Chapter 10

2132 Words
NAGTAGIS ang mga bagang ni Serena at mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa garden hose na kaniyang hawak. Masama niyang tinititigan si North na makikita pa rin niya mula sa rearview mirror ng sasakyan nito. Hindi siya natinag sa kaniyang kinatatayuan at pinabayaan niyang umaagos pa rin ang tubig mula sa garden hose para mas lalong inisin ang lalaki. Saka lang niya pinatay ang gripo nang tuluyan ng mawala sa paningin niya ang sasakyan ng lalaki at sumara na rin ang gate. “Damn him! Napaka-arogante. Akala mo kung sino!” himutok niya, habang nililigpit ang hose at ibinalik kung saan niya ito kinuha kanina. Pagkatapos ay pumasok siya sa loob ng malaking bahay nito. Marahas siyang napabuntonghininga at napairap. Malaki at naghuhumiyaw nga sa yaman ang istraktura ng mansion at mga kagamitan dito, pero aanhin mo naman ang malaki at mala-paraisong bahay kung ang nakatira ay isang criminal at napakasama pa ng ugali. Nang tumunog ang cell phone niya ay agad niya iyong kinuha mula sa bulsa ng suot niyang jogging pants. Mabilis din niya iyong sinagot nang makita niyang si Arrah ang tumatawag. “Arrah,” “Saan ka? Nandito kasi ako sa apartment mo at aayain sana kitang bisitahin natin si Katharina pero wala namang tao,” sabi nito sa kabilang linya. Knowing Arrah at base na rin sa tono ng boses nito, alam niyang nakasimangot na ito. Napangiwi siya at napakamot sa gilid ng kaliwang kilay niya. “Nandito ako sa…” natahimik siya at napangiwi ulit. Shit! Hindi nga pala niya alam kung nasaan siya ngayon at anong lugar itong pinagdalhan sa kaniya ni North. “Saan?” “Sa… uh… sa lugar ng tiyahin ko,” pagsisinungaling niya. “May tiyahin ka rito sa Maynila? Akala ko ba nasa Bohol lahat ng mga kamag-anak niyo?” Mariin niyang naipikit ang mga mata. s**t! Oo nga pala. Nasabi nga pala niya iyon kay Arrah noon. “Uh… puwede bang saka ko na lang sasabihin sa ’yo kapag nagkita na tayo?” “Oh, okay. Anyway, hihintayin ba kita rito—” “Hindi na, Arrah. Sa presinto na lang tayo magkita. Saan ba naka-detain ngayon si Katharina?” tanong niya. Nang sabihin nito kung saan ay agad na siyang nagpaalam dito. Mabilis siyang nagtungo sa kusina para sana magluto ng kaniyang agahan pero wala namang pagkain ang refrigerator ni North. Anong klaseng lalaki ba talaga itong pinakasalan ng kapatid niya? Laglag ang balikat na napailing-iling na lang siya. Wala yata talagang balak ang lalaking iyon na buhayin siya. Umakyat na lang siya sa itaas at pumasok sa napili niyang kuwarto at nagbihis. Paglabas niya ng gate ay nag-abang na lang siya ng taxi pero mukhang madalang lang na may dadaang taxi rito kaya naglalakad na lang siya palabas ng village. “Magandang umaga, Kuya guard,” bati niya sa guard na naabutan niya sa may gate ng village. “Magandang umaga rin, Ma’am.” “Anong lugar po ba ito, Kuya?” tanong niya. Nakita naman niyang kumunot ang noo nito. Nagtataka siguro kung bakit nakapasok siya rito sa village nang hindi naman pala niya alam kung saang lugar ito. Pero hindi naman ito nagtanong sa kaniya at sinagot lang ang tanong niya. “Nasa Forbes Park Village po kayo rito sa Makati, Ma’am.” Natigilan siya at awang ang bibig na napalingon pa siya kung saan siya nanggaling. Kaya pala ang ganda ng lugar at tila malapalasyo lahat ng mga bahay na nakikita niya rito. Sa tingin pa niya ay walang jeep ang pumapasok sa lugar na 'to. “Lalabas po ba kayo, Ma’am?” tanong ng guard sa kaniya, nang hindi na siya nakapagsalita. Muli siyang napatingin sa guard at tumango. “Oo, Kuya. Mukhang madalang lang yata ang taxi na dadaan dito kaya naglakad na lang ako.” “Sino po ba ang pinuntahan niyo rito, Ma’am? Mukhang bago lang kasi kayo rito.” “Uh, sa bahay po ni North Hadrianus—” “Oh! Kayo pala si Ma’am Selena, ang asawa ni Attorney. Pasensya na, Ma'am at hindi po kita agad nakilala,” paghingi kaagad nito sa kaniya ng pasensya. Alanganing ngumiti siya sa guard. “O-Oo, Kuya guard. Uh, bakit niyo po nalaman?” “Ibinilin ka po sa amin ni Attorney. Baka raw kasi lumabas ka at pagbalik mo ma-hold ka namin. Bawal kasi kaming nagpapasok dito ng mga outsider na walang kakilala na nakatira rito sa loob ng village. For security purposes din po, Ma’am.” mahabang sabi nito. Medyo nabawasan tuloy ang inis niya kay North. Mabuti naman at hindi siya nito nakalimutan na ibilin dito sa mga guard ng village. Pero nakalimutan naman nitong mag-iwan ng pera para sa pagkain nila. “Gusto niyo bang magpatawag ako ng taxi, Ma’am?” Agad naman siyang natuwa sa sinabi ng guard. “Yes, please,” Mabilis naman itong nag-radyo sa kasamahan nito at sinabing mag-tawag ng taxi. “Sandali lang, Ma’am, at nagpapatawag pa ako sa kasamahan ko rito.” “Okay lang, Kuya. Salamat.” Habang hinihintay niya ang taxi na pinatawag ng guard ay nakikipag-usap muna siya rito. Ibinida naman nito na mabait daw si North. Sa lahat daw na mga pinsan nito na nakatira rito sa village, si North ang pinaka-approachable. “Dito po nakatira sa village ang mga pinsan ni Mr. De Sandiego—I mean, ni North?” “Yes, Ma’am.” Napalunok siya. Bigla siyang kinabahan at baka nandito rin ang bahay ng mga magulang ni North. “Pati rin po ba ang mga magulang niya?” Umiling naman ito. Kaya nakahinga siya ng maluwag. “Sa Manila po nakatira ang mga magulang ni Attorney, Ma’am. Iyong dalawang kapatid lang niya ang nakatira rito sa Forbes. Pero kagaya po ni Attorney ay madalang lang din na nandito dahil wala pa naman pong mga pamilya ang mga iyon.” “Madalang lang na nandito si North?” kyuryoso niyang tanong sa guard. “Naku, Ma’am! Sobrang dalang po. Dalawa o tatlong beses lang sa Isang taon,” sabat ng isang guard na kararating lang. Dalawa o tatlong beses sa Isang taon? Sobrang dalang nga. Siguro hindi lang ito ang bahay ng lalaking iyon. “Pumupunta lang si Attorney rito kapag may occasion ang mga pinsan niyang may-asawa na," patuloy na daldal ng guard. “O hindi kaya ay may dinadala siyang chicks—” Natahimik ang lalaki nang lumapit dito ang kanina pa niya kausap na guard at inakabayan ang lalaking sumabat kaya hilaw na napangiti sa kaniya ang lalaki at agad ng nagpaalam. “Naku, Ma’am! H’wag niyo ng pansinin iyong sinasabi ng lalaking yon. Certified marites iyon dito kaya—” “It’s okay, Kuya. Hindi mo na kailangang pagtakpan pa sa akin si North. Gano’n naman talaga kayong mga lalaki, malingat lang kami sandali sa inyo, may iba na kaagad kayo,” aniya at mabilis na itong nilagpasan, nang makitang dumating na ang taxi na ipinatawag nito. Nang makalapit sa taxi ay kaagad niyang binuksan ang pinto at sumakay. Kaagad din niyang sinabi sa driver kung saan siya magpapahatid. Nang makita niya ang kalagayan ni Katharina ay naawa talaga siya sa babae. Sana lumabas na ang katotohanan. At sana hindi talaga nito kinuha si Aurora mula sa totoo nitong ina. “Mauna na ako sa ’yo, Arrah,” paalam niya sa kaibigan, nang makalabas na sila ng presinto. "Hep!" Aagad na pigil nito sa kaniya nang aalis na sana siya. "Bakit?" nagtatakang tanong niya rito. "Hindi mo pa ikinuwento sa akin kung saan ka talaga nagpunta at bakit wala ka sa apartment mo. At sabi pa ng landlady mo, matagal ka pa raw na babalik doon." Malalim na napabuntonghininga muna siya bago siya sumagot. "Sa bahay na ako ng asawa ni Selena titira." Namilog ang mga mata nito. "Ano?!" malakas ang boses na bulalas nito. "Shh!" saway niya rito. "Hinaan mo nga iyang boses mo." "Titira ka na sa bahay ng asawa ng iyong kakambal? Nahihibang ka na ba, Serena?" mahina pero madiing sabi nito sa kaniya. Napanguso siya. "I have no choice. Napasubo na ako." "Paano kung mabuking ka? Gaga ka, masisira iyang career mo 'pag nagkataon." Natigilan siya. Paano nga kung mabuking siya ni North? Paano kung magsampa ito ng kaso laban sa kaniya? Shit. "Hoy, okay ka lang? Bakit bigla ka ng natahimik d'yan?" untag nito sa kaniya nang hindi na siya nakapagsalita. "Ikaw lang naman ang nakaalam nito, Arrah. Kung hindi mo ako ibubuking, then, mananatili ang sekreto na ito hanggang sa matapos ang anim na buwan." "Makakaasa ka ngang hindi kita ilalaglag. Pero paano naman kung ma-in love ka d'yan sa lalaking 'yan? O di kaya'y siya ang mai-in love sa 'yo?" "Hindi iyang mangyayari at lalong hindi iyon magkakagusto sa akin." May girlfriend ang lalaking iyon kaya atat na atat na makikipaghiwalay kay Selena. "Paano ka naksisiguro? Aba! Ang ganda mo kaya, bulag na lang ang hindi magkakagusto sa 'yo dahil hindi ka naman nila nakikita." She just rolled her eyes at her. "Basta sigurado ako." Never niyang pahintulutan ang sarili na ma-in love sa lalaking dahilan kung bakit maaga silang nawalan ng mga magulang ni Selena. Nang makitang may paparating na jeep ay agad niyang itinaas ang kamay para parahin. "Okay, given na hindi ka nga ma-in love doon at hindi rin ma in love ang lalaking iyon sa 'yo. Pero paano kung mabuking ka?" may pag-aalala na sa mukha nitong tanong sa kaniya. "Kung nagawa ng lalaking iyon na pagtakpan ang nangyari noon sa Papa mo, hindi rin imposible na magawa ka rin niyang saktan kapag nalaman niyang niloloko mo siya." Kung mabubuking man siya ng lalaki, sisiguraduhin niyang nakahanap na siya ng mga ebidensyang magpapabagsak dito. "I'll make sure na hindi ako mabuking hangga't wala pa si Selena. Oh, siya mauuna na ako, sa 'yo," paalam niya rito nang huminto na sa harap nila ang jeep. “Okay. Mag-iingat ka at kita na lang tayo bukas sa hospital.” Tumango lang siya at kaagad ng sumakay sa jeep. Dadaan pa kasi siya nang palengke para bumili ng supply nila sa bahay. Matapos niyang mabili ang mga importante lalo na ang kanilang pagkain ay kaagad din siyang umuwi. Pero paminsan-minsan ay natitigilan siya kapag naiisip niya ang sinabi ni Arrah. Paano nga kung mabuking siya? Paano kung gaya ni Katharina—no, hindi niya hahayaang mangyari iyon. Hindi rin niya hahayaang saktan siya ng pisikal nang lalaking iyon. Agad naman siyang natigilan nang sa pagpasok niya sa bahay ni North ay naabutan niya ito sa sala na may kasamang tatlong lalaki. Natigil din ang mga ito sa pag-uusap at sabay na napatingin sa kaniya. Hindi naman niya alam kung ano ang ire-react kaya nanatili na lang siyang nakatayo sa may pintuan. Nakita naman niyang tumayo si North at lumapit sa kaniya. "What the heck are you doing?" tanong nito. Kung wala lang itong mga bisita baka inirapan na niya ito. Hindi ba nito nakikita ang bitbit niya? "Namalengke?" patanong pa niyang sagot dito. "Mukhang hindi ka kasi umuuwi rito palagi kaya walang laman iyang ref mo." Ini-emphasize pa niya ang umuuwi. He sighed. Pagkatapos ay kinuha nito ang dalawang malalaking cellophane na may lamang mga grocery sa magkabila niyang mga kamay. Kaagad din itong tumalikod at nagtungo sa kusina bitbit ang dalawang grocery bags. "Hi." Natigil siya sa akmang pag-sunod sana niya kay North nang lapitan siya ng isang lalaking kausap nito kanina. Iyong dalawang lalaking kasama nito ay nanatiling nakaupo lang doon pero iyong isa ay titig na titig naman sa kaniya na ikinailang niya kaya agad na iniwas niya ang tingin dito at itinuon sa lalaking lumapit sa kaniya. Guwapo ito at medyo hawig ito at si North. Their eye colors were the same too. Pero mukha lang itong bad boy. May hikaw kasi ang kaliwang taenga nito. Isa rin kaya itong De Sandiego? "I'm Zephieru," pagpapakilala nito sa kaniya at naglahad pa ng kamay sa harap niya. "Your husband's cousin." dugtong pa nito nang tiningnan lang niya ang kamay nitong nakalahad. Ah, kaya pala magkahawig ito at si North at magkakulay pa ng mga mata. "I'm Sere—" natigil siya nang maalala niyang nagpapanggap lang siyang si Selena. "Selena." Tumahip ng malakas ang dibdib niya. s**t! Muntik na niyang mabanggit ang totoong pangalan niya. Hahawakan na sana niya ang kamay ni Zephieru nang dumating si North. "Selena, can you get us some snacks?" sabi nito kaya agad siyang napatingin dito. Gusto niya itong ikutan ng mga mata pero pinili na lang niyang ngitian ito. "Okay." aniya "I want juice, Sere," sabi ni Zephieru, na ikinatigil niya at bahagya pang nanlaki ang mga mata niya. Mas domoble ang malakas na pagtambol ng puso niya dahil sa kaba. Nakilala ba siya ng lalaki? Alam ba nito kung sino talaga siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD