BURGANDIA-Doryang Hilaga
MATAPOS ANG NATURANG PAGHIHIRANG ay nagsipulasan ang mga Emeritian sa kanilang normal na gawain sa buong araw. Samantala, nagmamadaling bumalik si Prinsipe Leon at ang Dama'ng si Kundiman sa kanilang kaharian. Ayon dito'y kailangan niyang paghandaan ang unang pagsubok na gaganapin sa ikawalang pagkinang ng Hantala.
Nanatili ang prinsipe ng Harandia sa palasyo upang pormal na kausapin si Haring Beundia at magbigay galang sa kasalukuyang namumuno, sapagkat pinagkalooban ang binata ng pagkakataong maihayag ang kagitingan ng Harandia sa pamamagitan ng tatlong pagsubok na inihanda ng ginoo.
Matamang nakikipag-usap ang lalaki sa ama ni Maria ngunit walang puknat ang kanyang mga mata sa kakasulyap sa prinsesa. Naging dahilan ito upang tumungo ang dalaga sa kanilang hardin upang magmuni-muni.
"Prinsesa Maria, mukhang ang lakas ng pag-ibig na nararamdaman ni Prinsipe Leopoldo para sa'yo."
Umupo si Pinkie sa ilang talulot ng mga ligaw na bulaklak sa hardin.
"Pinkie, huwag kang maingay dahil baka mayroong makarinig sa iyo!" nanlaki ang mga mata ng babae sapagkat isang malaking kahihiyan kung sakaling malaman ng mga naroroon sa palasyo'ng naatat sa presensiya ng binatang taga-Harandia.
Magkaharap ang dalawang magkaibigan habang nakadapa ang babae at nakadantay ang palad sa babà. Hinahawak-hawakan ni Maria ang mga talulot habang naghahayag ng mga saloobin.
"Wala namang tao Prinsesa, kaya ayos lamang na umamin ka." pilyong saad ni Pinkie sa kaibigan.
"Pinkie, ayoko munang magsalita ukol sa paghanga sa kanya. Basta ang tanging dasal ko kay Emeritus ay mapagtagumpayan ni Prinsipe Leopo--"
Nagulantang ang dalaga ng mayroong sumalampak sa kanyang tabi saka pabalewalang suminghap ng sariwang hangin. Kalauna'y tumingala ang binata sa kalangitan saka malamyos na ngumiti. Halos manlaki ang kanyang mga mata dahil tinitiyak ng dalagang narinig nito ang mga inihayag sa kaibigan.
"Salamat kung ganoon," anang binata mula sa kawalan.
Nagkatinginan si Pinkie at Maria dahil sa narinig mula rito. Singpula ng kamatis ang kanyang mukha nang humarap sa binata. Samantala, nagtago ang kaibigan sa mga talulot ng bulaklak dahil ayaw niyang sirain ang kung anumang pag-uusap nina Prinsipe Leopoldo at Maria Crex.
"A-anong narinig mo sa aking mga s-sinabi?" sumungaw ang pilyong ngiti sa labi ni Leopoldo saka matamang humarap kay Maria.
"Uhm, sadyang tama lamang upang mapangiti mo, prinsesa."
Narinig ni Maria ang mahinag pagsinghap ni Pinkie mula sa loob ng bulaklak. Nanatiling natitigilan ang dalaga, nang tumayo si Prinsipe Leopoldo saka ilahad ang kanyang kamay sa harapan ni Maria.
"A-Anong--"
"Gusto ko sanang malibot ang buong Burgandia. Matuklasan ang ilang mga bagay na ipinagmamalaki ng kastilyo sa buong Emerit. Maaari mo ba kong samahan?" simpatikong saad ni Prinsipe Leopoldo.
"Ha? Ah-eh..." natatameme si Maria.
"Oo, prinsipe. Sasama si Prinsesa Maria sa'yo!" dagliang sumulpot ang maliit na diwata sa mga siwang ng bulaklak subalit kaagad ding nagtago matapos sabihin ang mga salitang hindi mabigkas ng prinsesa dahil sa nararamdamang kaba.
Tumawa lamang ang prinsipe at nanatiling nakatunghay ang palad sa harapan ng babae. Kapagkadaka'y nahihiyang tinanggap ni Maria ang alok nito saka tumayo malapit sa harap ni Prinsipe Leopoldo. Halos magdikit ang kanilang mga mukha nang di sinasadyang matumba ang dalaga mula sa pagbangon. Hindi maipaliwanag ng dalaga ang nagwawalang sistema dahil sa napakamaamong mukha ng binata.
"Eherm!" putol ng maliit na boses.
Magkapanabay na tumingin si Leopoldo at Maria kay Pinkie na halos mamula ang pagmumukha marahil sa nasasaksihang pag-iigihan ng dalawa. Mabilis pa sa alas-kwatrong lumipad ang diwata palayo sa tarangkahan ngunit dahil sa nakita'y halos mabaunggo sa ilang mga malalaking bulaklak ng Galaxia ang matalik na kaibigan ni Prinsesa Maria Crex.
"Magkita na lamang tayo mamayang pag-angat ng Hantala, Prinsesa Maria." panay ang kaway ni Pinkie kahit nahaharangan ng mga malalaking talulot nang bulaklak sa bandang likuran.
Umiiling lamang at natatawa nang magkapanabay sa naging reaksiyon ni Pinkie, hanggang sa muling magtama ang mga mata nila subalit si Maria Crex ang unang umiwas. Binawi nito ang palad mula sa pagkakahawak ng binata saka naunang lumakad palayo kay Prinsipe Leopoldo.
"Buong akala ko'y sasamahan mo 'ko Prinsesa Maria..." may himig pagtatampo.
"Anong itinatayo mo diyan kung ganoon?" ani Prinsesa Maria na kaagad namang nakuha ng prinsipe ang ibig sabihin nito.
Nagpaalam ang dalawa upang tunguhin ang ilang parte ng Burgandia ngunit sa kondisyong hindi sila marapt lumabas ng walang kasamang tauhan sa palasyo. Iniutos ng haring bantayan nang ilang kawal at ni Kumando ang pamamasyal ng dalaga at prinsipe.
GALADIA-Doryang Silangan
Patungo si Pinkie sa kanilang natatanging pahingahan ngunit ang ipinagtataka ng diwata'y tila tahimik ang buong Galadia. Nagmamadaling tinungo ni Pinkie ang pahingahan ni Datuwana, kung saan naghirang sa kanya upang tatayong pinuno sa kasalukuyang henerasyon ng mga maliliit na diwata.
"Datuwana! Datuwana!" tawag ni Pinkie ngunit nakapagtatakang walang sumasagot mula sa loob ng talulot.
Inilibot ni Pinkie ang paningin sa paligid ng mayroong matanaw na maliit na botelya.
"Ano 'to?"
Sinuring maigi ng diwata ang naturang bagay hanggang sa mapansin ang ilang naaning sinas at sayap sa gilid. Hindi karaniwang kulay ang kanyang napansin mula sa naturang mga prutas.
Nagmamadali niyang tinikman at kumpara noon ay mas lalong pumait ang mga ito. Sumilip ang maliit na diwata sa bawat talulot, kung saan kadalasang nagpapahinga ang mga kasamahang diwata, subalit wala roon ang halos karamihan sa kanyang lahi.
"Magsigising kayo!" kinalampag ang mga Galaxia at Kamarilyo hanggang sa dumungaw ang iilang diwata na halos mabibilang lamang sa daliri.
"Nasaan ang inyong mga kasamahan?" anas ni Pinkie ngunit nagtinginan lamang ang mga ito.
"Nasaan si Datuwana?" histerikal ang boses ni Pinkie sapagkat hindi maialis ang pag-aalala sa kanyang mukha sa maaaring nangyari sa karamihan ng mga diwata sa Galadia.
"H-Hindi namin matandaan ang lahat ng nangyari Pinkie. Ang tanging alam lamang namin ay, ay, ano nga bang nangyari kanina?" tanong nito sa katabing diwata.
Kumibit-balikat lamang ito.
Nanginginig si Pinkie at hindi mapakali sapagkat isang signos ang ganitong suliranin para sa kanya. Hindi pa sapat ang kanyang mga kaalaman upang panghawakan ang buong lahi ng mga diwata sa itinalagang henerasyon.
"Kailangang malamani Haraya ang pagkawala ni Datuwana!"
BURGANDIA-Doryang Hilaga
Nakasakay sa unicorn ang prinsesa at prinsipe upang maglibot sa kakahuyan ng Burgandia, patungo sa bungad-pamilihan sa harap ng palasyo. Hindi man lamang sila makakatungo sa ordinaryong pamilihan sapagkat naroroon ang mga kawal.
"Ano nga palang plano mo sa darating na pagsubok?" saad ni Maria.
Natahimik ang binata ngunit kaagad ding sumagot ng mayroong pagsuyo.
"Ang tanging gusto ko lamang ay mapagtagumpayan ang lahat ng iyon upang makasama ka Maria."
Hindi makapagsalita ang dalaga dahil sa hiya at kilig na nararamdaman sa mga inihahayag ni Prinsipe Leopoldo.
"Uh, eh mauuna lamang ako sa gilid ng b-batis!" kaagad pinatakbo ang unicorn sa gilid ng kristal na batis na nagdurugtong sa talon ni Haraya at Burgandia.
Samantala, nangingiti si Leopoldo sapagkat alam ng binatang umiiwas lamang ang dalaga sapagkat nahihiya ang huli. Itinali ng prinsipe ang sinasakyang unicorn sa isang puno saka sumunod kay Maria. Nasa malayo lamang ang mga tauhan, ngunit maiging nakamasid ang mga ito kasama ni Kumando'ng seryoso ang ekspresyon ng mukha.
"Iniiwasan mo ba 'ko?" ani Leopoldo.
"Hindi ah!"
Hindi lumingon ang dalaga saka tumungo malapit sa batis at bahagyang uminom. Karaniwang manamis-namis ang batis ngunit matapos malasahan ni Maria ay kaagad niyang iniluwa.
"Pwe!"
"Bakit prinsesa?"
"Bahagyang maalat yata ang aking panlasa?" nagtataka ang dalaga sapagkat hindi niya maintindihan ang mga nangyayari sa kanilang paligid.
"P-Paanong maalat?"
Sumalok ang binata at bahagyang ininom ang tubig, ngunit tulad ng dalaga'y iniluwa rin nito.
Nagkatinginan ang dalawa sapagkat alam sa bawat isang mayroong mali sa mga ito.
GALGOTHA-Doryang Timog
"MGA HANGAL!" halos dumagundong ang halakhak ni Juantorio sa buong kaharian ng malaman ang unti-unting paglason ni Ulna sa ilang lugar sa buong Emerit. Hindi man lamang nila napapansin ang ginagawang hakbang upang makuha ang pusong Elixir.
"Ilang panahon na lamang Kudyamat, mapapasakamay ko rin ang buong Emerit!"
"Paano ang prinsipe ng Harandia, panginoon?" singit ni Kudyamat.
Natigilan ang prinsipe saka marahas na lumingon sa alagang engkanto bago muling ngumisi ng mapanganib.
"At sa tingin mo ganoon ako kahangal upang Galadia at Burgandia lamang ang aking mapabagsak?"
"Ano pong ibig ninyong sabihin!"
Hindi sumagot ang lalaki imbis ay ipinagpatuloy ang malakas na pagtawa na siyang umalingangaw sa bawat sulok ng palasyo.
"Tulong! Tulungan niyo kami!" sigaw ng maliliit na boses mula sa bungad ng kanyang silid.
"Haraya!" sigaw ng kanilang pinuno mula sa pagkakakulong sa hawlang nilagyan ng mahika ni Ulna. Walang talab ang kahit anong kapangyarihan ng diwatang pinuno upang makalaya sa pagkakakulong. Hindi kailanman maririnig ng bantay-talon ang anumang tangis ng kanyang mga nasasakupan.
Magkasabay na humalakhak sina Juantorio at Kudyamat sa isiping nalalapit na ang tagumpay sa kanilang natatanging Galgotha.
GALADIA-Doryang Silangan
PABALIK-BALIK si Pinkie sa kanyang kinapupwestuhan sapagkat hinihintay ng maliit na diwata si Haraya'ng tumungo raw kay Questas upang alamin ang nagbabagong lagay ng Galadia. Maaaring makaapekto ang mga pangyayari sa kanilang susunod na ani. Magiging sanhi ito ng mas malaking suliranin kung magpapatuloy ang nakakabahalang lasa o pagkawala ng mga diwaata sa Doryang Silangan. Magkakaroon ng matinding tag-gutom kung hindi mapipigilan o malalaman ang pinagmulan nang naturang pagbabago.
Maya-maya'y lumapag ang baston na sinasakyan ni Haraya. Lumapit ang engkatandang kakikitaan ng pagkabalisa sa hindi malamang dahilan.
"Anong nangyayari rito? Bakit nakakumpol kayo sa'king pahingahan, Pinkie?" inilagak ni Haraya ang baston sa loob ng kamarilyo.
"Nawawala si Datuwana maging ang ilang mga diwata, Haraya. Tumungo lamang ako sa Burgandia sandali ngunit hindi na naabutan ang karamihan sa'king mga kasamahan. Di rin maalala kung sino ang may pakana ng kanilang pagkahimbing..."
Lalong nabagdan ng pag-aalala ang mukha ng engkantada.
"Nakita ko ang botelyang ito kanina." iniabot ni Pinkie ang maliit basyo ng sisidlan.
Matamang kinuha ni Haraya at sinuri ang laman. Mayroong kaunting lilang likido na hindi karaniwan sa kanyang paningin.
'Hindi kaya...'
Mayroon nabuong hinala sa utak ng naturang bantay-talon, rason para kunin ang kauna-unahang dahong nalanta sa puno ni Questas. Dahan-dahan niyang ipinatak ang natirang laman ng botelya sa ibabaw nito. Kapagkadaka'y unti-unting lumitaw ang negatibong epekto dahil naging mabilis ang pagkalat ng lason na siyang dahilan upang tuluyang malanta ang dahon ni Questas.
"Isang lason!" bulalas ni Haraya na ikinasinghap sa takot ng mga diwata.
"Saan manggagaling ang botelyang iyan?"
"Iisa lamang ang tanging alam kong may gawa nito."
Bahagyang tinitigan ni Haraya ang botelya ngunit hindi na muling nagsalita kung kaya nahulog sa pag-iisip ang ilang mga diwata.
'Kailangan kong alamin kung paano kokontrahin ang lasong ipinakalat sa ibang parte ng Galadia!'
"Pinkie," maawtoridad na tawag ng engkantada.
"A-Ano iyon, Haraya."
"Napapanahon na upang tumindig ka sa inyong lahi, sapagkat wala ni isang magbabantay sa mga diwata. Kailangan nating gumawa ng paraan upang mahanap ang inyong mga kalahi at maging si Datuwana."
Mayroong takot na lumukob sa puso si Pinkie, ngunit mariin siyang pumikit at tinanggap ang kanyang kapalaran bilang magiging panandaliang pinuno ng kanilang henerasyon.
"M-masusunod, Haraya."
"Habang wala ako'y kailangan mong pangasiwaan ang matagumpay na ani sa unang kinang ng Hantala. Inaasahan ko ang iyong responsableng pamumuno."
Hindi malaman ni Haraya kung saan siya magsisimula sa paghahanap ng ilang sangkap upang maagapan ang lasong ikinakalat sa mga ugat ni Questas.
"Pinkie, inaasahan ko rin ang iyong kooperasyon upang makakuha kahit ligaw na bulaklak ni Narsus."
Natulala si Pinkie sapagkat hindi biro ang pagkuha sa iniingatang bulaklak ni Narsus. Maaaring magwala ang engkantada sa Timog Galadia, kapag nalaman niyang mayroong pumitas ni isa man sa kanyang hardin.
"Maasahan ba kita, Pinkie?"
"S-Susubukan ko, Haraya" kalauna'y matapang na humarap ang maliit na diwata iilang kalahi upang bigyang paalala ang mga ito sa aning pinakahihintay sa unang kinang ng Hantala.
Burgandia-Doryang Hilaga
MATAMANG NIRIKISA ni Leopoldo at Maria ang ilang sinas na nalalaglag sa puno sapagkat kailangan itong malaman ng bawat palasyo maging ng Harandia.
Akmang pupulutin ang sinas ng magkasabay nilang napulot ang prutas. Doon natigilan ang dalawa at sadyang nagkatitigan animo walang gusto pumatid sa pag-inog ng kanilang sariling mundo.
"I-Ikaw na ang kumuha ng sinas na iyan," bawi ni Maria sa kanyang palad.
"Ayos lamang sa'kin kung ikaw ang makakuha..." anas ng prinsipe sa baritonong boses.
Maya-maya'y mayroong tumikhim mula sa bandang likuran, dahilan upang mabilis na sumulyap ang dalawa. Si Kumando'ng seryoso ang tabas ang mukha saka nakahalukipkip ang bisig malapit sa dibdib.
"Prinsesa, malapit na kayong maghapunan. At ayon kay Haring Buendia ay sandali panahon lamang pinapayagan ang prinsipe ng Harandia'ng makasama kayo." anas nito.
"Kumando, sandaling mili-segundo na lamang sapagkat mayroon lamang kaming nais idulog kay ama."
Panandaliang nag-isip ang pinunong kawal bago lumayo sa kanilang kinatatayuan.
"Anong ibig mong sabihin, prinsesa?" nang makalayo ang pinuno ay kaagad na tanong ni Leopoldo.
"Gusto ko sanang alamin kung anong nangyayari sa buong Emerit. Sadyang nakababahala ang pagiging mapait ng mga prutas sa ugat ni Questas, maalat na tubig sa batis at pag-itim ng mga sinas. Hindi ba sadyang nakababahala ang ganoon?" pahayag ni Maria.
"Anong binabalak mo?" nahuhulaan ng prinsipe ang tinutimbok ng dalaga.
Nagpalakad-lakad si Maria tila nag-iisip hanggang umaliwalas ang kanyang mukha.
"Alam ko na!"
"A-Anong alam mo na?" nagtataka si Leopoldo ngunit nanlaki ang mata ng binata nang hatakin ni Maria ang kanyang braso upang magtago sa mga kawal.
"A-anong gagawin natin?"
"Shh. Kailangan nating makatakas kina Kumando upang tumilak sa Galadia."
"Ha?!"
Tinakpan ni Maria ang bibig ni Leopoldo ngunit natigilan ang dalaga ng makapa ang malambot niyang labi kung kaya't parang napasong inilayo ng dalaga ang palad nito.
"K-Kailangan nating tumungo roon upang malaman kay Pinkie o Haraya ang mga ganitong suliranin." susog ni Maria.
"P-Pero ang sabi ng iyong ama..."
"Nakikiusap ako, hindi lamang ako mapakali kung..." si Leopoldo naman ang humarang sa kanyang labi upang patigilin, sa pamamagitan ng hintuturo., subalit gaya ni Maria ay tila napaso rin ang binata at kaagad inalis ang daliri.
"Kung gayon, ay sasamahan kita."
Sa sobrang tuwa ay niyakap ni Maria ang prinsipe na siyang dahilan ng pagkailang.
Maya-maya'y sandali silang naghunatahan at humanap ng tiyempo upang mawala sa mga paningin ni Kumando o ilang kawal. Hinintay nilang malibang ang mga ito sa pakikipagkwentuhan sa isa't-isa bago sila tumalilis sa direskiyon ng Galadia.
"Bilisan mo Prinsesa Maria Crex," magkahawak nilang nilusong amg batis ng hindi hinahayaang makita ng kawal.
"S-Salamat Prinsipe Leopoldo."
Hindi man sabihin ng prinsipe ngunit may pananabik ang binata, sapagkat ito yata ang magiging kauna-unahang paglalakbay sa Galadia upang makita ang ilang mahikal na nilalang sa kakahuyan ng Doryang Silangan.
Tuluyang nakaalpas ang dalawa sa mapagmatyag na kawal ng Burgandia. Hingal na hingal si Maria Crex habang umaahon sa batis. Magkahawak parin ang kanilang kamay na naging dahilan upang madulas silang sabay sa damuhan. Hindi sinasadyang mapaibabawan ng prinsesa ang binata na siyang dahilan upang magtagal ang kanilang sulyap sa bawat isa.
"Ah, uh salamat." mabilis inayos ni Maria ang laylayan ng kanyang bestida upang makatayo ng maayos. Samantala, pinagpagan ni Prinsipe Leopoldo ang ilang damong nadikit sa kanyang kasuotan.
"W-Walang anuman," nahihiyang iniwas ng binata ang tingin sa dalaga.
"Doon nga pala t-tayo lalakad." itinuro ng babae ang medyo masukal na daan patunong Galadia.
"S-Sino nga pala ang ating sadya--" napapalatak na saad ng prinsipe.
"Si Haraya." ani Maria Crex.
"Ang bantay-talon? Hindi ba't pinipili lamang ng engkantada ang kanyang kakausapin? Ayon sa aming kusinero na si Mauricio, minsan na niyang nakasalamuha ang bantay-talon ngunit ni isang salita'y wala siyang narinig mula rito."
Ipinagtaka ni Maria ang kinukwento ni Leopoldo na sadyang kakaiba sa Haraya'ng nakikipaglaro sa dalaga noong kabataan niya.
"Hindi ganoon si Haraya. Marhil ay nahihiya lamang ito sa sinasabi mong kusinero." humagikgik ang prinsesa.
"Nahihiya ang isang bantay-talon kay Mauricio?" inosenteng tanong ni Prinsipe Leopoldo na ikinailing ng dalaga saka hinatak nito lalaki papasok ng Galadia.
GALGOTHA- Doryang Timog
MAYROONG HAWAK NA sulo si Juantorio upang babain si Ulna mula sa sekretong daanan sa ilalim ng palasyo.
"K-Kailangan ba talaga nating katagpuing muli si Ulna, panginoon?" nahihintakutang saad ni Kudyamat.
"Tumahimik ka Kudyamat! Kailangan kong makuha ang gagamitin kong mahika para maungusan ang prinsipe ng Harandia."
Nagtataka ang alagang engkanto ngunit kumapit na lamang ng maigi sa kanyang amo.
Kalauna'y namasdan ni Junatorio si tandang Ulna'ng abala sa kanyang ginagawang mahika. Isinasalin nito ang kung anong likido sa isang maliit na botelya.
"Hihihi! Mukhang sabik ang prinsipe ng Galgotha sa matayog na tagumpay!" kahit nakatalikod ang matanda'y tila alam niyang bumisita si Juantorio.
Hindi parin natinag ang matanda sa paghahalo ng mga likido kahit ito'y naghahayag.
"Nalalapit na ang unang pagsubok, Ulna! Kailangan kong makalap ang likidong nilikha mo!" padaskol na pahayag ni Juantorio.
Itinaas ni Ulna ang isang botelyang naglalaman ng berdeng likido, tila pinaglalaruan lamang nito sa kanyang kamay.
"Masyado kang mapusok Juantorio. Kailangan mong mag-ingat, ngayong nadiskubre na ni Haraya ang lasong ikinalat ko sa Galadia." litanya ng matanda bago tuluyang ipinasa sa prinsipe ang botelyang hawak.
Nang mamasdan ni Kudyamat ang mukha ni Ulna ay dali-dali siyang nagtago sa likod ni Juantorio subalit sumisilip-silip upang makiusyoso kahit paano.
"Huwag kang mag-alala, hangal ang hari ng Burgandia o maging ang bantay-talon ng Galadia, sapagkat hindi nila alam ang malagim na sasapitin ng Emerit kapag muling napasakamay ng Galgotha ang Elixir."
Matalas na sumulyap ang prinsipe sa maliliit na hawla sa gilid ng gawaan ni Ulna. Naroroon ang mga nakabilanggong diwata, kung saan pinipilit makawala sa mahikang inilagay sa hawla.
"Hihihi! Ang katas ng Elixir Juantorio! Huwag mong kalilimutan ang ating napag-usapan!" paalala ng manggagaway.
Humalakhak ang binata animo walang katapusan ang naiisip na kasamaan laban sa tatlong Dorya ng Emerit.
GALADIA-Doryang Silangan
"PINKIE!" matinis na tawag ni Maria sa kanyang kaibigan.
Kasalukuyang abala ang iilang diwata sa paghabanda ng tapayan ang ilang kaing sa pag-aani.
Lumingon ang maliit na diwata sa prinsesa ngunit kumunot-noo ang kaibigan dahil kasama nito ang Prinsipe ng Harandia.
"M-Maria Crex! A-Anong ginagawa niyo rito? Hindi ba ang bilin ko'y magkita na lamang tayo sa pag-angat ng Hantala?" nag-aalinlangang saad ng diwata na ikinabahala ni Maria Crex.
"A-anong bumabagabag sa'yo, Pinkie?"
Mariing tinignan ng maliit na diwata ang prinsipeng manghang-mangha sa mga diwatang nagtutulong-tulong sa ani, maging ang paglibot ni prinsipe sa ilang mahikal na Galaxia. Tuwa ang mababakas sa kanyang mga mata habang inililibot ang mata sa kabuuang Silangan.
"Kailangan naming mag-ingat prinsesa. Nalagasan ang aking lahi at hanggang ngayon ay hindi parin nahahanap si Datuwana!" naiiyak ang diwata.
Bahagyang nakaramdam ng awa si Maria Crex dahil alam niyang emosyonal ang kaibigan kapag henerasyon, posisyon, o lahi ang kanilang pinag-uusapan.
"Anong nangyari?"
Bumuntong-hininga si Pinkie at bahagyang sinulyapan ang prinsipeng nakikipag-usap sa ilang maliliit na diwata sa malayo.
"May banta sa Burgandia, kaya kailangan mong mag-ingat Maria. Huwag kang basta-basta nagtitiwala kahit kanino."
Nagulantang ang prinsesa at matamang tumitig sa kaibigan.
"Nilalason ang ugat ni Questas, at nababahala si Haraya'ng makaranas ng tag-gutom ang buong Emerit. Kailangan kong tulungan ang aking lahi upang makahanap ng lunas."
Dahan-dahang bumalik ang prinsipe malapit sa'min saka inosenteng nagtanong.
"Anong maaari kong maitulong, Pinkie? Ayon sa ibang diwata'y mag-aani raw ang iyong kasamahan?" masigla ang prinsipe.
"Uhm, prinsipe...tanging diwata lamang ang naatasan sa ganitong bagay. Marahil kailangan mong maghanda sa iyong unang pagsubok?" saad ni Pinkie na tila naiilang sa presensiya ng binata.
Tumingin si Maria Crex sa kaibigan at doon inilahad nito ang napansing pagbabago sa lasa ng batis, na marahil m isa sa mga dahilan pala ng banta'ng sinasabi ni Pinkie.
'Kailangan mabigyang babala si ama o maging ang Harandia sa kinakaharap ng Doryang Silangan.'
"Pinkie, nakahanda akong tumulong sa'yo." desididong saad ni Maria Crex na ipinagtataka ni Leopoldo sapagkat bigla na lamang siyang nagbitaw ng mga ganitong salita.