Chapter 01
Nahilot ko ang sentido. Kahit ’ata bente-kuwatro oras akong magtrabaho, kulang pa rin ang sinasahod ko. Sa bill sa bahay pa lang ay kulang na, tapos mayroon pang tuition fee na kailangang bayaran.
Marahas akong napabuntonghininga. “Sa bayarin ’ata ako mamatay, hindi sa calculus," bulong ko.
Baon-baon na ako sa utang. Wala na akong paghihingan ng pera tapos sa susunod na buwan na ang bayaran ng tuition fee. Hindi ko na talaga alam ang gagawin.
Ang sarap na lang magpokpok sa gilid-gilid mabayaran lang ang dapat na bayaran. Sumubsob ako sa desk ko at pinikit ang mga mata.
Mauubusan na talaga ako ng buhok pati bulbol sa dami ng problema ko sa buhay.
Pinilit ko ang sarili na tumayo kahit lugong-lugo na ako. Tatlong araw na akong walang maayos na tulog. Overtime na ako palagi sa part-time job ko. Kapag naman may free time ako, nauubos sa paghahabol ng deadline.
Pumasok ako sa banyo at naligo. Nagtagal din ako kahit na maari akong ma-late. Dinamdam ko pa ’yung tubig na ’di pa nababayaran.
Para akong nawalan ng butong pumasok. Hindi ko nagawang maging aktibo sa buong araw ng klase. Maging ang mga professor ko ay nagtataka dahil lagi talaga akong bida-bida.
Tumambay ako sa cafeteria para tumulala. Wala rin akong ganang kumain. Mabuti na ring hindi. Dagdag din ito sa tubig.
“Anyare sa ‘yo?” tanong ni Erin. Classmate ko sa isa sa mga subject. Close kami. Kapag nasa loob ng campus.
“Wala akong pera,” honest kong sagot.
Napangiwi siya. “Ang laki nga ng problema mo.”
Naiiyak akong sumubsob sa table. “Ano nang gagawin ko? Ang dami ko na ngang utang. Wala pa akong pera!”
Tuluyan na siyang umupo sa harap ko. “’Di ba nagtatrabaho ka naman?”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya. “Hindi pa rin sapat. Inuna ko muna ’yung renta sa apartment saka ilaw. Ang inaalala ko ’yung tuition at tubig. Dagdag pa ang mga nautangan ko.”
Naawa niya akong pinagmasdan. “Naku! Baka isang araw, nakalutang ka na, ha?”
Sinamaan ko siya ng tingin. Nag-piece sign lang siya. Inirapan ko na lang at hindi inaway. G*go, nagpapaka-optimistic ako tapos siya pinatay kaagad ako.
“Baka may alam ka diyan na trabaho? Sige na!” pagmamakaawa ko.
Saglit siyang nag-isip. “Wala, eh. Hindi naman hiring sa restobar na pinapasukan ko.”
Bumagsak ang mga balikat ko. Yari na talaga ako nito. Nagpaalam ako sa kanya nang tumunog ang bell. May isa pa akong klase papasukan bago ang uwian.
Mamaya, babale na lang siguro ako sa coffee shop. Pandagdag.
Lantang gulay ako sa durasyon ng klase. Mabuti na lang at hindi ako tinawag. ’Di na rin ako nakapakinig.
Niligpit ko ang gamit bago tumayo at lumabas ng room. Sa waiting shed ako dumiretso para maghintay ng masasakyan. Tahimik akong naghintay roon. Dahil sa lutang ang isip ko, hindi ko napansin ang matandang tumabi sa ‘kin. Saka lang ako napatingin sa kanya nang kalabitin niya ako.
“Ano po iyon?” magalang kong tanong.
May dala-dala siyang mga pulseras sa kamay. Mukhang binebenta ang mga iyon. Matanda na ang babae at medyo kuba na. Sa kalagayan nito ay dapat hindi na nagtatrabaho. Nakaramdam ako ng awa.
“Bili ka, ’neng. Mura na lang ito. Pangkain na lang ’neng,” saad nito sa mahina at pagod na boses.
Lumambot naman ang puso ko. Kahit hindi ko sure kung makakabili ako. Tinanong ko kung magkano.
“Kinse lang, ’neng. Kahit ano d‘yan,” sagot niya.
Dinukot ko ang bulsa ko at tiningnan ang laman. Isang daan na lang iyon. Naka-budget na pamasahe at pagkain. Hindi ako kumain kanina kaya may sobra ako. May pangkain pa naman ako bukas kung babawasan ko ng kinse.
Kumuha ako ng kinseng barya at inabot kay Lola. “Ito po. Isa lang po. Wala pa po kasing buena mano,” saad ko.
Napansin ko ang pagtitig niya. “Wala ka bang trabaho, ’neng?" tanong niya.
Bahagya akong natigilan sa tanong niya pero tumango rin. “Bakit po, ’La? Bibigyan niyo po ’ko trabaho?” biro ko.
“Oo, 'neng. May alam akong trabaho.”
Hindi ko inaasahan ang sagot niya. Napakurap ako. “P-po?”
Ngumiti siya saka may dinukot sa bulsa. Inilagay niya iyon sa isang palad ko. Namilog ang mga mata ko.
Business card?!
“Mahirap ang buhay ngayon. Lahat kailan ng pera para mabuhay. Kung handa kang gawin ang ipag-uutos niya sa ‘yo, tawagan mo lang ang numerong ’yan. Bibigyan ka niya ng malaking halaga.”
Natulala ako sa sinabi ni Lola at hindi na nakapag-react. Nang matauhan ako ay wala na siya. Muli akong napatingin sa papel at binasa ang pangalang naka-printa.
Lilith.
NAGDADALAWANG-ISIP ako kung tatawagan ko ba ang numero o hindi. Mamaya kasi scam lang ni Lola ’yon o pina-prank lang ako. Iniisip ko rin na baka pagbebenta ng katawan ito. Oo, sinabi kong baka magbenta na ako ng laman sa lagay kong ’to pero s’yempre joke lang ’yon!
“Lilith. . .” mahinang bigkas ko sa pangalan.
Pangalan pa lang demonya na. Baka pati trabaho gano’n din. Sayang din naman kung hindi ko susubukan. Tatawagan ko lang naman, eh.
Sa huli, napagpasyahan ko ring tawagan. Kabado pa ako at nanginginig ang kamay habang nagri-ring ang linya. Mas tumindi ang nerbyos ko nang sagutin niya ang tawag.
“H-hello?”
“Who is this?" tanong ng babae sa matigas na tono.
Tumikhim ako. “A-ano po kasi. May . . . may lola pong nagbigay s-sa ‘kin ng number niyo. S-sabi po may trabaho kayong inaalok."
Akala ko pinatay niya na ang linya dahil sa mahabang pananahimik ngunit nagsalita rin siya.
“Hmm . . . yeah, I remember. She told me about you,” aniya.
Ang taray rin nito. English speaking. Mukhang mayaman. Mahirap ba talaga ang matandang ’yon? Paano niya nakilala ang isang ’to?
“A-ako nga po. Free pa ba—"
“I will pay all your school fees until you graduate."
Namilog ang mga mata ko. “P-Po?"
Ang laking halaga na no'n! Kung babayaran niya lahat pati tuition ko hanggang sa makatapos. Hindi na mahirap sa ‘kin ang magbayad ng renta, ilaw at tubig. Pero may tanong ako.
“Anong klaseng trabaho po ’to?”
“If you're willing to do anything, I'll send you immediately the address where we will meet. Don't worry. It's not prostitution.”
Nakahinga ako nang maluwag. “S-Sige po.”
“Well, then! I'll see you tomorrow.”
Napatingin na lang sa cellphone nang ibaba niya ang tawag. Sana hindi maling desisyon 'to.