Chapter 1
Maya’t mayang sinusulyapan ni Nadia ang white gold niyang wristwatch. Dalawang oras nang delayed ang flight na hinihintay niya mula sa San Francisco. Marami nang oras ang nasasayang sa kanya. She was bored to death. Maraming mas importanteng kailangang gawin kaysa ang tumunganga sa airport.
Kumakalam na ang sikmura niya. Mula sa meeting kanina bago mag-lunch ay tumuloy na siya sa airport. She didn’t bother with lunch. Traffic papunta sa airport at ayaw niyang magkasalisi sila ng susunduin niya. Mahigpit ang bilin sa kanya na hindi siya dapat masalisihin ng susunduin niya.
“Sana pala nag-drive thru muna ako sa Jollibee at nag-take out ng cheeseburger meal. Mababaliw na ako sa gutom. Ang tagal naman lumabas ng departure no’n,” sabi niya at tiningnan ang relo. Magtatatlong oras na siya sa arrival area. Kanina pa dumating ang eroplano pero wala pa rin ang lalaki.
Nag-ring ang cellphone niya. Dali-dali niyang sinagot iyon nang makita na ang boss niyang si Felipe ang tumatawag. “Hello, Sir!”
“Nadia, kasama mo na ba ang anak ko?”
Ito ang presidente at CEO ng Deogracias Furniture, isang malaking kompanya na nagma-manufacture ng mga office and home furniture. Executive assistant siya ng lalaki. She was only twenty-four years old but so much is expected from her. Sa naturang kompanya siya nag-parttime job at kalaunan ay ginawang scholar. Kaya todo-todo ang dedikasyon niya sa kompanya. Kasama na doon ang overtime na walang bayad minsan, di nakakakain sa oras at ngayon naman ay kailangan niyang maghintay sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport para sunduin ang nag-iisang anak nito na si Jameson.
“Not yet, Sir. Dalawang oras na pong delayed ang flight niya. Kalalapag pa lang po ng eroplano. I just have to wait for him.”
Narinig niya ang malalim nitong paghinga sa kabilang linya. Nasa America ito at nagpapahinga. Natuklasan na may problema ito sa puso. Kailangan nitong umalis muna ng Pilipinas para takasan ang malaking kompanya nito. At ginagawa niya ang lahat para lang matulungan ito.
“You might find a hard time dealing with my son. Kung hindi lang dahil sa pakiusap ng kapatid ko, hindi uuwi si Jameson diyan at di niya ikokonsidera na hawakan ang kompanya. He is stubborn.”
“I survived men who are usually hard to deal with,” she answered confidently.
Humalakhak ito. “Ako ba ang tinutukoy mo? I am different. Mahal na mahal ko lang ang trabaho ko, hija. Jameson is in a different league.”
Jameson Deogracias, the only son of Don Felipe Deogracias. He was twenty-seven years old, handsome and the happy-go-lucky type. He had a degree in Business Management but he preferred being a bum. YOLO daw ang motto nito sa buhay at kung saan-saang parte ng mundo nagpupunta para maghanap ng thrill.
Naalala niya ang pictures ng lalaki sa social media account nito kung saan may kasama itong babae sa isang beach party pero nakatitig ang mga mata nito sa camera. Sa nang-aakit pa lang nitong ngiti at sa pilyong kislap sa mga mata nito, wala sa itsura nito ang magseseryoso sa buhay. Laro lang ang lahat dito. Hindi ito ang magiging achiever balang-araw. He was just mediocre. Malayong-malayo sa ama nito na sa edad na tatlumpu’t dalawa ay naitayo na ang Deogracias Furniture.
“I will make sure that he will take the company seriously,” Nadia assured her boss. Umaasa si Don Felipe na baka dahil di nalalayo ang edad niya kay Jameson ay magkakasundo sila at mas pakikinggan siya nito.
“That’s why I trust you, hija. Ang mga katulad mo ang dapat na tularan ng anak ko. Matapos ang lahat ng pinagdaanan mo para umangat, sigurado ako na mai-inspire sa iyo ang anak ko. Na ang buhay di pwedeng puro pasarap lang.”
Galing siya sa broken family. Isang martir na elementary school teacher ang nanay niya at ang tatay naman niya ay sumama sa ibang mas mayamang babae noong sampung taong gulang siya. Mag-isa siyang itinaguyod ng nanay niya. At dahil doon, maaga siyang natutong lumaban sa buhay.
Habang nag-aaral ay nag-part-time job din siya sa Deogracias Furniture. Noong una ay sales assistant lang siya. Napansin ni Don Felipe ang potential niya. Kinuha siyang scholar. Mula sa tindahan, inilipat siya nito sa opisina.
Sa kabila ng batang edad, mabilis niyang natutunan ang pasikot-sikot sa kompanya. Siya din ang hinihingan ni Don Felipe ng opinion sa mga importanteng desisyon nito sa negosyo. Magaling daw kasi ang utak niya mula sa marketing strategy hanggang sa pagresolba sa mga problema sa field. Kaya naman habang nasa bakasyon ito, sa kanya nito iniwan ang pag-a-assist sa anak nito. Siya ang personal assistant ni Jameson.
Maya maya lang ay namataan na niya ang isang matangkad na lalaki na may malaking backpack. Matangkad ito. Bahagyang moreno ang balat at mukhang komportable sa bawat galaw nito. Nakasuot ito ng shades kaya maangas ang dating. At kahit na may kasabay pa itong foreigner, ito pa rin ang nangibabaw. Nakasuot ito ng white sando na nagpapakita ng lean biceps nito at pantalon na gula-gulanit. Mukha itong survivor ng isang trahedya.
Nilingon nito ang dalawang flight stewardess sa gilid nito. Naghagikgikan ang dalawa. Kilig na kilig. “Jameson, wait!” habol ng isa pang stewardess dito nang malapit na si Jameson sa kanya. Iniwan pa nito ang bagahe para lang mahabol si Jameson.
Tumigil sa paglalakad si Jameson at nilingon ang babae. “Yes, Kaitie?”
Kinagat ng babae ang labi at pinapungay ang mata. “Here is my hotel number.” Inilagay nito ang card sa bulsa ng pantalong maong na punit-punit ni Jameson.
Napanganga siya nang kabigin ng babae ang ulo ni Jameson at bigyan nito ng mainit na halik. Naningkit ang mata niya. Ni hindi na nahiya ang mga ito na gumawa ng eksena sa harap ng maraming tao.
“Uh, thanks!” nausal na lang ni Jameson. Ngumiti ito. Ni hindi man lang ito nailang o naeskandalo na bigla na lang itong hinalikan sa publiko.
Nanghaba ang nguso ng babae at kumindat. “Call me. I will wait for you and I will definitely show you how to have fun.”
Nang umalis ang babae ay saka niya ito nilapitan ang lalaki. “Mr. Jameson Deogracias?”
Awtomatiko itong ngumiti. “Oh, hi!”
“I am Nadia Realondo. Don Felipe sent me to fetch you.”
Malagkit ang tingin nito nang tingnan siya mula ulo hanggang paa. She was wearing a black matte jersey coat and an A-Line skirt. It was her usual office attire. “Nandito ka para sunduin ako? Bodyguard ba kita? Driver?”
“No!” Taas-noo niya itong tiningnan. “I am an executive assistant for Deogracias Furniture, Sir. I will assist you during your training. Kung anuman ang kailangan mong matutunan tungkol sa kompanya, pati mga schedule ninyo ay ako ang magdedesisyon.” Inilahad niya ang palad. “I hope we will have a good working relationship, Sir.”
Ginagap nito ang kamay niya. It was supposed to be a formal handshake. Subalit di nito pinakawalan ang kamay niya at malagkit pa rin siyang tinitigan.
“So my father’s most trusted man is actually a woman. Oh, now I believe that he really loves me. Kung alam ko lang na ganito kaganda ang sorpresa niya sa akin, hindi na sana niya ako pinilit na pumunta dito.” Pinisil nito ang baba niya at bahagyang inilapit ang mukha sa kanya. “It is a pleasure to meet you.”
Pinigil niyang mapapikit nang mariin. Parang may ibang connotation ang salitang pleasure para dito. He was flirting with her. Ni wala pa silang limang minutong magkakilala.
Binawi niya ang kamay mula dito. “Let me make this clear. I won’t be your companion or date of sort. And I definitely won’t be your lover. Kaya huwag ka sanang magkakamaling mag-take advantage sa akin. Hindi ako mangingiming baliin ang leeg mo,” aniya at ngumiti nang matamis.
Ibinulsa nito ang kamay. “Whew! I’m scared! Ganyan ka ba talaga ka-straight forward sa lahat ng kilala mo?”
“Yes. Para magkasundo tayong dalawa, mas maganda siguro kung magiging totoo ako sa bawat sasabihin ko. And I expect the same from you, Sir.” Kailangan niyang ipakita dito na bagamat ito ang anak ng may-ari ng kompanya, siya pa rin ang boss nito. Hindi siya magpapa-intimidate dito. Kahit pa s****l intimidation.
“Mukhang hindi rin ako mahal ni Papa,” mahina nitong usal.
“COOL! I like your car,” komento ni Jameson at hinaplos ang leather seat ng kotse niya. Tumaas ang kilay ni Nadia. Para itong bata na noon lang nakasakay ng kotse. Samantalang nang mag-beinte uno ito ay binigyan ito ng ama ng Jaguar bilang regalo. Ibinenta lang nito at saka naglagalag sa mundo. Masaya itong mabuhay nang walang responsibilidad.
“Toyoto VIOS lang ito. Di naman kamahalan ang kotse ko.”
“Nah! I like your car.” Tumingin ito sa rearview mirror at inayos ang buhok. In-adjust pa ito ang rearview mirror para makitang mabuti ang sarili. “Ang guwapo ko kasi dito. Nice!”
Ibinaba niya ang sun protector sa tapat nito. “May salamin din dito. Diyan mo titigan ang sarili mo.”
“Gee! Thanks!” anito at ipinagpatuloy ang pagpapapogi.
Nagtitimpi niyang ibinalik ang ayos ng rearview mirror. Narcissistic! Baka wala siyang ibang gawin pag magkasama kami kundi tumitig sa salamin.
“Gusto mo bang kumain muna o gusto mo nang puntahan ang girlfriend mo sa hotel?” tanong niya sa lalaki.
“Girlfriend?” Pagak na tumawa ang lalaki. “Fishing for information?”
Umikot ang mga mata niya paitaas. “Sir, with all due respect, gusto ko lang malaman kung saan kayo dadalhin. I am at your disposal after all. Trabaho lang.” Akala mo naman dito umiikot ang mundo. Na lahat ng itanong dito ng isang babae, ibig sabihin ay may gusto na dito.
“Hindi ko siya girlfriend. Nagkakilala lang kami sa eroplano,” paliwanag nito.
“Oh, I see!” Di pa pala nito girlfriend pero pumayag ito na basta-basta makipaghalikan sa publiko. Hindi ba ito nahihindik o naiilang?
“The kiss is just like a handshake abroad.” Parang nabasa nito ang iniisip niya. “No malice.”
“Okay,” usal ulit niya. Handshake lang pala. Wala daw malisya Bakit kailangan pang ibigay ang hotel number ng babae? Hindi naman siya bata. Ano ang posibleng gawin ng mga ito doon kung halik pa lang ay handshake na?
“I have a feeling that you already made a judgment on my morality.”
“Paano mo naman nasabi iyan kung wala naman akong sinasabi?” Ito nga ang paliwanag nang paliwanag samantalang wala naman siyang itinatanong.
“Tumataas ang kilay mo. It means that you disapprove of me. Alam ko naman na conservative sa bansang ito. Pero di ko kasalanan na hinalikan niya ako o binigyan niya ako ng calling card. I didn’t ask for it.”
“My opinion doesn’t matter at this point,” aniya at minaniobra ang sasakyan sa ma-traffic na kalsada palabas ng airport area.
“Akala ko ba sinasabi mo kahit anong gusto mo.”
“Nandito lang ako para sa mga bagay na may kinalaman sa Deogracias Furniture. Walang kinalaman ang kompanya tungkol sa bago mong kaibigan. I am your driver for now.” At least, hanggang maihatid niya ito sa villa sa araw na iyon. “Kung saan mo gustong pumunta, dadalhin kita. If you want to visit your lady friend, I can take you there.”
Humalukipkip ito. “And what are my father’s orders?”
“Iuwi kayo sa villa. You must take a rest. Bukas daw simula na ng trabaho mo.”
“And why are you giving me an option. You are my father’s yes man.”
Nagkibit-balikat ang dalaga. “At least, I know where to find you. I don’t need to look for you elsewhere. Di mo rin ako kailangang takasan.”
Paraan na rin niya para makuha ang kooperasyon ng lalaki. Pabor din iyon sa kanya. Bukod sa maididispatsa agad niya ito sa araw na iyon, hindi siya ang magiging sentro ng atensyon nito. Di na siya nito aakitin.
Bigla nahigit ni Nadia ang hininga nang maramdaman ang paghilab ng tiyan. Naapakan tuloy niya ang preno. “Anong nangyari? May masakit ba sa iyo?” tanong ni Jameson.
“Wala,” kaila niya at muling pinaandar ang kotse.
“Baka naman nagpapalipas ka ng gutom. Anong oras ka huling kumain?”
“Noong coffee break pa,” napilitan niyang amin.
“Hindi ka nag-lunch?” tanong nito sa mataas na boses. “Hindi mo dapat pinababayaan ang sarili mo. Skipping meals is the biggest mistake...:
“Delayed ang flight mo. Di ko alam kung anong oras ka dadating kaya di ako umalis sa pwesto ko. Fine. Kasalanan ko na.” Ginagawa lang naman niya nang maayos ang trabaho niya.
“I am sorry,” usal nito sa mababang boses. May kinalkal ito sa bag. “Here. Kumain ka muna ng cookies. Bigay sa akin ng bata sa eroplano kanina.”
“Cookies,” nakakunot ang noo niyang tanong.
“Ito muna ang kainin mo habang wala pa tayong nakikitang makakainan.” Iniumang sa bibig niya ang isang chocolate chip cookie. “Masarap ‘yan.”
Cookies lang ang inaalok nito pero parang nanunukso ito. Kusa naman niyang ibinuka ang labi niya. Hindi niya alam kung bakit parang di siya makahinga habang nakatingin ang lalaki sa kanya. Bakit parang tinititigan nito ang labi niya? As if he wanted to kiss her.
Bite size lang ang cookie kaya naisubo niya. Nahigit iya ang hininga nang haplusin nito ang labi niya. “You have crumbs on your lower lip.”
Muntik na siyang umungol. This man is sensual to the core. Hindi niya alam kung bakit nagagawa nitong erotic ang simpleng pagsusubo lang ng cookie. She felt hot and cold all over.
Lumunok siya at tumango. “Thanks.”
Ibinalik niya ang tingin sa kalsada at nag-focus sa pagmamaneho. Huwag mong lagyan ng malisya, Nadia. Kung ‘yung kiss nga sa kanya walang malisya, iyan pa kayang hinaplos lang ang labi mo? Di ka kabarkada ni Maria Clara. Kain lang nang kain, sermon niya sa sarili.
Nang muli siya nitong sinubuan ay kusang bumuka ang bibig niya. Kailangan niya ng sustenance kaysa naman mag-collapse siya sa gutom. Pareho pa silang madidisgrasya ni Jameson. It was not so bad.
“Chocolate drink,” alok pa nito at iniumang sa labi niya ang straw.
“Bigay ng bata sa iyo?” tanong niya.
“Nope. I bought it. Maganda ang chocolate drink para mabilis kang magka-energy,” sabi ito. “Come on. Huwag ka nang mahiya.”
Sumimsim siya. She forgot when was the last time she drank one. And she loved it. Mula nang kunin siyang sekretarya ni Don Felipe, very particular siya mula sa ayos niya hanggang sa kinakain at iniinom pati kilos. Parang bumalik siya sa pagkabata.
“Uy! Gusto kong doon kumain,” sabi nito.
“Saan?” tanong niya.
“Sa Jollibee!”