“SAAN KA pupunta, Aurea? Aurea!” naulinigang mga sigaw ni Aurea mula sa humahabol sa kanyang si Quera habang tumatakbo siya palayo. Tila naging maulap ang kanyang paningin nang dahil sa kanyang hindi maawat na pagluha.
Malungkot siyang lumipad sa tuktok ng isang mataas na puno sa anyong ibon at naupo sa malaking sanga niyon hanggang sa magbalik sa anyong diwata. Sa mga sandaling iyon, hindi niya alam kung ano nga ba ang tama at dapat gawin. Ang tumakas ba o harapin ang suliranin? Masugid siyang tagasunod sa batas ng kanilang lahi, subalit isa sa mga ito ay labag sa kanyang kalooban. Naniniwala siyang ang pag-ibig ay hindi nadidiktahan.
Mahuhubaran na ang mga pagbabalatkayo. Malalantad na ang lihim.
“Aurea,” tinig na hatid ng hangin na umalingawngaw sa paligid.
Naririnig niya rin ang bawat pagsayad ng mga kaliskis ng paparating sa balat ng mga puno. Ito’y papalapit. Hanggang sa tuluyan siyang matunton nito. Kaagad siyang nilingkis ng kulay berdeng katawan at niyakap ng makikisig na braso ni Hideon. Kasunod ang muli nitong pagbanggit sa kanyang pangalan.
Napaluha si Aurea.
Batid ng diwata na ang mga mata ni Hideon ay palaging nakamasid at hangad nito na lagi silang magkapiling. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakalingkis. Yakap na puno ng pag-ibig. At kahit kailan ay hindi niya nanaising kumawala. Mawala man ang lahat sa alaala.
“Ano’ng nangyari?” tanong ni Hideon.
Mahigpit na hinawakan ni Aurea ang braso nito bilang pahiwatig na kailangan niya si Hideon sa mga sandaling iyon. “Isama mo na ako. Mas gugustuhin ko pa’ng mamatay kaysa mawala ka sa aking mga alaala.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” naguguluhang urirat ni Hideon sa lumuluhang iniibig. Hindi niya pa man lubusang maunawaan ang mga nangyayari ay nakararamdam na siya ng labis na pag-aalala. Batid niyang hindi magkakaganoon si Aurea kung hindi mabigat ang kanyang problema.
“Mahigpit na ipinagbabawal sa aming lahi ang umibig sa sinumang nagmula sa Levithia. Pinaniniwalaang kampon kayo ng kasamaan. Ang kaparusahan sa pagsuway ay ang pagbura ng mga alaala nilang dalawa sa isipan ng isang Zeldyvian at maging sa Levithian din kung kanilang nanaisin,” paliwanag ni Aurea na ikinabahala ni Hideon.
“Ano?” naibulalas ni Hideon. “Kung gano’n, kakausapin ko si Ceron. Kung kailangang lumuhod ako sa kanyang harapan para lang manatiling lihim ang tungkol sa ating dalawa, gagawin ko. Magmamakaawa ako kung kinakailangan.”
“Huli na ang lahat, Hideon. Nararamdaman kong naiparating na ni Ceron ang lahat kay Zahanah. Isama mo na ako. Lumayo na tayo. Magpunta tayo sa lupaing walang nakakakilala sa atin. Iyong malayo sa kanilang lahat kung saan magiging malaya tayo katulad ng mga ibon sa himpapawid at lumigaya,” pakiusap ni Aurea.
“Ibig kong makasama ka at tamasahin ang ganoong buhay sa lupaing pinapangarap mo, subalit hindi ko maaring gawin `yan. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kapag may masamang nangyari sa `yo,” maawtoridad namang pagtutol ni Hideon.
“Kung gano’n, itago mo ako,” giit pa ng diwata.
“Alam mong hindi ka makakapagtago sa mga kapatid mo, mahal ko,” tugon ng Levithian. “At mahirap magtago habambuhay, lalo mo lamang pasasakitan ang iyong sarili. Harapin natin ito. Ipaglalaban kita.”
“Gumawa ka ng paraan, Hideon. Hindi ako makapapayag na mawala ka sa alaala ko. Ngayon lang ako naging masaya. Hindi ko na ibig na mag-isa ulit. Anumang oras, maaring dumating si Zahanah upang paghiwalayin tayo.”
“Puprotektahan kita. Gagawin ko ang lahat. Hindi nila magagawa kung anuman ang binabalak nila sa `yo. Dadaan muna sila sa ibabaw ng aking bangkay,” mariing tinuran ni Hideon, subalit sa kabila ng tapang na ipinakikita niya kay Aurea ay kaparehong takot ang kanyang nararamdaman.
“Mangako ka sa akin, Hideon. Kahit ano’ng mangyari, kahit mawalan ako ng alaala, hindi mo ako iiwan. Ipaalala mo sa akin nang paulit-ulit kung sino ka rito sa puso ko.”
“Ipinapangako ko sa ilalim ng milyon-milyong bituin sa kalangitan. Hindi ako ma—” natigilan siya sa pagsasalita. Si Aurea man ay napamulagat din at napakapit sa kanya ng mahigpit.
“Hideon, h’wag mo akong bitiwan, pakiusap!” sigaw ni Aurea.
“Aurea!” malakas na sigaw na umalingawngaw sa kanilang pandinig. May galit sa mga tinig at pagkadismaya sa ginawa ng hiyas.
Ang makapangyarihang tinig ni Zahanah ay sumusuot abot sa kaibuturan ng pandinig ni Aurea na halos manghina siya. Gano’n pa man, pilit niyang tiniis ang sakit na dulot niyon hanggang sa tila may hanging umuugong sa loob ng kanyang ulo.
Hindi naglaon, nahiwalay ang kanyang katawan mula sa mahigpit na pagkakayakap ni Hideon. May kung anong malakas na enerhiyang humihigop sa kanya upang mabitiwan siya ng Levithian mula sa direksyong pinanggalingan ng diwata. Ngayo’y tanging mga kamay na lamang nila ang magkawak.
“Hideon! Hideon!” umiiyak niyang sigaw dahil sa takot.
“H’wag kang bibitiw, mahal ko!”
Pilit nilabanan ni Aurea ang kapangyarihan ni Zahanah, subalit wala na siyang paraan upang makawala. Lalo pa’t nang dahil sa tinig nito ay nakaramdam siya ng panghihina. Napakabuti sa kanya ng kanyang kapatid, ngunit hindi niya akalaing magiging ganoon ang galit nito nang dahil sa mga nalaman hinggil sa kanila ni Hideon.
“Hindi ko na kaya, Hideon.” Pagkabigkas niyon ni Aurea ay tuluyan na siyang naagaw mula sa pagkakahawak ni Hideon sa kanyang mga kamay.
“Aurea!”
Dinig ni Aurea ang malakas na sigaw ni Hideon na umalingawngaw sa buong paligid habang palayo siya nang palayo rito. Tuluyan siyang naagaw ng enerhiyang iyon sa kanyang natatanging kaligayahan.
Samantala, tumilapon ang nanghihina niyang katawan sa loob ng kanyang silid. Doon ay nakita niya si Ceron na namumula ang mga mata na tila ba galing sa pag-iyak, ang takot na takot na si Quera at ang galit na si Zahanah. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatuon sa kanya.
“Anong kapangahasan `to? Ikaw pa naman ang hiyas! Paano ka igagalang ng bagong henerasyon ng ating lahi, kung ikaw mismo ang lumalabag sa mga ipinagbabawal?” nanggagalaiting sigaw ni Zahanah.
“Kahit kailan, hindi kasalanan ang umibig,” ganti ni Aurea sa kapatid..
“Ang tapang-tapang mo na! Lumaki na marahil ang ulo mo dahil kinalulugdan ka ng lahat at dahil ikaw ang hiyas ng ating lahi,” buwelta naman nito.
“Hindi ako kailanman naging mapag-imbabaw. Alam mo `yan! Alam `yan ni Ceron!” Sinulyapan niya ang walang imik na si Ceron na nakatayo sa tapat ng bintana.
“Oo, alam niya, pati ang mga kalokohan mo. Mabuti na lang at naisipan kong kumustahin siya. Kung hindi, magpapatuloy pa ang kahibangan mo sa isang Levithian!”
“Mabuti siya at hindi siya katulad ng kanyang ama. Baka nakakalimutan mong siya ang dahilan kung bakit tayo nakatakas sa kamay ni Orlo noon.” tinuran ni Aurea. Nagtitimpi sa inis sa kanyang kapatid.
“Ngunit hindi ibig sabihin na iniligtas niya tayo, maari ka ng umibig sa kanya. Ibang usapan na iyon, Aurea! Masyado ka nang nakalilimot sa mga responsibilidad mo!” sumbat pa sa kanya ni Zahanah.
Bumangon si Aurea at sinugod ang kapatid, subalit natunugan nito ang kanyang binabalak kaya’t naunahan siya ni Zahanah. Muli siyang tumilapon sa dingding na halos mabuwal dahil sa lakas ng kanyang pagkakatama roon.
“Lalaban ka na sa `kin? Pati sa `kin, wala ka ng respeto! Ako pa rin ang panganay mong kapatid at ako ang magpapasya sa buhay mo.”
“Buhay ko `to! Wala kang karapatang panghimasukan ang anumang akin. Oo, kapatid kita. Kapatid lang kita na iniwan akong mag-isa dahil duwag ka!” Matapang na tumayo Aurea. “Gusto mo akong saktan? Gusto mo akong paslangin? Subukan mo lang, kung hindi maglaho ang bawat isa sa atin hanggang sa tuluyang malibing sa ilang ang alaala ng Zeldyvia!” banta niya sa panganay na kapatid.
“Hindi dapat ikaw ang nagkamarka sa balikat. Ako dapat! Hindi ka karapatdapat na mangalaga ng hiyas!” muli nitong sigaw sa galit. Tikom ang mga palad na kakikitaan ng matinding pagpipigil sa maaring magawa sa kapatid..
Halos umalog ang buong kabahayan at nabasag ang bawat salamin sa loob niyon. Sa mga kamay ni Zahanah ay namuo ang mapulang liwanag. Nagngangalit ito na mistulang bulang apoy habang mabilis na papalapit kay Aurea. Napapikit na lamang siya. Kasunod niyon ay ang mga sigaw nina Ceron at Quera.
Nagulat si Aurea nang walang liwanag na tumama sa kanya. Wala man lang siyang naramdamang masakit. Hanggang sa marinig niya ang sigaw ni Zahanah at isang malakas na kalabog. Nang idilat niya ang kanyang mga mata ay napamulagat siya nang makita niya si Hideon sa kanyang harapan, habang bumabangon naman mula sa pagkakabagsak ang kanyang panganay na kapatid.
“Anong klase kang kapatid? Ikaw dapat ang unang nagtatanggol kay Aurea, ngunit ikaw pa ang nananakit at papaslang sa kanya! Talaga namang sagad sa`yong mga buto ang paninibugho mo sa kanya,” sumbat ni Hideon.
Natigilan si Zahanah. Pilit niyang pinigil ang kanyang mga luhang papatak na sana. May kumurot sa kanyang puso na nagdulot niyon na higit na mas masakit sa pagkakahampas ni Hideon sa kanya ng berdeng buntot ng Levithian na ganoon na lamang ang pagpapahalaga sa hiyas.
“H’wag kang makialam dito, Levithian, kung di mo nais na umuwing nag-aagaw buhay sa iyong ama! Dinidisiplina ko ang aking kapatid na nagbago nang dahil sa `yo! Nilason mo ang isip niya!” galit na tinuran ni Zahanah.
“Makikialam at makikialam ako, dahil mahal ko ang sinasaktan mo!” ganti ni Hideon.
“Pinasasakay mo lang ang kapatid ko!” singhal niya kasunod ang mapanuyang halakhak. “Ang itinakdang Levithian ay umiibig sa hiyas ng Zeldyvia. Talaga ba?” makahulugang untag nito.
“Itinakda?” sabat ni Aurea.
“Oo, Aurea. Isa siyang itinakda—ang nakatakdang pumaslang sa `yo,” baling ni Zahanah kay Aurea na noo’y naguguluhan at nakaramdam na pagdududa sa Levithian na kanyang iniibig.
Halos manigas si Aurea at napaluha sa kanyang kinatatayuan. Ibinaling niya ang kanyang tingin kay Hideon. Bakas ang lungkot sa mukha nito.
“Alam mo? Totoo ba `yon?” lumuluhang tanong ni Aurea kay Hideon.
Marahan siyang tumango. “Ngunit maniwala ka, mahal na mahal kita. Kaya ayaw kong makita ka nila dahil hindi ko kaya na ako pa mismo ang papaslang sa `yo.”
Napailing si Aurea. Hindi niya malaman kung maniniwala ba siya rito o papanig sa kanyang kapatid.
“Pakiusap, magtiwala ka sa pagmamahal ko. Hindi ko kayang mawala ka. Kahit ang paslangin ang aking buong lahi ay gagawin ko, para lang sa `yo,” saad ni Hideon.
Hindi nila inasahan ang biglang pag-atake ni Zahanah kay Hideon. Sa lakas niyon ay tumilapon ito palabas ng bintana. Nang dahil naman sa labis na pag-aalala ni Aurea ay sinundan niya ito sa labas at kaagad na niyakap. Namimilipit ito sa sakit at nanghihina. Batid niya ang gagawin ni Zahanah, ngunit hindi siya dumepensa o lumaban upang ipakita sa hiyas na nagsasabi siya ng totoo at hindi siya banta o kaaway na nagbabalatkayo lamang.
“Maniniwala ka pa rin ba sa kanya, Aurea? Masyado kang nabubulagan!” sigaw ni Ceron. Sa wakas ay nagsalita rin ito matapos ang pananahimik at pagpapabaya sa mga ginagawa ni Zahanah.
Hindi sumagot si Aurea, bagkus ay tinitigan niya lamang ito ng masama.
“Lumayo ka sa kanya, Aurea, kung ayaw mong tuluyan ko na siya,” pananakot ni Zahanah.
“Naniniwala ako sa pagmamahal niya—”
Natigilan si Aurea at hindi na naituloy pa ang dapat sana’y sasabihin niya. Naglitawan mula sa kung saan ang ilang nakaputing mga engkantado na mistulang mga kawal. Pinagtulungang paghiwalayin ng mga iyon sina Aurea at Hideoon.
“Bitiwan n’yo ako!” bulyaw ni Aurea sa dalawang engkantado na nakahawak sa kanyang magkabilang braso.
“Tama na! Itigil n’yo ang kaguluhang ito!” tinig mula sa isang diwatang lumitaw sa pagitan nila. May pag-aalala sa mga mata nito nang mabaling ang tingin kay Aurea at makahulugang titig naman kay Zahanah.
“Charria, tulungan mo kami. Nagmamakaawa ako sa `yo,” pakiusap ni Aurea.
Awa ang naghahari sa puso ni Charria para sa kanyang bunsong kapatid. Batid niyang sobra-sobra nang pasakit ang dinaranas nito. Nauunawaan niya ang pagkasabik nito sa kalayaan sapagkat siya man ay ganoon din.
“Itigil mo na ito, Zahanah. Ang mga anak ng mga bathala ay nag-aalala sa iyong inaasal. Batid naming hangad mo lang ang kaligtasan ng hiyas at ang muling pagbangon ng ating lahi ngunit hindi sa ganitong paraan. Tinuruan tayong maging patas at gamitin ang ating mga kakayahan sa tama, hindi para sa pansariling interes,” pag-awat ni Charria. Ang kanyang mga salita’y tila may malalim na ibig ipahiwatig kay Zahanah. “At ginamit mo pa talaga ang mga kawal ni Inang Rafa!”
“Magpapaliwanag ako sa kanila sa ating pagbabalik sa Vecca. Sa ngayon, umalis ka riyan at hayaan mo akong isagawa kung ano ang dapat kong gawin,” pagmamatigas ni Zahanah. Sinenyasan niya ang ilang kawal na pigilan si Charria sa pagpapagitna sa kanila.
“Sinasabi ko sa’yo, tama na!” sigaw ni Charria. “Maawa ka kay Aurea!”
Hindi nakinig si Zahanah kay Charria. Buo na ang loob nito sa kanyang binabalak. Mula pa pagkabata’y may paninibugho na siyang kinikimkim sa kanyang puso. Paulit-ulit na tinatanong sa sarili kung bakit hindi siya ang nagkaroon ng marka. Masama man ang loob ay pinilit niyang tanggapin na hindi siya ang itinakdang maging kanlungan ng hiyas, subalit sa isang iglap lamang nang dahil kay Hideon, ang paninibughong iyon ay muling namayani sa kanyang puso. Muli siyang nakikipaglaban sa kung ano ba ang mali sa tama. Batid niyang mali ang kanyang naging pamamaraan, subalit kahit minsan man lang sa kanyang buhay ay nais niyang gawin ang sinasabi ng kanyang puso at hindi kung ano ang dapat—katulad ni Aurea.
Mayamaya lamang ay sinakal ni Zahanah si Hideon. Bigla itong nagsisigaw sa sakit ng pagkakahawak ng galit na diwata sa kanyang leeg, hanggang sa masilayan nila ang mumunting mga usok na nagmumula sa kanyang katawan.
“Tama na, Zahanah! Baka mapaslang mo siya. Para ka na ring naghamon ng digmaan kay Orlo,” awat ni Ceron, pero hindi siya nito pinakinggan. Nanginginig namang dumapo si Quera sa balikat ng tagapangalaga.
Natakot si Aurea sa dinaranas ni Hideon nang dahil sa kanya. Ngayon ay nagdadalawang isip na siya. Mas nanaisin niya pa na mawalan ng alaala, kaysa mamatay si Hideon at tuluyang mawala sa kanyang buhay ang iniibig niya. Naglalaban man ang kanyang isip at puso, kailangan niya nang magdesisyon at manindigan.
“Itigil mo na `yan, umapayag na ako! Haharapin ko ang parusa kapalit ng buhay ni Hideon.” May tapang sa tinig ni Aurea. May riin sa bawat salita at dulot niyon ay kirot sa kanyang puso.
Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Zahanah habang nagpupumiglas naman si Hideon dahil sa matinding pagtutol. Sa unang pagkakataon, nakita ni Aurea na lumuluha si Hideon habang sinasambit ang kanyang pangalan. Napakasakit niyon para sa kanya, ngunit iyon na lang ang alam niyang paraan upang manatili siyang buhay kahit ito man ang nilalang na nakatakdang tumapos sa kanyang buhay balang araw, sapagkat kailangan siya ng kanyang ina.
“H’wag, mahal ko,” tinuran ni Hideon sa kabila ng panghihina.
“Patawad, Hideon. Kailangan kong gawin `to. Ang totoo, matagal na kitang iniibig. Mahal na mahal kita.” Muling pumatak ang malakristal na mga luha mula sa kanyang malungkot na mga mata.
“H’wag!” sigaw ni Hideon nang makitang papalapit na si Zahanah kay Aurea .
“Aasahan ko ang pangako mo,” huling mga katagang binitawan ni Aurea bago niya makita ang puting liwanag sa mga palad ni Zahanah.
“Aurea!" muling sigaw ni Hideon dala ng labis na pagtutol nang tuluyang dumampi sa ulo ni Aurea ang mga palad ni Zahanah.
Nang dahil sa matinding liwanag at hapding naramdaman ay pumalahaw na lamang siya iyak. Kasabay niyon ang umiiyak na sigaw ni Hideon na siyang huli niyang naulinigan bago magdilim ang kanyang paningin at mawalan ng malay.
Samantala, nagkamali si Hideon sa pag-aakalang si Aurea lamang ang aalisan ng mga alaala. Ikinagulat ni ang dagling pagbaling sa kanya ni Zahanah.
“H’wag, nakikiusap ako sa `yo, diwata. Ang alaalang gusto mong burahin sa aking isipan ang siyang tangi kong kaligayahan,” pagmamakaawa ni Hideon.
Lumuha si Zahanah na ipinagtaka ni Hideon. Hindi niya nakita ang lungkot sa mga matang iyon ng diwata nang alisan niya ng alaala si Aurea. Maging sina Ceron ay nagtaka rin, maliban kay Charria.
“Bakit hindi ako, Hideon? Bakit palaging siya ang pinipili ninyo?” makahulugang tinuran ni Zahanah.
“Ano’ng ibig mong sabihin, diwata?” naguguluhang balik-tanong ni Hideon.
“Matagal akong naghintay na muli kang makita. Bakit hindi ako ang inibig mo?” ani Zahanah na ikinagulat ng lahat, lalong-lalo na si Hideon.
“Ano? Naririnig mo ba ang mga tinuturan mo, Zahanah?” naibulalas ni Hideon.
“Kapag hindi ko ito ginawa, babalik at babalikan mo si Aurea. Hindi ako makapapayag. Mula sa araw na ito, mortal na magkaaway ang magiging tingin ninyo sa isa’t isa.” Muling lumuha si Zahanah.
“Zahanah…” pagtawag ng pansin ni Charria sa kapatid na tinugunan siya ng malungkot na tingin.
Muling umalingawngaw ang mga sigaw ni Hideon. Saksi ang nalungkot na kalikasan sa mga masasayang alaala na binura ng paninibugho at hidwaan. Kasabay ng pagbagsak ng walang malay na katawan ni Hideon sa lupa ay ang pagbuhos ng malakas na ulan.
Lumuha ang mga puso.
Lumuha ang gabi.
***