Magmula nang malaman ni Logan ang tunay niyang katauhan ay mas lalo pa itong naging malapit sa kanya. Marahil ay labis itong humanga sa dalaga at ikinatuwa din nito ang pagiging masiyahin nina Luna at Sinag. Sa katunayan ay ipinaubaya na ni Logan ang mga strawberries sa dalawang lambana. Walang pagsidlan ang tuwa ng dalawa. Si Aling Cely naman ay naging maayos na rin ang pakikitungo sa kanila sa loob ng ilang araw na pananatili niya doon.
"Gusto mo ba siya?" mahinang tanong ni Aling Cely kay Logan ng mahuli nito ang binata na nakatitig sa dalaga habang nakikipaglaro kina Sinag.
"Gusto ko siya pero parang hindi niya ako gusto. Parang pakiramdam ko naglagay siya ng malaking pader na napakahirap sirain para makapasok ako sa buhay niya..." mahinang sagot ng binata habang di tinatanggal ang tingin sa dalaga. Sa kabila ng mabait na pakikitungo niya rito ay hindi pa rin pinapansin ng dalaga ang pagpapalipad hangin niya. Tanging si Riva lang ang nandeadma sa isang Logan Verganza!
"Maaaring may dahilan siya kung bakit siya mailap. Pero sa ilang araw na nanatili sila rito. Sa tingin ko naman ay okay naman siya. Mabait, maganda at matalino, may mabuting puso. At bonus na lang sigurong maituturing 'yung pagkakaroon niya ng dugong engkatada. Bagay kayo..."
"Pero papaano ko siya mapapasagot? Hanggang ngayon nga hindi niya pa alam na gusto ko siya at ni hindi pa nga ako nakakapanligaw..."
"Bakit, tinanong mo na ba siya na kung papayag siya na manligaw ka? Inamin mo na ba sa kanya na napupusuan mo siya? Kung hindi pa ay umamin ka na. Malay mo may gusto rin siya sa'yo pero nahihiya lang maunang magsalita."
"Tingin nyo kaya. May pag asa ako?"
Paano mo malalaman kung di mo sasabihin?"
Samantala, nangungulit naman si Sinag sa dalaga dahil napansin nito ang malalagkit na tingin ni Logan at bilang lalaki ay nararamdaman niya na may malaking pagkagusto ang binata sa dalaga.
"Riva, tingnan mo si kolokoy tulo laway na naman sa'yo..". sabi ni Sinag sa dalaga na agad namang tiningnan si Logan na nakatingin sa 'di kalayuan.
"Baka kayo ang tinitingnan niya at hindi ako. Ikaw Sinag ha, huwag kang nanunukso, baka gawin kitang daga!" pananakot niya sa lambana para tigilan siya nito sa pangungulit.
Maging siya ay naasiwa na rin sa ikinikilos ng binata at hindi siya manhid para hindi maramdaman ang pagtatangi nito sa kanya. Iyun nga lang ay hindi pa siya sigurado kung tuluyan na niyang papapasukin ang binata sa buhay niya lalo na at hindi siya ordinaryong nilalang.
Kaya kahit na panay ang paramdam at pahaging sa kanya ng binata ay nananatili siyang walang kibo. Ayaw niya na munang bigyan ng kahulugan o malisya ang lahat ng ipinapakita ng binata. Nais niya munang siguraduhin ang nararamdaman niya sa binata bago ito tuluyang papasukin sa kanyang mahiwagang mundo.
Natapos ang kanilang ilang araw na pagbabakasyon at sabay na silang bumalik sa Maynila. Napagkasunduan nila na huwag na munang ipaalam kay Leona ang nalaman ng binata para maiwasan ang pagkatakot nito sa kanya o baka hindi sila nito paniwalaan.
****
Kagaya ng nakagawian ay sumama pa rin sina Sinag at Luna sa unang araw ng pagbabalik trabaho niya. Kaagad naman silang nagtsikahan ni Faith at kwento nito ay may napili ng bagong modelo si Leona at ipapakilala iyon mayamaya lamang. Natuwa naman siya ng malaman iyon dahil sa wakas ay may pupuno na sa pwesto na iniwan ni Erin.
"Maganda at mabait' yong bagong modelo. Sa katunayan kaagad nga niyang nakasundo lahat lalo na ang mga lalaki." dagdag pa ni Faith sa kanya.
"Baka sobrang ganda," natatawang sagot niya sa dalaga.
"Siguro, basta iba ang dating niya sa mga lalaki. Mamaya kapag nakita mo 'yun, malalaman mo din ang sinasabi ko.." ani Faith sa kanya.
Maging si Luna ay nahiwagaan na rin sa kwento ni Faith kaya maging ito ay hindi na rin makapaghintay na makita ang bagong salta.
"Good morning Riva, Sinag at Luna..." masiglang bati ni Logan sa kanila habang papalapit ito na may dalang kape, strawberry at donuts.
"Wow naman, may suhol si Logan!" nakangising wika ni Sinag habang natatakam sa strawberry na dala ng binata.
"Tarang mag almusal..." nakangiting aya ni Logan habang ibinababa ang mga pagkain. Kaagad nitong inalalayan ang dalaga na maupo.
Maging sina Sinag at Luna ay hindi na rin nagpahuli at agad ng pinagsaluhan ang paborito nilang prutas.
Nagtatawanan pa sila habang nag aalmusal dahil sa pagiging kenkoy ng binata ng dumating ang ina nito kasama ang isang matangkad na babae na ubod ng ganda. Pansin agad ni Riva ang mga lalaking nakasunod dito at nakatingjn na waring namamangha sa nakikitang taglay na ganda ng bagong dating.
"Hi anak, Riva. May nakuha na pala akong ipapalit kay Erin. Actually ngayon na siya magsisimula sa training.." nakangiting bungad ni Leona sa kanila kaya naman agad niyang nginitian ang dalaga.
"Anong pangalan niya, mom?". ila wala sa sariling tanong ni Logan habang nakatingin sa bagong modelo.
"Her name is Yumi, siya naman si Logan anak ko at si Riva ang makakasama mo sa training." nakangiting sabi ng ginang sa anak.
Tila wala sa sariling lumapit ang binata at agad na hinawakan ang dalaga at hinagkan ito sa kamay habang hindi maialis ang titig kay Yumi. Ngumiti ng mahiwaga ang babae at tumingin sa kinaroroonan ng dalaga.
"Hi, you must be Riva. I've heard so many things about you. Finally nagkakilala na rin tayo. I'm Yumi," anito. Inilahad nito ang kamay para makipagshake hands at para makipag beso-beso na agad naman niyang pinagbigyan.
Hindi nakaligtas sa paningin ni Riva ang pagsulyap nito kina Sinag at Luna na tahimik na kumakain sa mesa. Alam niyang nakikita nito sina Sinag at Luna base sa ekspresyon nito na nakabalatay sa mukha. Yumi is not an ordinary person. Iyon ang sigurado. People who can see supernatural being tend to have supernatural powers.
Pagkadaiti pa lang ng mga kamay nila ay may naramdaman na agad ang dalaga na kakaiba kay Yumi. Hindi niya maipaliwanag kung ano pero alam niya na hindi ito ordinaryong nilalang lang dahil ramdam niya ang malakas na enerhiya nito. Hindi siya nagkamali sa unang basa niya rito.
"Maiwan ko muna kayo, ipagpatuloy ni'yo na lang ang pag aalmusal. Ililibot ko lang siya sa buong building, para mas maging pamilyar siya rito sa atin," nakangiting pukaw sa kanila ni Leona. Hinila nito papalayo si Yumi. Kita niya pa ang pagsunod ng tingin ni Logan sa dalaga na tila nakakita ito ng diyosa sa katauhan ni Yumi.
"Hoy Sinag! Ano'ng nangyari sa'yo?!" malakas na sigaw ni Luna habang niyuyugyog ang balikat ni Sinag na noon ay nakatingin din ng malagkit sa kay Yumi. Para itong nagayuma.
"Riva, tingnan mo si Sinag oh! Nanigas na sa kakatingin kay Yumi.." sumbong ni Luna kaya naman agad niyang tiningnan si Sinag at maging si Logan. Kinailangan niya pang gumamit ng mahika para bumalik sa katinuan ang mga ito at umakto ng tama.
Tama nga si Faith, may kakaiba sa bagong modelo at iyon ang aalamin ng dalaga.