BURGANDIA-Doryang Hilaga
Malakas ang binuong hukbo ni Kumando ngunit hindi papatinag ang mga taga-Harandia hanggang sa nagsimulang magsilabasan ng kanilang mga armas at parang bingi sa mga salitang isinaad ni Maria mula sa kaniyang paglabas kay Aleman.
“Hindi maaaring mabali ang utos ng hari!” singhal ni Kumando.
“Hiyaaaaahh!” sugod ng mga Burgandia.
Magkakasabay na hinarangan ng mga kawal ni Harandia ang mga espadang umuunday sa mga kawal ng Burgandia ngunit ang ilan ay halos dumanak ang dugong lila at hindi malaman kung paano lulusot ang kapayapaan sa pagitan ng nagbubungguang palasyo sa Emerit. Maraming mga diwata ang nagtago sa bawat sulok ng ordinaryong pamilihan at maging ang mga payak na Emeritian ay sadyang lumusut-lusot sa kung saang eskinita. Hindi magkamayaw sa kaguluhan hanggang sa akmang tatakbo ang prinsesa palayo sa mga nagkakagulong kawal upang makapuslit sa loob ng Burgandia at para iligtas ang kaniyang mga magulang laban kay Prinsipe Leon.
“Saan ka pupunta mahal na prinsesa?” saad ni Kumando.
Nagulat si Maria at binalak tumakbo palayo sa lider ng hukbo ngunit pinitserahan ang kaniyang damit upang pigilan at dalhin sana pasakay ng unicorn na gamit ng lalaki ngunit sumulpot si Leopoldo upang iligtas ang dalaga laban kay Kumando. Mabilis na pinadaanan nang espada ni Prinsipe Leopoldo ang balikat ng pinuno dahilan upang mabitawan ni Kumando si Maria. Mabilis sinapo ng lalaki ang kaniyang balikat hanggang sa kakikitaan ito nang namumuong galit sa mga mata. Malaking bulas ang pinuno nang Burgandia kahit sabihing makisig ang prinsipe, marahas na lumapit ang lalaki at akmang itutusok sa prinsipe ang kaniyang hawak na armas ngunit mabilis nakaiwas si Leopoldo. Nagpambunuan ang mga ito at hindi malaman kung sino ang makalalamang dahil halos gumulong ang dalawa sa sahig.
“Ahhh! Hindi ko hahayaang masaktan mo ang prinsesa!!” giit nito ngunit dahil sa kanilang paggulong ay nakakuha ng tiyempo si Kumando upang masakal ang leeg ni Leopoldo.
Hindi malaman ni Maria ang marapat gawin hanggang sa napatingin ang nahihirapang prinsipe sa dalaga tila mayroong nais sabihin ukol sa hakbang na binabalak.
“P-prinsesa Maria, u-umalis kana..i-iligtas mo ang Burgandi laban kay J-juantorio!” anas nito.
“P-pero--- hindi kita maaaring iwan!”
“N-nakikiusap ako…”
Nagdadalawang isip na lumipat ang mga mata ni Maria sa pinuno at sa prinsipe bago mahigpit na hinawakan ang magkabilang laylayan saka nagmamadaling tumakbo palayo ang prinsesa ngunit hindi napansin ang agarang pagbitaw ni Kumando mula sa pagkakasakal at mabilis na sinundan ang prinsesa. Hindi kaagad nakahuma ang binata dahil sa labis na iniindang sakit sa kaniyang leeg. Alam ni Leopoldo na nasa panganib si Prinsesa Maria dahil sa mabagsik at masamang balak ng pinuno nang hukbo kung kaya’t kahit ganoon ang kaniyang nararamdaman ay pinilit niyang makatayo upang sundan si Kumando.
Panay ang lingon ni Maria mula sa likuran upang tingnan kung mayroong sumusunod. Nang makalapit sa mismong malaking pinto papaso sa pinaka-palasyo ay nahirapan ang prinsesa at panay ang kaniyang lagabog sa dalawang magkahugpong na pinto.
“Papasukin ninyo ‘ko!” pakiusap ni Prinsesa Maria.
Hindi alam ni Maria kung saan siya aakyat ngunit natigilan ang dalaga nang makita ang isang kawal na nakasakay kay Jedo.
“Mahal na prinsesa! Dito po!”
Napangiti si Maria saka nagmamadaling sumampa kay Jedo matapos umalis ng kawal mula sa pagkakasakay sa dragonika. Bumulusok pataas ang pinakamaliit na dragonika ng Harandia habang nakasakay si Maria, marahang hinimas ng dalaga ang alaga ni Prinsipe Leopoldo tila naintindihan ang nais niyang iparating rason upang lalong sumigla ang kaniyang paglipad sa kalangitan. Natamaan ang kulay ni Jedo mula sa kinang na nanggagaling sa Hantala. Kitang-kita ang kaniyang makinang na kaliskis habang patuloy sa paglibot sa kabuuang Burgandia.
“Magaling Jedo! Kailangan nating malapag sa entrada ng palasyo upang mapagsabihan ang aking mga minamahal na magulang.”
Muling umatungal si Jedo tila naiintindihan ang mga sinasabi ng prinsesa ng Burgandia. Dahan-dahang lumapag ang dragonika at kaagad nakaramdam ng kaginhawaan ang kaniyang dibdib ngunit natigilan si Prinsesa Maria nang ang sumalubong sa kaniya ay ang mga sibat ng mga kawal na natira sa loob ng palasyo.
“A-anong ibig sabihin nito?” nagtatakang tanong ni Maria sa mga kawal.
“Mahigpit na ipinag-uutos ni—“
“Ako ang may utos sa kanilang dalhin ka sa trono, pasaway na prinsesa!” anang prinsipeng sumulpot sa pinakagitna ng mga pulutong ng kawal.
Kalauna’y naramdaman na lamang ni Maria ang mahihigpit na hawak ng dalawang kawal habang makikita ang nakaismid na reaksiyon ng lapastangan.
“walanghiya ka! Pakawalan ninyo ‘ko!” tahasang saad ng dalaga habang mala-asido ang kaniyang mga tingin sa binata ng Galgotha.
Mariing ginapos si Jedo ng mga kawal ng Burgandia habang kinaladkad ang dalaga palapit sa trono ng hari at reyna ngunit tanging ang ama lamang ang naroroon at mahahalatang nakatulala lamang ang matanda tila wala sa sarili.
“Napakasama talaga ng iyong budhi! Anong ginawa mo sa mga magulang ko!” singhal ni Maria Crex.
Tumawa lamang ang binata tila binubbuyo dahil sa mga nangyayari sa Burgandia dahil sa kaniyan mga kagagawan.
“Hindi ka magtatagumpay , Juantorio!”
“Hindi ko alam kung anong iyong mga binibigkas aking mahal na mapapangasawa?” sarkastikong saad nito.
Mas lalong nabalong ng galit ang puso laban sa lalaking mapangahas. Hindi nagpatumpik-tumpik ang mga kawal at s*******n siyang pinaupo malapit sa trono kung saan ni hindi kumikibo ang hari animo hindi siya nakikilala.
“Ama, gumising ka mula sa pagkakahimbing ng iyong diwa?” luhaang saad ni Maria ngunit imbis na pansinin ay nanatiling nakatingin sa malayo ang hari.
“Isang karangalan na ihambala ang aking buong pagkatao para lamang sa buong Burgandia. Pinapangako kong pamumunuan ng maayos ang palasyo.” masuyong saad ni Prinspe Leon habang nakatalungko sa harap ng hari.
Tumikhim ang binata tila alam niya ang mga salitang maririnig mula sa hari. Maya-maya’y tumindig ang ginoo upang ilagay ang kaniyang espada sa kanang bahagi ng prinsipe habang sinasabi ang mga salitang tumutukoy sa kaniyang katungkulan bilang bagong mamumuno.
“Ama, nakikiusap ako…hindi mo alam ang iyong ginagawa sa pagkakataong ito,” luhaang saad ng dalaga.
Nagpatuloy lamang ang hari tila walang naririnig galing sa dalaga hanggang sa puntong ipapatong ni Buendia ang korona ngunit mariing kumawala si Maria mula sa pagkakaupo at hinablot ang korona ng kaniyang ama.
“Hindi ka karapat-dapat na hiranging hari ng Burgandia! Isa kang huwad na nagpapanggap na hari ng Astramos!” singhal ni Maria ngunit imbis kakakitaan ng takot ay malakas na humalakhak ang naturang binata saka mariing inutusan ang mga kawal upang pigilan ang prinsesa.
“Saan mo dinala ang aking ina?”
“Wala akong kinalaman sa paglisan ng inang reyna. Marahil ay sadyang nalungkot siya sa iyong pagkawala!”
“Kapag nalaman kong ikaw ang may kagagawan ng pagkawala ni ina, sisiguruhin kong pagbabayaran mo ang lahat.” banta ni Maria.
Hindi kumibo si Prinsipe Leon at halos walang emosyong lumapit kay Haring Buendia at sadyang inagaw mula kay Maria ang koronang kinuha niya mula sa kamay ng matanda. Doon ay walang pakundangang isinuot ang korona kahit walang salitang namumutawi sa bibig ng ginoo. Eksaktong bumukas ang malaking pinto ng kaharian kung saan iniluwa ang bulto ni Prinsipe Leopoldo habang hinahatak sa kuwelyo ni Kumando tila sa labas pa lamang ay nagpapambuno na’ng dalawa.
GALADIA- Doryang Silangan
Pagud na pagod ang dalawang diwata habang lumilipad sa paligid ng talon at hinahanap ang bantay-ilog. Doon ay natagpuan ni Pinkie na abala ang engkantada sa pagkuha ng mga gintong pataba, hindi niya malaman kung paano uumpisahan ang kaniyang mga ikukuwento sa naturang nilalang. Magkapanabay silang tumungo ni Diwatano malapit kay Haraya dahilan upang makuha ang atensiyon nito.
“Pinkie, Diwatano? Anong hangin ang nagdala sa inyo rito malapit sa gilid ng aking ilog?”
Makahulugang nagkatinginan ang mga ito at hindi alam kung paano sisimulan ang kanilang mga isasalaysay kay Haraya.
“H-haraya kami ay manghihingi ng tulong! Kailangan nating pakawalan sina Prinsipe Ricardo at Prinsipe Arnulfo, nanganganib ang kanilang buhay maging ang lahi—“
“Isa-isa lamang ang iyong dapat ipaliwanag, Pinkie. Hindi ko matarok kung saan ang dapat kong unahing intintidihin.”
Bumuntong hininga ng malalim ang diwata animo nagkaroon ng kakaibang pagkalito sa kaniyang isip ngunit nang akmang magpapahayag ay natigilan ang tatlo sapagkat nangyari ang signos na hindi niya malaman kung dapat ikabahala.
Ang makinang na Hantala ay naging kulay pula animo humahalik sa apoy ang kalangitan. Isang babala ni Questas na sadyang nagbibigay ng hudyat nang pagtutunggali sa pagitan ng dalawang makapangyarihang palasyo sa Emerit ayon sa kaniyang mga palaisipan.
“Isang signos…” makahulugang usal ni Haraya.
“Ito ba ang mga nagsasaad sa salita n gating punong kaalaaman sa gitnang bahagi ng Galadia.”
Hindi makapagsalita ang bantay-ilog at nagmamadaling sininop ang mga naaning gintong pataba sa gilid. Matamang sumunod sina Pinkie at Diwatano kung saan tutungo ang bantay-ilog subalit miski sila’y nababahala sa kung paano magiging maayos ang kahihinatnan nito.
“Kinakailangan nating makarating sa Burgandia sa lalong medaling panahon sapagkat iba ang aking kutob sa mga nangyayaring kababalaghan sa kalangitan ni Emeritus.”
“P-Paano ang mga prinsipe, Haraya?”
Natigilan ang engkantada saka mayroong kinuha sa kaniyang baluti na isang kakaibang buto na kulay abo.
“A-anong gagawin namin dito?” tanong ni Diwatano.
“Ang mga butong iyan ay galing sa bakuran ni Narsus na siyang nagbibigay ng mga kapangyarihan upang putulin ang ano mang lason o masamang kapangyarihang nababalot sa alinmang kaparaaanan.”
“Maaarin rin pala tayong kumuha nito nang marami kung gayon upang ipanlaban kay Ulna?”
“Limitado lamang ang mga butong iyan. Kung hindi ako nagkakamali, galing pa iyan sa’king mga ninuno at hindi kalianpaman nagagamit.”
Inilahad ni Pinkie ang aapat na butong ibinigay ni Haraya habang patuloy na iniisip kung saan at kanino pa maaaring gamitin ang naturang mga buto. Hanggang sa lumiwanag ang mga mata at mukha ni Pinkie nang maisip ang kanilang mga lahing nabihag ni Ulna. Sila ay kasalukuyang nasa kapangyarihan ng mahika ng manggagaway at kinakailangan ng agarang tulong laban sa masasamang elemento Galgotha na maaaring nagagawi sa lungga ng matanda.
“Haraya, kinakailangan muna naming pakawalan ang dalawang prinsipe bago sumunod sa’yo patungo ng Burgandia upang alamin ang kalagayan ng mga nasasakupan ni Emeritus.”