Tinalikuran ko ang 'Engkantada' at pumasok sa loob ng bar stand para kumuha ng wine. Mabilis akong nagsalin sa aking kopita. Hahawakan ko na sana ang baso nang bigla itong mawala sa aking harapan. Nanlaki ang aking mga mata sa gulat. Saan napunta iyon? Wala namang nahulog.
"Ito ba ang hinahanap mo?"
Muli kong hinarap ang babae. Pakiramdam ko lalong nanlaki ang aking mga mata. "P-Paano n-napunta sa'yo yan?!" Itinuro ko pa ang hawak-hawak niyang kopita na unti-unti na niyang sinisimsim.
Hindi siya nagsalita. Ngumiti lang siya ng tipid saka unti-unting lumapit sa akin. Wala na akong maatrasan dahil nasa loob na akong bar stand. Tinapik tapik niya ako sa aking pisngi nang tuluyan na siyang makalapit sa akin.
"Alam mo bang natutulog ako sa punong 'yon kanina?"
Sinundan ko ang itinuro nyang puno ng niyog na nasa may di kalayuan. Nasa labas ito ng venue. Muli kong ibinaling sa kanya ang aking tingin na nakangiti nga pero mukhang naiinis na. Napalunok lang ako at hindi nagsalita. Ang lamig ng kamay niyang dumadantay sa pisngi ko. Tumataas na naman tuloy iyong mga balahibo ko. Ngayong nakatingin ako sa kanya nang malapitan, narealize kong maganda nga pala siya. Kulay abo ang kanyang mata, matangos ang kanyang ilong at manipis at mapula ang kanyang mga labi na bumagay sa hugis puso niyang mukha. Ang buhok niya dinaig pa ang model ng mga nasa shampoo commercials. Siguro nga isa siyang Engkantada.
Muling tumaas ang kanyang kilay at tila sinusuri ako ng tingin. "Nagdududa ka pa rin na isa akong Engkantada?"
"A-Ang h-hirap k-kasing paniwalaan. P-Paanong magkakaroon ng Engkantada sa makabagong panahon ngayon? Kahit nga siguro noong sinaunang panahon wala ring Engkantada." Multo pa siguro maniniwala ako.
"So mukha akong multo ganon ba?!"
Mabilis ang naging pag-iling ko. Ikiumpas ko pa ang aking dalawang kamay. "Hindi! Ang ganda mo nga eh!" s**t bigla tuloy uminit sa pwesto ko.
Muli na namang nanlaki ang aking mga mata nang mapunta kami sa may stage. Binalingan ko siya at muling napaatras. "P-Paano m-mo n-nagawa 'yon?!" Itinuro ko ang bar stand na kinapupwestuhan namin ilang segundo lang ang lumipas. "A-Andun l-lang t-tayo kanina ah!" s**t! Sana magising na ako sa panaginip na ito. Pumikit pa ako nang mariin at umiling-iling.
"Kung hindi mo ako ginising sa mahimbing kong pagkakatulog hindi mo mararanasan ang nangyayaring ito sa'yo ngayon. Uulitin ko, hindi ito isang panaginip."
Umiling ako ng paulit ulit. "I was here in this party. Paano naman kita gigisingin?!" Sobra na akong naguguluhan sa babaeng ito. Hindi kaya nagdadrugs siya? Pero paano niya nagawang ilipat kami ng pwesto?
"Tang ina kung maibabalik ko lang! Kung maibabalik ko lang talaga ang lahat. Hindi mangyayari na si Jin ang nakayakap sa kanya ngayon. Hindi mangyayari na ang ngiting iyon ay mawawala sa akin. Kung maibabalik ko lang! Kung maibabalik ko lang talaga! s**t! s**t! s**t!"
Napatutop ako sa aking bibig. At sa nanlalaking mga mata tinitigan ko siya. "N-Narinig m-mo r-rin 'yon?!"
"Oo! Iyon ang nagpagising sa akin!"
Gulong gulo na talaga ako. "P-Papaanong?!" Mabilis akong nagtatakbo pababa ng stage at dere-derecho palabas ng gate. Pero hindi pa ako nakakalayo nasa harapan ko na naman siya. "P-Please po, h-huwag n-nyo akong parusahan! Parang awa nyo na!"
"May sinabi ba akong paparusahan kita?"
Nagulat na naman ako nang mapunta kami sa isang table at magkaharap na nakaupo. "A-Ano b-bang kailangan mo sa akin?!" Parang gusto ko nang maiyak. Hinding hindi na talaga ako iinom. Naghahalucinate na ako.
"Sa palagay mo, ano naman ang kakailanganin ko sa isang tulad mo?" Nakataas ang kanyang kilay. "Saka sinabi ko na sa'yo na ikaw ang may kailangan sa akin, hindi ba?"
Tinakpan ko ng dalawa kong palad ang aking mukha at umiling iling. "Hindi ko na kasi naiintindihan ang nangyayari. Kung panaginip man ito sana magising na ako. Pero parang totoong totoo naman ang nangyayari. Saka kani--"
"Hindi ba may gusto kang ibalik?"
Napahinto ako sa pagsasalita ng kung ano ano at napatitig sa kanya.
"Hindi ba gustong gusto mong ibalik ang nakaraan. Ang mga ngiti ng babaeng gusto mo na dati ay para sa'yo lang?"
Napabuntong hininga ako at saglit na nakalimutan ang nangyayari ngayon. Nabalik ako sa paghihimutok ko. Sa mga pagsisisi ko at sa mga panghihinayang ko. "Oo. Gustong gusto kong bumalik sa nakaraan at itama ang mga bagay-bagay. Pero paano ko namang gagawin 'yon? Alam kong huli na ang lahat. Ayoko nang makigulo sa kanila ni Jin pero gusto ko pa ring ipaglaban ang pagmamahal ko sa kanya. Kaya kung maibabalik ko lang ang nakaraan itatama ko na ang lahat ng katangahan ko." Napatungo ako at inuntog untog ang aking ulo sa mesa. "Hindi naman na kasi mangyayari 'yon! Kahit umiyak pa ako ng dugo rito! Ang kailangan ko magic at himala!" Ikaw ang may kailangan sa akin. Ako lang naman ang Engkantadang tutulong sa'yo. Parang nag echo sa aking pandinig ang mga salitang sinabi niya kanina kaya naman mabilis akong napatunghay at napatitig sa kanya. "Y-You m-mean..? I-Ikaw..?"
Tumango-tango siya saka tumayo at muling nagpalakad lakad sa aking harapan. "Tutulungan kita pero hindi unlimited ang pagtulong ko."
"B-Bakit? I-I m-mean paano?"
"Ayaw mo?"
"G-Gusto syempre!" Mabilis akong tumayo at lumapit sa kanya. Hinawakan ko ang dalawa niyang kamay at pinisil pisil ito. Kahit hindi ko alam ang dahilan kung bakit nya ako gustong tulungan sasamantalahin ko na ang pagkakataon. "P-Please tulungan mo akong mabawi siya."
Nagpalingon lingon ako sa aking paligid dahil nawala na naman siya sa aking harapan. Naibaba ko tuloy ang aking kamay na kaninang nakahawak sa kanya. Nakita ko siya na nakaupo sa may pool area habang nagtatampisaw sa tubig. Mabilis ko siyang nilapitan.
"Para sa kaalaman mo, hindi kita gustong tulungan. Naawa lang ako sa sigaw ng puso mo. Saka hindi rin kita tutulungan na maibalik siya sa'yo."
Eh anong klaseng tulong naman kaya ang gagawin niya? Hays.
"Bibigyan kita ng pagkakataon na bumalik sa nakaraan at baguhin ang mga nangyari."
"T-Talaga?!? Naniniwala na talaga akong isa kang Engkantada!" Hahalikan ko sana siya sa kanyang pisngi ngunit muntik na akong masubsob dahil nawala na naman siya sa kinauupuan niya. Ang hilig niyang maglaho ng pabigla bigla. Nakatayo na naman siya sa may stage. Itinuro niya ang projector na agad kong tiningnan. Nagbukas ito ng kusa at may lumabas na iba't ibang dates. Halos mapuno ang buong projector sa dami ng nakasulat na dates. May ilang dates na may bilog na kulay pula.
"Alam mo bang kulang pa ang projector na 'yan para sa mga petsa na nakasulat dyan?"
Napakamot ako sa aking ulo. Ang weird din ng Engkantadang ito eh. "A-Ano n-namang kinalaman ng mga petsang 'yan sa pagtulong mo sa akin?"
"Naniniwala na talaga ako sa kaibigan mo na saksakan ka ng tanga!"
"Grabe ka naman! Porke't tutulungan mo ako sasabihan mo agad akong tanga!" Alam ko naman na eh. Hindi na nila kailangan pang sabihin at ipamukha pa sa akin. Ano ba kasi iyang mga dates na 'yan?!
"Iyan ang mga araw at petsa na sinaktan at dinismaya mo si Charmaine!"
Nanlaki ang aking mga mata at napapalatak. "Ay grabe talaga! Ganyan kadaming beses ko siyang sinaktan?! Hindi ako naniniwala ah! Ang harsh mo sa akin porke Engkantada ka!" Napatitig ako sa projector. March 3, 2009. May 5, 2009, July 8, 2009. Napakunot noo ako. Mukhang kulang pa nga ang buong gabi para matapos kong basahin ang lahat ng petsa. Sa loob ng halos sampung taon, ang daming beses ko pala siyang nasaktan. Muli na namang sumakit ang puso ko at parang gusto kong umiyak.
"Kulang pa nga ang nakalagay dyan eh." Umiiling-iling siya at napapalatak. "Kaya siguro tinalikuran niya ang sampung taon nyo, dahil mas maraming beses pa siyang nasaktan at nalungkot. Ikaw na talaga ang tanga."
Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Pinagmasdan kong mabuti ang mga petsa na nasa projector. Ni hindi ko na rin maalala kung ano bang nangyari sa mga araw na 'yan. Ahhh, tang ina! Ang sakit sakit talaga sa loob ko! Ang tanga ko talaga. Napakunot noo akong muli. Pero anong ibig sabihin nung mga may bilog?! Huwag nyang sabihin...
"Iyang mga may bilog iyan iyong mga araw na sobrang sumakit sa puso niya na hanggang ngayon nakakasakit pa rin sa kanya sa tuwing naaalala niya."
Tinalikuran ko siya at pasimpleng pinunasan ang luhang pumatak sa aking mga mata. Naglakad ako pabalik ng bar stand at kumuha ng isang wine na bukas. Iinumin ko na sana ito nang mawala ang bote sa pagkakahawak ko. Napalunok ako at sinamaan ng tingin ang Engkantada na nasa kabilang dulo na ngayon ng pool. Hawak-hawak na nya ang wine na kanina lang ay hawak ko.
"Hindi na mababago ng wine na ito ang nararamdaman mo." Iminuwestra niya ang kanyang hintuturo na nagsasabing lumapit ako sa kanya.
Kahit mabigat ang loob nilapitan ko siya. At nang may isang dipa na lang ang layo ko sa kanya, pinahinto nya ako sa pamamagitan pa rin ng pagmwestra sa akin. Itinuro na naman niya ang projector na siya ko namang tiningnan. Isa isang nabura ang mga petsa na nakalagay rito. Bagkus naiwan ang mga petsa na may bilog.
"Siguro naman alam mo na ang ibig sabihin nyan?" Iinumin na sana nya ang laman ng wine nang pigilan ko siya.
"Wait! Wait! Wait!" Nanlaki ang aking mga mata at mabilis na inagaw sa kanya ang bote. "Paborito kong brand ito eh. Ikukuha na lang kita ng iba dun!" Itinuro ko pa ang bar stand at akmang maglalakad na papunta dun nang mawala na naman sa pagkakahawak ko ang bote ng wine. Tiningnan ko siya ng masama. "Huwag mo nga akong gamitan ng magic mo!"
"Gusto mo bang bumalik sa nakaraan o hindi?"
Wala na akong nagawa nang tuluyan na nyang tinungga ang wine. Muli kong binalingan ang projector. Nagulat pa ako nang may biglang nagsalita sa aking tabi.
"Sana huwag mong sayangin ang pagkakataon na maitama ang mga nangyari. Iyang mga petsa na 'yan ang pwedeng magpabago ng sitwasyon mo ngayon."
"Kapag nabago ko ba ang mga nangyari noon muli ba siyang babalik sa akin?" Pinagmasdan kong mabuti ang mga petsa na nasa projector. Ni hindi ko na rin maalala kung ano ang mga nangyari sa mga araw na yon! Paano ko pa kaya babaguhin ito?
Nagkibit balikat siya at bigla na namang nawala sa aking tabi. Napunta naman siya sa stage ngayon. Hindi ba siya nahihilo?
"Ikaw lang ang makakasagot sa mga tanong mo. Ang papel ko ay bigyan ka lang ng pagkakataon na bumalik sa mga panahong nasaktan mo siya ng labis."
Iniwan niya ang bote ng wine sa stage at bigla na namang naglaho. Naramdaman ko na lang siya sa aking tabi, nang bumulong siya sa aking tenga.
Tinitigan ko siyang maigi. "Seryoso ka ba?!?"
Nagkibit balikat siya. "Simulan na ang bente kwatro oras mo!"
Nagulat pa ako nang mapagtanto kong ako naman ang nasa stage. Pumalakpak pa siya at kumindat.
Tumikhim pa muna ako bago magsalita. Hindi ba ako mukhang gago neto. "Eherm."
"Ayaw mo?" Tila nanghahamon pa ang kanyang tingin.
Kahit ano gagawin ko para kay Charm!
Sinulyapan ko muna siya saka ko itinaas ang dalawa kong kamay at tumingala. Ipinikit ko ang aking mga mata saka kumembot ng pakaliwa at pakanan. Saka ako sumigaw. "Dyosa ng kagandahan, pagbigyan ang aking kahilingan! Ibalik ako sa nakaraan!"
Lalong dumilim ang kalangitan at kumidlat na may kasamang malakas na kulog! Pagmulat ng aking mga mata para akong nasa ipo-ipo na nagpaikot-ikot.
"Aaaaaaaaaahhhhhhhhhhhhh!"