INIHAHANDA nina Haring Buendia ang ilang mga dapat gawin ukol sa piging na magaganap sa ika-sampung paglitaw ng Hantala, sapagkat iyon din ang araw na mag-iisang dibdib si Prinsesa Maria Crex at Prinsipe Leon. Kasalukuyang nasa hardin si Maria at nagmumuni-muni sapagkat nababahala ang dalaga kung paano niya pipigilan ang maitim na balak ni Juantorio. Malaki ang hinala ni Maria na ginamitan ng mahika ang pagiging masunurin ng kanyang mga magulang sa mga desisyong inilalatag ng naturang mapapangasawa.
"Ano't malungkot ang prinsesa?" putol ng pamilyar na boses.
Marahas na napalingon ang prinsesa sa gawi nito. Kitang-kita ang mapanganib na ngisi sa mga labi ni Leon habang nakakipkip ang dalawang kamay sa kanyang bulsa.
"Wala akong panahong makipag-usap sa manlilinlang na katulad mo!" umirap si Maria saka padarag na hinatak ang kanyang laylayan upang sana'y umalis sa harap ng lalaki.
Nasa gano'ng kalagayan ng pigilan ni Prinsipe Leon ang kanyang braso, kapagkadaka'y padaskol na hinatak pabalik.
"Anong nalalaman mo? Kahit anong gawin mo, hinding-hindi ka nila paniniwalaan."
"Dahil sa mahikang ginamit mo galing kay Ulna?" paratang ni Prinsesa Maria.
Bahagyang lumarawan ang pagkagulat sa mukha ng binata ngunit kaagad itong humalakhak, rason upang makaramdam ng kakaibang kilabot si Maria.
"Sinasabi ko na nga ba! Ito ang tatandaan mo Prinsesa Maria, huwag na huwag mong sisirain ang mga plano ko dahil hindi ka magtatagumpay."
"Napakawalanghiya mo!"
Aalis sana ang prinsesa ngunit kapagkadaka'y
lumitaw sina Reyna Crexia at Haring Buendia mula sa pinakabungad kung kaya natigilan si Maria sa kanyang pagpasok sana sa palasyo.
"Narito pala kayo, kaninang-kanina pa naghihintay ang pinakakilalang tagapagluto sa buong palasyo para sa mga pagkaing ihahanda sa inyong pag-iisang dibdib." marahang imporma ni Reyna Crexia.
Akmang aalis si Maria upang ipakita sa kanyang mga magulang na hindi siya sumasang-ayon sa mga planong inihahanda ng mga ito, ngunit nagulat ang dalaga nang biglang hapitin ni Leon ang kanyang beywang.
"Susunod po kami sa loob, mahal na hari."
"Sadyang gusto pa yata ni Prinsesa Maria ang manatili rito upang makalanghap ng sariwang hangin."
Pilit inilalayo ni Maria ang kanyang katawan sa mapangahas na si Leon sapagkat naririmarim ang dalaga sa kanyang presensiya. Maya-maya'y nagpaalam ang hari't reyna kung kaya doon pa lamang naitulak ng prinsesa si Juantorio.
"Isa kang lapastangan! Hindi mo masasakop ang buong Emerit! Hindi ako kailanman makapapayag na mapasakamay mo ang Elixir." halos lumabas ang litid sa leeg ni Maria dahil sa galit na nararamdaman para sa binata.
"Puwes, pigilan mo muna ang ating kasal, mahal." hinawakan ni Leon ang baba ni Maria ngunit ang dalaga mismo ang padaskol na umiwas dito.
Umiling-iling ang binata na sinabayan ng matunog na halakhak bago pumasok sa loon ng palasyo habang naiwang naeestatwa ang prinsesa.
'Kailangan kong maisagawa ang mga sinasabi ni Punong Questas.'
Ilang sandali'y malungkot na bumalik si Maria sa palasyo. Doon ay naabutan niya ang isang mahabang dulong kung saan nakahambala ang iba't-ibang pagkain na sadyang isa-isang tinitikman ni Kundiman at Prinsipe Leon. Kapagkadaka'y natigilan saglit ang prinsesa nang makita ang maligayang mukha ng lalaki.
'Tingnan natin kung makakangiti ka pa sa gagawin ko'
GALADIA-Doryang Silangan
Muling lumabas si Prinsesa Maria sa naturang palasyo upang tumungo sa bungad ng Galadia, tumanaw ang dalaga sa talon upang sinuhin kung naroon si Pinkie hanggang sa lumitaw ang matalik na kaibigan sa harapan mismo ng prinsesa, rason upang magkanda-duling ang babae.
"Kumusta, Prinsesa Maria?" masiglang bati ng munting diwata.
"Pinkie, buti na lamang ikaw mismo ang nagpakita..." kapilyahan ang gumuhit na ngiti sa labi ng prinsesa kung kaya napakunot-noo ang matalik na kaibigan.
"Hindi ko yata gusto ang mga tingin mo, Prinsesa Maria?"
Ngumuso ang dalaga dahil sa tinuran ng kanyang kaibigan subalit ang tanging naiisip ni Maria ay maisagawa ang pananabotahe sa sariling proseso ng kanilang pag-iisang dibdib.
"Mayroon sana akong ipapaki-usap sa'yo, Pinkie..." sandaling nagdalawang-isip ang prinsesa subalit sa kagustuhang makaganti at mapigilan sa kahit anong paraan ang nakatakdang piging ay kakapit si Maria sa kahit anong paraan.
"Anong kailangan mo prinsesa?" medyo nag-aalinlangan ang diwata sapagkat kilalang-kilala niya ang kaibigan.
"Kailangan ko ang dagta ng kapirasong pakpak ng vedak, Pinkie."
"Saan mo gagamitin ang dagta ng vedak, Prinsesa Maria?" pagtatakang tanong ng munting diwata. Sadyang mapanganib ang dagta lalo kung malalanghap o madidikit sa kung sinumang Emeritian, sapagkat ang epekto'y talagang nakasisira ng ilang mga bagay.
"Nais kong gamitin sa mga manlilinlang na kumukubkob sa palasyo ng Burgandia." makahulugang saad ni Maria kay Pinkie.
Bahagyang nabahala ang naturang diwata, sapagkat ang pagkuha ng vedak ay sadyang mapanganib lalo't tanging diwata lamang ang mayroong kakayahang makalikha ng dagta galing sa ibon. Samantala, kung ang karaniwang Emeritian lamang ang gagawa nito'y paniyak na walang makukuha na ni isang katas o dagta galing sa kakaibang ibon ng Silangan. Idagdag pa'ng karampatang parusa sa sinumang diwata ang mapatunayang gumamit ng dagta, saka diringgin ang konseho para mapagpasyahan ang kanilang desisyon kung saan pupulutin ang naturang diwata.
"Saan mo talaga gagamitin ang katas, Prinsesa Maria?" pamimilit ng kaibigan, rason upang hindi mapgilang mapabuntong-hininga ang dalaga.
"Hindi ako makapapayag na magpakasal sa hari ng Galgotha, Pinkie. Isang malaking kamalian ang naging pasya ni ama. Malakas ang kutob kong ginamitan lamang ng anumang mahika kung bakit mabilis napapasunod ang aking mga magulang." hinuha ni Maria sa mga kakaibang nararamdaman patungkol sa dalawang matanda.
Makikita ang matinding paglunok at kabang lumarawan sa mukha ni Pinkie, subalit sa kagustuhang tulungan si Prinsesa Maria ay kaagad tumungon ang munting diwata. Matapos kasi ang kanilang huntahan ay isinama ni Pinkie ang dalaga sa pugad ng mga vedak, dito mamamasdan ang bawat lahing namumugad sa Galadia. Walang pagsidlan ang paghangang nadarama ukol sa mga ibong namamasdan.
"Kailangan lamang natin maghintay ng tamang pagkakataon, mahal na prinsesa."
"Tamang pagkakataon?"
"Tuwing umaga, sa ikaanim-mili segundo'y sumasahimpapawid ang mga vedak, kaya ako mismo ang dadapo sa kanilang ulo upang bumunot ng manipis na balahibo."
"Maraming salamat, Pinkie. Tatanawin kong malaking utang na loob ang iyong pagtulong."
"Walang anuman, Prinsesa Maria. Alam kong kahit sa ganitong paraan ay maisasalba natin ang Burgandia laban sa hari ng Galgotha." susog ng munting diwata na kaagad nagkaroon ng ibayong kaluwangan sa dibdib ni Maria.
Ilang mili-segundo ang kanilang ipinaghintay bago isa-isang nagsiliparan ang mga vedak. Gaya nang sinabi ni Pinkie ay nakipagsabayan ang diwata sa kanilang paglipad, saka dumapo sa tuktok na ulo ng ibon. Hindi nagtagal ay muling bumalik si Pinkie na mayroong bitbit na kulay abong balahibo.
"Mahal na prinsesa, narito na'ng balahibo ng vedak. Ang marapat mong gawin ay isahod ang tutulong patak sa dahon ng Kamarilyo."
Nagmamadaling bumunot si Maria ng dahon saka marahang kinuha ang balahibo, maya-maya'y natanaw ang unti-unting sumisibol na dagta mula sa dulo.
"Pinkie, mayroon na 'kong nakuha!" masiglang saad ni Maria saka bahagyang tumango ang diwata bilang pagsang-ayon.
Nang tuluyang makuha ang sapat na dagta'y hinarap ng prinsesa ang munting kaibigan.
"Pinkie, ipagpaumanhin mo kung hindi na 'ko magtatagal. Kailangan kong bumalik sa palasyo para sa aming mga gawain at pagtikim sa mga pagkaing ihahanda sa kasal."
Nagbilin lamang ang kaibigan bago muling naghiwalay ng landas. Kinakailangan ni Pinkie na bumalik sa kanyang mga responsibilidad habang ang prinsesa'y isakatuparan ang balak patungkol sa maninilang hari ng Galgotha.
BURGANDIA-Doryang Hilaga
Masiglang tumungo ang dalaga papasok sa palasyo. Kaagad siyang sinalubong ng kanyang ama na kababakasan ng galit ang ekspresyon, marahil sa kanyang puslit na pagkawala sa palasyo.
"Saan ka nagtungo, Maria? Nakakahiya sa'yong mapapangasawa lalo't ginagawa niya ang ilang gampanin dito sa palasyo habang ikaw ay nasa labas at nagliliwaliw sa kung saan."
"Nalibang lamang po ako sa paglilibot sa'ting malawak na hardin, ama."
Tumikom ang bibig ni Haring Buendia, tila hindi nagustuhan ang kanyang mga rason sa pagkawala sa palasyo.
"Tumungo ka sa kumedor at tulungan si Prinsipe Leon sa pagtikim ng mga handang inyong gagamitin sa kasal." utos ng matanda na kaagad namang sinunod ng dalaga hindi dahil sa kagustuhang makasama ang binata kundi para maisagawa ang unang bahagi ng plano.
Kapagkadaka'y lumakad patungo sa loob ng mahabang dulungan saka natanaw ang manlinlang kasama ng kanyang alagang nag-anyong Emeritian. Hindi mapigilan ni Prinsesa Maria'ng magngitngit dahil sa mga tawanang pumupuno sa kabuuang bahagi ng hapag.
Napansin ng binata ang presensiya ni Prinsesa Maria kaya mahangin ang naging dating ng lalaki sa kanyang pagsalubong sa dalaga.
"Narito na pala ang aking mapapangasawa..." inakbayan ni Prinsipe Leon subalit inalis ni Maria ang kamay ng binata sa balikat.
"Hindi mangyayari 'yon." matigas ang naging pagtugon ng prinsesa saka dumiretso sa dulong ng hapagan kung saan nakahanda ang ilang mga putaheng inihanda ng tagapagluto.
Matalas ang naging tingin ni Maria ngunit parang hindi iniinda nina Kundiman at Prinsipe Leon ang ang kanyang mga ekspresyon.
"Napakasarap ng pagkain na inihahanda ng inyong kusinero, mahal na prinsesa." pangeengganyo ni Kundiman subalit hindi niya kayang itago ang pangil sa bibig.
"Talagang masarap kung hahaluan ng kakaibang sangkap." pilyang ngiti ni Maria.
Hindi yata naintindihan ng dalawa kaya nagsitawa ang mga ito tila mahihimatay sa kakatawa subalit alam sa sarili ng dalagang mayroong halong insulto. 'Tingnan natin kung makakatawa pa kayong dalawa ngayon.'
Nakangisi ang prinsesa habang unti-unti niyang pinapatakan ang ilang pagkain ng dagta ni vedak, subalit hindi pa'rin nahahalata ng dalawa sapagkat abala sila sa kanilang pagtawa hanggang sa ang pokus ng mata'y kay Maria.
"Marahil kailangan natin muling tikman ang pagkain." kinuha ang plato saka inaaya ang dalawa.
"Hindi ako tatanggi sa'yong alok, mahal kong prinsesa!" muling nagtawanan ang dalawa animo nang-uuyam.
Sinimulan ng dalawang tikman muli ang mga pagkaing nakahain habang palihim na natatawa ang prinsesa sa maaaring mangyari sa dalawang lapastangang nasa kanyang harapan. Inalok pa siya nang binata at iniumang ang nakalagak sa plato. Marahang tinanggihan saka sumubo ng malaki si Prinsipe Leon kaya halos maligayahan ang babae sa kanyang mga ikinikilos.
"Masarap ba?" tanong ni Maria.
Tumango-tango ang mga ito subalit ilang mili-segundo ang lumipas nang medyo kumapa ang dalawa sa kanilang mga tiyan at nagtuturuan halos hindi malaman ang gagawin.
"Kokak-kokak-kokak?" tanong ni Prinsipe Leon saka nanlaki ang mga mata dahil kakaiba ang kanilang mga lenggwahe.
"Pakakak-pakakak-pakakakak!" napatakip ng bibig si Kundiman dahil ganun rin ang naging kalabasan ng mga salitang lumalabas sa kanilang mga bibig.
"Anong mga sinasabi ninyo?" nagkunwang inosente si Maria tila nakikisakay lamang sa mga nangyayari.
"Kokak-kokak-kokak!" singhal ni Prinsipe Leon.
"Hindi kita maintindihan, aking mapapangasawa."
Tumalim ang mga mata ng prinsipe saka sinenyas ang hamba ng pinto sa kanyang Dama, subalit akmang lalabas ang mga ito nang sumulpot sa sina Haring Buendia at Reyna Crexia
"Kumusta ang inyong pagpili sa ma putahe, Prinsipe Leon?" anang ama ni Maria.
"Kokak-kokak!" sagot nito.
Kababakasan ng pagkalito ang hari ngunit imbis na manatili ang lalaki'y nagmamadaling lumabas nang kumedor kasama ang kanyang Dama, rason upang malipat ang mga mata ni Haring Buendia sa kanyang nag-iisang anak.
Ang tanging naging sagot ng prinsesa'y kibit-balikat lamang dahil ayw niyang malaman ng mga magulang ang nagawang kapilyahan para lamang mapatagal ang nakatakdang kasal.
"Tutungo po ako ng aking kwarto ama, ina.." pamamaalam sa dalawa na sadyang naiwang nagkakatinginan sa isa't-isa. Ang siste'y hindi naipagpatuloy ang pagpili ng mga pagkaing ihahanda sapagkat naatras ng ilang mga mili-minuto ang kanilang mga paghahanda sapagkat lumipas ng halos pitong minuto bago naibalik sa dati ang mga boses ng dalawang manlilinlang.
HARANDIA- Doryang Kanluran
"Kailangan kong tulungan si Prinsesa Maria!" anunsiyo ni Prinsipe Leopoldo habang pabalik-balik ang binata sa harapan ng dalawang nakababatang kapatid.
"Maari bang pumirmi ka kuya? Kanina ka pa pabalik-balik sa aming harapan! Makakatulong ka kay Prinsesa Maria nang nasa isang posisyon lamang ang iyong kinapupwestuhan." saad ni Prinsipe Ricardo animo matanda ang nagbibigay ng opinyon ukol sa kanilang mga kinakaharap na problema.
Hindi lingid sa buong palasyo ang kinakaharap na problema ng buong Emerit, ngunit ang malaking katanungan ay ang mga kakaibang kilos ni Haring Buendia laban sa mga taga-Harandia; sapagkat nagbaba ng utos ang hari na walang sinumang taga-Harandia ang maaaring makatuntong sa paligid ng kanilang kaharian. Malaki ang posibilidad na gumagamit si Haring Juantorio ng mahika upang makontrol ang isip ng naturang ginoo kaya naman masigasig ang hukbo ni Prinsipe Leopoldo na makalapit kay Maria upang makipagtulungan mapabagsak o mahinto ang masamang balakin ni Haring Juantorio sa batong Elixir.
"Bakit hindi kaya tayo manghingi ng tulong sa konseho ng Galadia?" bulalas ni Arnulfo sa gitna ng kanilang mga kuru-kuro.
Bumakas ang kasiyahan sa mukha ni Leopoldo sa mga suhestiyon na ibinigay ng kanyang nakababatang kapatid.
"Tama, kailangan kong makausap si Pinkie." makahulugang saad ng binata na sinang-ayunan ng mga kapatid.
Nasa ganoon silang pag-uusap nang pumasok ang Dama upang anyayahan sila sa kumedor kasalo ang kanilang mga magulang. Hindi parin mawala sa isip ng prinsipe ang kanyang mga hakbang na gagawin upang matulungan ang prinsesa'ng makatungo sa lubid na ipinapahayag ni Questas.
Tanging si Pinkie lamang ang maaaring makapagbigay ng kahit anong salitang ipapadaan ni Leopoldo kay Maria at iyon ang kanyang naisip na paraan upang magkausap.
'Nalalapit na'ng sumibol ang ika-siyam na pagkinang ng Hantala..'