KABANATA 5.1

4282 Words
GALGOTHA- Doryang Timog "AAAH!" hiyaw ni Juantorio dahil sa kanyang mga narinig sa masugid na espiya sa Burgandia. Pinatakan ni Juantorio ng katas na nasa botelya ang inumin ng lalaking 'yon noong kaarawan ni Maria Crex upang makatulong din sa pagmamanman sa palasyo o magkaroon ng mata sa mga nangyayaring aktibidades sa loob. Ayon rito'y dumalaw ang angkan ng Harandia at nagpakilala ang panganay na prinsipe ni Haring Cantor. "Hindi ako makapapayag Kudyamat! Bakit sumulpot ang lalaking iyon para sirain ang aking mga balak!" kitang-kita ang namumutok na ugat sa leeg ni Gladi dahil sa matinding poot. "H-Hindi siya mananalo sa'yong kakayahan mahal na hari..." mababakas ang takot sa mga naglalakihang mata nito. Pabalik-balik ang lakad ni Juantorio sa tapat ng kanyang trono saka humugot ng espada sa tauhang malapit sa lalaki. Kapagkadaka'y ibinato ang armas sa pinakamalayong pinto mula sa dulo ng palasyo. Nagkaroon ng malaking bitak ang pintuan rason upang mas mahintakutan ang mga Emeritian sa kinalabasan ng kanyang poot. "Walang makahahadlang sa'king pananakop sa Burgandia! Naiintindihan mo Kudyamat!?---WALA!" Inihagis ni Juantorio ang itim na bangang nakasalansan malapit sa kanyang trono. Halos mapatalon sa takot ang engkanto saka tuluyang naglaho dahil sa pagkasindak na nararanasan sa lalaki. Nakakuyom ang kamao ng masamang hari, ngunit kinalauna'y sumilay ang kanyang mapanganib na ngiti dahil sa lihim na tumatakbo sa isip. "KUDYAMAT!" tawag ng binata saka inilibot ni Juantorio ang mga mata upang hanapin ang alagang engkanto. "KUDYAMAT, MAGPAKITA KA!" may bahid inis ang boses ngunit napawi lamang iyon ng lumitaw ang alaga sa gilid, tila hindi makalapit sapagkat nakakaramdam pa rin ng lubos na hindik. "A-ano po iyon, P-Panginoon?" sadyang nauutal. "Humanda ka, pupunta tayong Burgandia, ora mismo." simpleng saad ni Juantorio saka umalis sandali sa trono upang marahil ay makapagbihis. BURGANDIA-Doryang Hilaga Hanggang ngayon ay hindi pa 'rin makapaniwala ang prinsesa'ng posible ang tinatawag nilang "Hanatad" na minsang ibinibigay pahintulot ng mga axis at ni Emeritus sa kanyang mga nilikha sa ibabaw ng Emerit. Kasalukuyang nakatingala si Maria sa makinang na Hantala at binalik-balikan ang mga oras na kasama ang prinsipe ng Harandia. Iniisip na makikita ang makisig na binata kapag nagbagong hugis ang Hantala. Tila nananabik ang kanyang puso sa muli nilang pagkikita. Kumalumbaba ang prinsesa saka umusal ng mga salitang nagsasabi nang kanyang tunay na nararamdaman sa ganoong kadaling panahon. "Ehem, iniisip mo siguro ang binatang taga-Harandia 'no?" tinukod ni Pinkie ang dalawang palad sa kanyang tuhod saka ginaya ang ayos ng kaibigan. "Sinong hindi mamamangha sa mga nangyari kanina Pinkie?!" natatawa sa epikong ekspresyon ni Leopoldo. "Kitang-kita kong masaya kang kausap ang prinsipe ng Harandia." tila nangangarap din ang kaibigan kapagkadaka'y tumingala sa Hantala ang diwata. "Kitang-kita ko ring halos mamula ang iyong pisngi dahil sa nakababatang kapatid ni Prinsipe Leopoldo, Pinkie." sinabayan nang pilyang hagikgik ng dalaga. Nanlaki ang mga mata ni Pinkie at halos mamula ang mukha na sadyang kaparehas ng sinas. Ang sinas ay isang prutas na sadyang matatagpuan sa Galadia, na siyang tumutubo tuwing panahon nang ani ngunit ang naturang bunga ay nagtatagal lamang ng halos labindalawang mili-segundo bago pa muling bumalik sa pagiging hilaw. "H-Hindi totoo 'yang sinasabi mo p-prinsesa.." nabubulol ang kaibigan ni Maria kalauna'y tumalikod sa gawi ng prinsesa. Tinigil ng dalaga ang kanyang pambubuyo kay Pinkie at ipinagpatuloy ang masuyong pagtanaw sa Hantala. "Prinsesa Maria, paano nga pala si Prinsipe Leon? Paano kung matalo si Prinsipe Lepoldo? Ibig bang sabihin no'n ay magpapakasal ka sa pinuno ng Astramos?" biglang isiningit ni Pinkie ang kanyang hinaing. 'Bakit hindi ko naisip na dalawa pala silang magtutunggali upang makamit ang trono?' Bahagyang nabagdan nang takot ang puso ni Maria dahil sa mga tanong ng kaibigan, miski ang prinsesa'y hindi matarok ang magiging sagot o resulta. 'Bukas na Maria...bukas na ang itinakda ni Ama upang subukin ang mga prinsipe para sa trono ng Burgandia' Hindi maiwasang mabahala ang dalaga lalo't hindi maintindihan ni Maria ang disgustong nararamdaman para sa hari ng Astramos. Nagpasya ang prinsesang hindi sabihin ang nasasaloob subalit ang totoo'y napuno ng kakaibang takot ang kanyang puso. Matagal ang naging pagtitig ng dalaga sa makinang na Hantala at umusal nang dalangin kay Emeritus sapagkat tanging ito lamang ang nakakaalam ng magiging "Hanatad" sa susunod na pagbabagong anyo ng hugis diyamanteng ilaw sa kalangitan. KINABUKASAN, ay mabigat ang naging pakiramdam ni Maria dahil sa mga nakababahalang pangyayari. Hindi maiwasang mag-isip ng paraan kung paano madidismayang ipagpatuloy ni Leon ang kanyang balak na pakikipagtunggali upang makamit ang pamumuno sa Burgandia. Maya-maya'y naputol ang pagmununi-muni ng pumasok si Wanda sa silid, upang sabihing nakahanda na'ng mga magulang ng dalaga na kasalukuyang nag-uumagahan sa mahabang kumedor habang hinihintay ang paggising ni Maria. Samantala, sumigid sa utak ng prinsesa ang nabuong desisyon na sabihin kay Haring Buendia ang niloloob ukol sa pagkakaroon ng tatlong pagsubok para lamang mapatunayan kung gaano sila kaseryoso sa pamumuno sa isang palasyo. Puspusan ang pagmamadali ng prinsesa upang saluhan ang mga magulang at sabihin sa kanila ang totoong nilalaman ng puso. Alam ni Maria sa sariling pagbibigyan ng ama ang anumang hilingin lalo't tungkol sa Burgandia. 'Si Leopoldo ang gusto ko Ama...' Habang-lakad ay ini-ensayo ng prinsesa ang mga sasabihin sa magulang, nang sa gayon ay di na maging sagabal ang pagpili ng mapapangasawa kung sakali mang dumating ang itinakdang oras ng pagpapataw nang kapangyarihan sa bagong mamumuno. Nang makarating sa harap ng malaking bulwagan bago ang hapag ay inipon ni Maria ang tapang saka malalim na bumuntong-hininga upang hindi makaramdam ng kaba. Tuluyang pumasok ang prinsesa sa loob ng kumedor at akmang babatiin ang mga magulang ngunit nanlaki ang mga mata sa di inaasahang kasalo sa hapag. Sumulyap si Maria sa lalagyanan ng mga prutas kung saan kasalukuyang nakaupo si Pinkie at tila hinihintay rin ang pagdating niya. Mababakas ang pagkabahala sa reaksyon ng diwata habang nagpapalipat-lipat ang paningin sa gawi ng prinsesa at sa hindi inaasahang panauhin. "Iha, mabuti at nakapaghanda ka upang saluhan ang iyong bisita," pambungad na bati ni Haring Buendia sa dalaga, habang nakaupo sa panggitnang pwesto ang matanda samantala, nasa kanang bahagi naman ang inang reyna at matamang nakikinig sa kanyang asawa. "H-hindi pa ito ang itinakdang oras nang paghihirang sa mga prinsipeng susubok, bakit--" nanatili si Maria'ng nakatayo sa tapat ng malawak na hapag. "Gusto ko lamang maging maagap, mahal na prinsesa." ngumisi si Leon at tumayo sa kinauupuan saka lumapit sa dalaga. Inilahad nito ang kamay upang alalayan si Maria'ng umupo sa isa sa mga magagarang silya. Napilitang abutin ni Maria ang kamay ni Prinsipe Leon, kung saan nakaramdam ng matinding pagkailang ang dalaga lalo nang maramdaman ang kakaibang pagpisil ng lalaki sa palad, rason para mabilis bawiin ng prinsesa ang pagkakahawak dito. Mabuti na lamang ay hindi nahalata ng mag-asawa sapagkat papaupo na rin naman si Maria. Sumulyap ang dalaga sa Dama'ng kasama ni Leon, hindi maipaliwanag kung bakit nakadarama nang takot sa lalaking kasama ng prinsipe sapagkat kakaiba ang laki ng kanyang mata kumpara sa mga normal na Emeritian. Nahalata siguro nitong pinagmamasdan siya ni Maria, dahilan upang gumuhit ang ngisi sa labi ng lalaki, subalit mas lalo lamang nadagdagan ang takot ng dalaga nang makita ang medyo may kahabaang pangil nito kaya umiwas kaagad ng tingin ang huli. "Hindi mo ba nagustuhan ang mga dinala kong pagkain, prinsesa?" putol ni Leon sa mga iniisip ng dalaga. "Saan mo nakuha ang mga ito..uhm ang ibig kong sabihin, mukhang marami yata ang iyong dinala sa palasyo." nangingiming saad ni Maria. "Para iyan sa'king mapapangasawa--" "Hindi pa. Nais ko lamang itama ang iyong mga sinasabi, sapagkat hindi mo pa napapatunayan ang iyong sarili." hindi mapigilang mainis ni Maria sa hanging dala ni Prinsipe Leon sa kanyang mga salita, subalit natigil ang namumuong tensyon ng bahagyang tumikhim ang hari. "Uh hija, hindi natin alam kung papayag ang mga magulang ni Prinsipe Leopoldo sa'king mga pagsubok na inihanda." "A-Anong ibig ninyong sabihin, ama?" Nangatal ang labi ni Maria sa mga tinuran ni Haring Beundia ukol sa maaaring hindi pagsulpot nang prinsipe ng Harandia, sapagkat imposible ang ipinapagawa ng ginoo sa mga nag-aasam na mamuno sa Burgandia. "Ang ibig sabihin ng iyong ama'y baka naduwag ang prinsipeng sumubok o humamon sa'king kakayahan. Kaya hindi magtatagal ay--" "Hindi ako naniniwalang 'di siya tutungo!" singhal ng dalaga sa panggagatong ni Leon kaharap ang sariling magulang. Bahagyang nagulat ang mga ito sa naging gawi ni Maria, dahil minsan lamang humulagpos ang inis sa dalaga. Nangyayari lamang iyon kadalasan kapag hindi gusto ng prinsesa ang mga nangyayari sa paligid, subalit ipinagkibit-balikat lamang ng dalawa. Samantala, makikita sa reaksyon ni Prinsipe Leon ang dumaang tagumpay sa kanyang mga mata. May kislap na hindi maipaliwanag ang mga ngiting iyon ngunit hindi nais ni Maria'ng ipahiya ang kapwa Emeritian, kung kaya nanatiling limitado ang naging pagtanggap sa posibleng maririnig mula sa hari. "Ama, hindi ba pwedeng ipadala mo si Kumando sa Harandia upang alamin kung anong lagay nila?" pagbibigay suhestiyon ng prinsesa. "Ngunit hindi ba, masyado yatang nakakababa sa p********e, kung ikaw mismo ang mag-uutos sa mga kawal na sunduin ang prinsipeng naduduwag?" may bahid sarkastiko ang salita ni Prinsipe Leon. "Tama si Prinsipe Leon, iha. Maaaring makasira sa imahe ng kahit sinong dalaga ang ipilit ang kanyang sarili sa mga lalaki. Mayroong mga nagkalat na makikisig na binatang malaki ang interes sa'yong puso, iha." Hindi nakakibo ang dalaga dahil sa panghihimasok ni Prinsipe Leon sa usapan lalo pa't halatang dinidiga nito ang sarili upang mas mapalapit sa hari. 'Naniniwala akong darating si Leopoldo.' Malaki ang agam-agam na bumabalot kay Maria ngunit kinakailangan niyang tanggapin kung hindi man dumating ang binata. GALADIA- Doryang Silangan "Haraya! Haraya!" tawag ni Datuwana ang isa sa mga matatandang diwata sa nasasakupang lugar ng bantay-talon. Bumukas ang malaking bulaklak kung saan madalas magpahinga ang engkantada. Katatapos lamang kasi ng kanilang ikapitong ani sa loob ng dalawang minuto. Ang mga ito'y ilalagak sa ordinaryong pamilihan upang maging imbak ng mga Emeritian sa mga daraang minuto. Ang Doryang Silangan ang naatasang lumikha ng makakain, magbantay sa mga imbak upang hindi maubusan ang buong Emeritian. Hindi maikakaila na ang kalupaan sa Silangan ay mayaman sa mga natural na pangangailangan sapagkat hindi kailanman naging pabaya si Questas. Ang kanyang ugat ay umaabot hanggang dulo nang Doryang Silangan upang ang lahat ng mga puno'y mamuhay ng malago o mayabong. "Haraya! Gumising ka!" muling sigaw ng pinunong diwata. "Anong iyong sadya, Datuwana?" kinusut-kusot ng bantay-talon ang kanyang mga mata bago tuluyang sumulyap sa nag-aalalang mukha ng pinuno. "Gusto kong makita mo ang mga ito..." inilahad ang mga sinas at ilang prutas na makikita sa kakahuyan ng Galadia. "Anong kakaiba sa mga prutas na iyan, Datuwana? Wala akong nakikitang masama o kung anupamang kakaiba?" saad ni Haraya. "Tikman mo, Haraya!" Dinala ni Haraya sa kanyang bibig ang mga prutas ngunit nag-aalinlangang kinagat ang ilang inaning sinas sa gilid ng talon. Doon nanlaki ang mga mata ng engkantada sapagkat hindi iyon ang totoong lasa ng mga prutas. Ang bawat prutas ay mabilis tinikman ni Haraya at iisa lamang ang napansin sa kalidad nang mga bunga. Walang lasa, matabang habang ang mga sayap ay mapait. "P-Paanong nangyari ito?" anas ng bantay-talon. "Sa loob ng tatlong daang minutong namumuhay ang aming henerasyon ay ngayon ko lamang naranasan ang ganito, Haraya?" ipinakita ni Datuwana ang ilang mga prutas na sinas na sadyang hindi pa man namumukadkad ay tila nabubulok na. "K-Kailangan kong tumungo kay Questas upang alamin ang mga nangyayari sa kanyang patabang ugat." nababahalang saad ni Haraya sa diwata. "Hindi kaya ito na ang simula ng propesiya sa anak ni Buendia?" seryosong saad ni Datuwana. Saksi ang ilang matatandang diwata noong magpatawag ng pulong si Punong Questas upang bigyang babala ang mag-asawang Burgandia, bago pa man isilang ang kanilang nag-iisang anak na si Maria Crex. Si Datuwana ang kahuli-hulihang pinuno sa kanilang henerasyon at si Pinkie, na kaibigan nang prinsesa ang napipisil na papalit sa posisyon ni Datuwana sa paglipas ng ilang minuto. Kaagad kinuha ni Haraya ang kanyang baston saka nagbilin sa pinuno upang bantayan sandali ang talon o maging ang mga diwatang naninirahan sa Galadia. May kalayuan ang gitnang silangan kung saan nakaugat ang punong si Questas. 'Ito na kaya ang simula ng propesiya? Kailangan mapigilan ang kasamaan ni Ulna at nang Galgotha!' BURGANDIA-Doryang Hilaga MATAPOS ang umagahan ay nagsimulang tumungo ang mag-asawa sa kanilang mga trono kasunod si Maria at maging si Pinkie. Hindi maialis sa dalaga ang pagkabahala lalo't mili segundo alas-dose ang nakatakdang oras kung saan i-aanunsiyo ng hari kung sino lamang ang maaaring tumanggap ng hamon. "Pinkie, hindi ko gusto ang nangyayari!" singhal ni Maria sa kaibigan subalit walang salitang namutawi sa bibig ng diwata. "Pinkie?" "Ha? A-Ano iyon, prinsesa?" tila wala sa sarili ang kaibigan rason para magtanong ang prinsesa ukol sa ikinakabahala ni Pinkie. "Ayos ka lamang ba?" "Ang totoo niyan prinsesa, nababahala ako sa'king natuklasan kanina sa kakahuyan ng Galadia." dinantay ni Pinkie ang mga kamay sa kanyang tuhod. "Maaari mo bang sabihin kung ano iyon?" "Nasa ika-pitong minuto ng aming ani kahapon ngunit natuklasan ni Tandang Datuwana na kakaiba pala ang lasa ng sinas at sayap na nanggagaling sa ugat ni Questas." "Ha? Paanong nangyari iyon?" Kumibit-balikat ang kaibigan ng prinsesa habang naiwan sa malalim na pag-iisip si Maria Crex dahil sa mga sinabi ni Pinkie. Hindi kapani-paniwala sapagkat lumipas na ang ilang minuto ngunit hindi nagbabago ang lasa ng mga prutas ni Questas. Paano na lamang ang ilang Emeritian na umaasa sa mga ani ng Doryang Silangan? Sinong may kagagawan nito? Naputol ang malalim na iniisip nang imbitahan ni Haring Buendia si Maria upang tumungo sa harapan ng trono, sapagkat bubuksan ni Kumando ang malaking bulwagan upang makapasok ang mga pulutong ng Emeritian at masaksihan ang pagpapataw ng ilang palatuntunin sa hamon. "Iha, maaari ka nang maupo," bulong ng inang reyna. "P-Pero ina--" naputol ang dapat sana'y pagtutol sa mga dapat mangyari. "Magsisimula na'ng pinakahihintay na anunsiyo sa buong kaharian ng Burgandia!" ayon sa taga-balitang naatasan upang basahin ang nilalaman ng isang kapirasong papel na sadyang gawa sa dahon ng kamarilyo. Halos magkandahaba ang leeg ng prinsesa at sinisipat kung naroroon ang prinsipe ng Harandia, ngunit tila totoo nga yata ang sinabi ni Haring Buendia. Nanlumo si Maria sa mga negatibong pag-iisip ukol sa hindi pagsulpot ng lalaki rason para tanggapin na lamang ang "Hanatad" na kasasapitan sa kamay ni Prinsipe Leon ng Astramos. Bumuntong-hininga at yumuko upang pagtakpan ang kalungkutang nadarama dahil sa mga nangyayari. Tuluyang nagsipulasan ang mga Emeritian sa loob ng kastilyo upang mapakinggang maigi ang mga seremonya ng pagpapataw sa mga prinsipeng kalahok, subalit tanging si Prinsipe Leon lamang yata ang tumanggap ng hamon dahilan upang makaramdam ng takot. Bahagyang tinapik ni Pinkie ang balikat ni Maria upang aluin sa kasawiang nadarama ng prinsesa. Sumulyap ang dalaga sa gawi ng lalaking taga-Astramos. Makikita sa kanyang mukha ang pagiging bilib sa sarili habang minamasahe ni Kundiman ng pakunwari ang balikat nito. 'Emeritus, kailangang makita ko si Prinsipe Leopoldo. Nakikiusap ako sa'yo bilang ikaw ang may hawak ng buong aksis ng Emerit' mahinang usal ni Maria Crex. Mainam na inilahad ng tagapagbalita ang hawak na kamarilyo saka bahagyang hinagod ang lalamunan upang basahin nang tuluyan ang nilalaman nito. Samantala, halos mahigit ng mga Emeritian ang kanilang hininga habang hinihintay kung sino ang hihirangin na posibleng susunod na mamuno sa Burgandia. "Ayon sa nakasaad..eherm sa kasulatan ni Haring Buendia--" HARANDIA-Doryang Kanluran "Prinsipe Leopoldo, tulungan mo 'ko! Kukunin nila ako. Nakikiusap ako sa'yo!" ayon sa malabong balintataw ay hawak ng mga taga-Galgotha ang magkabilang bisig ni Maria. "Hindi ako makapapayag, prinsesa!" hinugot ni Leopoldo ang kanyang espadang ipinamana ng kanyang mga ninuno. Ang sandata'y hindi kailanman nabigo pagdating sa pakikipaglaban sapagkat ito ang sadyang nagligtas sa bawat salinlahi ng Harandia, gayunpama'y ibinabahagi ang armas sa unang anak sa bawat oras na nagdaan sa kanilang natatanging angkan. Akmang isusulod ni Leopoldo ang kanyang espada sa mga kawal ng Galgotha nang makarinig ng malakas na boses rason upang mapabalikwas ang prinsipe mula sa pagkakahimbing. Buti na lamang ay panaginip lamang ang mga ganoong pangyayari, ngunit nang mabalik sa reyalidad ay tumalim ang mata ng binata sa kung sinong hunghang na Emeritian ang nambulabog sa kanyang pagtulog. "Arnulfo! Anong ginawa mo? Hindi ka ba marunong gumalang sa pamamahinga ng iba, ha?" magkasalubong ang kilay na sita sa pilyong kapatid. Nameywang ang lalaki saka inabot ang sayap na sadyang nakahain sa mesita. Kinagatan ni Arnulfo ang prutas ngunit iniluwa rin ng kapatid saka pinunasan ang bibig. Mahahalatang hindi nagustuhan ang lasa subalit hindi iyon ang mas dapat isipin. Kailangan ni Prinsipe Leopoldo ang mahabang paliwanagan mula sa binata sa pambabastos na naranasan mula kay Arnulfo. "Pwe, hindi ko malaman kung bakit gustung-gusto ito ni Ricardo." komento ng prinsipe kapagkadaka'y inilapag sa mesita ang prutas. "Huwag mong iliko ang usapan! Ano't hindi ka muna kumatok at magpaalam! Hindi ba't itinuro ni ama ang magandang asal, Arnulfo?" tinapangan ni Leopoldo ang kanyang tinig upang mabahag kahit papaano ang buntot ng kapatid. "Puwes, pasalamatan mo 'ko dahil ginising kita. Baka nakakalimutan mo, mahal kong kapatid kung anong araw ngayon? O baka naman masyado kang nahalina sa ganda ni Prinsesa Maria." itiniklop ang bisig malapit sa kanyang dibdib saka humarap sa prinsipeng nakakunot-noo. "Bakit hindi mo diretsahin ang mga sinasabi mo?" halata ang inis sa ekspresyon ng prinsipe. "Tsk, tsk, mukhang magiging matandang binata ang aking mahal na kapatid sa pagtuntong ng mili-segundo alas dose..." umiling-iling si Arnulfo saka humarap kay Leopoldo'ng halatang natigilan din sa mga sinasabi nito. Bumalikwas ng tayô ang prinsipe nang makita ang hugis diyamanteng orasan sa kanyang silid. Halos mili-segundo alas onse nakatutok ang kamay ng kanilang relo, rason upang mataranta ang lalaki sapagkat ngayon ang araw ng paghihirang. "B-Bakit ngayon mo lamang sinabi!!!" nanggagalaiti ang prinsipe habang isinusuot sa iisang paa ang kanyang pansapin ngunit muntik pang matumba. "Salamat, mahal kong kapatid!" ani Arnulfo na may bahid na pambubuyo ang reaksyon. Umirap lamang si Leopoldo bago akmang lalabas sa kwarto subalit muli itong pinigilan ni Arnulfo. "Hep! Nakalimutan mo 'to!" hawak ng kapatid ang kapa ng binata maging ang espadang nakapatong mismo sa trahe. Nagmamadaling hinablot ng prinsipe ang mga kagamitan bago tuluyang lumabas ng sariling silid. Samantala, naiwang umiiling-iling si Arnulfo saka dumekwatro sa mismong gilid ng kama, subalit di sinasadyang mapatitig sa sinas na kanyang kinagatan kanina. Kumunot ang noo sa kakaibang kulay ng prutas matapos kagatin. 'Bakit kakaiba yata ang mga nabiling prutas sa Doryang Silangan?' Kinuha ng ikalawang prinsipe ang prutas at sinuring maigi ngunit bigla ring ibinalik sa mesa at kalauna'y lumabas mula sa kwarto ni Leopoldo. HINDI NA NAGAWANG bumati ni Prinsipe Leopoldo sa kanyang mga nadadaanang kawal o dama sapagkat ang tanging inaasam nito ay makahabol sa paghihirang sa Burgandia. 'Kailangang magmadali dahil baka tuluyang isara ang pakikilahok...' Halos ipaglaban ni Leopoldo sa mga magulang ang pagsali sa naturang hamon kahit tutol ang kanyang mga magulang, sapagkat delikado ang tatlong pagsubok ayon sa kanyang ama ngunit desidido ang binatang mapasakamay ang pag-ibig ni Maria, rason upang mapilitang bigyan nang basbas ni Haring Cantor at Reyna Penelope ang kanyang pasya. "Magandang umaga, Prinsipe Leopoldo!" "Magandang umaga, Mauricio!" "Anong gusto--" "Sa susunod na lamang tayo mag-usap, Mauricio." tinapik lamang sa balikat ang kusinero hanggang sa dumire-diretso ang prinsipe sa bahagi kung saan matatagpuan ang pahingahan ng mga dragonika. "Prrrt. Jedo!" Pumagaspas ang malalaking pakpak ni Jedo, wala pang ilang nano-segundo'y lumapag ang dragonika sa harapan ni Prinsipe Leopoldo. Hinipo ng binata ang ulunan ni Jedo saka sinipat ang kondisyon nito. "Ang gusto ko sana kaibigan, iyong takbong tulad ng mga unicorn sa Burgandia. Huwag mo 'kong bibiguin Jedo, dahil na sa'yo nakasalalay ang pag-aasawa ko." Umingit ang dragonika'ng tila naintindihan ang mga sinasabi ng prinsipe, kalauna'y nagmamadaling sumampa ang binata ngunit halos kasasampa pa lamang ng kanyang mga paa sa maliit na upuang nakalaan sa mga pasahero'y muntik nang mahulog si Leopoldo dahil bumulusok ang dragonika paitaas at sobrang bilis na pumagaspas ang mga pakpak na animo wala nang bukas. "Teka! Teka! Ahhh! Jedo dahan-dahan!" Muntik masubsob ang prinsipe ng biglang bumagal ang takbo ng dragonika. Tipong dahan-dahan lamang ang kanyang paglipad na medyo ikinalito ng lalaki. "Ugh, ang ibig kong sabihin kaibigan...iyong mabilis lamang at hindi sobrang bilis o sobrang bagal!" kumamot si Leopoldo sa ulo subalit tila naintindihan na yata nang dragonika ang kanyang sinasabi, dahilan para maging matiwasay ang paglalakbay patungong Burgandia. Ilang nano-segundo ang nakalipas bago pumatak ang mili-segundo alas dose ay tinakbo ni Prinsipe Leopoldo ang bungad ng Burgandia. Napakunot-noo ang binata ng walang maabutang Emeritian sa labas ng palasyo, kaya tinanaw nito ang nakabukas na malaking pintuan ng Burgandia. 'Hindi maaari...nandito na 'ko Maria.' Basta na lamang humatak ng unicorn ang prinsipe sa isang partikular na punong pinagtalian marahil ng ilang mga Emeritian habang dumadalo sa nalalapit na paghihirang. GALADIA-Doryang Silangan ILANG KIDLAT AT ULAN ang sinagupa ni Haraya sa himpapawid upang makarating sa ikapitong bundok kung saan nakatirik ang punong si Questas. Makikita ito sa gitna at sagradong bahagi ng Galadia na tanging mga engkantada lamang o mga pinuno ang nakararating dahil sa matinding kapangyarihan bumabalot rito. Nang matanaw ang naturang puno ay bumakas ang pag-asa sa mukha ng bantay-talon, hanggang sa tuluyang makarating si Haraya sa kinatitirikan ni Questas. "Punong Questas!" yumukod ang engkantada sa harap ng napakalaking puno. "Wari ko ang iyong sadya subalit si Questas ay di rin ligtas, dahil sa sakunang propesiya na nagbabadya sa'ting abang Burgandia." "Ang mga sayap, sinas, ang ilang pananim ay bakit nagkakaroon ng kakaibang lasa, Questas?" naguguluhan ang engkantada. "Sinas, sayap, at mga prutas; bunga ng aking mga ugat, subalit sa ilang minuto'y hindi kayang manukat, ang sugat na dala ni Ulna at ang sakim na Galgotha." gumagaralgal na boses ang maririnig ni Haraya, rason upang siya ay mabahala sapagkat hindi kailanman nanghina si Questas. "Kagagawan ito ng mga taga-Galgotha! Kailangang mabigyang babala ang hari ng Burgandia ngunit tila sarado ang kanyang isip sa banta ng trahedyang magaganap sa buong Emerit." saad ni Haraya. "Propesiya ay nalalapit, hindi malaman kung kailan sasapit ngunit ang tanging paraan ay umusal kay Emerit." malaking boses ni Questas ang umalingawngaw sa gitnang bahagi ng Galadia, hanggang sa tuluyang pumikit ang puno at mayroong nalanta na isang dahon sa kanyang mayabong na sanga. Nagmamadaling pinulot ni Haraya ang nalagas na dahon saka sinuri ang unti-unting pagkawala ng kinang nito. Sa loob ng ilang daang minuto ay hindi kailanman nalagasan ng dahon si Questas. 'Hindi 'to maari! Kailangang malaman ko kung kailan nagsimulang kumilos ang hari ng Galgotha! Bakit wala akong nakikitang gumagalang tauhan o espiya? Kilalang-kilala ko ang kanyang mukha...kilang-kilala ko si Juantorio Gladi mula ulo hanggang paa. Imposible' BURGANDIA-Doryang Hilaga "Ayun sa nakasaad..eherm..sa kasulatan ni Haring Buendia--" "Wohoo!hoo! Tabi!" umalingawngaw ang isang boses mula sa bulwagan ng pintuan rason upang magsipulasan sa gilid ang mga Emeritian. Humahangos ang isang unicorn kung saan nakasakay si Prinsipe Leopoldo'ng halos nakakapit na sa katawan ng unicorn at mariing nakapikit, marahil ay sa sobrang tulin ng takbo nito. Nang mapansin ng binatang pinipigilang matawa nang ilang Emeritian dahil sa kanyang ayos ay saka lamang nagmamadaling umayos ng upo ang binata at nagkunwaring seryoso upang makaligtas sa kakatwang sitwasyon. Bumaba si Leopoldo sa unicorn at lumakad sa gitnang bahagi ng palasyo upang magbigay galang sa naturang hari at reyna ng Burgandia. "Paumanhin po sa inyo kamahalan ng Burgandia at maging sa'yo Prinsesa Maria," "Eherm, maaari na sigurong ipagpatuloy ang pagbasa sa kasulatan ng hinihirang?" putol ni Prinsipe Leon na tila hindi maintindihan ang reaksyon sa pagdating ng prinsipe. "Tama si Prinsipe Leon, sige ipagpatuloy na ang nakasaad--" anang hari. "Pero ama?" "Gusto ko rin po sanang sumubok sa inyong mga hamon, Haring Buendia." pagboboluntaryo ni Leopoldo saka sumulyap kay Maria na halos nangangamatis ang pisngi dahil sa hiya. "Hindi maari ang sinasabi mo dahil halos huli ka na nang tumuntong sa palasyo estranghero." tutol ni Prinsipe Leon. "Sige, tagabalita ituloy mo ang kasulatan. Ako lamang ang nakahabol sa oras at sa katunayan, maaga pa kaysa sa kung sinong prinsipeng basta na lamang sumulpot o ni walang respeto sa oras." nagtatagis ang bagang ni Prinsipe Leon rason para basta na lamang hinablot ng lalaki ang kasulatan sa tagapag-balita upang siya na mismo ang umusal sa mga nakasaad doon. "Ayon sa kasulatan ni Haring Buendia, kung sakali mang iisa ang magiging kasalo sa patimpalak ay mag-isa niya itong gagawin sa abot ng kanyang makakaya," mayabang na ngumisi ang lalaki kapagkadaka'y ipinagpatuloy ang pagbabasa. Akmang susugod si Prinsesa Maria upang pagbawalan ang naturang binata subalit marahang pinigilan ni Reyna Crexia ang anak at tila sinasabing hayaan lamang ang lapastangang prinsipe. "Pangalawa, kailangang kompletuhin ang mga pagsubok at pangatlo, kung mayroon mang hahabol nang hindi naaayon sa nakatakdang oras ay bibigyang pagkakataong subukin din ang kakayahang malampasan ang hamon" bumagal sa pagbabasa ang prinsipe ng Astramos at bahagyang tinignan ang ilang mga Emeritian na sadyang nakatutok o nakikinig sa kanyang mga binabasa. Doon hindi makahuma ang binata at basta na lamang padarag na binalik ang kamarilyong papel sa tagapagbalita. "Sana'y malinaw ang aking mga kasulatan sa lahat ng Emeritian?" ngumiti si Haring Buendia saka binigyang pugay ang buong panauhin. "Ngayong humabol ang isa ring magiting na prinsipe'ng anak ni Haring Cantor at Reyna Penelope, hinihirang ko ang dalawang taga-hilaga'ng susubok sa aking mga hamon, upang magkaroon ng pedestal sa susunod na mamumuno sa kaharian ng Burgandia!" Bahagyang binangga ni Prinsipe Leon si Leopoldo bago lumuhod nang sabay ang dalawang binata. Samantala, walang pagsidlan ang tuwa sa mukha ni Prinsesa Maria sapagkat hindi siya makapaniwalang tinupad ni Emeritus ang kanyang hiling kanina lamang. "Mukhang nabunutan ka ng tinik, Prinsesa Maria?" pilyang ngiti ni Pinkie ngunit imbis sagutin ay kinurot lamang ng dalaga ang pisngi ng diwata. 'Ako ang premyo kaya dapat manalo ka' Hindi inaasahan ni Prinsesa Maria ang mga sumunod na ginawa ni Prinsipe Leopoldo habang nakayuko, palihim itong kumindat sa gawi ng dalaga na halos nagpagulo sa t***k ng kanyang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD