crex kay Pinkie na halos kusut-kusutin ang mata dahil hindi rin yata makapaniwala.
"P-Pasensiya na sa inyong--la-hat.." nahinto ang mga mata ng binata sa gawi ng prinsesa tila gano'n rin ang naging reaksyon gaya ng sa dalaga.
"Kuya, isara ang bibig." hagikgik ni Ricardo
"H-Ha?"
Bahagyang tumikhim si Haring Buendia dahil sa hindi matawarang tingin ng binata sa kanyang anak.
"Prinsipe Leopoldo, ipinapakilala ko ang aking nag-iisang anak na si---
"Maria Crex Burgan--dia." hindi pa rin matanggal ang mga mata sa prinsesa ngunit inilahad ang kamay kahit nangingiming tanggapin ni Maria ang nakalahad na palad subalit bilang respeto sa panauhin ay tinanggap ng dalaga.
"I-Ikinagagalak kitang makilala L-Leopoldo H-Haran--dia."
Nagtagal ng ilang sandali ang aming pakikipagkamay habang paulit-ulit na kinukumpas ang magkadaop na palad. Natigil lamang ng ilang mili-segundo ang mahikal na pagkakataon ng sumulpot sa bulwagan si Kumando at ang mga hukbo.
"Haring Buendia, hindi po namin makita ang prinsesa sa--" natigilan si Kumando nang makita si Maria.
Mababakas sa pinunong tila nabunutan ng tinik nang matagpuan ang hinahanap na prinsesa sa mismong beranda kapagkadaka'y, muling nagpaalam ang mga kawal upang gampanan ang tungkulin sa palasyo.
"Mukhang magkakaroon ng galos ang palad ng aking anak, iho?"
"Po?"
Bumalik ang mata ni Leopoldo sa magkadaop na palad saka nakukuryenteng binitiwan ang kamay ni Maria.
"Kuya mukhang hindi na panaginip," bulong ni Arnulfo nang makaupo si Leopoldo sa katapat na mesita subalit hindi pa rin maalis ang mha mata sa prinsesa.
"Tumahimik ka kung ayaw mong isiksik kita sa bangungot ko, Arnulfo!" singhal nito na ikinatawa ng kapatid.
"Kuya maaari ba tayong manghuli ng diwata sa Galadia. Gusto kong magkaroon ng ganyan katulad kay Ate Maria Crex." inosenteng hiling ni Ricardo saka walang tigil sa kakangata ng matamis na sayap.
'Prinsesa Maria Crex Burgan--dia.' napangiti ang prinsipe sa kakatwang kapalaran.