GALADIA- Doryang Silangan
BITBIT NI PINKIE ang kanyang mga gagamitin upang makakuha ng isang maliit na talulot sa tarangkahan ni Narsus. Nagdala ang maliit na diwata ng katas na nanggaling sa Galaxia upang sa gayon ay magamit niya kung sakaling mag-alburuto ang engkantada sa Timog ng Galadia. Para kay Narsus, ang mga bulalak ang kanyang natatanging kayamanan sapagkat, ang bawat bulaklak ay may angking kakayahan upang makapagpapawi ng kirot sa puso, emosyon o anumang lason kumpara sa talon ni Haraya'ng pisikal na lunas ang dala sa mga magtatangkang uminom sa kristal na tubig.
Tumatagaktak ang pawis ni Pinkie habang umaakyat sa batuhang daan. Hindi halos alintana ang pagod kahit medyo mabigat ang mga dala-dalang binilot na tela at maliit na patpat na nagsisilbing hawakan nang sisidlan.
"Woo! Malapit na ba 'ko?" inilagay ni Pinkie ang palad sa noo upang tanawin ang timog ng Galadia.
Sa paglubog ng Hantala, tumulak ang diwata upang sa gayon ay eksaktong makauwi sa oras nang ani. Hindi maaaring kuhanin ang mga prutas at ilagak sa ordinaryong pamilihan kung ganoon ang magiging lasa nito. Posibleng ito rin ang maging dahilan upang maglikha ng takot sa Emeritian dahil sa kakaibang bunga sa ugat ni Questas.
Ipinagpatuloy ni Pinkie ang paglakad at pag-akyat sa matarik na bato. Mga ilang mili-segundo ang tantiya ni Pinkie bago makarating sa kamarilyo ni Narsus na kadalasang natutulog sa mga ganitong oras. Hindi magiging mahirap kung sakaling makuha niya ang isang talulot habang nahihimbing ang engkantada.
Ilang sandali'y nakarating ang maliit na diwata sa naturang hardin at kitang-kita ni Pinkie ang bantay-hardin na mahimbing ang tulog. Dahan-dahan ang naging paglakad niya dahil sensitibo si Narsus kahit sa kaunting tunog. Maliban sa hanging pumapagaspas sa mga bulalak na kanyang tanim.
'Pinkie, ang marapat mong kunin ay ang isang talulot ng kanyang pulang bulaklak, sapagkat ito ang nakakapawi sa kahit anong lason'
Tandang-tanda ni Pinkie ang sinabi ni Haraya bago umalis ang engkantanda upang maghanap din ng ibang sangkap para mapawi ang bisa sa lason na kumakalat sa ugat ni Questas.
"Pinkie, dahan-dahan ka lamang.." paalala sa sarili.
Natanaw ng diwata ang pulang bulaklak malapit sa mukha ni Narsus.
"Naku paano kaya 'to?" hindi mapakali si Pinkie subalit tinapangan ang sarili upang makarating sa harap mismo ng engkantadang nakahiga sa gitnang bahagi ng kanyang mga binabantayang bulaklak.
Nang akmang bubunutin ni Pinkie ang talulot ay mayroong kamay na humila rin sa kabilang bahagi nito. Nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa isang diwatanong tila nangangahas na makakuha rin nang bulaklak ni Narsus.
"Hoy! Bitawan mo ang talulot dahil ako ang naunang nakakuha nito!" bulong ni Pinkie na halos singhalan ang diwatano.
"Akin' 'to! Ako ang nauna sa'yo!" saad nito rason upang maghatakan silang dalawa sa talulot.
Hindi magbigayan ang dalawang diwata hanggang sa matumba silang sabay sa damuhan, ngunit halos masindak ang mga ito ng dumilat si Narsus at kitang-kita ang panlalaki ng mga mata nang engkantada, marahil sa talulot na binunot sa kanyang tarangkahan.
Sapu-sapo ni Pinkie ang kanyang balakang saka hinatak ang hawak na sisidlan, upang kumaripas ng takbo.
"Mga magnanakaw ng aking bulalak!" bumangon si Narsus at galit na galit dahil sa hindi pamamaalam ng mga diwata.
"Huhulihin ko kayo at dudurugin!"
"Ahhh!" sigaw ni Pinkie habang sumisikut-sikot sa ilang mga bulaklak,sapagkat hinuhuli ni Narsus sa pamamagitan ng kanyang malapad na kamay.
Nasaksihan ng diwatang binitbit ni Narsus ang diwatano habang siya ay patuloy na tinutugis ng engkantada. Nagtago siya sa talulot ng isang kamarilyo saka sinilip ang diwatanong nahuli ni Narsus. Kumakawag-kawag ang binata habang hawak ang pulang talulot.
'Alam ko na!'
Kinuha ni Pinkie ang katas ng Galaxia sa kanyang sisidlang tela, saka ininom ang nasa botelya. Kapagkadaka'y unti-unting nawala ang pisikal na anyo ni Pinkie, rason upang lumakas ang loob ng diwatang puntahan ang engkatanda.
Pumwesto si Pinkie sa talampakan ni Narsus at doon ay kiniliti ng munting diwata ang bugnuting engkantada upang sa gayon, ay mawala sa konsentrasyon ang paninikil sa diwatano.
"Anong klaseng insekto ang kumagat sa'kin!" singhal ni Narsus sapagkat kinawag-kawag nito ang sariling paa saka ibinaba ang diwatano.
Mabilis iginiya ni Pinkie ang braso ng Diwatano saka magkasabay silang lumayo kay Narsus. Dala-dala ng diwatano ang pulang talulot habang walang tigil si Pinkie sa kakatakbo palayo kahit hingal na hingal ang diwata.
Dinig na dinig ang alingawngaw ni Narsus mula sa hardin sapagkat natakasan nila ang engkantada. Tumingin si Pinkie sa diwatanong kipkip ang talulot ng pulang bulaklak. Maya-maya'y unti-unting bumalik ang pisikal na anyo ni Pinkie kung kaya malinaw sa diwatano'ng niligtas siya sa kapahamakan ng munting diwata.
"Tsk! Kasalanan mo 'to! Kailangang-kailangan ko ang pulang tululot at kung hindi ka nakipag-agawan, disinsana'y hindi nagalit si Narsus!" singhal ni Pinkie matapos niyang matauhan sa nagawang pagliligtas sa kapwa diwata.
Humalukipkip sa dibdib saka tinaasan ng kilay ang diwatano sa sobrang inis patungkol sa nangyari kanina.
"Ikaw nga 'tong nakikipag-agawan, alam mong kailangan ko ang talulot."
"Hindi ko alam. At isa pa, hindi kita kilala para magkwento ka sa'kin ng personal na bagay." panunupla sa diwatano sabay irap ni Pinkie.
"Salamat na lamang!" padaskol na saad nito.
Tumalikod ang diwatano saka akmang lalayo ngunit naalarma ang munting diwata, dahil iyon na lamang ang iisang paraan upang mawala ang lason sa ugat ni Questas.
'Hindi maaaring solohin lamang ang talulot ng isang diwatanong antipatiko'
"Hoy sandali, bagamundong diwatano! Ano't saan ka pupunta, ha?"
Muling humarap ang naturang diwata saka matamang tumitig kay Pinkie na ikinailang ng huli.
"Uuwi sa palasyo, supladang maliit, masungit, at maingay na diwata. Bakit?"
'Aba't...'
"Pakiulit mo nga 'yang sinasabi mo? Dapat hindi na kita iniligtas sa kamay ni Narsus! Isa kang hambog na diwatano. Makakarating ang lahat ng pambabastos mo kay Haraya!"
Tumawa lamang ang diwatano tila hindi nahihintakutan sa mga sinabi ukol sa engkantada ng talon.
"Magsumbong ka hangga't gusto mo!" anas nito, kapagkadaka'y nagpagtuloy sa pagtahak sa gawing hilaga ng Galadia. .
"Sinabing kailangan ko ang talulot!" pulang-pula ang mukha ni Pinkie habang nakakuyom ang kamao.
"Edi muli kang kumuha kay Narsus." ngumisi ang diwatano rason upang lalong mapikon ang munting diwata dahilan para sapilitang hatakin ang talulot sa kamay ng diwatano.
"Sinabing ibigay mo sa'kin!" pamimilit ni Pinkie.
Lumipad ang diwatano at determinadong hindi ibigay ang naturang talulot.
"Ibibigay ko sa'yo kung mahahabol mo 'ko mahinang diwata!"
"Lagot ka sa'kin kapag naabutan kita!" napupuyos sa galit si Pinkie dahil mukhang pinaglalaruan siya nang isang lapastangang diwata.
"Nakakatakot ang iyong pagbabanta diwata!" tuluyang tinahak ni Pinkie ang gawing hilaga ng Galadia upang sundan ang naturang diwatano.
BURGANDIA-Doryang Hilaga
Matapos makapuslit sa mga kawal ay madali ring natagpuan sina Maria at Leopoldo ng mga tauhan ni Kumando, ngunit hindi naman nagpumilit ang dalaga at prinsipeng makaalpas o makatakas bagkus ay matiwasay silang sumama pabalik sa palasyo. Lalo't kailangang malaman ni Haring Buendia ang mga kakaibang nangyayari sa ilang kalupaan sa Emerit.
Nang makarating sa palasyo ay nagpaalam at humingi ng paumanhin si Prinsipe Leopoldo, dahil sa ikinilos niya at pagsuway sa ginoo.
"Ama, ako ang nagpumilit kay Prinsipe Leopoldo'ng tumungo sa Galadia."
"At bakit mo iyon ginawa Maria?" walang halit na mababakas sa hari ngunit makikita sa reaksyon ang labis na pagkadismaya.
"Ginawa ko iyon dahil nais kong malaman ang kakaibang nangyayari sa sating batis at ilang parte ng Burgandia o Harandia!" anas ni Maria.
Nag-aalala ang mga mata ni Haring Beundia na sumulyap sa asawang reyna bago bumalik ang paningin sa anak.
"A-Anong ibig mong sabihin, prinsesa?"
Akmang magsasalita ang dalaga, ngunit biglang sumagi sa isip ang mga kataga ni Pinkie ukol sa hindi pagbibigay tiwala sa kahit sino. 'kailangan kong mag-ingat...'
"W-Wala ama."
Sinalo ng binata ang usapan sa pamamagitan nang paglayo sa totoong dahilan. Nagpaalam ang lalaki at nangakong babalik sa ikawalang pagkinang ng Hantala upang tanggapin ang unang hamon, kung saan masusubukan ang tapang sa Yanirang nasa kweba.
MAALINSANGAN ANG GABING IYON, at nakakapanibago sapagkat hindi dumayo si Pinkie sa palasyo, kung kaya napagtanto ni Maria na sadyang seryoso ang lagay ng ilang lupain sa Emerit. Matapos makaalis ni Prinsipe Leopoldo ay hiningi ng dalaga ang oras ng ama't ina upang sabihin sa kanila ang pagbabagong nagaganap sa sinas, batis at ilang bungang inaangkat sa naglalakihang ugat ni Questas.
Kakikitaan ng pagkabahala ang hari matapos malaman ang suliranin, dahilan upang mas maging puspusan ang paghahanap sa bagong mamumuno sa Burgandia. Ayon sa hari'y kailangang maging maingat sa pagpili dahil maselan ang kalagayan ng Emerit.
Bumuntong-hininga si Maria habang nakatanaw sa terasa. Nababagabag ang kanyang puso sa nalalapit na pagbabagong hugis ng Hantala, sapagkat iyon ang araw ng pagsubok.
"Nasaan kaya si Pinkie? Paniguradong mawawala ang iniisip ko kung narito ang aking kaibigan..."
Hindi karaniwan ang pagkawala ng presensiya ni Pinkie sa palasyo kung kaya naninibago ang prinsesa. 'Marahil ay kailangan niyang tumindig sa kanilang lahi'
GALADIA-Doryang Silangan
NAGING MASIGASIG SI PINKIE sa pagsunod sa diwatano. Halos maubusan siya ng lakas kakapagaspas ng kanyang munting pakpak. Hingal na hingal ang diwata dahil sa pagpapahabol ng naturang diwata.
"A-Akin ang t-talulot!" hindi halos makahinga si Pinkie.
Lumingon ang diwatano at tila nakaramdam ng habag ngunit nagpatuloy sa paglipad kaya pilit sinundan ni Pinkie, ngunit natigilan ang munting diwata nang matanaw ang tanyag na palasyo sa Hilaga ng Galadia, kung saan naninirahan ang mga dugong bughaw na diwata.
Ito ang unang pagkakataong makatuntong si Pinkie sa naturang palasyo. Manghang-mangha siya sa mga nakikitang istruktura sa loob nito. Tulad ng Emerit ay mayroong mundo ang mga diwatang nahahati rin sa hilaga, kanluran, silangan, at timog Galadia. Si Pinkie ay karaniwang manggagawa ni Haraya sa Silangan. Kaiba ang pamumuhay sa mga hilagang mayroon namumunong haring diwata at reynang diwata.
Sinipat-sipat niya ang sulok ng palasyo dahil biglang nawala ang diwatano'ng mayroong hawak na talulot.
"Kapag nahanap kitang diwatano ka, pakpak mo lamang ang walang latay!" gigil na gigil si Pinkie sapagkat tumatakbo ang oras st kailangan niyang bumalik sa Silangan sa lalong madaling panahon, upang maibigay kay Haraya ang naturang talulot ni Narsus.
"Psst! Munting diwatang nanlilimahid! Talulot ba ni Narsus ang kailangan mo?" tawag ng diwatano mula sa bungad ng kastilyo.
"Walanghiya ka, ibigay mo sa'kin 'yan!" tumakbo si Pinkie mula sa malaking pintuan ng palasyo ngunit mayroong humarang na mga diwatang malalaki ang kaha ng katawan.
"Papasukin niyo 'ko! Patitikman ko lamang ng hagupit iyang lalaking 'yan!" namumula si Pinkie sa galit habang natatawa lamang ang diwatano at kipkip parin ang talulot.
Binibit lamang siya ng mga diwatang kawal palabas sa kastilyo, rason upang pumalahaw ng iyak animo parang bata.
"Hindi ka maaaring lumapit kay Prinsipe Diwato sapagkat mayroon kang pagbabantang binibigkas sa nag-iisang anak ng aming hari." itinukod ang kanilang armas sa'king harap.
"Ha? Ang hambog na iyon ang namumuno sa Burdiwata ng Hilagang Galadia!" bulalas ni Pinkie at hindi makapaniwala.
Ang hamaslupa, hambog na diwatanong iyon ang prinsipe ng Burdiwata?!'
Laglag ang balikat ni Pinkie sa nalaman, sapagkat wala siyang laban sa sinasabing kapangyarihang mayroon ang diwatanong iyon.
'Paano ang mga sinas, sayap, at ilang pamilihan sa Burgandia? Inaasahan ako ni Haraya sampu ng aking mga kalahi?'
Naupo sa batuhan si Pinkie at nanlalabo ang mga mata. Nirikisa niya rin ang botelyang naglamaman ng katas galing Galaxia. Halos maubos kanina dahil sa pagliligtas sa diwatano. Tiyak na hindi na makakakuha ng talulot kay Narsus dahil sa galit nito.
"Pinkie, isa kang talunan..." yumukyok ang munting diwata sa batuhan at doon tumangis dahil nabigo sa misyong ibinigay ni Haraya.
Maya-maya'y mayroong tumikhim mula sa bandang likuran kaya kaagad siyang lumingon. Kasalukuyang nakatayo malapit sa kinauupuan ni Pinkie ang naturang prinsipe ng Burdiwata, ngunit ang mga pangarap niya noon na makatagpo ng prinsipe ay kaagad ding naglaho, sapagkat natuklasan niya kung gaano kasama ang ugali ng mga ito. Malungkot lamang na bumalik ang mga mata ni Pinkie sa pagtanaw mula sa malayo.
"A-Ano pang gusto mong kunin?" malungkot na saad ni Pinkie.
"H-Humihingi ako ng dispensa kanina. Nais ko lamang makipaghabulan at tawanan...isang biro munting diwata." masuyong saad ng diwatano.
"Wala akong panahon makipagbiro, diwatano. Kailangan ako ng mga diwata sa Silangan. Umaasa sila sa'kin sa darating na anihan, kailangan ko ang talulot upang maagapan ang pagbabago sa ugat ni Questas. Wala akong panahong makipaglaro sa mga dugong bughaw na kagaya mo na ang iniisip lamang ay ang sariling kasiyahan..." tumayo si Pinkie at akmang lilipad pabalik sa silangan upang ibalita ang bigong pagkuha sa talulot.
"Saan ka tutungo?" anito.
Hindi siya kumibo ngunit nagulat si Pinkie ng hatakin ng diwatano ang kanyang sisidlan na tela. Bumugso ang galit sa mukha ng diwata ngunit kaagad napalitan ng pagkagulat nang mismong ang prinsipe ang maglagak ng nakasalansan na talulot ni Narsus sa loob mismo ng kanyang sisidlan.
"Patawarin mo 'ko-uhm a-anong pangalan mo?"
"P-Pinkie.." kumikibot ang labi at kumakabog ang maliit na puso.
"Sa muling pagkikita Pinkie. Humayo ka at iligtas ang lahi mo...ako si Diwato ng Burdiwata." kumindat ang prinsipe saka mabilis na tumalikod. Samantala natitigilan ang munting diwata bago pa muling lumipad patungo sa silangang bahagi ng Galadia.
BURGANDIA-Doryang Hilaga
Ngayon ang araw kung kailan bibilang ng puntos sa mga prinsipeng kalahok sa unang pagsubok.
Nakaupo ang reyna at hari ng Burgandia sa kanilang trono at maging si Prinsesa Maria Crex ay matamang naghihintay sa dalawang prinsipe. Maya-maya'y bumukas nang sabay ang malaking pintuan sa loob ng palasyo.
"Ang buong Emeritian ay naghihintay sa dalawang prinsipeng susubok sa tapang nang halimaw na Yanira sa kweba!!!" anas ng tagapagbalita.
Lumakad ng magkasabay si Prinsipe Leon at Leopoldo patungo sa trono ngunit dahil mayroong angking kasamaan si Leon ay pinatid ang prinsipe ng Harandia.
"Hindi mo sinabing ngayon pa lamang kakikitaan ka na nang pagiging lampa, prinsipe ng Harandia." bulong ni Prinsipe Leon kapagkadaka bago naunang lumakad sa trono ng hari.
Masama ang naging tingin ng binatang taga-Astramos, kung saan kailanman ay hindi pa naririnig ni Leopoldo ang lugar na binabanggit nito. Kapagkadaka'y naunang yumukod ang prinsipe bago si Leopoldo ngunit magkasabay silang binasbasan ng hari.
"Bilang kasalukuyang namumuno sa Burgandia, ninanais kong magiging patas ang labanan at walang anumang kaguluhan ang mamayani sa pagitan ng bawat isa sa inyo." inilapat ni Haring Buendia ang batong Elixir sa mga puso ni Leopoldo at Leon, subalit nagtagal kay prinsipe Leon dahil hinawakan pa nito at sinipat-sipat nang maigi ang naturang bato na sadyang ikinakunot-noo ni Maria Crex.
'Mayroong kakaiba sa prinsipe ito na hindi ko matarok...' nahulog sa pag-iisip ang dalaga.
TULUYANG TUMULAK ANG DALAWANG PRINSIPE sa timog Galadia upang harapin ang naturang halimaw. Sakay si Prinsipe Leopoldo ng dragonikang si Jedo habang ang lalaki'y sakay nang kanyang mabalahibong dragonika animo nagmistulang Hadrum dahil sa mapanghing amoy nito.
Hindi na lamang pinansin ni Prinsipe Leopoldo ang mga nasa isip sapagkat ang nais niya ay mapaslang ang Yanira sa Timog-Galadia upang manalo sa unang pagsubok.
Tumulin ang takbo ng dragonika ngunit habang nasa himpapawid ay binunggo ni Prinsipe Leon si Jedo dahilan upang muntik mahulog ang binata.
Ngumisi ang lalaki saka nilagpasan ang kanilang dragonika.
"Talagang ginagalit ako ng lalaking iyon!" hindi masyadong pasensiyoso si Prinsipe Leopoldo kung madali sa kanya ang pangunahan ng pikon.
Nakipagkarerahan ang binata sa prinsipe ng Astramos na tila iyon ang nais nito. Kung kaya hindi nagpatalo si Jedo sa dragonika ni Prinispe Leon. Bumulusok paikot si Jedo pataas hanggang sa bumulusok pababa saka matuling lumipad sa himpapawid patungong timog Galadia.
Mababakas ang pagtagis sa bagang ng prinsipe matapos magpasiklab si Jedo sa kanyang alagang, hindi malaman kung hadrum o dragonika.
Magkasabay silang nakarating sa malaking kweba sa timog-Galadia. Itinali ni Prinsipe Leopoldo ang kanyang alagang si Jedo maging ang isang prinsipe ay ganoon rin ang ginawa sa alaga.
"Mauuna akong pumasok!" singhal ni Prinsipe Leon.
Kaagad namang sumang-ayon ang binata dahil mukhang mahihirapan ang huli, sapagkat mabangis ang Yanira.
"Bakit hindi ka na lamang umatras? Tiyak na ako ang mananalo kaya mabuting huwag mo nang pahirapan ang sarili mo," mapanganib na ngumisi ang binata.
"Gawin mo muna bago ako maniwala, prinsipe ng Astramos!" pabalewalang lumigid si Leopoldo sa tabi ni Jedo.
"Tignan natin..."
Nakangisi ang lalaki tila hindi gagawa ng matino ngunit ipinagkibit balikat na lamang ni Leopoldo ang kahambugan ng binata.
Marahan niyang sinipat ang espadang hawak, na siyang kumitil sa ama ng Yanira'ng nasa kweba. Ito ay napatay nang kanilang ninuno sa Harandia kaya malakas ang loob ni Leopoldong mananalo siya sa unang pagsubok.
Ilang mili-segundo ang lumipas nang hindi parin lumalabas ang naturang prinsipe. Kung kaya minabuti ni Leopoldo'ng sundan ang lalaki sa loob.
"Wooh Jedo, hintay mo lamang ako rito at dadalhin ko ang pangil ng Yanira."
Humalinghing ang dragonika sa mga nasabi ng binata, animo naiintindihan ang mga salitang binanggit nito.
Bahagyang madilim sa loob kung kaya hindi halos makita ang daraanan.
"Prinsipe Leon? May Emerit ba diyan?" umalingawngaw ang kanyang buong boses sa kweba.
Humakbang ang binata sa pinakagitnang bahagi ng kweba, hanggang sa mayroong matanaw ang lalaki. Pamilyar na bulto ni Prinsipe Leon, ngunit hindi niya masyadong maaninag ang nangyayari hanggang sa mayroong sumaklob nang kung anong tela sa kanyang buong mukha.
"Ump! S-sino kayo! P-Prinsipe Leon!" tawag ni Leopoldo dahil nabagdan nang pag-aalala ang binata sa marahil sinapit ng naturang prinsipe na tulad niya.
Damang-dama ng binatang iginagapos siya ngunit panay ang pagkiwal. Nauinagan niya ang kagyat na pagtawa ng kung sinong gumapos sa binata.
"Tulungan niyo 'ko? Sino kayo?"
Maya-maya'y tuluyan siyang nawalan ng malay sa kakaibang amoy na kanyang nalanghap sa tela.
HARANDIA-Doryang Kanluran
Nakatanaw si Arnulfo at Ricardo sa terasa nang mapakunot-noo ang mgkapatid. Nagkatinginan ang dalawa lalo't nakikita ang hindi mapakaling paglipad ni Jedo.
Lalong kinabahan ang mga prinsipe ng dumapo si Jedo sa mismong terasa kahit hindi nito karaniwang ginagawa.
"Jedo?"
"Nasaan ang aming kapatid?" hinipo ni Arnulfo ang dragonika.
"Jedo! May nangyari ba kay Kuya Leopoldo?"
Lalong nagwala si Jedo at hindi mapakali sa kakapagaspas ng kanyang pakpak.
"Ricardo, huwag mong sasabihin kina ama at ina ang gagawin kong pagsunod. Kailangan kong malaman ang kalagayan ng ating kapatid." matigas na saad ni Arnulfo.
"P-Pero kuya..." nag-aalalang tinig ng nakababatang prinsipe.
"Mangako ka!"
"O-Oo kuya."
Nagmamadaling sumampa si Arnulfo sa naturang dragonika at ibinulong sa alaga kung saan matatagpuan ang kapatid. Matulin pa sa mili-segundo ang paglipad ni Jedo animo naiintindihan ang mga nangyayari. Patungo ang dragonika sa Timog-Galadia.
"Bilisan mo pa Jedo!" kahit halos hindi na makahinga sa matinding hangin si Arnulfo, sapagkat paiba-iba ang temperatura o klima sa bahaging iyon ng Doryang Silangan.
BURGANDIA-Doryang Hilaga
HALOS papalubog na ang kinang ng Hantala ngunit hindi pa rin mapakali ang prinsesa magmula ng umalis ang dalawang prinsipe.
Kasalukuyang hawak ni Maria Crex ang tupaz na bigay ni Leopoldo. Umuusal ng dalangin sa kay Emeritus na sana'y makaligtas ang binata. Naroroon parin ang kanyang ama't ina sa trono kasama ng prinsesa upang maghintay ng balita ukol sa unang pagsubok.
Maya-maya'y bumukas ang malaking pinto ng Burgandia sa eksaktong pagpatak ng kamay ng diyamanteng relo sa ikaanim mili-segundong paglubog ng Hantala.
Humahangos na naglakad si Prinsipe Leon patungo sa trono nina Haring Buendia at Reyna Crexia.
Yumukod ang prinsipe at iprinisenta ang pangil ng Yanira. Nagkatanginan ang mag-asawa saka kinuha ang patunay na napaslang ang halimaw na kinakatakutan.
"Isang kagalakan ang aking muntik na pagpanaw para lamang mapagtagumpayan ang pagsubok," magalang na saad ni Prinsipe Leon.
"Nasaan ang iyong katunggali?" ani Haring Buendia.
Nakahawak si Maria Crex nang mahigpit sa batong tupaz tila hindi yata kakayanin nang kanyang puso ang sasabihin ng binata.
"Ikinalulungkot ko na pumanaw si Prinsipe Leopoldo habang nakikipaglaban sa Yanira. Tinulungan ko siyang pabagsakin ang halimaw dahil kahit paano'y kalahi ko ang prinsipe na taga-hilaga ngunit...."
"H-Hindi..." namuo ang luha sa mata ni Maria Crex dahil sa nabanggit ng lalaki. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwalang iyon ang sasapitin ng prinsipe.
"Patawarin mo 'ko, mahal na prinsesa. Hindi ko nasalag ang mga pangil na bumutas sa kanyang katawan." nanatiling nakayuko ang binata animo nakikisimpatya.
Lalong suminghap maging ang mag-asawa sa kalunus-lunos na sinapit nang prinsipe ng Harandia. Napaupo si Maria Crex at humagulgol sa kanyang maharlikang upuan, tila hindi matanggap ng sistema ang sinapit nito.
'Prinsipe Leopoldo...'