NAKAHAHALINA ang luntiang kapaligiran. Nakapagpapagaan ng damdamin ang malinis na simoy ng hangin. Inihahatid nito ang tunog ng pagaspas ng tubig sa talon, ang agos niyon sa mga ilog at maging ang mga huni ng mga ibong masayang nagpapalipat-lipat sa mga punongkahoy. Nakaaakit ang malakristal na tubig ng kanilang yamang tubig. Ganoon din ang namumutiktik na mga bunga ng punongkahoy at ang mga bulaklak na sumisibol sa kaparangan.
Iyon ang lupain ng Levithia. At ang kanilang nagsisilbing kaharian ay ang isang malaking kweba na tila ba pinalamutian ng mga bituin dahil sa kinang na nililikha ng mga mistulang diyamante sa loob at labas niyon. Sa loob naman ay ang mga mayayabong ding halaman na namumulaklak na nabubuhay sa ganoong lugar. Malawak iyon na hindi aakalaing nasa loob ng isang kuweba. Alagang-alaga ng mga Levithian ang lugar na iyon at ang kanilang buong nasasakupan sa gabay na rin ng mga diwata ng kalikasan. Samantala, tahimik naman at mapayapa ang kanilang pamumuhay. Masaya silang naninirahan sa malaparaisong lupaing iyon.
Ang pagkabata ni Orlo ang maituturing niyang pinakamasayang bahagi ng kanyang buhay. Sa totoo lamang ay ayaw niyang maging tagapagmana ng kanyang amang hari balang araw. Ang ibig niya ay maging isang manlalakbay at tuklasin ang bawat sulok ng Vecca. Gusto niyang marating ang magagandang bahagi niyon at sinasabing mahihiwagang lupain. Subalit alam niyang wala siyang mapagpipilian sapagkat wala siyang kapatid na maaaring humalili sa kanyang ama kundi tanging siya lamang. Nang dahil doon, sinamantala niya ang kanyang pagkabata upang libutin at kabisahin ang bawat sulok, kahit man lang ang nasasakupan nilang lupain.
Madalas si Orlo sa may talon. Iyon ang paborito niyang lugar. Ang madalas niyang kasama ay sina Arya at Verlia—magkaibigang diwata ng kalikasan—ng tubig at ng lupa. Silang tatlo ay kapwa tumatakas sa kanilang mga nakatakdang araw ng pagsasanay. Isang araw, napadpad sila sa hangganan ng kanilang lupain. Naakit sila sa batuhang may mga mangilan-ngilang nabubuhay na mga maliliit na bulaklak subalit ganoon na lamang ang halimuyak nito. Samantala, mula naman sa kanilang kinaroroonan ay natatanaw nila ang tuktok ng isang gintong kaharian sa ilang. Ang hindi nila namalayan, mayroon ding napadpad sa hangganan–kapwa tumatakas upang maglaro katulad nila.
“Magandang araw sainyo. Paumanhin kung pagkakasala man ang tumapak sa inyong lupain,” ika ni Kairus. Isang batang Zeldyvian. Ang tagapagmana ng kaharian sa ilang.
Nagitla ang tatlo nang makita siya, ganoon pa man namangha sila. Lalo na ng makita nila ang puting kabayong pinaiinom nito.
“Kakaiba ang iyong kasuotan at wangis. Naliligaw ka ba?” tanong si Verlia.
Napailing si Kairus. “Hindi, namamasyal lamang ako.”
“Hindi ka ba natatakot sa akin?” makahulugang tanong ni Orlo na kapansin-pansin ang hindi paglapit sa dayuhan samantalang sina Verlia at Arya ay tuwang-tuwang nilapitan ang kabayo.
“Bakit naman ako matatakot? Hindi ka naman mukhang masama,” nakangiting sagot ni Kairus. “Alam ko ang tungkol sa inyo. Naikukuwento sa akin ng aking ina ang inyong lahi. Hindi dahilan na kalahating ahas ka ay katatakutan na kita at huhusgahan.”
Napangiti si Orlo sa tinuran ni Kairus, kung kaya’t nawala ang kanyang hiya na lumapit sa mga ito. Natuwa ang kanyang puso at nakihimas na rin sa kabayo.
“Ang ganda niya naman. Saan ka ba nagmula? Saan ang iyong tahanan?” usisa ni Arya.
“Doon!” Itinuro ni Kairus ang gintong kaharian.
“Doon? Isa kang engkantado mula sa napakayamang lahi?” Namilog ang mga mata ni Arya at ganoon din si Verlia. Samantala, nabaling ang tingin ni Orlo sa nasabing kaharian.
“Ang sabi ng aking amang hari, ang yamang sinasabi ninyo ay mula sa kalikasan kung kaya’t ibinabalik din namin sa mga nangangailangan.”
“Talaga ba?” sabat ni Orlo. Malapad ang kanyang ngiti. “Nakatutuwa naman. Pagdating ng araw, tayo ang mamumuno sa ating mga lahi. Sana’y maging mabuti tayong magkaibigan.”
Natuwa si Kairus sa pagkakaibigang iniaalok sa kanya. Iyon talaga ang nais niya—ang makahanap ng mga bagong kaibigan.
Simula noon, madalas ang kanilang pagkikita-kita at iyon ay hindi lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang. Maging ang mga ito man at ang bawat miyembro ng konseho ng dalawang lahi ay natuwa sa pagkakaibigan na nabuo nang dahil sa kanilang mga anak. Nang dahil nga roon ay natuto ang dalawang lahi na magbahagi ng kanilang mga itinuturing na yaman ng bawat isa—katulad ng mga prutas, mga mahahalimuyak na bulaklak, mga palamuting gawa sa ginto, mga pagkain at kung minsan pa ay sa Levithia lumalapit ang hari ng ilang tuwing kinakailangan nila ng ulan at malinis na tubig para sa lahat. Ang pagkakaibigang iyon ang naging tulay ng kanilang pagkakaisa at pagtutulungan.
Sa loob ng mahabang panahon, tinamasa ng dalawang lahi ang kasaganaan at kapayapaan sa tulong ng bawat isa. Pantay-pantay at walang lamangan. Lingid sa kanilang kaalaman, ganoon na lamang ang tuwa ng kanilang bathalang si Zaian dahil sa namamalas nito. Nang dahil doon ay lalo pa silang pinagpala at biniyayaan ng yaman ng kalikasan.
Samantala, nang dahil na rin sa lumalim na pagkakaibigan ng apat, hindi sinasadyang may mga pusong unti-unting natutong umibig. Noon pa ma’y espesyal na kung ituring ni Orlo si Arya. Ang diwata ang siyang pinapangarap niyang maging reyna niya kapag humalili na siya sa kanyang ama. Naniniwala siyang taglay nito ang mga katangian ng isang mabuting reyna. Ganoon din naman si Verlia, ngunit sadyang matalik na kaibigan lamang ang tingin niya rito.
Hindi naglaon, dahil sa katandaan ay nagpasya ang hari at reyna, sampu ng kanilang konseho, na panahon na upang ipasa kay Orlo ang pagiging hari ng Levithia. Lalo na’t napatunayan na nito na siya ay karapatdapat, hindi lamang isang pinuno bagkus ay isang mandirigmang kayang ipagtanggol sa kaaway o kahit ano pang digmaan ang lahing kanyang nasasakupan. At upang maging ganap ang kanyang paghahari ay kailangan niya ng uupong reyna upang maging katuwang niya sa pamumuno at magsilang ng sanggol na balang araw ay hahalili rin sa kanyang katungkulan.
Hindi na nagsayang pa ng pagkakataon si Orlo. Kaagad siyang nagtapat ng kanyang pag-ibig kay Arya, subalit ang naging kasagutan ng diwata ay hindi umayon sa kanyang mga pangarap at plano para sa kanilang dalawa.
“Patawarin mo ako, ngunit hindi ko mapagbibigyan ang nais mo,” malungkot na kasagutan ni Arya.
Pagkarinig pa lamang ng mga salitang iyon ay tila ba may kumurot na sa puso ni Orlo. “Bakit, Arya? Ano ba’ng dahilan? Hindi mo ba ibig na maging aking reyna?”
“Ikinagagalak ng aking puso na ako ang ibig mong maging inyong reyna sapagkat alam kong mayroong ibang pinapangarap iyan, ngunit hindi ako ang nararapat para sa iyo.”
“Ano’ng ibig mong sabihin? Sino ba ang tinutukoy mo?” urirat ni Orlo.
“Si Verlia,” walang kaabog-abog na sagot ni Arya. “Hindi lingid sa ating kaalaman na iniibig ka ng ating matalik na kaibigan. Hindi ko siya ibig na masaktan.”
“Ako man, hindi ko rin nais na masaktan siya, ngunit masisisi mo ba ako kung ikaw ang iniibig ko at hindi siya.”
“Paumanhin, Orlo. Sana’y maunawaan mo. Hindi ko ibig na magkalamat ang aming pagkakaibigan nang dahil sa pag-ibig.”
“Napakabuti ng puso niya na sadyang katulad mo rin. Batid kong malawak ang kanyang pag-iisip at mauunawaan niya kung ikaw ang aking pinipili.”
Napailing si Arya. Sa pagkakataong iyon ay napaluha na siya. “Hindi mo ako nauunawaan.”
“Ano ba talaga ang ibig mong sabihin?” mariing tanong ni Orlo.
Sandaling natigilan si Arya. Ibinaling niya ang kanyang paningin sa umaagos na tubig ng ilog. Pinag-iisipan kung paano niya sasagutin ang mga tanong ni Orlo nang hindi labis na masasaktan ang kanyang damdamin.
“Orlo, napakabuti mong kaibigan. Napakapalad ng iyong magiging reyna. Subalit, nawa’y mapatawad mo ako kung hindi ako pumapayag na makipag-isang-dibdib sa iyo sapagkat mayroon nang ibang nagmamay-ari ng aking puso. Iyon ang kinasasabikan ko sanang sabihin sa iyo kanina ngunit hindi ko naman akalaing mayroon kang ipagtatapat,” paliwanag ni Arya habang hawak ang kanang kamay ni Orlo.
“Ano?” malungkot na naibulalas ni Orlo. Marahan niyang binawi ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak ni Arya. “Sino siya, Arya? Sino ang mapalad ng engkantado na iniibig mo?”
Napabuntong-hininga si Arya. Humuhugot ng lakas ng loob upang maging tapat sa kanyang matalik na kaibigan. “Si Kairus.”
Namilog ang mga mata ni Orlo sa kanyang narinig. Ikinuyom niya ang kanyang mga kamay na para bang doon ay may namumuong sakit—sakit na hindi maglalaon ay mamumuong galit.
“Mga bata pa lamang tayo, espesyal na siya para sa akin. Katulad ng damdamin ni Verlia para sa iyo. Matagal kong pinangarap na sana dumating ang araw na ibigin niya rin ako at kagabi nga ay nagtapat siya ng pag-ibig sa akin.”
“At tinanggap mo ang iniluluhog niyang pag-ibig sa iyo?” malungkot na urirat ni Kairus.
Tumango si Arya. Ito ay mistulang hudyat na nag-iibigan na ang dalawa niyang kababata at wala na siyang pag-asang ibigin ng diwatang pinakatatangi niya.
“Bakit siya, Arya? Bakit hindi ako?” Pumatak ang mga luha ni Orlo. Dama ng kanyang buong pagkatao ang matinding sakit ng kaibiguang iyon. Batid niyang hindi lahat ng kanyang gusto ay makukuha niya, subalit ang sakit na kanyang dinaramdam ay nagpapahiwatig na hindi niya kayang mawala sa kanya ang diwata.
“Siya ang iniibig ko at hindi ko maipaliliwanag sa iyo kung bakit siya sapagkat hindi ko naman ito plinano. Kusa naming itong naramdaman. Batid namin na kaming dalawa ang niloob ng langit na magkasama,” saad ng diwata.
“Ang sabihin mo, nagpsilaw ka sa kapangyarihan at kayamanan nila. Noon pa man ay pansin na pansin ko na ang pagiging maurirat mo mayaman nilang lahi,” paratang ni Orlo sa kaibigan.
“Walang katotohanan ang mga paratang mo, Orlo. Kahit kailan, hindi ako naghangad ng ganoon,” pagtanggi ni Arya. Nasaktan siya sa tinuran nito.
“Arya! Orlo!” pagtawag ng pansin ng paparating na si Kairus. Nakangiti ito at walang kamalay-malay sa suliraning kanyang dinatnan at sa komprontasyon na kakaharapin niya. “Nandito pala kayo. Kanina ko pa kayo hinahanap.”
Hindi nakatanggap ng konti mang tugon si Kairus. Napansin niya ang mga luha sa mata ni Orlo at ang mahigpit na pagkakakuyom ng mga kamay nito na mistulang galit na galit nang makita siya. Hanggang sa mapansin niya na lamang ang pag-angat ng tubig mula sa ilog na para bang may buhay. Mistulang isang nangngangalit na daluyong mula sa dagat na humampas sa kanya kung kaya’t tumilapon siya sa lupa. Naulinigan niya ang mga sigaw ni Arya na dagling tumakbo papunta sa kanya.
“Orlo, huminahon ka,” pakiusap ni Arya.
Bahagyang nagliwanag si Kairus at unti-unting siyang natuyo mula sa pagkakabasa. Tinulungan siyang bumangon ni Arya saka ibinaling ang tingin sa kaibigan.
“Mainit yata ang ulo mo, kaibigan,” tinuran ni Kairus.
“At nakakatingin ka pa talaga sa akin ng diretso, kaibigan,” mariing tugon ni Orlo. “Traydor ka! Pinagkatiwalaan kita. Sa `yo ko sinabi ang lihim kong pag-ibig kay Arya. Alam mo ang lahat, ngunit paano mo pa siya nagawang ahasin sa akin?” sumbat nito.
Napatungo si Kairus. Nakaramdam siya ng hiya. “Hindi ko masabi sa `yo ang damdamin ko para sa kanya dahil batid kong magagalit ka. Sinubukan ko ngunit hindi ko kailanman ibig na masira ang pagkakaibigan natin kaya pinili kong ilihim. Ngunit batid ko rin na darating ang araw na ito. Sana maunawaan mo. Sana mapatawad mo ako,” paliwanag ni Kairus.
Labis ngang nasaktan si Orlo kung kayat naisin niya man ay hindi niya kayang patawarin ang mga kaibigan na pakiramdam niya’y nagtaksil sa kanya.
“Umalis ka sa lupain ko!” galit na sigaw ni Orlo. “Simula sa araw na ito, wala ng Zeldyvian ang maaaring tumapak sa nasasakupan ko. Ang sinumang lumabag, kamatayan ang magiging kaparusahan. At mula rin ngayon, hindi na kita kaibigan! Pinagsisisihan kong nakipagkaibigan ako sa `yo!”
“Orlo, h’wag mong gawin `to. Orlo!” sigaw ni Arya habang si Orlo ay papalayo na sa kanila.
Tumutol ang ama ni Orlo sa kanyang naging pasya, subalit wala ng nagawa ang mga ito. Ipinagtaka nila ang pananahimik ni Orlo at ang pagbabago ng ugali nito. Isang araw, inutusan niya ang kanyang mga kawal na sapilitang kunin si Arya para sa kanilang pag-iisang dibdib ngunit hindi na nila inabutan ang diwata. Ayon kay Verlia, ilang araw na mula nang lumisan si Arya para sa pag-iisang dibdib nila ni Kairus. Sumama na siya sa Zeldyvia na maaring sa mga panahong iyon ay naputungan na ng korona si Arya bilang reyna ni Kairus.
Sumabog sa galit si Orlo—tanda ng kanyang masidhing galit at kalungkutan. Ang lahat ay nabahala para sa bagong hari. Nang dahil sa paglisan ni Arya, nagpasya ang kanyang mga magulang na si Verlia ang kanyang maging reyna. Malugod namang tinaggap iyon ng diwata. Hindi man iniibig ay wala ng naging pagtutol si Orlo sapagkat batid niyang wala siyang magagawa kundi tumalima. Ganoon pa man, lingid sa kaalaman ng lahat, lalo na ni Verlia, ang pananahimik ni Orlo ay tila bulkang naghahanda sa pagsabog.
Mahaba ring panahon ang lumipas, nagkaroon ng tatlong supling sina Kairus at Arya, isa naman kina Orlo at Verlia. Subalit nang dahil sa mga tinuran noon ni Orlo dahil sa kanyang galit, hindi na kinamulatan ng mga ito ang pagkakaisa at pagtutulungan ng dalawang lahi, bagkus ay mga kawal na nakabantay sa hangganan at sa bawat sulok ng kanilang lupain ang naroon. Sa kabila noon, naging mapayapa naman ang kanilang pamumuhay.
Sa pag-aakalang nakalimot na si Orlo at napatawad na sina Kairus at Arya, naging kampante sila. Iginugol nila ang kanilang panahon sa pagtulong at pagpapasagana pa sa kanilang ari-arian. Subalit ang hari ng Levithia ay narating na ang sukdulan ng kanyang pagtitimpi at pananahimik. Ang kanyang paghihiganti ay hinog na hinog na at anumang oras ay muli nang sasabog.
Hindi nagustuhan ng kanyang ama ang plano niyang paglusob sa Zeldyvia, ngunit hindi nito napigilan ang kanyang anak. Ganoon din si Verlia na halos lumuhod pa sa pakikiusap na h’wag niyang ituloy ang kanyang binabalak, subalit nasaktan lamang siya sa kanyang pagharang.
Kasama ang kanyang mahuhusay na mga mandirigma, isang salamangkera at ang pantas ni Kairus na binihag nila, natuloy ang matagal nang pinaghandaan ni Orlo. Ginamit niya ang kanyang buong lakas. Lumikha ng tatlong malalaking ipo-ipo na lahat nang daanan ay nasisira. Hanggang sa tuluyan na niyang naisagawa ang kanyang layunin. Pinatay niya ang hari at reyna ng Zeldyvia nang hindi man lamang nakinig sa paliwanag at paghingi ng tawad sa dalawa. Nang dahil sa hindi pa rin mawalang labis na paninibugho, kinuha niya ang tatlong anak ng dalawa at sinunog.
“Saan ka nanggaling, anak?” sita ni Orlo sa kanyang anak nang dumating ito at naupo sa kanyang tabi. Hindi naman kaagad na sumagot ang bata.
“Lumabas lamang ako, ama, upang mag-isip-isip. Masama ang inyong ginawa. Bakit ganoon na lamang ang inyong galit?” balik-tanong nito.
“Iyon ang tamang gawin sa mga may malaking pagkakasala. Balang araw ay mauunawaan mo ako.”
Mayamaya’y dumating ang isang kawal at nag-ulat. “Mahal na hari, humupa na ang apoy. Subalit nakatitiyak ba kayong patay na nga sila?”
“Oo, sapagkat mga bata pa ang mga `yon. Hindi pa sila bihasa sa kanilang kapangyarihan.” Humalakhak si Orlo sa tuwa sa pag-aakalang wala na nga ang mga ito. “Halina kayo! Tawagin ang lahat at magdiriwang tayo sa ating tagumpay. Bumagsak na ang Zeldyvia.”
Habang abala si Orlo sa pagdiriwang sa inaakala niyang tagumpay, nadatnan ng batang Levithian ang kanyang ina sa silid nito na patuloy pa rin sa pag-iyak. Nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit. Nang masigurong walang makaririnig ay bumulong ito kay Verlia.
“Tahan na, ina. H’wag na kayong lumuha. Wala na sila.”
“Oo nga’t wala na sila nang dahil sa walang puso mong ama. Bakit niya idinamay ang mga bata?” Muling humagulhol ng iyak si Verlia.
“Nagkakamali kayo. Wala na sila, ina. Nilisan na nila ang Levithia. Ligtas na sila.”
Napabalikwas ng bangon si Verlia at mahigpit na napahawak sa mga balikat ng anak.
“Ano’ng ginawa mo?”
“Para sa `yo, mahal kong ina,” sagot ng kanyang anak.
Gumuhit ang ngiti sa labi ng batang Levithian, subalit magkahalong saya at pag-aalala ang namayani sa puso ni Verlia. Pag-aalala para sa kanyang nag-iisang anak.
***