Pilit na sinesenyasan ni Riva na magsitahimik sina Sinag at Luna na naging maligalig nang marinig ng mga ito na magiging modelo na siya, mas excited pa sa kanya ang dalawa.
"Naks naman, haba ng hair! " tukso sa kanya ni Luna habang paikot-ikot ito sa harapan niya.
"Kaya sa'yo ako Riva eh! Ang gandaganda mo kasi," matinis na wika ni Sinag habang tila nananaginip ito habang nakatitig sa kanya.
Agad naman itong nilapitan ni Luna at agad na binatukan ng malakas.
"Aray ko Luna! Nakakadami ka na ha! Grrrrr! Humanda ka sa'kin!" galit na galit ni Sinag habang hinihila nito ang tenga ni Luna.
Kung wala lang siguro si Leona ay baka pinagalitan na naman niya ang dalawa kaso ayaw naman niyang akalain ng matanda na nababaliw siya at nagsasalitang mag-isa kaya hinayaan na muna niyang magrambulan ang dalawa na parang mga bata. Madalas man na hindi magkasundo ang dalawa ngunit pareho naman nitong mahal ang isa't isa.
"We're here." Nakangiting untag ni Leona sa kanya bago ito sumenyas na bumaba na sila, kaya naman agad siyang umibis sa kotse nito at agad na sumunod sa ginang papasok ng building.
"Good morning, Faith! Where is Logan?" bungad ni Leona sa sekretarya nito ng makarating ang ginang sa opisina.
"Nasa conference room po Ma'am Leona..." magalang na sagot ni Faith sabay ngiti kay Riva bilang pagbati.
"Conference room? What is he doing there?" takang tanong ulit ni Leona.
"Dumating po kasi si Maa'am Erin kanina,"
"Ohh! Hindi ko alam na magbabakasyon ang batang 'yun so, nasa conference room sila?" nakangiting tanong nito.
"Yes, Ma'am..." tila nag-aalangang sagot ni Faith.
"Okay! Punta na lang kami dun, halika hija" nakangiting yakag sa kanya ng ginang ng bigla itong pigilan ni Faith.
"Ahmm! Ma'am, kabilin-bilinan kasi ni Sir na 'wag silang iistorbohin eh..." tila nahihintakutang pigil ni Faith sa matanda.
"Don't worry Faith, miss ko na rin si Erin eh! I couldn't wait to meet her again!"
"Pero Ma'am,"
"I said it's okay, besides I still own this company, to be precise, I'm still the boss, not Logan,"
Wala nang nagawa ang sekretarya ng magpatuloy sila sa paglalakad patungo sa kinaroroonan ng dalawa.
"Erin is one of my top model here in my company. Anak siya ng isa sa mga partners ko dito sa kumpanya. And just like you, she's beautiful..." malumanay na wika ng matanda bago nito buksan ang pintuan para magulat lamang sa makikita. Kitang-kita ng dalaga kung paano manlaki ang mata ng matanda sa nasaksihan.
Halos nakahubad na kasi si Erin habang nakapatong ito sa mesa at kahalikan ang binatang si Logan. Maging ang mga ito ay nagulat ng biglang bumulaga si Leona sa harapan ng mga ito.
"Tita Leona, I'm glad to see you again!" ani Erin nang makabawi ito sa pagkabigla.
Agad nitong inayos ang sarili bago lumapit kay Leona at nakipagbeso dito.
"Yeah, I thought nasa bakasyon ka?" takang tanong ng ginang sabay sulyap sa anak na inaayos ang puting long sleeve nito.
"Yes tita, nauna lang akong umuwi dito dahil madami pa akong commitment." Nakangiting sagot nito sabay tingin kay Riva mula ulo hangang paa.
"I see, sinurprise mo naman kami ng anak ko hija..."
"Hahahaha, kaya nga po, by the way. Who is she?" tanong ni Erin sabay nguso kay Riva na tahimik lang na nakatingin sa kanila.
"She's Riva, magiging kasama ninyo soon..." maluwang ang pagkakangiti na sagot ni Leona.
"Really, tita? Ngayon ko lang 'ata siya nakita?"
"Yeah, but this young lady saved my life this morning..."
"Wow! Kaya niya po ba nakuha ang pagiging isa sa mga modelo dahil nailigtas ka niya?" tila nang-iinsultong sagot nito.
Well, she's gorgeous Erin. She deserves to be one of my angels." Ani Leona sabay tawag sa anak na lumapit sa kanila.
"Logan, anak, halika, I want you to meet Riva," malambing na wika ni Leona sa anak nang makalapit ang binata.
Samantala naasiwa naman si Riva dahil sa pagtitig sa kanya ng binata na tila nakilala na siya nito.
"Tama!" malakas na boses na sambit ng binata.
"Why? By any chance, did you guys met before?" takang tanong ni Leona sa anak.
"Siya yong magandang babae na loka-loka dahil nagsasalitang mag-isa habang naglalakad sa kalsada. Saan mo napulot 'yan, Mom?" walang prenong sabi ni Logan sabay turo sa kanya habang nakatitig sa maamong mukha niya.
"Sinong loka-loka? Ako ba?" nanlalaki ang mga matang tanong ng dalaga sabay turo sa sarili.
"I saw you this morning. Nakikipag usap ka sa imaginary friend mo." Dagdag ng binata.
"Baka hindi ako 'yun. I don't have imaginary friend!" kaila ng dalaga habang sinusulyapan sina Sinag at Luna.
"Oh my God tita! We can't afford to have someone like her. If Logan was right makakasama sa kumpanya ng magkaroon ng modelo na kagaya niya." Bakas ang pagkadisgusto sa kanya na sabat ni Erin.
"Huwag po kayong mag-alala. Hindi naman po ako naghahangad na magmodelo. Nagkataon lang siguro na nagkakilala kami ni Ma'am Leona..." anang dalaga sa mga ito sabay baling sa matanda at muling nagsalita.
"Masaya po akong natulungan kayo Ma'am... pero siguro hindi naman po kailangan na bigyan mo pa ako ng trabaho. Aalis na po ako at salamat.." anang dalaga sa matanda bago siya humakbang papalayo ngunit hinabol siya ni Leona at muling kinausap.
"I am serious when I asked you to be my model, and I'm not gonna take it back, you'll stay here hija!" seryosong wika ni Leona sabay tinitigan ng masama si Logan bago ito nagpaalam sa dalawa para magtungo pabalik sa opisina nito.
---
Samantala agad na sumunod si Logan sa ina at iniwanan si Erin na nakasimangot dahil mukhang magkakaroon ito ng karibal kay Leona at kay Logan.
"Don't you dare na agawan ako!" nakasimangot na wika nito habang nakatingin nang masama sa nakatalikod na dalaga.
Walang kaalam-alam si Erin na nakatitig sa kanya si Sinag habang nakapamewang.
"Ikaw ang huwag na huwag magtangka ng masama kay Riva namin at sisiguraduhin ko sa'yong mas lalo kang papangit, hmmp!" ani Sinag bago nito iniwan ang dalaga at sumunod kina Riva at Luna.
Napansin pa ni Sinag ang palihim na pagtitig ni Logan sa dalaga habang naglalakad.
-
"Riva, right?" nakangiting tanong ni Logan sa dalaga ng makarating sila sa opisina. Hindi aakalain na kanina lamang ay tinawag siya nitong loka-loka. Ngayon ay biglang todo na ang ngiti nito sa kanya na parang sinasadya nitong i-flex ang mapuputi at pantay nitong mga ngipin.
"Yes." simpleng tugon niya.
"Ngayon lang kita natitigan nang matagal. Mom was right, you're indeed beautiful!" pambobola ng binata habang nagpapacute sa dalaga.
"At hindi loka-loka!" sigaw ni Luna sa tenga ng binata kahit hindi naman ito naririnig ni Logan.
"Thanks!" tipid na sagot ng dalaga habang seryoso ang mukha.
"I'm Logan," ngiting pakilala ng binata sa dalaga sabay lahad ng mga kamay nito.
"Nabanggit nga po ng nanay ninyo kanina," aniya.
Lingid sa kaalaman ng dalaga ay lihim nang naiinis si Logan dahil kahit anong pacute nya sa dalaga ay tila wa-epek rito.
"By the ways, may boyfriend ka na ba?" diretsang tanong ng binata sa dalaga makaraan ng ilang minuto.
"Wala!" mariing sagot niya.
"Well, that's surprising. You're beautiful!"
"Aba, aba! Mukhang may masama ka pang plano ahh!" ani Sinag habang masusing nakatingin sa binata.
"Oo nga!" segunda naman ni Luna.
Wala akong balak mag boyfriend. Lalo na sa mga lalaking masyadong presko at poging-pogi sa sarili!" anang dalaga sa binata at kitang-kita niya ang pagkaasar nito.
"Ohhh...really???" sagot ni Logan kasabay ng paglunok nito ng laway.
"Boom, basaaaaagggg! Hahahahaha!" malakas na sigaw ni Sinag sabay tawa ng malakas habang tinitingnan ang binata na tila pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa pagiging straight forward ng dalaga.
---
Sa tulong ni Faith ay naging maayos ang pag-uusap nila ni Leona at nagkasundo mula sa pagdaan niya sa training, sa sahod, sa allowance at sa iba pang benefits na makukuha niya.
Noon lang niya napagtanto na sa kabila ng pagiging milyonarya at matagumpay sa buhay ng isang Leona Verganza ay nananatili itong mapagkumbaba at marunong magbigay ng tamang pag-aalaga sa mga tauhan nito. Dahil doon ay walang pag aalinlangan na tinanggap ni Riva ang alok ng ginang na maging bahagi ng kumpanya nito. After all kailangan niya talaga ng trabaho para masustentuhan ang sarili.
Maging sina Sinag at Luna ay nagdiwang sa bagong yugto ng buhay niya at suportado siya ng mga ito kaya naman labis ang pasasalamat niya sa dalawang pixies na naging gabay niya sa simula pa lang.
Papauwi na siya ng bigla siyang habulin ni Logan dahil may sasabihin daw ito kaya naman kahit nagmamadali na siyang umuwi ay kinausap niya pa rin ang anak ng may-ari ng kumpanyang pagtatrabahuan niya.
"Bakit po, Sir Logan?" magalang niyang tanong. She wants to be civil in front of her boss.
"My mom asked me to drive you home, pwede ba?" sambit ng binata habang maluwang na nakangiti.
"Sus, style mo bulok! Napanood ko na yan sa TV! " ani Luna habang naghihikab kunwari.
"Pakisabi kay Ma'am Leona, na okay lang kahit 'wag na. Tatlong sakay lang naman ng jeep at bahay ko na." Tanggi niya.
"I insist, kaya sana pahintulutan mo. Don't worry, you're safe with me. I don't bite human." Nakangising wika ng binata sabay kindat sa kanya.
"Ang sabihin mo gusto mo malaman bahay ni Riva, kunwari ka pa" ani Sinag sabay sipa sa ilong ni Logan. Dahil dito biglang napabahing ang binata ng sunod-sunod.
"I'm sorry, may insekto yata sa ilong ko. Aattttsssssinggggg!"
Lihim niyang pinandilatan si Sinag para tumigil ito sa paglalaro sa binata.
"Hala ka, yari ka, wala kang strawberry mamaya, bleeehh!!" pang aasar ni Luna sa kaibigan. Nalungkot tuloy si Sinag sa sinabi ni Luna.
"Mas maiigi po na huwag mo na akong ihatid. Lalo ngayon na nagkaroon ka na yata ng allergies, alis na ako..." aniya sa binata bago ito tinalikuran at nagmamadaling umalis.
---
Dumaan muna siya sa supermarket para bumili ng mga personal na gamit at pagkain niya sa loob ng isang linggo. Kakailanganin niya kasi na magkaron ng stocks dahil kapag nagsimula na siya sa training niya ay baka mawalan na siya ng oras para mamalengke. Nang matapos ang dalaga ay dumiretso na siya agad sa bahay na inuupahan para makapagpahinga.
Pagkapasok niya sa loob ng kwarto ay mabilis pa sa hangin na lumipad sina Luna at Sinag papalayo sa kanya dahil alam ng mga ito na papagalitan niya ang dalawa.
"Hep, hep!" malakas niyang sigaw kaya naman biglang napahinto ang dalawa at naghawak-kamay saka sabay na lumingon ng nakangiti at tila nagpapaawa.
"Kanina pa kayong dalawa ha! Pasalamat kayo may mga tao dahil kung hindi paparusahan ko kayo!" pananakot niya sa dalawa habang humahakbang papalapit sa mga ito kaya biglang nagyakapan ang dalawa.
"Sorry na Riva!Please lang huwag ka nang magalit sa amin!" nanginginig ang mga ito sa takot sa kanya.
Alam kasi nila na kapag nagalit siya ay kayang-kaya niyang saktan ang dalawang lambana dahil mas makapangyarihan siya sa mga ito sapagkat ang kanyang ama ay prinsipe ng mga diwata samantalang ang ina niya ay isang magaling na white witch kaya namana niya sa mga ito ang galing at kakayahan sa lahat ng aspeto ng mahika.
"Joke lang! kain na kayo." Aniya nang nakangisi sabay abot ng strawberry na kanina niya pa tinatago sa kanyang likuran.
"Yehey! Salamat Riva, the best ka talaga!" biglang wika ni Sinag sabay kuha ng strawberry sa kanya at biglang lumipad palayo kay Luna. Halos maiyak na naman si Luna sa kakahabol dito ngunit parang ayaw pa ring mamigay ni Sinag.
"Waaaahhhhh! Penge ako!" naiiyak na habol ni Luna sa kasama.
Bigla siyang bumuntunghininga at sa isang kumpas lang ng kamay niya ay biglang napatigil sa paglipad si Sinag habang nakatulala at nakabuka ang bibig.
Dahan-dahan niyang ibinaba ang mga ito sa mesa at itinabi niya si Luna. Kinuha niya ang strawberry mula kay Sinag. Maingat na binuksan ang kahon ng strawberry at isa-isa itong isinubo habang nakatitig kay Sinag at Luna na halos mangiyak ngiyak na at inggit na inggit sa pagkain niya.
"Hmmmmm... Ang sarap at ang tamis talaga." Pagpapainggit niya sa dalawa habang patuloy sa pagkain na tila sarap na sarap sa strawberry.
"Ang sarap talaga ng strawberry noh?" nakangising wika niya sa dalawa habang isinubo ang huling piraso saka niya lang pinakawalan mula sa enkantasyon ang dalawa.
"Nabusog talaga ako, ang sarap! makatulog na nga.." aniya sa dalawa sabay talikod sa mga ito ng ngiting-ngiti. Alam niya na malungkot ang dalawa dahil hindi ito nakakain ng kanilang paboritong prutas.
"Ikaw kasi eh! Ang damot mo! Parehas tuloy tayong nawalan!" paninisi ni Luna kay Sinag habang umiiyak ito.
"Sorry na Luna, hindi na mauulit!" hingi ng tawad ni Sinag sa kasama habang pilit itong pinapatahan.
Napabuntung-hininga naman si Riva dahil sa awa sa mga lambana kaya hindi rin siya nakatiis at agad na naglabas ulit ng isa pang kahon at tahimik na inilapag sa harapan ng mga ito para makakain din. Kapagkakuwa'y naglakad na siya papasok sa maliit niyang kwarto habang tuwang-tuwa ang dalawa na kumakain ng paboritong prutas ng mga ito.
---
Samantala, hindi naman mapakali si Logan dahil sa kakaisip kung papaano mapapaamo si Riva na sa unang pagkikita pa lang nila ay nasungitan na siya. Unang beses niyang nakaranas ng pambabalewala mula sa isang babae kaya naman malaking hamon para sa kanya na mapaamo ang dalaga. Kaya naman nakabuo siya ng plano kung papaano ito mapapalambot.
Kinabukasan ay maagang gumayak ang dalaga dahil umpisa na 'yun ng training niya sa pagmomodelo kaya naman ganoon na lang siya ka-excited na pumasok. At kagaya ng palaging eksena tuwing umaga nag-aaway na nman sina Sinag at Luna sa kung ano ang damit at istilo ng buhok ang nababagay sa kanya, hinayaan nya na lang ang mga ito dahil ganoon na talaga ang dalawa simula pa lang.
Pagdating niya sa opisina ay nagulat pa siya ng bigla siyang sinalubong ni Logan at agad na nagprisintang dalhin ang mga gamit niya. Hindi na lang niya ito binigyan ng kahulugan para wala ng masyadong usapan. Ito pa mismo ang nagprisinta sa kanya na maghatid sa isang lugar kung saan nila tine-train ang mga modelo nila. Sa halos buong maghapon na trabaho niya ay laging nakaalalay ang binata at ultimo bimpo at tubig ay ito na ang gumagawa habang sina Sinag at Luna ay tahimik lang na nagmamasid.
"Hi, hija, how's your day?" masiglang bati sa kanya ni Leona pagkakita sa kanya nito na nag aayos na ng sarili.
Okay naman po Ma'am Leona!" nakangiti niyang tugon dito.
"Good to hear that, pauwi na din kami. Sabay ka na sa amin hija..." nakangiting alok ng matanda.
Tatanggi pa sana siya ng biglang sumabat si Logan at inalok siya nito na sa bahay na lang ng mga Verganza siya maghapunan. Bagay na gustong-gusto din ni Leona kaya agad nitong hinawakan ang dalaga at agad silang nagtungo sa kotse nito.
Maganda, elegante at malapalasyo ang bahay ng mga Verganza kaya naman pati sina Sinag at Luna ay manghang mangha habang iginagala ang paningin sa buong paligid.
Si Logan naman ay alagang-alaga siya mula sa pag-alalay nito sa kanya hanggang sa pag aasikaso habang kumakain sila. Nahahalata niya na pilit na napapa-impress sa kanya ang binata. Nahiya lang siyang sawayin ito dahil nakaharap sa kanila si Leona.
Lahat ng iyon ay lihim na nakikita ni Leona at nagdidiwang siya na makita ang binata na todo effort para kay Riva. Mukhang matutupad na ang pangarap nya na lumagay sa tahimik ang anak at magkaroon ng apo. Kahit na kakakilala niya pa lang kay Riva ay naging magaan na ang loob niya rito.
Pagkatapos kumain ay agad na nagpalabas ng dessert ang ginang at tuwang-tuwa ang mga lambana nang makita nito ang mga strawberries na napakadami at tila napakasarap dahil pulang-pula ang mga ito.
"You know what hija, galing pa sa farm ni Logan ang mga 'yan. May maliit kasi siyang farm sa Baguio at isa yan sa mga tanim niya. Try it, it's really sweet." Alok ni Leona sa dalaga.
"Mom, I have fresh mangoes too... Can you come with me? Gusto ko rin bigyan si Riva para matikman niya rin." Lambing ni Logan sa ina na agad namang inayunan ng ginang. Sinamantala ng dalaga na wala ang mag ina ng tingnan niya ang mga naka display na larawan ng mga ito mula ng bata pa si Logan hanggang sa magbinata.
Makalipas ng ilang minuto...
"We're back!!!" masiglang wika ni Logan habang nakatitig sa kanya ng may pagtataka ganoon din ang ina nito.
"Bakit po?" puno ng pagtatakang tanong niya sa dalawa.
"Hija, I never thought na paborito mo rin pala ang strawberries," namamanghang sagot ni Leona.
Dala ng pagtataka ay agad na tiningnan ang mesa at halos panghinaan siya ng tuhod ng makitang simot na simot ang isang basket.
Nakita niya pa ang dalawang salarin na dumighay at titig na titig sa kanya kaya naman tinitigan nya din ang dalawa ng may halong pagbabanta.
"Patay kayo sa'kin mamaya!! pabulong niyang sambit sa dalawa na batid njyang narinig nang mga ito.