Pagkauwi nila sa bahay ay patuloy pa rin sa pagwawala si Sinag, ngunit walang balak ang dalaga na pakawalan ito.
"Kailangang magamot ni Sinag. Kasi pag nagpatuloy siya sa ganyan, paano na tayo," malungkot na pahayag ni Luna habang tinititigan si Sinag na nagwawala sa loob ng mahiwagang bula.
"Iniisip ko kung babalik tayo sa kabilang mundo. Ang alam ko may bulaklak roon na pwede nating ipalanghap kay Sinag para mawala ang mahika na nakalukob sa kanya." Mahinang sabi niya rito.
"Bakit tayo babalik, hindi mo ba magagamot si Sinag?"
"Hindi ako sigurado kung kaya kong gamutin si Sinag dahil hindi ko pa naaaral ang panlaban sa mahikang iyan. Kaya ang naiisip ko ay bumalik muna tayo doon para magpatulong kay Inang Diwata" mahinang tugon niya dito.
"Handa ka na ba na bumalik roon Riva?" nag aalangang tanong ni Luna.
Alam kasi nito na simula ng mamatay ang mga magulang ay lumayo na siya sa kaharian ng mga ito. Labis niyang dinamdam ang kasawian kaya halos itakwil na niya ang kanyang pinagmulan kahit pa sabihing pilit siya nitong pinapabalik roon para gampanan ang pagiging tagapagmana ng kaharian.
"Para kay Sinag at sa lahat ng taong pinaglalaruan ni Yumi, nakahanda ako!"
"Pero baka pag bumalik ka roon hindi ka na pabalikin dito ni Inang diwata. Paano na kayo ni Logan?"
"Ako na ang bahala Luna, kakausapin ko si Inang Diwata. Wala tayong magagawa dahil siya lang ang namumukod tanging nangangalaga ng mahiwagang halaman na siyang makakapagpagaling kay Sinag at kay Logan at sa iba pa."
"Sana maging maayos ang pagbabalik natin roon. At sana pumayag ang inang diwata na makahingi ka ng kakailanganin natin."
"Siguro panahon na rin para makita ko ulit si Inang Diwata. Matagal na rin ang panahon na lumipas na hindi ko nakita si Inang diwata. Halika na Luna," pilit ang ngiting tawag niya kay Luna bago niya hinawakan ang bula . Pinasakay niya sa balikat si Luna kasabay ng pag usal ng salamangka. Kaagad silang nakapaglakbay patungo sa kanilang kaharian.
****
Samantala nakatulala naman si Logan habang nasa bahay ng kanyang inang si Leona. Hindi malaman ng ginang ang gagawin sa anak. Labis ang pag aalala ng huli dahil sa inaasal nito.
"Logan, anak, anong problema? Ano ba ang nangyari sa'yo? You're making me worried!"
"Yumi, gusto kong makita si Yumi..." tila wala sa sariling bulong nito.
"Pero anak, umuwi na sa bahay nila si Yumi, bukas pa siya papasok ulit."
"Si Yumi, gusto ko si Yumi..." wala sa sariling tugon ng binata habang nakatingin sa kawalan.
"Akala ko si Riva ang gusto mo anak. Bakit biglang si Yumi na ang hinahanap mo ngayon?" nagtatakang tanong ni Leona rito.
Pero kagaya ng nauna nitong sagot. Puro Yumi lang ang mabibigkas nito kaya naman lubos ang pag aalala ni Leona sa anak na binata.
"Anong nangyayari sa'yo anak, hindi ka naman dating ganyan..." malungkot na bulong ni Leona habang hinahaplos ang mukha ng anak na nananatiling tulala at hindi makausap ng maayos.Napansin niya na halos lahat ng kalalakihan sa kaniyang opisina ay tila nahuhumaling ng husto kay Yumi. Alam niya na may kakaiba sa dalaga dahil maging ang anak ay nahumaling din dito kahit na sabihing si Riva ang natitipuhan ng anak.
Kaagad niyang tinawagan si Riva para ibalita rito ang nangyari sa anak nunit hindi niya ito makontak kahit na nakailang dial na siya.
"Riva, where are you all this time? Help me, please!"
*****
Pagkalapag na pagkalapag ng paa ni Riva sa kanilang kaharian ay tila mas lalong tumingkad ang kulay ng buong kapaligiran. Agad na namulaklak ang mga halaman at mas lalong naging luntian ang kulay ng mga dahon nito. Hindi rin magkamayaw sa pagkanta ang mga ibon na tila tuwang tuwa sa pagdating ng kanilang prinsesa.
"Andito na tayo Luna..."nakangiting wika niya sa kasamang lambana bago sinimulan ang paghakbang papasok sa kanilang palasyo kung saan naroon ang Inang Diwata at inaasahan ang kanyang pagdating.
"Dumating ang mahal na prinsesa! Magpugay!" malakas na sigaw ng punong kawal na si Dagohoy ng makita nito ang dalagang papasok sa bulwagan.
Agad namang nagsipagtakbuhan ang mga kawal at agad na tumayo sa gilid ng kanyang dadaanan at agad na itinaas ang mga espada nito para bigyan siya ng pagpupugay na nararapat lamang sa isang maharlika. Kaytagal niyang hindi nakita ang lugar na iyon at kahit na mataas ang kanyang katugkulan sa mga ito ay hindi niya maiwasang hindi makaramdam ng kaba.
"Ikinagagalak namin ang iyong pagdating mahal na prinsesa. Matagal ka nang hinihintay ng Inang Reyna.." pukaw sa kanya ni Dagohoy. Sumabay ito sa paglalakad niya.
"Nasaan si Inang Diwata? Nais ko siyang makausap," mahinang sagot niya rito.
"Halika at dadalhin kita sa kanyang mahiwagang hardin. Naroon siya sa kanyang paboritong pahingahan" nakangiting sagot nito sa kanya.
Ilang hakbang pa ang ginawa nila at agad silang nakarating sa malaparaisong hardin ng Inang Diwata. Naroon ang lahat ng nagagandahang bulaklak at halaman na nasa ilalim ng pangangalaga nito.
"Maligayang bati, Inang Diwata..." mahinang bati niya rito habang ito naman ay nakatalikod at kinakausap ang mga bulaklak nito.
"Maligayang bati rin, mahal kong prinsesa. Ano ang iyong sadya at naparito ka? Sa tagal ng panahon ay ngayon ka lang nagawi dito sa kaharian. Sa tingin ko ay mayroon kang kailangan ka naparito. Ano iyon?" malumanay nitong bigkas.
"Hindi na ako magpapaligoy pa, Ina. Pero nais ko sanang makahingi ng bulaklak ng nekosyana para gamutin si Sinag at si--si Logan." Kandautal niyang bigkas. Nakalimutan niyang allergic pala sa mortal ang kanyang lola.
"Kung gayo'y naparito ka para lamang manghingi ng aking bulaklak? Hindi upang humalili sa aking trono?" tila nagtatampong ani nito.
"Mahal na Inang Diwata, kung maipahihintulot mo nais kong makakuha niyon dahil kakailanganin ko ito ng lubos. May isang lambana na nagkatawang tao ang sumulpot sa aking pinagtatrabahuan at nagawa niyang akitin ang lahat ng kalalakihan doon. Maging si Sinag ay nagawa niyang mabighani. Nais ko siyang pigilan at nais ko silang gumaling!"
"Akala ko ay nagpunta ka rito para tanggapin ang iyong korona at mamuno na rito para ako ay makapagpahinga na. Nakakalungkot dahil para na naman sa isang mortal kaya na naparito. Hindi mo ba nauunawaan ang bigat ng tungkulin na nakaatang sa iyong balikat na sa ayaw at sa gusto mo ay mapupunta sa iyo?"
"Mahal na Inang Diwa-"
"Bibigyan kita ng bulaklak ng nekosyana pero sa isang kondisyon Riva---"
"A-ano hong kondisyon?" tanong niya kahit alam na niya kung ano ang ibig nito. Tiningnan niya si Luna at umiling ito tanda ng hindi pagsang-ayon sa kagustuhan ng reyna.
"Matanda na ako at nais ko na ring magpahinga. Kaytagal kong hinihintay na bumalik ka rito nang kusa para tanggapin ang iyong katungkulan pero bigo ako. Ngayon ay narito ka na, hindi ba marapat lamang na samantalahin ko na ang pagkakataong ito?"
"Ano pong ibig ni'yong sabihin?" kabadong usisa niya. May ideya siya sa gusto nito ngunit natatakot siyang makumpirma ito.
"Bibigyan kita ng mahiwagang bulaklak para magamot mo ang iyong mahal pati na si Sinag. Kapalit ng pagtanggap mo sa korona at mamuno rito sa kaharian." Parang bombang bumagsak sa pandinig ng dalaga ang sinabi nito. Sinasabi niya na nga aba at iyon ang hihingin nitong kapalit. Hindi nga siya nagkamali!
"Pero Inang Diwa-"
"Riva, ikaw ang kaisa-isa kong tagapagmana ng aking trono. At sa tingin ko walang sinuman ang maaaring mamuno rito maliban sa'yo. Kaya sana ay pakinggan mo ang pagsusumamo ko at pumayag ka sa kondisyon ko. Para sa'yo ang kaharian na ito, hindi ko ito bastang maipapasa sa kahit na sino kahit gustuhin ko." Malungkot na sagot nito sa kanya.
Nagkatitigan sila ni Luna dahil sa sinabi ng matanda. Alam ng lambana na hindi niya pinangarap na mamuno sa kanilang kaharian sapagkat mas gusto niyang mamuhay ng simple at tahimik sa mundo ng mga tao pero sa pagkakataong iyon ay may pagpipilian pa ba ang dalaga? Kung iyon lamang ang makakagamot kay Sinag at Logan, tatanggi pa ba siya?