"I'm in deep trouble, Maia," sambit ni Faith sa telepono. Kasalukuyang kausap ng dalaga ang matalik na kaibigan na nasa Maynila na. Dumating ito nang mamatay ang tiyahin niya at umalis naman matapos ang libing dahil iyon ang pakiusap ng dalaga.
"Fay, I want to stay with you even for a month." Ito ang pahayag ng kaibigan matapos ang libing.
"Please, Maia. Let me mourn by myself. You don't have to stay. Kaya ko ang sarili ko. Nais ko lamang mapag-isa," sagot ng dalaga. "Besides, may trabaho kang naiwan. Hindi mo iyon maaaring basta-basta na lang pabayaan."
Sa huli ay nakumbinsi ng dalaga ang kaibigan na bumalik na sa Maynila. Pero nangako ang huli na tawagan ito anumang oras kung kailangan niya ng kausap. Kaya naman matapos ang pakikipag-usap sa abogado at kaunting panahon ng pag-iisip ay nagpasiya si Faith na tawagan ang kaibigan at humingi ng payo rito.
"Faith, you have to calm down," paalala ng kaibigan sa kabilang linya. "Hindi ka makakapag-isip nang matino kung natutuliro ka," dagdag pa nito.
"I'm trying to clam down. Pero hindi ko ini-expect na ganito ang maiiwan ni Tita sa akin," mangiyak-ngiyak na sagot ng dalaga.
"I'm sure may rason si Tita Rita. Natingnan mo na ba ang status ng negosyo pati na rin ibang ari-arian ninyo?"
"Binasa ko na kanina yung files. I didn't know almost all our properties were either sold or naisangla sa banko," bulalas ng dalaga. "Pati 'yung coffee shop ay halos malapit na ma-bankrupt!"
"Why don't you try to sell the business habang hindi pa tuluyang nalulugi?" Suhestiyon ng kaibigan.
"I can't, Maia. Nasa will ni Tita na hindi maaaring ibenta ang shop sa loob ng limang taon. Kailangang pagsikapan ko raw iyong ma-revive. After five years, saka lamang ako puwedeng magbenta kung nanaisin. But I don't even know how to manage a business. Let alone revive it!" Bakas na bakas ang dilemma sa mukha at boses ng dalaga.
Panandaliang natihimik ang kaibigan. Maya-maya'y nagsalita ito, "how about the properties?"
"Apparently, 'yung ibang lupang minana pa ni Tita sa mga lolo niya ay naibenta na niya dahil sa gastusin sa hospital, idagdag pa na nag-aaral ako." Huminga nang malalim ang dalaga bago nagpatuloy, "habang 'yung iba ay nawala kay Tita dahil naloko siya ng iba't-ibang tao."
"Diyos ko naman, Faith, sa bait ng Tita Rita ay may nanloko pa rin sa kaniya?"
"Sad but true. I think naisip ni Tita na mababawi niya lahat ng ginastos para sa pagpapagamot niya if she invested on something. 'Yun nga lang, niloko siya ng mga pinagkatiwalaan niya. I never thought na ganito kalala. I'm not after my shares but nagagalit ako dahil nangyari ito kay Tita nang hindi ko alam. I should have been there when she was struggling. I-i should h-have ---" tuluyan nang nabasag ang tinig ng dalaga. Tuloy-tuloy na dumaloy ang mga luha sa pisngi niya.
"Faith?" Untag ni Maia sa kabilang linya. "Faith, please calm down," pang-aalo pa nito. "Hindi mo kasalanan ang nangyari sa Tita mo. Hindi mo alam ang nangyayari noon. I know kung alam mo lang iyon, I'm sure hindi mo hahayaan na maging gano'n."
Patuloy lamang ang mahihinang paghikbi ng dalaga sa telepono.
"I'm filing an indefinite leave right now," pagpapatuloy ni Maia. "I'll be there tomorrow. Dadamayan kita."
"N-no. No. You don't have to, Maia. I-i'll be fine." Natatarantang sabat ng dalaga habang mariing pinupunasan ng kamay ang mga luhang lumandas sa mukha.
"Faith, please, hear me out. I am your best friend. Hindi ko kayang nariririto lang ako habang nahihirapan ka riyan. I'll be there. Please take care of yourself until then." Pinal ang mga salitang binitiwan nito bago nila tinapos ang tawag.
Nanghihinang binaba ni Faith ang telepono sa lalagyan nito. She was just so thankful that she has a friend like Maia. Nakilala niya ito nang magkolehiyo siya sa Maynila. Boardmate niya ito sa dormitory noon, pareho sila ng probinsiya na pinagmulan pero noon lang nagkakilala.
Si Maia ay galing sa pamilya ng mga mambubukid. Ang mga magulang nito'y tumanda na sa sakahan, maging ang kapatid nitong nakatatanda ay gayun din. Sinikap ng pamilya na makapag-aral sa Maynila si Maia dahil babae ito at katwiran ng ina'y hindi nararapat sa sakahan ang nag-iisang dalaga ng pamilya.
Subalit kahit ano pa'ng gawin ng pamilya'y hindi mawawala sa puso ng dalaga ang pinagmulan. Kaya naman Social Works din ang kursong tinahak nito. At ngayon nga'y nagbabalak itong mag-aral muli ng abogasya. Nais nitong tulungan ang mga mahihirap nilang kababayan sa aspeto ng legalidad, lalung-lalo na ang mga magsasakang umaasang mabibigyan ng sariling sakahan. Ngayon ay kasamahan niya ito sa mga volunteer works.
Kauuwi lamang ni Maia galing Cordillera. Ilang buwang namalagi ito roon para sa mga outreach programs. Pagkarating nitong Maynila mula Cordillera ay dumiretso itong umuwi sa probinsiya nila nang malaman ang nangyari sa Tita Rita ni Faith. Ito ang naging karamay ng dalaga sa pagluluksa. Kaya naman nang marinig nito ang problema niya'y mabilis ang pagpapasiya na lumiban na muna sa trabaho para tulungan ang kaibigan.
Martes nang umaga ay dumating si Maia sa San Fernando. Saglit itong umuwi sa bahay ng pamilya at tumuloy na sa bahay nina Faith. Dala-dala ang isang maleta ay kumatok ito sa pinto.
Bumukas ito at tumambad sa dalaga ang nangangayayat na kaibigan. "Faith!" Bulalas ng bagong dating. "Look at you, you're a mess." Minuwestra nito ang dalaga. "Hindi ka ba kumakain? Isang linggo pa lang, Faith," mahinahong puna nito.
"Maia, please," nanghihinang sagot ni Faith. "Pasok ka. Dito ka ba tutuloy?" tanong niya nang mapansin ang dala nitong malaking maleta.
"Oo, Fay. Lalo na nakita ko'ng itsura mo."
"I'm okay. Kumakain naman ako --"
"Ng ano?" putol nito sa sinasabi niya. Dire-diretso ito sa kusina at agad binuksan ang ref. "Look at this. Sira na ang mga laman nito." May inilabas itong lalagyanan ng pagkain at inamoy, napangiwi ito. "Naku, Fay! Sinasabi ko sa iyo. Hindi ka pwede magpabaya lalo pa may mga problema ka pang kakaharapin," palatak nito.
"Alam ko naman iyon. Nag-iisip naman ako ng paraan paano ba ang gagawin ko."
"I have an idea!" Biglang ngumiti ito, hindi na sumagot sa sinabi niya. "Kumain tayo ngayon sa labas. Para naman mahanginan ka."
"Maia, ikaw na lang."
"Uh-uh," iiling-iling na sambit nito. "Tayong dalawa. Magbihis ka na. Lalabas tayo at mag-grocery na rin. Kailangan nation ng supplies dito. Alangan naman pakainin mo ako ng mga may amag na na pagkain."
Napangiti naman ang dalaga kahit papaano. "Sige. Sandali lang. Pero kakain tayo sa Hindi mataong lugar, ha?"
"Kung 'yan ang gusto mo," pagsang-ayon nito.
Pumasok na sa silid si Faith at nagbihis. Isang simpleng itim na blouse at pantalon ang sinuot niya. Paglabas niya'y naratnan niya si Maia na nakaupo sa sala. Nakabihis na rin ito ng damit.
"Tara na," aya ni Faith.
Tumayo na rin si Maia at sabay na silang lumabas. Habang naghihintay sila ng tricycle na masasakyan ay biglang nagsalita si Maia. "Why don't we try your Tita's Cafe? 'Di ba nabanggit mo na may manager na pinagkakatiwalaan ang Tita Rita kaya operational ito?"
"Ha?" naguluhang sambit ni Faith.
"Sa café na tayo pumunta. Para naman makita mo kalagayan nito. Kilala ka ba doon?"
"I-i don't think so. Bihira ako makapunta doon tuwing nagbabakasyon. Yung manager ay tatlong beses ko pa lang nakita."
"Then good. Sa ganu'ng paraan ay makikita natin anong mali at mga maaaring gawing hakbang."
"P-pero --"
Ano mang protesta sana ng dalaga ay nalunod na iyon ng tunog ng motor ng traysikel na pinara ng kaibigan. "Manong sa poblacion ho. Do'n ho sa Karma Café sa malapit sa munisipyo."
"Ah! Iyon ba iyon sa malapit sa ginagawang mall? Iyong maliit na kainan ng mga matatanda?" Tanong ng matandang drayber.
"Oho, 'yon nga po."
"Sige mga ineng. Sakay na kayo."
"Tara na, Fay," aya sa kaniya ng kaibigan. Wala naman siyang nagawa at sumakay na rin.
Habang nasa biyahe ay kumikwento ang matanda. "Bakasyonista ba kayo mga ineng?" tanong nito.
Si Maia lamang ang sumasagot at nakikinig lamang si Faith. "Hindi po, manong. Taga-rito lang din po kami. Pero sa Maynila po kasi kami nagtatrabaho. Kakabalik lamang po namin. Ito pong si Faith ay pamangkin ni Rita San Luiz. Kilala niyo po?"
"San Luiz?" Saglit itong nag-isip. "Ah! Si Rita! Pamangkin ka niya, ineng?" Sumulyap ito sa kaniya. "Balita ko'y kamamatay lamang ni Rita?" Usisa nito.
"Ah, eh, oho. Isang linggo pa lang po," si Maia.
"Gano'n ba? Hindi ako nakapunta sa lamay gawa nang bigla akong napakiusapan ng anak ko na pumuntang Maynila. Pagbalik ko'y nailibing na si Rita. Nakikiramay ako, ineng."
"S-salamat ho," tanging nasambit ni Faith.
"Ikaw na ba may-ari noong kapehan ni Rita?" usisa pa nito.
"Opo, 'tay. Kaya papunta kami roon, titingnan namin," agap na sagot ni Maia.
"Aba'y dati'y maraming pumapasok doon. Madalas puno lalo na 'pag Linggo. Hindi ko lang alam anong nangyari at nitong nakaraang mga buwan ay tila magsasara na ito." Malungkot ang tinig ng drayber nang sabihin ito.
Hindi sila nakaimik sa narinig. Dumaan ang katahimikan at tanging tunog ng motor ang maririnig. Nakarating na sila sa poblacion at lumiko na ang traysikel papasok sa compound ng isang maliit na building katabi lamang ng munisipyo. Sa kabilang gilid nito'y ang ginagawang malaking building at sa gitna ng mga ito'y isang one way street.
Malawak ang harapan ng café, sadya para sa parking space. Tumigil ang sasakyan sa harap ng establisyemento. "Andito na tayo," masigla na ang tinig ng matandang drayber.
Bumaba na silang dalawa. "Magkano po, 'tay?" Tanong ni Maia habang dumudukot sa pitaka nito.
"Naku, naku. 'Wag na mga ineng. Libre na lamang iyon. Suki ko si Rita noon sa traysikel. Napakabait na tao at hindi kuripot magbayad. Madalas ay may pasobra pa." Mabilis na agap ng matanda. "'Wag na kayong magbayad. Kapag kailangan ninyo ng masasakyan ay hanapin ninyo ako sa pila doon sa may kanto sa atin."
"Naku! Salamat po 'tay!" Tuwang-tuwa si Maia sa matanda.
"Tatay Jose, mga ineng," pagpapakilala nito.
"Maia po, si Faith po ang pamangkin ni Tita Rita," sagot naman ni Maia. Ngumiti naman si Faith sa matanda.
"Salamat po 'tay Jose," ani Faith.
"Sige mga ineng, alis na ako. Ingat kayo." Paalam ng matanda.
Umalis na ang traysikel at naiwan ang dalawang magkaibigan sa harap ng Karma Café.
Nakatulala lamang si Faith habang pinagmamasdan ang harapang disenyo nito. Limang hakbang ng hagdang malawak bago ang salaming pinto ng entrada. Ang harapang dingding nito'y gawa sa mga bricks. Hindi tanaw ang loob dahil maliit lamang ang pintong salamin.
"Tara na, Fay," aya ni Maia.
Humakbang na silang dalawa. Si Maia ang nagbukas ng pinto at tumunog ang bell na nakakabit sa pinto, hudyat na may bagong dating.
Huling pumasok si Faith at halos bumuka ang bibig sa tanawing tumambad sa kanila sa loob.