CELINE’S POV
Ngayon ang huling gabi ng aking Lola Ana at ngayon ang huling pagkakataon na makakasama namin siya ni Lolo Ben. At bukas ay tuluyan na namin siyang hindi makikita.
Alam kong sa pagkawala ni Lola Ana ay problema ang haharapin namin ni lolo at hindi ko alam kung saan kami kukuha nang pera upang ibayad sa funeraria.
Habang pinagmamasdan ko ang aking Lola Ana sa kanyang ataol ay hindi ko mapigilan ang aking sarili na umiyak. Dahil aaminin ko, hindi ko alam kung paano kami magsisimulang muli ni Lolo Ben lalo na’t wala akong alam gawin kung ‘di ang tumulong lang sa aking lola sa pagtitinda ng isda.
‘Lola, tulungan mo po akong kayanin ang buhay na wala ka,’ sabi ko sa aking Lola Ana na kung titingnan mo’y para lang natutulog.
Pinahid ko ang aking mga luha at naisipan ko nang umupo sa isang tabi.
Habang lumalalim ang gabi’y mas lalo kong nararamdam ang matinding lungkot sa aking puso. Lalo na habang pinagmamasdan ko ang aking Lolo Ben na ngayon ay hindi na rin makausap.
“Cel, kumain ka muna, ilang gabi ka na ring hindi nakakain nang maayos,” sabi ng aking kaibigan na si Vivian na simula ng mamatay si Lola Ana’y hindi ako iniwan. At kahit pagod siya sa kanyang trabaho’y pumupunta siya rito para damayan ako.
Ngumiti ako nang pilit. “Hindi ako nagugutom,” tanging nasabi ko at muling pumatak ang aking mga luha.
Umupo si Vivian sa aking tabi at hinaplos niya ang aking likod. “Cel, alam kong masakit ang pagkawala ni Lola Ana. Pero kinakailangan mo ring alagaan ang sarili mo, dahil andiyan pa ang Lolo Ben sa tabi mo,” ani ni Vivian.
Alam kong kinakailangan kong maging matatag. Pero hindi ko alam kung paano maging matatag ngayon.
Tumingin ako sa aking Lolo Ben na ngayon ay kausap ang bagong dating na bisita. Nagulat ako nang makita ko ang mag-asawang Legaspi at ang anak nitong si Benjo Legaspi, ang lalaking hinahangaan ng lahat ng mga kababaihan dito sa aming isla. At ang pamilya Legaspi ang pinakamayaman dito sa Isla Funtaverde. Kaya walang tao ang hindi nakakakilala sa kanila. Lalo na kay Benjo.
“Celine, kilala pala ng Lolo Ben ang pamilya Legaspi,” sabi ni Dominic na hindi ko namalayan na dumating pala.
Nagkibit ako ng aking balikat kasabay ng aking pag-iling. “Hindi ko alam. Wala naman nabanbanggit sa akin si Lolo Ben tungkol sa pamilya Legaspi,’’ mabilis kong tugon kay Dominic habang nakatingin ako sa pamilya Legaspi.
Tumayo si Vivian. “Cel, ako nang bahalang mag-asikaso sa pamilya Legaspi. Ang mabuti pa’y kumain muna kayo ni Dominic sa loob,’’ pagpapaalam sa akin ni Vivian.
Tumango ako bilang tugon habang ang mga mata ko’y nakatingin kay Benjo.
Matagal ko nang naririnig sa mga kababaihan ang tungkol kay Benjo at totoo nga pa lang gwapo ito at hindi maipagkakailang may maganda itong pangangatawan.
‘‘Celine, baka matunaw si Benjo,’’ malungkot na wika ni Dominic na hindi ko alam na pinagmamasdan niya pala ako.
Tumingin ako kay Dominic. ‘‘Hindi naman si Benjo ang tinitingnan ko,” pagtanggi ko at pagkatapos ay tumayo na rin ako. “Dominic, punta muna tayo sa loob nang makakain ka na rin ng mainit na sopas,” pag-aya ko kay Dominic.
Matagal nang nanliligaw sa akin si Dominic kaya hindi ko maalis sa kanya ang magselos kay Benjo.
Ngumiti nang pilit si Dominic at tumayo. ‘‘Celine, alam kong hindi ito ang tamang oras at panahon na magselos ako. At alam ko rin na wala akong karapatan na magselos. Pero sana kung ibang lalaki ang mamahalin mo. Huwag si Benjo, dahil sisirain lang niya ang buhay mo. Katulad nang ibang kababaihan dito sa ating isla,” mahabang litanya ni Dominic.
Tumingin ako kay Dominic. “Huwag ka mag-isip ng gan’yan. Dahil malabong magkagusto sa akin ang isang Benjo Legaspi,” wika ko at inakay ko na si Dominic sa loob ng aming munting tahanan.
Tahimik kaming kumakain ni Dominic dito sa loob nang biglang pumasok ang pamilya Legaspi kasama ng aking Lolo Ben.
Iginala ni Mrs. Gina Legaspi ang kanyang paningin sa buong kabahayan namin at pagkatapos ay hinarap niya ang aking lolo.
“Lolo Ruben, maliit lang ‘tong bahay mo kaya maliit na halaga lang din ang p’wede ko ipahiram sa ‘yo. Pero lalakihan ko pa rin dahil baka isipin mo’y wala akong puso sa katulad mong namatayan.” Ngumiti ito at kinuha ang isang sobre mula sa kanyang bag at muling nagsalita. “Ruben, narito ang singkwenta-mil, para sa kabaong at paglilibangan ng asawa mo.” Sabay abot ni Mrs. Legaspi ng sobre kay Lolo Ben.
Tumango at ngumiti si Lolo Ben. “Maraming salamat po, Mrs. Legaspi,” magalang na tugon ng aking lolo.
Ngayo’y alam ko na ang dahilan kung bakit andito ang pamilya Legaspi. Dahil ito ang nilapitan ni Lolo Ben para may gamitin kami sa pagpapalibing kay Lola Ana.
Ngumiti si Mrs. Legaspi at tumingin sa akin bago muling nagsalita. “Walang ano man, Lolo Ruben, pero alalahanin mo ang magiging kabayaran niyan sa oras hindi mo matugunan na bayaran ang halagang hawak mo ngayon,” seryosong pahayag ng ginang.
Gusto ko sanang lapitan ang aking lolo at tanungin kung saan kami kukuha ng per ana ibabayad sa kanyang inutang. Ngunit tila nanigas naman ang aking mga paa nang biglang pumasok si Benjo, kasama ng aking kaibigan. Mas lalo akong nanigas sa aking kinauupuan nang lumapit sa amin si Vivian kasama si Benjo.
‘‘Pasensya na, Benjo, kung naubusan ka ng sopas sa labas. Dito kan a lang kumain,’’ sabi ni Vivian habang ikinukuha niya ng sopas si Benjo.
Tumango si Benjo. ‘‘Salamat,’’ matipid na tugon ni Benjo at pagkatpos ay tumingin siya sa akin. “Ikaw ba ang apo ng namatay?” diretsong tanong sa akin ni Benjo habang ang mga mata niya’y tumingin kay Dominic.
“Oo, ako nga,” matipid kong tugon nahindi ko alam kung saan ko hinugot ang aking hininga upang sagutin ang kanyang tanong.
Ngumit si Benjo at muli akong tinitigan. “Tama pala ang sabi ng mommy na maganda ka.” Sabay inom nito ng hawak niyang inumin.
“Sa—salamat,” nauutal kong tugon kay Benjo.
Habang tumatagal na tinitigan ako ni Benjo pakiramdam ko’y isa akong yelo na unti-unting natutunaw. Kaya ibinaling ko ang aking mga mata kay Dominic na tahimik lang na kumakain.
Lumipas ang sandali ay natapos na rin kaming kumain at inaya ko na si Dominic na pumunta sa labas. Upang makaiwas ako sa paningin ni Benjo na hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa akin.
‘‘Dominic, tayo na sa labas,” pag-aya ko kay Dominic na mabilis naman niyang sinunod.
Nakahinga lang ako nang maluwag nang maiwan namin sina Benjo at Vivian sa loob. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko sa aking sarili kapag nakikita ko si Benjo. Aaminin ko matagal ko nang naririnig ang pangalan niya, pero ito ang unang pagkakataon na nakita ko siya at nakausap.
“Mukang iba ang tama sa ‘yo ni Benjo, ah!” maya-maya’y bulong sa akin ni Dominic na may kasamang inis.
“Ano bang pinag—“
Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang biglang umupo si Benjo sa tabi ko, dahilan naman upang tumayo si Dominic at iwan ako. Hanggang sa makita kong nakaumpok na siya sa isang lamesa ng mga kalalakihang nag-iinom
Tatayo sana ako nang biglang magsalita si Benjo. “Saan ka pupunta? Iiwan mo ba ako rito na mag-isa?” Ngumiti ito nang pilit. “Gan’yan ka ba mag-asikaso ng bisita?” sunod-sunod na tanong sa akin ni Benjo.
Huminga muna ako nang malalim bago tumingin kay Benjo. “Pasensya na. Marami kasing bisita na kailangan kong asikasuhin,” mabilis kong tugon at iniwan ko na si Benjo.
Kung titingnan mo ang gwapong mukha ni Benjo ay hindi mo iisipin na isa siyang playboy at walang sineseryosong babae.