Letter D - Death
Kate
Madaling araw palang ay bumangon na ako upang hindi ako ma-late sa klase. Dahil alam kong maglalakad pa ako papuntang terminal upang mamasahe, balak ko muna kasing hindi gamitin ang aking kotse sapagkat puno ito ng gasgas dahil sa kutsilyong bumaon sa kotse ko. Hindi ko rin naman kasi gugustuhing magkaroon ng malalagkit at mapangkutsang tingin ang aking mga ka-schoolmate at mga kaklase. Baka isipin pa nila kung bakit ako napunta sa espesyal na seksyon kung gano'n naman pala ang hitsura ng sasakyan ko, dahil alam ko rin naman sa sarili ko kung bakit ako napunta sa seksyon na 'yon. Dahil sa malaking pera namin sa bangko na pagmamay-ari ni papa. Atsaka tiyak ko rin naman na walang mang-aasar sa akin hanggang kumikinang ang kuwelyo't palda ko, subukan lang nila.
Pinaalam ko na rin kay mama ang nangyari sa kotse ko, thanks God at hindi siya nagalit. Hindi ko alam kung bukal ito sa puso niya o dahil wala talaga siyang magawa dahil aksidente ang lahat.
Malayo-layo na rin ang nalakad ko mula sa bahay, binabagtas ko ngayon ang terminal nang may papunta sa aking direksiyon na isang estudyante. Mga ilang dipa lang ang pagitan naming dalawa, nakasuot siya ng itim na jacket at itim na palda--paldang kagaya ng suot ko ngayon, may diyamante at gintong linya rin ito. Napahinto ako sa paglalakad kasabay ang paglitaw ng isang katanungan sa utak ko, 'di kaya'y kaklase ko rin ang isang 'to?
Nanatili akong nakatayo at mistulang naging yelo nang maramdaman ang pagbulong nito sa akin.
"Death," mahinang banggit niya na nakapagpatayo ng balahibo ko, pagkatapos ng mga katagang iyon bigla na lamang siyang tumakbo papalayo. Balak ko sana siyang habulin ngunit tanging tunog nalang ng kanyang pagtakbo ang aking narinig. Ibinaliwala ko na lamang ito at muling binalik ang atensiyon sa daan tungong terminal.
-
Dumiretso na ako papasok ng university at otomatikong bumukas ang gate. Napansin ko rin ang bahagyang pagbigay sa akin ng espasyo ng mga ibang estudyanteng nakakasabay ko. Tila ba'y may masama akong gagawin sa kanila sa oras na masagi nila ako.
Dumiretso na ako papasok ng room at nakapikit na pinihit ang seradura. Unang hakbang ko palang papasok ng silid ay nasa akin na naman ang mga seryosong titig ng mga kaklase ko, maliban lang kay Aira at do'n kay Spike na nakangiti. May ilang estudyante ring binalik ang kanilang atensiyon sa pagce-cellphone na para bang inantala ko.
"Good morning students!" bati ni maam sa 'min na halos sabay lang sa aking pag-upo. Nakahinga naman ako ng malalim, muntik na akong ma-late.
Nagsitayuan na rin naman kami at sinimulang batiin si ma'am ng sabay-sabay. Pinaupo naman kami nito atsaka pinagpatuloy niya ang pagsasalita. Napakamot na lamang ito sa ulo na animo'y may nakalimutan.
"Students, kukunin ko lang ang activity niyo. Don't worry babalik agad ako." matapos niyang sabihin 'yon ay lumabas na siya ng room.
Susubukan ko sanang mag-check ng social media gamit ang cellphone ko nang bigla akong may naalala, wala pa kasi akong alam tungkol sa officers dito, nais ko sana itong picture-an man lang.
"Aira, saan ba naka-post 'yung mga officers?" tanong ko rito na busy sa pagce-cellphone, naibaba niya naman ito at napatingin sa akin.
"There," wika niya sabay turo doon sa kabilang wall, "But wait, I think I have a copy," sabi niya atsaka may kinuha siya doon sa bag niya, nang makuha ito ay inabot niya ito sa 'kin.
"Salamat," nakangiti ko ritong wika.
Inilatag ko ang papel doon sa arm chair ko atsaka kinuha ko ang aking cellphone para picture-an ito. Napag-alaman kong si Aira pala 'yong Vice President habang 'yong Tess naman ang President.
"Salamat." wika ko at nakangiting binalik sa kanya ang kopya.
Napasandal agad ako sa kinauupuan ko nang biglang sumakit ang aking ulo. Kasabay nito ang pag-replay sa utak ko sa nangyari kahapon at kanina. Pasalit-salit ito, nakakabaliw, nakakakilabot.
Mabilis kong hinaplos ang aking sentido habang pilit na dumidilat. Nakita kong may ilang nakatingin sa akin, nagtataka sila kung anong nangyayari sa 'kin.
"Ano'ng nangyayari sa 'yo? Ano'ng problema?" rinig kong tanong sa akin ni Aira.
Mabilis kong kinuha ang aking bottled water atsaka ininom ito. Mayamaya'y naramdaman kong umayos na ang pakiramdam ko.
"Ano'ng nangyari? Masakit ba ulo mo? Tara pumunta tayong Clinic." sunod-sunod nitong sabi sa akin. Pumilit naman ako ng ngiti.
"H-hindi na kailangan, may naalala lang." pagtanggi ko sa kanya.
"What's that thing bothering your mind?" tanong nito sa akin. Naiisip ko na ang 'wag ito sabihin sa kanya dahil baka hindi siya maniwala. Pero alam ko ring baka may alam siya tungkol sa bagay na 'yon dahil matagal na siya rito, baka hawak niya ang susi sa mga katanungan ko. Napansin niya yata na parang nagdadalawang isip ako kaya mabilis itong nagsalita.
"If that's a private thing, just keep it." wika niya saka nginitian ako, "But if not, let me know. I'm your friend right?"
Napatango nalang ako sa sinabi niya, she's my friend.
Kinwento ko sa kanya ang lahat ng mga nangyari. 'Yung mga nangyari kahapon pati na rin 'yung mga nangyari ngayon. Hindi ko alam kung bakit nito ginugulo ang isip ko, pero isa lang ang nararamdaman ko sa mga iyon. Parang may masamang mangyayari.
Nag-iba rin ang timpla ng kanyang mukha ng marinig ang mga sinabi ko. Naging seryoso siya.
"Buti nalang at sinabi mo 'yan, we should be careful." halos pabulong na sabi niya sa akin.
"Bakit?" tanong ko sa kanya, "May alam ka ba tungkol do'n?"
"A little, at gusto ko ring malaman mo ang gumugulo sa isip ko this past few weeks." wika niya at iniwanan niya ako ng isang matalim na ngiti. Ngiting nagpatayo ng balahibo ko.