SAMANTALA, panay naman ang sulyap ni Jeon kay Glydel habang nanatili siyang nakatayo malapit sa anak na si Sheen. Sinundan pa nga niya ito ng tingin nang iwan sila nito at papuntang stock room. Maya-maya, gumuhit ang matamis na ngiti sa labi ni Jeon nang maalala ang naging unang tagpo nila ng dalaga. Ang buong akala nga ng lalaki ay magagalit ito kapag nakita siya subalit kalmado lang ang babae. “Daddy,” tawag sa kaniya ni Sheen. “Yes, Sheen?” “Pagkatapos nito, kumain tayo.” “Ha? Gutom ka na agad? Eh, kumain ka naman sa bahay bago tayo umalis, ah.” “Opo, pero nagugutom ulit ako.” “Okay, sige. Hintayin lang natin iyong babaeng kausap mo kanina.” “Opo.” Tipid nitong tinanguan ang ama. Maya-maya ay bumalik na si Glydel at dala na ang kulay dilaw na unan na siyang gusto ni Sheen.

