BURGANDIA-Doryang Hilaga
Ika-siyam na pagkinang ng Hantala kung saan araw ng pag-iisang dibdib ni Prinsipe Leon at Maria, tahimik ang kapaligiran at maaliwalas ang buong kaharian ng Burgandia. Alam ng bawat Emeritian ang mangyayaring pagdiriwang na magaganap ilang mili-segundo na lamang ang lilipas. Patungo si Wanda sa kuwarto ni Maria habang bitbit ang kaniyang susuutin mamaya sa piging.
“Prinsesa Maria?” tawag ng Dama mula sa nakapinid na pinto ngunit walang sumasagot.
Nabagdan ng pagtataka ang babae kung kaya bahagya niyang pinihit ang seradura. Namasdan ni Wanda ang maayos na kubre kama palatandaan na hindi natulog doon ang prinsesa, rason upang dali-daling tumakbo ang dama para ipaalam ang muli na namang pagkawala ni Maria. Nang makarating sa trono ay kasalukuyang nakapirmi ang mag-asawa kasama si Prinsipe Leon tila hindi na umalis ang naturang lalaki magmula ng ika-walong pagkinang ng Hantala.
Tumungo roon si Wanda at kaagad lumuhod sa harap ng hari animo takot na takot sa kaniyang ibabalita at hindi makapagsalita ng maayos dahil sa takot na maaaring sapitin dahil hindi niya nabantayan ng maigi ang dalaga.
naglumuhod kaagad si Wanda habang ang dalawang kawal ay hawak ang kaniyang braso, hindi mapigilan ng dama’ng matakot dahil kakaiba ngayon ang pag-uugali ng hari. Labis ang mababakas na emosyon sa mukha ng reyna dahil sa kaniyang nais sabihin.
“Anong suliranin ang bumabagabag sa’yo Dama? Nasaan ang prinsesa?” tanong ni Haring Buendia.
“Patawarin ninyo ako, Haring Buendia…”
“Sabihin mo ng diretso ang ibig sabihin ng iyong pagtangis, Emeritian!” sabad naman ni Prinsipe Leon.
Nakatiim-bagang ang binata dahil maaaring tama ang kaniyang hinala sa mga sasabihin ng Dama. Samantala, hindi mapigilang maluha ni Reyna Crexia, hindi pa man naririnig ang balita ukol sa nangyari sa kaniyang nag-iisang anak.
“Matapos ko pong tunguhin ang kaniyang silid, tila hindi po natulog doon ang prinsesa. Hindi kop o siya makita sa kahit saang sulok ng palasyo.” anito.
Nagbulung-bulungan ang mga nakatayong Dama sa gilid habang ang mga kawal ay nagtinginan marahil ay nakaramdam din ng labis na takot lalo’t matapos sabihin ni Wanda ang di magandang balita ay napahiyaw si Prinsipe Leon. Galit na galit ang kaniyang reaksiyon saka itinuro ang dama.
“Hulihin ang dama’ng ‘yan! Walang kuwenta ang iyong pagbabantay sapagkat nakawal parin sa iyong kamay ang prinsesa.” mabagsik na saad ni Prinsipe Leon.
Nagulantang ang reyna sapagkat hindi niya matarok ang kakaibang otoridad na ipinapakita ng estranghero, tumingin ang ginang sa hari na walang makakapang emosyon at talagang nakatingin lamang sa babae habang dinadampot ng mga kawal.
“Hindi ba kalupitan naman ang ipakulong ang isang Dama na wala namang pagkakasala? Si Prinsesa Maria ang tumakas, Prinsipe Leon! Mahal, anong iyong pasiya ukol sa kaligtasan ni Wanda?” nababahalang pahayag ni Reyna Crexia.
“Nakagawa ng pagkakamali ang hampas lupang Emeritian kaya kailangan siyang maparusahan…” nakatulalang pahayag ni Haring Buendia.
Napasapo sa bibig ang ginang tila hindi makapaniwala sa mga sinasabi ng kaniyang esposo.
“hindi na talaga kita kilala, aking mahal..”
Kinusot ng ginang ang kaniyang namumulang ilong dala ng pag-iyak saka umalis sa trono upang umakyat sa kanilang nakatalagang silid.
“Hindi maaaring mapahiya ako. Gumawa ka nang paraan Haring Buendia! Ano na lamang ang sasabihin ng mga Emeritian na nakakaalam na ngayon ang aming pag-iisang dibdib!” malakas ang boses ni Prinsiep Leon.
“Masusunod ang kahit anong iyong naisin, susunod na hari ng Burgandia. Kumando, tumungo ka sa’king harapan!” utos ng ginoo.
Mabilis na kumilo ang pinuno ng hukbo at magalang na yumuk sa hari bago pinakinggan ang kaniyang hindi mababaling utos.
“Ano po ang aking maipaglilinggkod sa inyo, Haring Buendia?”
“Muli ninyong libutin ang buong Burgandia at hanapin ang aking nawawalang anak. Kailangang maibaik ang prinsesa sa pagtaas ng Hantala sa kalangitan. Kapag hindi nasunod ang nararapat ay kalahati ng iyong hukbo ang aking lalagasin sa mga sibat!” saad ng ama ni Maria.
Nabahala ang ilang mga kawal at tila ayaw nang kumilos sa takot ngunit mayroon silang tinanguang katungkulan sa palasyo.
Walang ilang mili-segundo ng nagsipulasan ang mga Emeritian palabas ng bakuran ng Burgandia.
“Hanapin si Prinsesa Maria, bago pa kuminang ang Hantala sa ika-siyam na beses!” singhal ni Kumando.
HARANDIA- Doryang Kanluran
Nakarating sina Maria at Prinsipe Leopoldo sa harap mismo ng bakuran ng Harandia. Gulat na gulat ang mga kawal at mabilis ang kanilang kilos na binuksan ang malaking pintuan saka naman nagkatinginan ang dalawa bago nagmamadaling pumasok sa loob ng palasyo.
“Mahal na prinsipe, marami po ang nababahala sa inyong pagkawala! Ang inyong magulang ay labis ang pag-aalala dahil maging ang inyong dalawang kapatit ay biglang naglaho na lamang na parang bula.” ayon sa pinaka-lider ng hukbong Harandia.
“Huwag kang mag-alala, kasama ko ang aking dalawang kapatid. Nabihag ako ng hari ng Galgotha! Kailangang malaman nina ama’t ina ang nalalapit na banta laban sa seguridad ng buong Emerit.” ani Prinsipe Leon saka bahagyang binigyan ng daan ang prinsipe at si Maria. Walang sinayang na oras ang dalawa at kaagad tumungo sa mahabang daanan patungo sa trono ng mga magulang nina Haring Cantor at Reyna Penelope. Nasa kalagitnaan pa lamang ay natanaw na nang mag-asawa ang prinsipe kung kaya napatayo maging ang ginang.
“Ama, Ina….” usal nito saka yumukod maging si Prinsesa Maria.
“Labis ang aming pag-aalala, maging ang iyong mga kapatid ay hindi naming mahagilap!” anas ng ginang at hindi matatawaran ang mga luhang pumapatak sa kaniyang mata.
“Hindi ninyo naisip na maaaring makaapekto ang inyong palalong kilos sa kalusugan ng inyong ina!” mababakas ang kakaibang sentimyento sa hari subalit maluwat na tinanggap ni Prinsipe Leopoldo ang galit na mayroong bahid pag-aalala galing sa matanda.
“Ipagpaumanhin ninyo ang aming kasutilan, ama. Sina Arnulfo at Ricardo ay naiwan sa bungad ng Doryang Timog.”
Hindi halos makapagsalita ang mag-asawa dahil sa pagkabigla. Lubahang mapanganib sa lugarna iyon at ni alinmang mga kawal ay hindi nagagawi sa bahaging iyon ng Emerit.
“Labis na mapanganib ang lugar na iyon! Anong ginagawa ng iyong mga kapatid sa---“
“Wala na pong panahon, ama, ina… nasa panganib ang buong Emerit. Sa susunod na lamang po ako magpapaliwanag sa mga nangyayari ngunit tinitiyak kong ginagawa naming ito para kaligtasan ng ating kani-kaniyang nasasakupan.”
Nagkatinginan sina Haring Cantor at Reyna Penelope subalit mayroong pagdududa sa mga sinasabi ng panganay na anak.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Ang prinsipe ng Astramos at ang hari ng Galgotha ay iisa. Nilinlang niya ang Burgandia katulong ang manggagaway na si Ulna upang hindi makita ang kaniyng totoong anyo. Mayroon silang masamang interes at masamang balak sa Elixir upang maging abo ang lahat ng Emeritian.” mahabang pahayag ni Prinsipe Leopoldo sa kaniyang mga magulang.
“H-hindi maaari—“
“Ama, kailangan nating tulungan si Prinsesa Maria. Sa ika-siyam na pagkinang ay ipapakasal siya sa isang huwad at mapaghiganting hari!”
“Nais ko pong humingi ng kapatawaran kung sakaling nagulo ang inyong mga anak Haring Cantor at Reyna Penelope, ngunit nanganganib po ang aking mga magulang sampu ng mga kawal at ordinaryong Emeritan sa’ming bakuran dahil sa masamang hari ng Galgotha.”
Ipinaliwanag din nina Maria ang kanilang nakuhang susi upang maging protektado ng emblem ang Elixir kaya nagpasya ang hari at reyna ng Harandia’ng makipagtulungan kay Prinsesa Maria upang sa gayon ay mailigtas ang Burgandia at ang buong Emerit.
“Buong kawal ng Harandia, tumindig sa’king harapan!” matikas na utos ni Haring Cantor.
“Masusunod mahal na hari!” sabay-sabay na pahayag ng mga hukbong nagkaroon ng puwesto sa bawat sulok ng kaharian.
“Ang aking panganay at inyong pinunong hukbo ang mangunguna sa paglusob sa Burgandia. Bantayan ang kaligtasan ng prinsesa upang sa gayon ay makalapit siya sa Elixir!”
Nag-ingay ang mga kawal saka magkakasabay na tinalikuran ang hari upang lumabas sa bakuran ng Harandia at tumungo sa Burgandia. Nasa unahan ang panganay ng Harandia maging ang pinaka pinuno habang si Prinsesa ay isinakay kay Aleman upang maging mas komportable si Maria.
GALGOTHA- Doryang Timog
“Kumusta na kaya ang mga nangyayari sa Burgandia? Nakuha na kaya ni Prinsesa Maria ang susi?” nakakalumbabang saad ni Pinkie sa tabi ni Diwatano habang nakatanaw sa papasikat na Hantala sa kalangitan.
Hindi kumibo si Diwatano ngunit misteryosong nakatingin sa Hantala. Nakaramdam ng hiya si Pinkie dahil hindi siya kinikibo ng prinsipe ngunit nang akmang aalis si Pinkie upang lapitan si Prinsipe Ricardo ay pinigilan siya ni Diwatano.
“Maaari ka bang manatili sa’king tabi?”
“B-Bakit?”
Muling nananahimik ang prinsipeng diwata ngunit sumunod lamang si Pinkie sa naturang diwata sa Hilaga sapagkat kakaiba ang nararamdamang kiliti ni Pinkie sa kaniyang puso matapos maging mabait nito. Naputol ang mahikal na eksena ng humiyaw si Kudyamat mula sa pagkakagapos saka nagmamakaawang pakawalan dahil sa kaniyang panghahapo na nararanasan.
“Hindi mo ‘kami malilinlang kahit anong iyong gawin!” singhal ni Arnulfo.
“Hindi man ako makasama sa plano ni panginoon, ngunit alam kong magtatagumpay siya!” tumawa ng malakas ang engkanto.
“OO! Manahimik ka na!” anito saka sinapakan ng malalaking sinas ni Prinsipe Ricardo.
Maya-maya’y sumama ang temperatura at naging madilim ang kapaligiran hanggang sa kumapal ang usok na namumuo mula sa gitnang bahagi ng Doryang Timog.
“A-anong nangyayari?” takang tanong ni Arnulfo.
Nakarinig ang mga ito nang matinis na pagtawa ng isang nilalang mula sa loob ng usok hanggang sa unti-unting naging malinaw ang lahat. Bumakas ang takot sa mukha ni Pinkie matapos niyang mamataan kung sino ang tumungo sa bandang iyon nang kakahuyan.
“S-Si Ulna…”
Hinatak ni Diwatano si Pinkie upang magkubli sa ilang halamanan ng Galaxia kahit nagpupumilit ang huli na tulungan ang dalawang prinsipe.
“Kailangan natin silang tulungan…”
“Kapag tayo rin ang nabihag ay hindi natin sila matutulungan, gaya nang iyong plano.” anas ni Diwatano habang maingat na nagkukubli sa mga halamanan.
Nanahimik si Pinkie tila sumasang-ayon sa mga sinasabi ng prinsipe ukol sa kaniyang nais gawin.
“Mga mapangahas na Emeritian ang bumihag sa isang mahinang engkanto ang aking natatanaw mula rito?” pambubuyo ni Ulna.
“Sino ka?” matapang na saad ni Ricardo.
“Sino nga ba ako?” nakakainsultong saad ng manggagaway.
Mayroong lumitaw na usok mula sa kaniyang mga palad saka ibinato sa mga lubid na nakagapos kay Kudyamat. Kalauna’y bumunot ng espada ang nakatatandang prinsipe ngunit akmang ihahampas pa lamang ng binata’y lumipad sa puno ang buong katawan ng prinsipe. Napaigik sa sakit na naranasan matapos maibalibag sa punong Damortis. Doon ay nagsimulang pumulupot ang baging kay Arnulfo kaya akmang lalapitan ni Ricardo ang kaniyang kapatid ngunit marahas siyang napalingon dito upang gantihan sana subalit muli na namang bumuo ng maitim na usok sa kaniyang palad at pinaangat sa ere ang pinakabatang prinsipe ng Harandia.
“Paano kaya ang magiging kalagayan mo kung ihuhulog kita mula sa taas patungo sa lupang timog?”
Pilit kumakawala mula sa pagkakagapos sa usok si Ricardo at halatang hirap na hirap habang si Kudyamat ay tila nagugulat din sa mga nangyayari, sapagkat maging ang engkanto ay mayroong takot sa manggagaway. Kinalaunan ay pumitik si Ulna dahilan upang tuluyang mahulog si Ricardo sa lupa, dinig na dinig ang sigaw ni Arnulfo dahil kitang-kita niya ang tumalsik na lilang dugo sa katawan ni Ricardo.
“Oops, nakalimutan kong ibaba siya nang maayos!” tila nagkukunwaring inosente sa kasamaang nagawa.
“Walanghiya ka! A-anong ginawa mo sa kapatid ko!”
Mula sa pinagkukublihan ay halos nakatakip ang buong bibig ni Pinkie dahil sa pagkatakot lalo’t kitang-kita niya ang ‘di magandang kalagayan ni Ricardo mula sa kasamaan ni Ulna. Walang mala yang prinsipe at tila tinakasan na nang buhay ngunit hindi nila alam paano tutulungan ang dalawa sa kanilang kalagayan. Walang malay si Ricardo na isinandal ng usok sa Damortis at doon ay pinalibutan ng baging ang kaniyang buong katawan.
Makikita ang sariwang lilang dugo sa gilid ng bibig ng prinsipe, habang pilit kumakawal ni Arnulfo mula rin sa pagkakagapos.
“Paano na lamang kaya ang kahihinatnan ng iyong kapatid?” insultong saad ni Kudyamat bago binato si Ricardo ng sinas saka humahalakhak na sumuot sa entrada ng Galgotha.
Samantala, nawalang parang bula si Ulna ngunit hindi maikakaila ang hirap na kalagayan na iniwan niya sa magkapatid na Harandia. Matapos maglahong dalawang masamang nilalang ay nagmamadaling lumapit si Pinkie kasunod si Diwatano saka mariing tinatanggal ang Damortis kahit imposibleng mangyari ang bagay na ‘yon.
“K-kailangan nating humingi ng tulong…” suhestiyon ni Diwatano.
“Mukhang napuruhan si Prinsipe Ricardo.” saad ni Pinkie at pinipilit rikisahin ni Pinkie ang walang malay na prinsipe.
Lumipad si Diwatano malapit kay Arnulfo saka tinignan ang kalagayan ng prinsipe hanggang sa umingit ang binata.
“Maiiwan muna naming kayo sapagkat hihingi kami ng tulong sampu ng mga kawal ng Hilagang Galadia at Silangan. Pinkie, kailangang malaman ito ni Haraya dahil tiyak na umuusad na ang masamang plano ni Juantorio sa Doryang Hilaga.”
Mariing tumango ang diwata saka nagmamadaling lumipad palayo sa mga nakagapos na prinsipe ng Harandia.
BURGANDIA- Doryang Hilaga
Nagsitago ang ilang mga ordinaryong Emeritian na kung saan nasasakupan ng Burgandia matapos dumaan ang pulutong ng kawal na pinamumunuan ni Kumando. Hinahanap nila ang prinsesa sa bawat sulok ng bakuran maging sa pamilihan, pinapasok ang bawat kabahayan. Mayroong ilang nasaktan dahil nanlaban hanggang sa nahinto ang bawat ginagawang paghahalughog nang dumaan ang pulutong ng Dragonika kung saan sakay ang ilang kawal ng Harandia.
Kakikitaan ng pagkagulat ang mga kawal ngunit hinawakan nila ang kanilang mga sandata saka tindig ang katawan habang nakasakay sa unicorn. Maya-maya’y lumapag ang mga dragonika, saka bumaba ang prinsipe at ang pinaka pinuno ng Harandia. Halos magtago ang mga payak na Emeritian sa paghaharap na nagaganap sa dalawang makapangyarihang palasyo sa Emerit.
Walang emosyong humarap si Kumando sa prinsipe at sa pinaka-pinuno ng Harandia.
“i***********l ni Haring Buendia ang sino mang kawal o Emeritian na nanggaling sa Harandia’ng tumuntong sa bakuran ng Burgandia.” anito ngunit nanatiling nakatayo si Prinsipe Leopoldo sa harap ni Kumando.
“Hindi ako natatakot sa mga sinasabi mo. Alam kong nasa ilalim ka rin nang kapangyarihan ni Juantorio.”
Kitang-kita na nagtagis ang bagang nito saka humudyat sa mga kawal na sakop niya na ihanda ang armas dahil tila naghahamon ng duwelo ang kabilang pulutong.
“Ayokong dumanak ang dugo sa lupain ninyo, ngunit kung kinakailangan naming makapasok sa palasyo na ayaw ninyong bigyan ng daan ay mapipilitan kaming labanan ang kawal ng Burgandia.”
Pumuwesto ang ilang mga kawal ng Burgandia tila bumuo ng barikada kung sakaling magpumilit ang mga kawal hanggng sa pumagaspas ang mga dragonika tila nais ipagtanggol ang kawal ng Harandia. Nasa ganoong tagpo nang sumigaw si Prinsesa Maria na nagmula sa loob ni Aleman.
“Ang Prinsesa!” anas ng isang kawal na nasa pulutong ni Kumando.
“Magsitigil kayo! Hindi kayo ang kalaban ngunit ang totoong kalaban at dapat nating pigilan ay ang impostor sa loob ng palasyo. Siya ang mayroong masamang balak sa buong Emerit. Si Juantorio Gladi ang siyang nararapat na ihabla!” singhal ni Maria sa mga naroroon.