"You're the manager here?" hindi makapaniwalang tanong ni Maia sa lalaki.
Takang-taka man ay tumango ito. "Yes ma'am. Ako nga po. May problema po ba?"
Si Faith na maagap na sumagot, "Ahm, have a sit please." Naupo naman ito sa silyang bakante. Nagpatuloy ang dalaga, "we're just visiting. Tinitingnan namin ang status ng cafe ---"
"She's the neice of Rita San Luiz, si Faith Divinagracia. Don't you recognize her?" agaw ni Maia sa sasabihin sana ng dalaga.
Halata namang nagulat ang lalaki sa narinig. "Kayo po si Ms. Faith? Naku ma'am, condolence po. Lahat po kami rito ay nalulungkot sa pagkawala ni Manang Rita. Hindi po ako umabot sa paglibing sa kaniya dahil nasa India po ako para sa seminar na pinadaluhan sa akin ni Manang Rita. Nang makauwi po ako ay nailibing na siya. Hindi rin po nakakadalaw pa sa bahay ninyo dahil marami pa po akong inaasikaso dito sa cafe at alam ko rin pong nagluluksa pa kayo. Sa ngayon po ay ako lang ang tao rito dahil nagsipag-resign na yung ibang staff bago pa man mamatay si Manang Rita."
"Ikaw na lang ang tauhan dito?" tanong ni Maia. "Pa'no mo 'yun ginagawa? What if maraming costumers, how would you serve them all?"
Napakamot naman sa ulo ang lalaki. "Eh, Ma'am, hindi na rin po kasi dinaragsa ang cafe ng mga tao. Madalas po ay mga matatanda na lamang po ang pumapasok kaya sanay na po sila sa mabagal na service. Hindi po sila nagrereklamo dahil madalas ay nagpapalipas lamang po sila ng oras dito. 'Yung mga teenagers naman po ay mas pinipili ang bagong bukas na burger chain sa kabilang kanto. Kaya po nang magresign sina Popoy ay hindi na po ako nagbalak pa na kumuha ng ibang tao. Bukod sa halos wala namang sisilbihan ay nakakaawas pa po sa sweldo. Medyo mahina na rin po kasi ang kita ng cafe. Kaya unti-unti na rin pong nababawasan ang mga nasa menu."
"That's why kulang na ang mga cakes and pastries," tumatango-tangong sambit ni Maia.
"Opo, Ma'am. Hindi na rin po kasi nakakabayad nang maayos sa bakeshop na nagsusupply noon. Everyday po ay kailangan mamili na lamang ng mga kukuning pastries. Hindi tulad noon na everyday lahat ng klase ay dinideliver. Pati nga rin po ang ibang kape ay medyo mahina na ang quality. Hindi na po kasi pareho ng supplier. Mura na rin po ang kinukuha namin pero maayos pa naman po ang quality."
Saglit na natigilan ang magkaibigan. "How long have you been here?" basag ni Maia sa sandaling katahimikan.
''Almost two years pa lang po Ma'am. Dati po ay ang Tita ko ang kanang-kamay ni Manang Rita dito. Simula pa po sa pagbubukas nito siya na po ang kasama ni Manang Rita sa pamamahala nito. Kaya lang po, siyempre, tumatanda, pinag-resign na din po ng mga anak dahil lahat na po sila ay nasa abroad na. Ngayon po ay nasa Amerika si Tiyang Luz, nasa hospital din po dahil may sakit kaya hindi po nakauwi nang mamatay si Manang Rita.
"Ako naman po ay dati nang namamasukan dito tuwing summer. All-around na po talaga ako dati pa. Kaka-graduate ko lang po last year. HRM po kurso ko dahil na rin po dito na ako lumaki sa cafe ni Manang Rita. Kaya po nang magretiro si Tiyang Luz ay sa akin na ipinaubaya ni Manang Rita ang pamamahala nito dahil sabi niya nga po ay hindi niyo po mabibigyang-pansin ang negosyo dahil wala po dito ang hilig ninyo."
"Ilang taon ka na Kenneth?" ani Maia.
"Magti-twenty pa lang po Ma'am."
"Ate Maia na lang, 'wag na Ma'am, masiyadong pormal."
"MABUTI pa siguro Fay, maghanap tayo ng adviser. Para naman alam natin ang dapat na hakbang para mabuhay ang cafe," wika ni Maia nang makauwi na sila mula sa cafe. Marami silang nalaman mula kay Kenneth tungkol sa kalagayan ng cafe. "Hindi naman puwede na ganiyan na ang lagay hanggang matapos ang five years na palugit ni Tita Rita."
"I know, Maia. Hindi natin maibebenta ang cafe sa tamang halaga nito after five years kung hindi natin aagapan ngayon pa lang. Pero tingin ko naman hindi na kailangan ang maghanap pa ng adviser. Nandiyan naman si Kenneth. Related naman ang kursong tinapos niya para dito. He'll know what to do."
"You're selling it after five years?" hindi makapaniwalang tanong ng kaibigan.
Tumango ang dalaga. "I know nothing about business. Besides, pa'no ang social works natin kung dito ako mamamalagi?"
"Kaya lang, Fay, pa'no ang alaala ni Tita Rita? Sa tingin mo ayos lang kaya sa kaniya ang desisyon mo?"
Saglit na natigilan ang dalaga. Naisip kung gaano kabuti sa kaniya ang tiyahin, ang lahat ng sakripisyo nito para palakihin siya na parang tunay na anak nito. "Hindi ko alam, Maia. Hindi ko alam kung magiging masaya ba si Tita sa desisyon ko. Pero I'm hoping na sana ay maintindihan niya ang magiging hakbang ko. She knows me. Alam niya kung nasaan ang puso ko at ang hangganan ng kakayahan ko."
Natahimik ang kaniyang kaibigan sa kaniyang tinuran.