LAKAS ng loob ang nagtulak kay Clarissa para personal na puntahan si Lester. Kakausapin niya ito tungkol kay Jillian. Kung kinakailangan lumuhod siya sa harap nito ay gagawin niya. Nasa studio raw ito sa attic ayon sa katulong na napagtanungan niya. Minsan na siyang nakapunta sa tahanan ng mga Andrada at minsan na ring naipakita ni Lester ang studio kaya alam niya ang papunta roon. Pagkatapos magpasalamat sa katulong ay umakyat na siya sa matarik na hagdan papunta sa studio.
Malamlam ang liwanag na bumungad sa kanya. Wala siyang nadatnang tao sa loob. Ang tanging naroroon ay ang mga nagkalat na pintura at kung anu-ano pang gamit sa pagpipinta. Malawak ang attic kaya nagagawang display area ang bahaging iyon.
Naengganyo siyang tingnan ang mga masterpiece na nasa isang panig ng silid. Sa panggigilalas niya ay pawang mukha niya ang lahat ng nasa painting na naroroon. Iba't-ibang anggulo ang mga iyon, may nakatungo, nakangiti, natutulog, at kung anu-ano pa. Ang pinakamalaking painting ay repleksyon ng kanyang hubad na katawan na nakahiga sa kama.
God. Hindi siya makapaniwala. Kung hindi siya nagkakamali, sa Siargao iyon base sa ibang elemento na nakikita sa canvass. Sa gilid niyon ay may nakasulat na dedication. Binasa niya iyon.
Mi amor, Clarissa.
I never imagined myself ever falling for you. Yet, things turned out differently. Without even intending to ay nasakop mo na ang buong puso at kaluluwa ko. I love you. I will never grow tired of loving you.
Yours,
Lester
Ang mga luha na sumungaw sa kanyang mga mata ay tuluyan nang pumatak at nauwi sa mahinang pag-iyak. Mahal nga siya ni Lester. Gustuhin man niyang magbunyi ay hindi maaari. Lalong masasaktan si Jillian.
Sa nanlalabong isip ay sinikap niyang magpakatatag. Bago pa man siya makagawa pa ng isa pang kasalanan na siguradong pagsisisihyan niya ay kusa na siyang lumayo sa lugar na iyon. Basta tuluy-tuloy siyang tumakbo hanggang sa makalabas ng gate pagkatapos ibilin sa katulong na huwag sasabihin kay Lester na nanggaling siya roon.
NANG nagdaang gabi ay inamin na ni Lester sa mga magulang ang tunay na estado ng relasyon nila ni Jillian at kung sino ang talagang mahal niya. Hindi man nagpahayag ng pagkontra ang mga ito pero batid niyang nag-aalinlangan ang mga ito.
"But the wedding has been set," komento ng mama niya. "Hindi mo ba inilalagay sa alanganin si Clarissa?" nababahalang tanong nito.
Kung kailan handa na siyang ipaglaban ang damdamin niya ay saka nangyari ang isang malaking trahedya. Ayon sa mama niya ay isinugod si Jillian sa ospital. Nagtangka raw itong magpakamatay at sa kanya ibinunton lahat ng sisi. Paano pa nga ba niya ipagpapatuloy ang laban kung may isang taong nasa bingit ng kamatayan nang dahil sa kanya?
"There is only one way to appease the family- push through with the wedding. Mag-usap na kami ni Bridgette. Kakalimutan nila ang nangyaring ito basta ituloy mo ang pagpapakasal kay Jillian." Hindi iyon pakiusap kundi utos mula sa padre de pamilya ng mga Andrada.
But he was man enough to refuse. May pananagutan siya kaya aalalayan niya ang babae hanggang sa gumaling ito. Pero hindi iyon nangangahulugan na itutuloy niya ang napipintong pagpapakasal dito.
Hindi pa rin nagbabago ang desisyon niya. Ipaglalaban niya si Clarissa.
KAY RAMING tumatakbo sa isip ni Lester habang naglalakad siya sa pasilyo ng ospital patungo sa silid ni Jillian. Sa isang kamay ay bitbit niya ang isang bungkos ng fresh flower at sa isa naman ay isang basket ng sariwang prutas.
"Lester." Agad na sumilay ang ngiti sa mga labi ni Jillian nang makita siya. "I knew you'd come."
Tahimik siyang umupo sa monoblock chair na nasa tabi ng hospital bed nito. "Kumusta ka na?"
"Fine, lalo pa at nandito ka na." Naramdaman niya ang paggagap nito sa kanyang kamay. Tila inuutos ng puso niya na bawiin ang kamay ngunit nagpaubaya siya. Maano ba ang ilang sandaling magpapanggap siya?
"Dinalhan kita ng paborito mong prutas," nasabi na lang niya para ibahin ang usapan. "Gusto mo bang ipagbalat kita ng orange?" Tumayo siya at kumuha ng isang piraso ng orange.
"Mahal mo ba ako, Lester?"
Sandali siyang natigilan. The truth will surely hurt her.
"Sumagot ka, may kasalan pa bang magaganap?" Umigting na ang boses nito sa pagkakasabi niyon.
"It isn't the right time to talk about it."
"It's just a simple 'yes' or 'no.' Sumagot ka."
Napatitig siya sa maamong mukha nito habang tinitimbang sa isip ang maaaring isagot. Bago pa man may mamutawi sa kanyang mga labi ay nagwala na si Jillian. Hinablot nito ang nakakabit na dextrose sa kamay. Blood splattered on her bed. Parang asong nagwawala ito at kahit anong pigil niya ay hindi ito makontrol.
"I hate you!" malakas na sigaw nito. Naipagpasalamat niya na nasaklolohan siya ng nurse na pumasok sa silid. Kaagad na naturukan ng sedative si Jillian at ilang sandali pa ay kumalma na ito at nakatulog.
Habang tinitutitigan niya ang maamong mukha nito habang mahimbing na natutulog ay hindi niya mapigilang isipin kung paano sila humantong sa ganito when once upon a time were they the envy of many.
It all started in Siargao. The turning point of his love for Clarissa. That was how it all started. Maybe, tama nga si Clarissa. His love for her was wrong. Napakaraming masasaktan. Napakaraming buhay na masisira.
"MOM, DAD!" Umalingawngaw sa buong kabahayan ang malakas na boses ni Jillian. Nakita ni Clarissa ang pagtakbo nito patungo sa pool kung saan naroroon ang mga magulang. Nang nagdaang araw pa ito nakalabas ng ospital.
"Lester's mother called," narinig niyang sabi nito.
Napahinto siya sa paglalakad at naengganyong makibalita.
"Sabi ni Tita, namamanhikan daw sila mamaya."
Natulos siya sa kinatatayuan. Bigla ay nakaramdam siya ng panlalamig sa sarili. Nayakap niya ang sarili kasabay ng pagpatak ng mga luha niya. Bago pa man siya makita ng sinuman ay nagmamadali na siyang umalis at pumara ng taxi.
Sa loob ng sinasakyang taxi ay ibinuhos niya ang kinikimkim na damdamin. Walang humpay na lumuha siya hanggang sa tila masaid ang luha sa mga mata.
Kina Karen siya tumuloy at sa unang pagkakataong ay ibinuhos niya rito ang lahat ng nilalaman ng kanyang puso, kabilang na ang matagal na itinatagong pag-ibig kay Lester.