"Pupunta akong banko ngayon, Mai," anunsiyo ni Faith isang linggo matapos nilang manggaling sa café. Pabalik-balik siya roon dahil kinailangan niyang tumulong kay Kenneth sa pang-araw-araw na pagbubukas nito. Maging ang kaibigan ay naglalagi rin doon upang tumulong at pag-usapan nila ang mga hakbang na gagawin.
Ideya ni Kenneth ang pagpunta ng dalaga sa bangko. Ayon dito ay makakatulong kung magkakaroon sila ng dagdag kapital para sa negosyo. Batid rin ng dalaga na ang kaunting halagang naiwan ni Tita Rita ay hindi sasapat sa mga gagastusin kahit pa iambag na rin niya ang naipong pera mula sa pagtatrabaho ng ilang taon. Nag-alok din sana si Maia na ibibigay nito ang perang naipon din pero hindi iyon tinanggap ni Faith, katwiran niya'y kailangan din iyon ni Maia lalo pa't sumusuporta ito sa pamilya. Aniya'y sapat na nandito ito upang tulungan siya sa pag-iisip at pagpaplano.
"Mabuti at napag-isipan mo na," ani Maia. "Kaunting halaga lang naman Faith ang hihiramin natin sa bangko. Hindi mo dapat isipin o problemahin kung paano ka magbabayad. Kapag napaayos natin ang cafe at nagdagdag ng tauhan, siguradong papasukin ulit ito ng mga parokyano."
"Sana nga, Mai."
"'nga pala, hindi na kita sasamahan sa banko, ha? Nagpapatulong si Kenneth sa pagpipili ng mga disenyo ng mesa't upuan na maari nating ipalit."
"Sige, okay lang. Siguradong matatagalan naman ako do'n."
"Sabay na tayong pumuntang centro, magpapababa ako sa café. Magpadiretso ka na sa banko. Nakausap ko na si 'Tay Jose kaninang bumili ako ng pandesal sa labas. Pumayag na siya na sunduin tayo maya-mayang alas nueve."
"Sige. Maghahanda lang ako."
ALAS-DIYES nang pumasok si Faith sa Rural Bank of San Nicholas. Ito lamang ang nakikita niyang bankong maaaring mag-apruba ng kaniyang loan proposal. Balak niyang ilagay bilang kolateral ang coffee shop pero ayon kay Atty. Silverio ay hindi iyon maaari dahil hindi iyon papahintulutan ng naiwang last will ni Tita Rita.
Kaya naman ang bahay at lupa kung saan siya unang nagkaisip ang kaniyang ikokolateral kahit pa labag iyon sa kaniyang kalooban.
Bitbit ang isang brief case kung saan nakalagay ang lahat ng papeles na maaaring hingin ng banko ay lumapit siya sa isang desk ng isang babaeng sa hinuha niya ay approachable ang dating. Ngumiti naman ito sa kaniya at magalang siyang pinaupo.
"Good morning, ma'am!" bati nito sa kaniya. "How can we help you today?"
"Hi, good morning! I'm here para itanong kung maaari ba akong makapag-apply for a loan? For business purposes. Ahm, hindi ako maalam sa tungkol sa mga ganito, so I'm hoping na matulungan niyo ako," she nervously explained.
Ngumiti naman ang babae sa kaniya. "Sige, Miss-?"
"Divinagracia. Faith Divinigracia."
"Miss Faith. Irerefer po kita sa isa naming credit specialist. Siya po ang bahala sa inyong ipaliwanag lahat ng kakailanganin ninyong malaman." Tumayo ito mula sa pagkakaupo at lumapit sa isang babaeng may tinitipa sa keyboard nito. Nag-usap saglit ang dalawa at tila nagkasundo. Bumalik ang nauna niyang kausap nang nakangiti. "Miss Faith, naghihintay na po sa inyo si Cherry, lapit na lang po kayo sa table niya." Itinuro nito ang pinanggalingan. "By the way, I'm Anne," pagpapakilala nito. "Mag-uusap pa rin tayo soon."
"Uh, s-sige. Thank you!"
Minuwestra nito ang daanan at tumayo na si Faith upang lumapit sa sinasabi nitong Cherry.
Tumayo naman agad ang dalaga nang makitang malapit na siya. Magiliw itong nakangiti kung kaya naman medyo nabawasan na rin ang kaba sa kaniyang dibdib. Muli siyang naupo sa harap nito matapos silang magpakilala sa isa't-isa.
"For business loan, right?"
Tumango si Faith. "Yes. I'm hoping na maaprubahan. I'm planning to revive my aunt's coffee shop and I'll be needing a bit of amount for additional capital."
"Revive?"
"Yes. It's been out of shape since my aunt suffered from her illness. Napabayaan at ngayon ay inilipat na sa akin ang pamamahala since namatay na si Tita Rita."
"I'm sorry to hear that."
"Thanks."
"Well, may mga dala ka bang mga documents? Business permits and such?"
"Ah, meron." Kinuha ni Faith ang mga folder sa loob ng brief case at iniabot sa babae.
Kinuha nito ang folder at sinimulang buklatin. Tumatango-tango ito habang iniinspeksiyon ang mga papeles.
"Hmn, parang handang-handa ka," nakatawang puna nito. "And your proposal is quite something."
"Our manager made that and I consulted our lawyer. In honesty, wala akong alam sa pagpapatakbo ng negosyo pero I trust the people around me. Tinitimbang ko rin ang lahat ng mga suhestiyon nila saka ako nagdedesisyon."
Ngumiti naman ang babae at nagsimulang magtipa sa harap ng computer. Nagtanong na rin ito sa kaniya ng mga basic information. May mga pina-fill up-on din ito sa kaniyang mga papel.
Matapos ang halos isang oras ay nag-anunsiyo na ang babaeng tapos na sila.
"Itong application mo ay susuriin pang muli tapos ay titingnan ng manager namin. At since first time ka naming maging kliyente ay asahan mong mayroong dadalaw sa coffee shop o sa bahay mo para muli kang interbyuhin."
Tumango lamang si Faith.
"Usually ang ganitong klase ng loan ay inaabot ng isa hanggang dalawang linggo para iproseso. Tatawag naman kami sa iyo kung may mga kailangan ka pang ipasa na mga documents."
"Sige..."
"Thank you Ms Divinigracia for choosing us with your business venture." Magiliw nitong inilahad ang kamay na kaniya namang inabot.
"Thank you, too!"