TUMIKHIM SI HARING BUENDIA nang malaman ang sinapit ni Prinsipe Leopoldo. Hindi rin makapaniwala ang matanda sa sinapit nang anak ni Haring Cantor. Bahagyang sinipat ng hari ang dalang pangil ni Prinsipe Leon bago tuluyang ibigay ang pasya patungkol sa pangawalang pagsubok, na tanging ang binata lamang nang Astramos ang makapagpapatuloy.
"Dahil sa kagitingang taglay na iyong ipinakita at pagpaslang sa Yanira'ng naninirahan sa liblib na bahagi nang Galadia. Ipinapataw ko ang---"
Natigil ang mga binibigkas ng hari nang marahas na bumukas ang malaking bulwagan ng Burgandia. Mula roon ay natanaw ang prinsipeng si Leopoldo habang bitbit ang ulo nang Yanira.
Inihagis ng binata hanggang trono ang ulo ng halimaw kung saan tumapat mismo sa kinatatayuan ni Prinsipe Leon. Natakot ang ilang kawal ng Burgandia kahit wala nang buhay ang naturang nilalang.
Seryoso ang mukha ng binata habang lumalapit sa trono nina Haring Buendia at Reyna Crexia. Kapagkadaka'y yumukod ang lalaki sa harap ng mag-asawa. Samantala, kakikitaan nang gulat ang mukha ni Prinsipe Leon saka napalitan nang mapanganib na reaksiyon marahil sa hindi inaasahang pagsulpot ng prinsipe na inaakala nitong napaslang ng Yanira.
"Inaalay ko sa trono ng Burgandia ang ulo nang Yanira'ng napaslang gamit ang espada nang aking mga ninuno."
"M-Mabuti at nakaligtas ka Prinsipe Leopoldo. Buong akala ko'y nilapa ka nang Yanira..." hindi mapakali ang binatang taga-Astramos habang pilit inililigtas ang sarili sa mga katanungan.
Naningkit ang mata ni Prinsipe Leopoldo dahil sa mga narinig mula rito, ngunit nanatili siyang kalmado.
"Bakit? Ang buong akala mo ba'y tuluyan akong nawala dahil sa pagkakagapos?"
"Iginapos ka nang Yanira? Kitang-kita ko kung paano nilapa ang iyong katawan..."
Doon namagitan ang hari saka muling bumigkas nang kanyang desisyon sa unang pagsubok.
Parehas nagtagisan nang tingin ang dalawang prinsipe bagamat hindi nagsasalita si Maria Crex ay napalitan ng galak ang puso dahil buhay ang binata. Hindi man aminin ng prinsesa ngunit iyon ang dinadalangin niya sa bawat pagkinang ng Hantala.
Sumulyap sa gawi ni Prinsesa Maria Crex si Leopoldo kapagkadaka'y umusal ang bibig animo may sinasabing hindi maintindihan nang dalaga.
"Ibinibigay ko ang pabor sa Prinsipe ng Harandia sa kanyang ipinakitang kakisigan sa larangan ng pakikipaglaban sa Yanira nang Timog-Galadia."
Natuwa ang lahat maging si Prinsesa Maria na isinabit ang mga bulaklak na gawa sa Galaxia upang pagbibigay papuri sa katapangang ipinamalas ng prinsipe. Samantala, matalim ang mga tinging iginagawad ni Prinsipe Leon sa lalaki habang pinaparangalan ng mga kawal at ilang Dama.
Walang pakundangang umalis si Prinsipe Leon kasunod nang Dama nitong si Kundiman. Mahahalata ang kakaibang takot sa mukha nito habang nakasunod sa prinsipe ng Astramos. Datapwat nanatili naman si Leopoldo upang makasama nang matagal ang prinsesa bago tumulak sa palasyo kasabay ni Arnulfo'ng naghihintay sa labas nang palasyo.
Hinihipo ng ikalawang prinsipe si Jedo nang matigilan ang binata sa dalawang Emerit na sumakay sa kakaibang dragonika. Hindi matagalan ni Arnulfo ang dumaang transportasyon sapagkat nakakasulasok ang amoy nito.
Nagkatitigan sila ni Prinsipe Leon subalit nagtagis bagang ang binata bago humarurot ang dragonika palayo. Malakas ang kutob ni Arnulfo na mayroong kakaiba o mali sa binatang katunggali ng kanyang kapatid, ngunit hindi lamang niya mabigyang pangalan ang bagay na iyon.
Nakaraan bago pumatak ang ikaanim na mili-segundo...
"Tulungan niyo ko!"
Lumapag si Jedo na kasalukuyang sakay si Arnulfo. Mabilis na kumilos ang binata lalo't naririnig niya ang alingawngaw na nanggagaling sa kweba. Nakatitiyak siyang sa kapatid nanggagaling ang pamilyar na boses. Walang patumpik-tumpik ang binatang pumasok sa madilim na yungib.
Doon ay naaninaw niya ang lalaking nakasaklob ng tela habang humihingi nang tulong.
"Sino iyan? Tulungan mo 'ko! Nakikiusap ako, kung mayroon mang Emerit na narito sa kweba!"
"Kuya!"
Lumingon-lingon ang binata kahit walang matanaw sapagkat nakatalukbong ang tela.
"Tulungan mo 'ko Arnulfo!"
Mabilis dumukwang ang binata sa mismong kinalalagyan ng prinsipe, sapagkat nais nang lalaking makalaya ang minamahal na kapatid. Matapos kalagan ay nagmamadaling tumayo ang binata upang ayusin ang sarili.
"Lumabas ka sa kweba Arnulfo at kailangan kong harapin ang Yanira."
"P-Pero baka..."
"Wala nang panahon. Kailangan kong maabutan ang paglubog ng Hantala."
Napilitang lumabas ang ikalawang Prinsipe saka lamang hinarap ni Leopoldo ang halimaw.
"Yanira! Lumabas ka! Harapin mo ako tulad nang pagharap ng iyong ama sa'king mga ninuno!"
Dumagundong ang ungol ng halimaw, kapagkadaka'y lumapag sa mismong harapan ni Leopoldo. Nagulantang ang binata nang akmang kakalmutin nito ang kanyang dibdib. Mabilis nakaiwas ang lalaki kalauna'y binunot ang espada at tinarak sa tiyan nang halimaw.
Hindi mapakali ang nilalang sa yungib marahil sa sakit na tinamasa. Lalong nangalit ang Yanira at akmang sasakalin si Leipoldo, ngunit sa pagkakataong iyon ay itinutok ng prinsipe ang talim sa mismong leeg nito. Doon lamang matiwasay na nakahinga ang binata nang lumagapak ang ulo nang halimaw sa kanyang harap.
Dahan-dahan siyang lumabas sa kweba bitbit ang napaslang na Yanira. Nabagdan ng takot ang ekspresiyon ni Arnulfo ng makita ang nagawa nang kapatid, ngunit hindi na lamang kumibo ang huli saka tinulungang patakbuhin si Jedo pabalik sa Burgandia.
"Kailangan nating bilisan, Arnulfo. Hindi ako makapapayag na manaig ang pagiging tuso ng aking katunggali."
Bahagyang tumango ang kapatid saka tinapik si Jedo.
GALADA-Doryang Silangan
TUWANG-TUWA ang puso ni Pinkie dahil sa nakatiklop na talulot sa kanyang sisidlan. Mas ginanahan ang diwatang magmadali sa paglalakad upang makauwi sa Silangan. Natanaw pa ni Pinkie ang isang dragonika sa himpapawid habang sakay ang dalawang lalaki, ngunit hindi makita ni Pinkie ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Nagkibit-balikat ang diwata saka nagpatuloy sa pagtawid patungo sa Silangan.
'Sa muling pagkikita Pinkie. Humayo ka at iligtas ang lahi mo...ako si Diwato ng Burdiwata.'
Malinaw pa rin sa kanyang balintataw ang mga sinabi ni Diwato, subalit mabilis inalis nang munting diwata ang imahe ng diwatano sa kanyang isip.
'Kailangan kong ilagak ang isip sa mga diwatang umaasa sa'kin'
Nang makarating sa Silangang Galadia ay kaagad siyang sinalubong ng iilang diwatang
natira sa kanyang lahi.
"Pinkie, nakuha mo ba? Malapit na ang ikalawang pagkinang ng Hantala." ayon sa kapwa-diwata.
Hindi kumibo si Pinkie at nagmamadaling tumungo sa kamarilyo ni Haraya. Kasalukuyang nakaupo ang engkantada habang mababakas ang pag-aalala sa nalalapit na ani..
"Pinkie, anong iyong balita?"
Yumukod ang munting diwata saka kinuha sa telang sisidlan ang talukot ni Narsus..
Bumuntong-hininga si Haraya na tila nabunutan ng tinik sa lalamunan sapagkat iyon na lamang ang kulang upang makumpleto ang panglunas sa lasong nakaangkla sa ugat ni Questas.
Marahang ibinigay ni Pinkie sa engkantada ang talulot na kaagad namang inbot ni Haraya. Mula sa talulot ay pumitas inihalo ito sa botelyang mayroong mga ugat at ilang kulay pulang likido.
Maya-maya'y nasaksihan ng lahat ang ang usok na nagmumula sa botelya. Mabilis tumungo si Haraya sa mga puno ng sinas, batis at ilang mga sasakupan ng Galadia. Namasdan ng mga diwata ang unti-unting pagbabalik sigla nang malalaking ugat ni Questas.
Napangiti ang mga diwata maging ang bantay-talon sapagkat magiging matagumpay ang ikawalong minuto ng ani sa buong Emerit.
"Maraming salamat sa'yong katapangan, Pinkie. Dahil sa iyong ginawa'y hinihirang kita sa ikalawang lebel nang mga diwatang mamumuno sa ikawalong-anihan." natuwa si Haraya kaya hinimas nito ang kanyang pisngi na ikinatuwa ni Pinkie.
"Maraming salamat, Haraya."
Umupo ang bantay-talon sa kamarilyo saka nagbago ang ekspresyon ng mukha. Tila balisa sa mga tumatakbo sa kanyang isip.
"Hindi tayo dapat makampante, sapagkat hanggang ngayon ay hindi parin nahahanap si Datuwana at ang iyong mga kasamahan."
"Anong gagawin natin mahal na engkatanda?" sabad ng isang diwata.
"Pagkatapos nang ikawalong-ani ay tutungo tayo sa Galgotha, upang alamin kung may kinalaman ang mga taga-timog sa pagkawala nang inyong mga kalahi." .
Nagkatinginan ang mga diwata at bumakas ang pagkabahala sa kanilang mga mukha. Hindi lingid sa mga kalahi ni Pinkie na sadyang mapanganib ang bahaging iyon nang Emerit dahil sa iba't-ibang engkanto o lasong nakapaligid sa Timog-Emerit.
Natigil ang kanilang pag-uusap ukol sa binabalak, nang kuminang ang kristal na talon ni Haraya, hudyat na marapat nang magsimula ang lahat sa ikawalong oras ng kanilang anihan.
Sumulyap si Pinkie kay Haraya upang manghingi ng hudyat, bahagyang tumango ang engkatanda dahilan upang matapang na humarap si Pinkie sa mga pulutong ng diwata.
"Kailangan nating magsimulang anihin ang sayap, sinas, kumuha ng balitaptap at ilagak ang mga pakak sa batis ng Burgandia. Sa hanay ni Lira ang unang gawain, sa ikalawa ang mga diwatano ng Silangan at ang ilan ay sundan ang aking yapak patungong kanluran." ang maawtoridad na pagsasaayos ng munting diwata sa kanyang lahi.
Mabilis ang naging pagkilos nang lahat, maging ang masiglang pagpagaspas nang kanyang mga pakpak ay siyang sumisimbolo sa pag-asa ng mga taga-Galadia.
GALGOTHA-Doryang Timog
NAKAIWAS SI KUDYAMAT sa pangatlong espadang ginagawang sibat ni Juantorio habang nakatali ang engkanto ng makapangyarihang lubid ni Ulna.
"Tama na, panginoon. Parang awa mo na!"
"Isa kang hangal! Hindi ba't sinabi kong patayin mo si Leopoldo, hindi igapos! Ipakain sa Yanira nang matapos ang buhay nang pakilamerong prinsipe ng Harandia!" singhal ng binata.
"Nakikiusap ako, panginoon! Gagawin ko ang lahat upang makabawi!" nahihintakutan ang engkantong nakagapos ang paa't kamay. Hanggang inihagis ni Juantorio ang kahuli-hulihang espada sa pader kung saan nakagapos ang alaga. Halos mapasinghap nang malalim si Kudyamat ng tumarak ang talim ng espada malapit sa kanyang mukha. .
"Wooh! Parang awa mo na panginoon!" anito.
"Sige pakawalan ang hangal na iyan!" utos ni Juantorio sa mga kawal na mabilis namang sinunod ng mga tauhan.
Kinalag ang makapangyarihang lubid gamit ang gunting ng buhay. Ito ay napasakamay ni Ulna matapos niyang manakaw kay Hardon ang naturang kagamitan na matatagpuan sa gubat ng Alarcon. Ang gubat ay nakapagpapahayag ng lihim, katotohanan at emosyon ng mga taga-Emerit. Ang gunting ng buhay ang tanging gagamitin habang tumutulay sa lubid na siyang magbubunyag sa mga sekretong itinatago nang partikular na Emeritian.
Tumayo sa trono si Juantorio saka sumilip sa malaking bintana kung saan matatanaw ang kadiliman at alulong ng mga uwak na kanyang alaga sa tarangkahan.
"P-Panginoon, ano pong balak ninyo sa ikawalang pagsubok!"
Matalas ang mga matang ang tumitig sa engkanto.
"Kailangan kong maunahan ang prinsipe ng Harandia sa mga Emerit na nananatili sa burol ng Tirania."
"Paano niyo po makukumbinse ang mga--"
"Isa ka talagang hangal!" singhal nito dahilan upang magtago si Kudyamat sa likuran ng mga kurtinang itim.
"Kailangang tumungo tayo sa burol bago dumating ang ikatlong pagkinang ng Hantala! Hindi ako titigil hangga't hindi napapasakamay ng aking kapangyarihan ang lahat ng tribong Emeritian sa lugar na iyon."
Nakuyom ang kamao ni Juantorio lalo't ibinalita nang kanyang alagang uwak na nag-anyong vedak na sadyang nakaligtas ang Galadia sa mga ipinadalang lason ni Ulna.
'Mapapasakamay ko ang Burgandia!' nagtatagis ang bagang ng binata.
HARANDIA-Doryang Kanluran
"Nahihiwagaan ako sa prinsipeng iyon na mula raw sa Astramos!" bulalas ni Arnulfo sa kanyang kapatid matapos nilang tumungo pabalik sa kanilang palasyo.
"Maging ako'y hindi pa naririnig ang kanyang palasyo." nakatahimik mula pa kanina si Prinsipe Leopoldo at malalim na iniisip ang nangyari sa kanya sa kweba.
Maya-maya'y lumapag si Jedo sa kanilang paradahan, saka hinimas ng prinsipe ang dragonika'ng nagligtas sa kanya. Kapagkadaka'y dumiretso ang dalawang prinsipe papasok sa palasyo. Sinalubong ni Haring Cantor at Reyna Penelope ang mga binatang anak kasunod si Ricardo'ng mayroong takot ang mga mata.
"Arnulfo! Gusto kong hingiin ang paliwanag mo sa pagtungo sa Galadia nang nag-iisa?" seryoso ang pahayag ng hari.
Matamang sumulyap si Arnulfo sa nakababatang kapatid na hindi maiwasang maging madaldal.Sumenyas si Ricardo animo nanghihingi ng paunmanhin.
"Pasensiya na kuya, hinanap ka kasi nila ama't ina."
Umikot ang mga mata ng ikalawang prinsipe pabalik sa kanyang mga magulang.
"Kinailangan ko pong iligtas si Prinsipe Leopoldo sa panganib."
Nag-alala ang hari't reyna at tila naghahanap nang paliwanag sa tunay na nangyari.
"Prinsipe Leopoldo, ano itong naririnig ko sa'yong kapatid?"
Kumamot sa ulo ang prinsipe habang hinatak ni Arnulfo ang nakababatang kapatid palayo sa kanila upang makapag-usap nang masinsinan ang mga magulang at panganay ng Burgandia.
Inilahad ni Leopoldo ang mga nangyari rason upang tahasang patigilin ang binata para ipagpatuloy at tanggapin ang ikalawang pagsubok. Ang paglalakbay sa burol ng Tirania ay hindi biro sapagkat marami ang hindi nakakamit ang tagumpay na matagpuan ang tribo. Mayroong dadaanan na napakahabang tulay na gawa sa Damortis sa hilagang bahagi ng Galadia. Sa diretsong daang tinatawag na walang hanggan ay maaaring tumanda ang isang Emerit sa paglalakbay, ngunit kung hindi matatagpuan ang sekretong lagusan ay hindi kailanman mararating ang burol.
"Ina, ama huwag kayong mag-alala't makakarating ako sa Tirania ng ligtas."
Humawak lamang si Reyna Penelope sa braso ng hari upang manghingi nang suporta dahil sa labis na pag-aalala sa kanilang panganay na anak.
BURGANDIA-Doryang Hilaga
MAAGANG NAGTUNGO ANG magkatunggaling prinsipe sa naturang palasyo upang kuhanin ang basbas ni Haring Buendia sa ikalawang pagsubok na kanilang susuungin.
Naglalakad si Leopoldo papasok sa bungad nang maamoy nito ang nakakasulasok na amoy ng dragonika ni Prinsipe Leon. Maging si Jedo ay hindi mapalagay kaya inilipat ng prinsipe ang alaga malayo sa dragonika ng lalaki.
"Amoy Hadrum ang kanyang dragonika!" usal ni Leoopoldo.
Kalauna'y binangga ang balikat ng prinsipe nang paparating na binatang taga-Astramos kasama ang Dama'ng hindi malaman ni Leopoldo kung isang Emerit o kabilang sa Galadia dahil sa di pangkaraniwang mata ni Kundiman.
"Hindi ka tumabi sa dinaraanan ko!" singhal ni Prinsipe Leon.
"Huwag mo 'kong piliting magalit prinsipe ng Astramos. Hindi ako uurong sa sa iyong hamon!" nakakunot-noo ang binata.
Nang-iinsultong ngisi lamang ang iginawad ng binata bago pinapasok ng mga kawal nang Burgandia.
Mabilis lamang ang naging pagpataw ni Haring Beundia ng basbas sapagkat tumatakbo ang oras. Akmang aalis ang binata nang hinabol ni Maria Crex si Leopoldo.
"Prinsipe Leopoldo..."
Lumingon nang may pagsuyo ang binata.
"A-Ano iyon, prinsesa?"
"Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay. Kunin mo ito!" inabot ni Maria ang isang sisidlan ng tubig.
"Salamat, Prinsesa Maria Crex.."
Mabilis na tumalilis ang binata sa palayo sa malawak na kaharian ng Burgandia.
GALADIA- Doryang Silangan
Magkasabay silang tumungo sa walang hanggang daan kung saan hindi dinala ang mga dragonika. Kailangang lakarin ang kahabaan ng daanan patungong burol.
"Hindi ka makakarating sa Tirania kaya sumuko ka na!"
Nasa kalagitnaan sila nang paglalakbay nang mayroong sumunggab kay Prinsipe Leon na isang kakaibang nilalang.
"Tulungan mo 'ko!" anang prinsipe rason upang ilabas ni Leopoldo ang kanyang espada.
Hinahatak ng kakaibang nilalang si Prinsipe Leon hanggang sa nakipagpambuno ang panganay ng Harandia.
Nakawala si Prinsipe Leon sa naturang nilalang ngunit ang naging kapalit ay ang mismong binatang nagligtas sa kanya.
"Grrrrr!" alulong ng nilalang habang hinihila si Prinsipe Leopoldo.
"Tulungan mo ko, Prinsipe Leon!" pilit inaabot ng binata ang lalaking umiiwas sa kanya.
Mapanganib na ngumisi lamang ang prinsipe habang nagpatuloy sa paglakakad patungo sa Tirania.
'Kailangan kong makaligtas dito, hindi maaaring matalo sa pangalawang pagsubok'
Karay-karay ng kakaibang nilalang ang kanyang katawan ngunit biglang na lamang itong natumba.
"Ha?" nagtaka si Leopoldo.
Sinuri ni Leopoldo ang nakahilatang nilalang, bahagya niyang binuksan ang talukap nang mga mata ng nilalang ngunit imbis na dumilat ay malakas na humilik ang naturang halimaw.
"Tulog?"
Dahan-dahan ang naging paglakad ni Leopoldo palayo sa nilalang, ngunit bago pa man siya makalayo ay bumungad sa kanya ang mga matutulis na sibat.
"Ano gawa Emerit lugar namin!" matapang na saad ng mga tribong Tirania.
"T-Tribong Tirania?"
Inilibot ni Leopoldo ang kanyang mata sa paligid kung saan napapalibutan ng iba't-ibang kulay nang burol.
"Kami Tribu Tirania, ano iyong kailangan!" anang pinakapinuno ng naturang tribo.
"Ako ay nanggaling sa Harandia at nais kayong tulungan upang magkaroon ng inyong matutuluyan." ngumiti ang lalaki subalit natigilan ang prinsipe nang makita si Prinsipe Leon na halos nakakakalahati na nang kanyang kinukumpuning tahanan para sa mga Tirania.
"Hindi ba't sinabi kong umatras ka na hangal na prinsipe ng Harandia." ngumisi ang hambog na binata sa prinsipe.
"P-Paanong..."
Namangha si Prinsipe Leopoldo sapagkat hindi man lamang kakikitaan ng pagtutol ang mga taga-Tirania kapag inuutusan ni Prinsipe Leon, lalo sa pagtulong upang makabuo ng kanilang permanenteng kabahayan.
"Paano ba 'yan prinsipe ng Harandia? Mukhang mauuna akong makarating sa'yo sa palasyo?" tinapik lamang ni Prinsipe Leon ang natitigilang binata.
"Hindi 'to maaari! Paano niya nagawa ang mga kabahayan nang ganito kabilis? Sa ganoon kadaling mili-segundo?"
Maya-maya'y umalingawngaw muli ang kakaibang nilalang patungo sa kanya ngunit biglang humarang ang pinuno ng Tirania upang masindak ang halimaw.
"M-Maraming salamat,"
"Mga ka-tribo ikulong ang prinsipe ng Harandia!"
"T-Teka..."
Buong akala ni Leopoldo'y tinulungan ang binata nang naturang pinuno ngunit mali ang kanyang sapantaha sapagkat gagawin pala siyang bihag ng mga taga-Tirania.
"P-Pakawalan niyo ko! Teka, nagakakamali kayo sa inyong ginagawa. Narito ako para tumulong at hindi bilang kaaway." pakiusap ni Leopoldo ngunit tila bingi ang mga ito at basta-bastang iniwan ang binata sa isang malaking hawla.
Natanaw ni Leopoldo ang prinsipe ng Astramos na sadyang papaalis sa tribo habang nakikipagkamay sa pinakapinuno nang naturang samahan.
"Prinsipe Leon, tulungan mo kong makawala!" pilit nakikiusap ng prinsipe ngunit hindi nakinig ang binata imbis ay ngumisi lamang, umiling-iling bago at hanggang makaalpas ang lalaki palayo sa burol.
"Hindi 'to maaari, kailangan kong makaisip ng paraan...'
BURGANDIA-Doryang Hilaga
HUMAHALAKHAK SI PRINSIPE LEON habang palapag ang kanyang mabahong dragonika sa tapat nang palasyo.
Mariing binuksan ni Leon ang dalawang naglalakihang pinto sa bungad ng Burgandia upang ibalita ang tagumpay na kanyang nalasap sa ikalawang pagsubok.
Nagtaka si Haring Buendia na ganoon kadaling nakabalik ang prinsipe ng Astramos, gayong malayo ang paglalakbay na susuungin upang makaarating sa Tirania.
"Mahal na Hari, isang malaking karangalan na ilahad ang aking kamay kasama ang kasulatan ng pinakapinuno ng Tirania."
Kinuha ni Haring Buendia ang naturang papel. Isa ngang sulat galing kay Tirodia ang pinuno ng tribong Tirania sa hilagang burol ng Galadia.
Doon ay nakalagay ang ilang mga pagpapasalamat sa ngalan ng prinsipe nang Astramos, dahil sa pagpapatayo ni Leon ng naturang matutuluyan gamit ang kanyang sariling kamay.
Tumikhim si Haring Buendia saka bahagyang tumango sa kanyang mag-ina.
"Sa ngalan ng batong Elixir at sampu ng mga lahing Burgandia, ang pangalawang pagsubok ay ibinabahagi ko sa pangalan ni Prinsipe Leon ng Astramos." bumakas ang nakakalokong ngisi sa labi ni Prinsipe Leon sapagkat nakamit nito ang pagkapanalo sa ikalawang pagsubok.
"Maraming salamat mahal na hari!" mabilis lumuhod ang prinsipe sa harap ng trono bago lumapit kay Maria Crex at hawakan ang malambot na kamay ng prinsesa.
"Mapapasaakin ka rin mahal kong prinsesa." hinalikan ni Prinsipe Leon ang likod-palad ng dalaga.
"Hindi pa tapos ang pagsubok kaya hindi natin alam ang magiging pasya ni ama, Prinsipe Leon."
"Aha! Pasasaan ba't ako rin ang mananalo sa ikatlong pagsubok?"
Humingang-malalim ang dalaga bago nagtimpi sa pagiging bastos ng prinsipe.
"Di hamak na mas magaling ako sa prinsipe ng Harandia, kaya't nakasisiguro akong mapangangalagaan ko ang buong Burgandia at maging ikaw mahal na prinsesa." ngumiwi si Maria Crex sa mga sinabi ni Prinsipe Leon ngunit nanatiling tahimik ang babae at umiwas na lamang sa lalaki.
"Babalik ako upang tapusin ang ikatlong pagsubok. Hindi ko sinasabi sa'yong huwag mong asahan ang pagbabalik ng prinsipe ngunit imposibleng makabalik ito, kaya marahil ako na lamang ang kokompleto ng mga inihanda ng iyong ama." muling tumiim-bagang ang binata bago tumalilis palabas ng Burgandia.
'Nasaan kana Prinsipe Leopoldo..'
GALADIA-Doryang Hilaga
"Tulungan niyo! Kailangan kong makabalik sa palasyo ng Burgandia!"
Dinadaanan lamang siya ng mga kalahi ng Tirania at tila pinagtatawanan.
"Pssst! Ibibigay ko ang aking brilyante basta pakawalan mo ako ss hawlang ito."
Umiling lamang ang batang lalaki saka tumakbo sa maliit na trapal na nagsisilbing tahanan ng mga taga-Tirania.
Kahit nasa ganoong kalagayan ang binata'y hindi maiwasang mamangha ang kanyang mga mata sa nagliliwanag na burol, kung saan mas tumingkad ang iba't-ibang kulay nito dahil sa pagtama ng ikatlong-kinang na nanggagaling sa Hantala.
"Prinsesa Maria Crex makakatakas ako at babalik sa Burgandia upang makasama ka...' bulong ni Prinsipe Leopoldo sa kanyang sarili.
Maraming mga bantay ang naturang burol kaya't ang binabalak na pagtakas ay sadyang mapanganib kung tutuusin. Ang bawat mili-segundo ay tumatakbo rason upang kailangan ni Leopoldo'ng gumawa ng hakbang upang makaabot sa pangatlong pagsubok ni Haring Buendia. Kapag hindi siya nagtagumpay na makalaya at inabutan ng oras kung saan simula nang pagsubok ay hindi na muling makakalahok ang binata, kung saan naaayon sa kasunduang nakatala sa Burgandia.