SA PAGHALIK ni haring araw sa kanluran upang sa kabilang dako naman ng mundo magbigay ng liwanag, pagkamangha ang naramdaman ni Aurea. Matagal na rin ang lumipas nang huli niya itong masilayan. Kinain na ng modernisasyon ang mundo. Naisantabi ng marami ang kalikasan at ang kapakanan nito. Ganoon pa man, may ilang lupaing matatawag pang birhen. Hindi pa natutuklas at sana’y mapanatili na ang likas na kagandahan nito.
Mula pa sa pagkabata ay inaaral na ni Aurea ang lahat ng bagay na hinggil sa mga tao. Kinailangan niya itong matutuhan upang maging madali ang kanyang pakikisalamuha sa mga ito. Gayun din ang maunawaan ang ugali ng mga ito at ng kanilang pamumuhay. At nang makilala niya si Ceron, naging madali ito para sa kanya sapagkat madalas siyang tinatama nito tuwing nagkakamali siya. Minsan, natatawa na lamang siya. Mahabang panahon na rin siyang naninirahan sa mundo ng mga tao, subalit hindi pa rin niya mawaglit ang kanilang natural na pananalita at mga kilos. Kung minsan pa ay nakakalimutan niyang hindi niya maaaring gamitin ang kanyang kapangyarihan sa publiko sapagkat hindi iyon normal sa mga tao at maaaring manganib ang kanyang buhay. Mayamaya’y umihip ang hangin na nasok sa kaibuturan ng kanyang katawan.
“Kailangan ko nang umuwi. Baka nag-aalala na si Ceron,” naibulalas niya nang maalala ang sa ngayo’y tumatayong tagapangalaga sa kanya. Hindi siya nagpaalam na aalis kung kaya’t ipinangangamba niyang mag-alala ito kapag hindi siya nakita.
“Kailan ka babalik dito?” tanong ng kanyang kaibigang kalapati mula sa kumpulan ng kanyang mga kasamahan.
“Hindi ko masisiguro, Patti. Walang kasiguraduhan ang buhay, hindi ba? Iniwan kong nag-iimpake ang aking tagapangalaga,” tugon niya.
“Aalis kayo? Magkikita pa ba tayo?” urirat ng kalapati. Sa tono niyon ay mukhang nalungkot ang munting nilalang. “Hindi kita masisisi. Hindi talaga ligtas ang isang espesyal na katulad mo sa gitna ng magulong lungsod. Baka ikapahamak mo lang ang pakikihalubilo sa mga tao.”
“Hindi ko alam kung ano’ng binabalak niya. Maari ngang gano’n.” Napabuntong-hininga si Aurea. “Mababait naman ang mga tao, Patti. Iyon nga lang, natunton na ako ng isa sa aming mga kaaway kaya kailangan kong lumayo,” paliwanag niya.
“Sana maging ligtas ka kung saan man kayo pupunta. Gamitin mo ang iyong makapangyarihang tinig kung ika’y nasa panganib. Gaano ka man kalayo, handa kaming sumugod para tulungan ka,” bilin ng kalapati na sinang-ayunan ng kanyang mga kasama.
“Salamat kung gano’n mga kaibigan.”
“Isa kang natatanging binibini at mahiwagang ibon na pinagpala ng inyong bathala. Kaligayahan namin na nakilala ka at naging kaibigan,” maluha-luha nitong wika.
“Ako man ay gano’n din. H’wag ka nang malungkot. Maari ka pa ring bumisita sa aking silid habang hindi pa kami umaalis. Magkikita pa tayo. Paalam,” nakangiti niyang tugon sa munting kaibigan bago niya ibinukas ang kanyang mga pakpak.
“Hanggang sa muli, Aurea.”
Ikinampay niya ang kanyang malalapad at malagintong mga pakpak na kakikitaan ng mangilan-ngilang iba’t ibang kulay. Mula sa malayong talampas kung saan tanaw ang malawak at kulay asul na karagatan ay lumipad siya pabalik sa kanilang itinuturing na tahanan. Ang kanyang huni ay umalingawngaw sa himpapawid. Ang halik ng mga ulap sa kanyang katawan ay isa sa kaligayahan niya. Balang araw, magiging malaya siya. Iyon ang kanyang pangarap, ang maging totoong malaya at maligaya.
Dumaan ang diwata sa bintana ng kayang silid. Sa paglapat ng kanyang mga paa sa sahig at ilang hakbang, unti-unti siyang nanumbalik sa anyong tao. Huminto siya sa harap ng salamin at pinagmasdan ang kanyang sarili.
“Natatanging binibini…” napangiti siya kasunod ang malalim na buntong-hininga. “Kung alam lang sana nila kung gaano kahirap maging isang hiyas ng aming lahi, siguradong hindi na nila ako kalulugdan ng ganito.”
Lumabas siya sa kanyang silid at pumunta sa kusina. Sa daan pa lang ay amoy na amoy niya na ang masarap na niluluto ni Ceron—ang paborito niyang adobo. Umupo siya sa dulo ng parehabang mesa at napangalumbaba. Masaya niyang pinagmamasdan ang binata habang nagluluto.
“Maaari ka nang mag-asawa, Ceron,” biro ni Aurea.
“Tingin mo ba, may panahon pa ako sa ganyan?” tila aburidong tugon sa ni Ceron. “Mula nang mamatay ang iyong salamangkerong tagapangalaga, ako na ang sumalo ng lahat ng kanyang responsibilidad bilang pagtanaw ng utang na loob sa pagtayo niya bilang ama sa akin. Hindi ko `yon kayang talikuran.”
Bibihira lang niyang makitang ganoon si Ceron ngunit tuwing magmamaktol ito dahil sa sitwasyon niya, nasasaktan si Aurea. Hindi niya maiwasang makaramdam ng hiya. Maaring hindi niya sinasadya pero may punto ito para sa diwata. Alam niyang kahit ilang beses siyang humingi ng tawad, hindi sasapat.
“Patawad. Hindi ko gustong guluhin ang buhay mo at idamay ka sa sumpang dulot ng buhay ko. Labag din sa aking kalooban na itali ka nila sa responsibilidad na ito,” emosyonal na tinuran ni Aurea. Bahagya siyang napaluha at pilit pinigilan iyon.
Napansin niya ang dagling pagbabago sa mukha ng binata. Marahil ay naisip niya ang kanyang mga binitawang salita. Napatitig siya kay Aurea. Pinatay nito ang apoy sa kalan at hinarap ang binibini.
“Wala akong ibig sabihin do’n. Hindi ka pagulo sa buhay ko, kundi parte ka nito. Pamilya kita. I’m sorry,” paliwanag niyang bahagyang nagpagaan sa dibdib ni Aurea. Ganoon pa man, hindi lubusang mabubura noon ang sakit sa kanyang loob.
“Hindi mo ako pamilya. Hindi mo nga ako kaanu-ano. Dapat sarili mong buhay ang iyong inuuna. Dapat normal ang buhay mo ngayon, subalit nang dahil lang sa `kin kinailangan mong gawin ito. Dapat kasi, hindi ka na lang umalis sa trabaho mo para lamang lumayo kasama ko. Kaya ko namang protektahan ang aking sarili.” Sa pagkakataong ito ay hindi niya na napigilang maiyak.
“Pinili kita kasi gustong kong protektahan ka at hindi ko pagsisisihan `yon. Gusto ko na lang nga ring maging katulad mo para magkasama tayo habambuhay.”
“Kaya ko naman ang sarili ko. Hindi ko na kailangan ng tagapangalaga,” mariing tugon ni Aurea.
“Nangako ako sa puntod ni papa na ako na ang bahala sa `yo. Itutuloy ko ang kanyang misyon hanggang sa dulo,” giit naman naman ni Ceron. “H’wag ka nang umiyak. Ipinagluto kita ng paborito mo. Kumain na tayo,” masaya niyang tinuran.
Ikinabigla na lamang ni Aurea nang maramdaman ang pagdampi ng mga labi ni Ceron sa kanyang noo bago ito tuluyang naghanda ng kanilang makakain.
Kinaumagahan, maagang umalis si Ceron. Nagpaalam siyang pupunta sa pamantasan upang kunin ang kanyang huling sahod at upang magpaalam sa ilang kaibigan at kasamahan. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa itong sinasabi hinggil sa mga binabalak nito. Napansin din ni Aurea na tila may malalim itong iniisip nang mga nagdaang araw.
Matapos maglinis ay nakaramdam siya ng pagod at pinagpawisan. Hangga’t maaari ay hindi niya ginagamit ang mga kakayahan niya dahil gusto niyang mabuhay ng normal na parang isang tao. Ganito na rin ang nakasanayan niyang gawin sa loob ng maraming taon. Umakyat siya sa kanyang silid at nahiga. Habang nakatitig sa kisame, hindi niya maiwasang maalala ang mga kapatid niya.
“Kumusta na kaya sila? Matagal na rin nang huli silang magparamdam.”
Mayamaya’y biglang humangin ng malakas. Hinawi nito ang manipis na kurtinang nakatabing sa bintana. Mula sa himpapawid ay pumasok ang tila makapal na ulap. Huminto ito sa paanan niya, mula sa kanyang pagkakahiga. Mula roon ay namuo ang isang hugis tao, hanggang sa tumambad sa kanyang mga mata ang lalaking iyon. Ang Levithian na nagpakita sa kanya sa pamantasan. Nakasuot ng itim na pantalon at itim ring pang-itaas na may suklob sa ulo. Nakangiti siya sa diwata. Sa kanyang mga mata ay tila sumibol ang saya nang makita si Aurea.
“Ikaw na naman?” naibulalas ni Aurea. “Ano’ng ginagawa mo rito?” Napaatras siya hanggang sa uluhan ng kama.
“Patawad kung hindi ko kayang tiisin na hindi ka nakikita. Ang pagmasdan ka sa loob ng mahiwagang salamin nang hindi ka man lang makausap at mahawakan ay nakalulungkot.” Naupo ito sa dulo ng kama at muling tinitigan ang diwata.
“Ano ba talagang kailangan mo sa `kin?” nanginginig niyang tanong.
“Alam mo, Aurea, nasasaktan talaga ako tuwing makikita kang takot na takot sa akin,” napatungo siya. Hinimas niya ang kanyang mga paa gamit ang kamay niyang nagliliwanag.
Noo’y nagpakita ang tunay nitong anyo. Noo’y tuluyang nakumpirma ng diwata ang kanyang mga sapantaha. Kalahating engkantado at kalahating ahas. Isa ring dayuhan sa mundo ng mga tao. Ang batang Levithian na nagpatakas sa magkakapatid noon.
“Batid mo na kung sino ako, hindi ba? Bakit natatakot ka pa rin? Hindi ko pa ba napatunayan ang aking sarili dahil sa ginawa kong pagpapatakas sa inyo?” tanong nitong tila may dalang sakit sa dibdib ni Aurea, ngunit natatakot siyang magpadala.
“Dahil isa ka pa rin sa kanila,” malamig niyang sagot.
“Oo, ang katawan ko ay para sa Levithia, ngunit ang puso ko ay para sa hiyas ng Zeldyvia.” May kung anong ipinahihiwatig ang kanyang ngiti at kaba ang dulot ng kanyang mga titig.
Kinabahan si Aurea sa tinuran nito. Hindi niya alam ang pinanggagalingan noon. Namangha na lamang siya nang maglitawan sa buong paligid ang mapupulang mga rosas. Habang may malaulap na mga usok na tumabing sa sahig. Ang halimuyak nito ay talagang nakahahalina.
Lingid sa kaalaman ng Levithian, nanariwa sa alaala ni Aurea ang panahong una silang nagkita. Sa lupain ng Levithia siya unang nakakita ng mga rosas at iba’t ibang mahahalimuyak na bulaklak. Noon siya nagsimulang mangarap na sana’y hindi naging ganoon ang kanyang kinamulatang buhay.
Kahit musmos pa lamang sila noon, naalala niya na ganoon din siya titigan ng batang Levithian. Sa kanya naman ay kakaibang damdamin ang dulot ng mga titig na iyon. Ang sapantaha niya noon na mayroon silang koneksyon ay muling nagpaparamdam sa kanya ngayon. Batid niyang mabuti ito, subalit dahil sa lahat ng pinagdaanan nila noon sa kamay ng mga Levithian ay matinding takot ang damdaming higit na nangingibabaw sa kanya.
“Kaya ka bang handugan nito ng iyong ipinagmamalaking tagapangalaga?” makahulugan nitong tanong. “Hindi niya nga alam kung paano palabasin at gamitin ang kapangyarihang ibinigay sa kanya ng inyong ama-amahang salamangkero. Nahimbing na lamang iyon sa kanyang pagkatao. Isang walang kwentang tagapangalaga.”
“Paano mo `yon nalaman? Makikita mo. Magagawa niya rin `yan!” bulyaw ni Aurea sa hindi inaasahang panauhin niya.
“Ako lang ang makapagbibigay ng matibay na proteksyon sa `yo laban sa aking lahi.” Nagitla si Aurea nang maramdaman ang malamig nitong palad sa kanyang kanang binti. Pilit niyang inaagaw iyon, subalit hinigpitan nito ang pagkakahawak. “Balang araw, hahanapin mo rin ang mga hawak ko.”
“Bitiwan mo ako!”
Kapagdaka’y mabilis siyang napalingon sa may bintana. Tila naramdaman rin nito ang naramdaman ng diwata. Kapwa sila nakaramdam ng pagkabahala. “May paparating. Kailangan ko nang lumisan, ngunit pangako, babalik ako.”
Mabilis itong nagtungo palabas ng bintana. Kasabay nang paglalaho ng kanyang berdeng katawan ay siya ring pagbubukas ng pinto.
“Ano’ng nangyayari dito? Bakit namumutla ka?” bungad sa kanya ni Ceron. Iginala niya sa paligid ang kanyang paningin. Napakunot ang kanyang noo nang makita ang mga pulang rosas at ang pawala ng usok. “Saan nanggaling ang mga ito?”
Hindi siya kaagad nakasagot. Napatitig lamang siya sa binata. Hindi niya alam kung tama bang sabihin ang totoo. Hindi niya gustong isipin ni Ceron na mababalewala ang ginawang sakripisyo nito para sa kanya.
“Aurea?” pagbasag ni Ceron sa katahimikan sa pagitan nilang dalawa. “Inuulit ko, ano’ng nangyari dito?”
“Hindi ba ikaw?” wala sa sariling balik-tanong ni Aurea.
“Paanong ako, e, wala nga akong maramdamang kapangyarihan sa katawan ko,” mabilis nitong tugon. Napatitig siya sa kausap na tila ba hinahanap sa kanyang magandang mga mata ang kasagutan sa mga tanong.. Kilala niya Aurea. Alam niya kung kailan ito nagsisinungaling.
“Baka ako lang. Hayaan mo na.”
“Maghanda ka. Bukas, aalis na tayo. Baka balikan ka ng lalaking `yon.”
Ipinagtaka ni Aurea ang mga huling salitang tinuran ni Ceron. Kinakabahan siyang napaisip kung bakit ganoon ang kanyang tinuran—kung may narinig ba ito o may nakita sa mga naganap. Dalangin niyang sana ay wala sapagkat alam niyang labis itong masasaktan at lalo pang pagdududahan ang kanyang sarili.
“Saan tayo pupunta?” urirat ni Aurea.
“Sa probinsya. Sa liblib na bayan ng Sta. Elena,” sagot nito.
“Sa Sta. Elena?” naibulalas ng diwata. Sa wari niya’y namilog ang kanyang mga mata. Sa loob ng mahabang panahon ay muli niyang masisilayan ang lupaing matagal niyang naging tahanan sa loob ng maraming taon.
Sa lugar na iyon siya bumuo ng mga bagong alaala at pinaghilom ang sugat ng isang madilim na kahapon. Doon niya rin unti-unting binuo at ibinangon ang nawasak niyang buhay. Doon nila natagpuan si Ceron na mag-isang namumuhay sa murang edad. Nang dahil sa awa ng salamangkero ay kinupkop niya ito, inalagaan na parang isang tunay na anak. Magkasabay silang sinanay sa pakikipaglaban at namangha sa mahika.
“Ayaw mo bang bumalik doon?” makahulugang tanong ni Ceron.
“Nagkakamali ka. Gustong-gusto kong bumalik sa lugar na iyon.” Malapad ang ngiti sa mga labi ni Aurea. “Sabik na sabik na ako sa sariwang simoy ng hangin, maligo sa talon at magtampisaw sa ilog. Mayayakap ko nang muli ang mga puno roon. Mararanasan ko nang muli ang buhay sa piling ng kalikasan.”
“Isa ka ngang diwata at tunay na anak ng isang magandang diwata ng tubig. Hindi ko man siya nakita at nakilala, nararamdaman kong sa kanya mo nakuha ang mga katangian mo,” wika ni Ceron.
Natuwa siya sa naging reaksyon ni Aurea. Naupo si Ceron sa dulo ng kama kung saan naupo ang panauhing Levithian.
“Tunay nga marahil, Ceron. Ang sabi ni Amang Zedum, sa aming magkakapatid ay ako ang higit na kawangis ng aking ina. Ang pagyakap ko sa napakagandang lupain ng Sta. Elena ay parang pagbabalik ko sa kandili ng aking ina. Maraming salamat, Ceron.”
Nang dahil sa tuwa ay napayakap siya sa likuran ni Ceron. Isang yakap na sandaling pumawi sa pagdaramdam sa puso ng binata. Ibig niyang yakapin pabalik si Aurea, subalit hindi niya alam kung tama ba iyon sapagkat alam na niya mula pa sa simula na hindi sila magkatulad at katulad ng bilin ng kanilang ama-amahan, hangga’t sila ay nasa mundo ng mga tao ay mananatili silang magkapatid sa mata ng mga tao. Ganoon pa man, alam niya ring dalhin man sila ng kanilang mga paa pabalik sa Vecca, may ibang maaring higit na karapatdapat para sa diwata.
Lingid sa kanilang kaalaman, nakita ng Levithian ang tagpong iyon at ang kanyang puso’y tila ba mapupunit sa sakit. Nakita niya kung gaano napasaya ni Ceron si Aurea, samantalang kahit marahil iaalay niya ang lahat, takot pa rin ang mangingibaw sa diwata para sa kanya.
“Kung gano’n, maghanda ka na. Maaga tayong aalis bukas,” ani Ceron
Napatungo si Ceron. Mula sa pagkakatitig sa sahig ay muling nabaling ang pansin nito sa mga rosas na nagkalat doon. Napapaisip. Napatitig siya sa kanyang mga palad at muling nakaramdam ng lungkot. Ilang beses niya naman sinubukang gawin ang mga itinuro sa kanya ni Zedum, subalit bakit hindi niya magawa. Bakas ang lungkot at galit nito nang mahigpit na ikuyom ni Ceron ang mga kamay mula sa pagkakapatong nito sa kama na ikinagusot ng kulay asul nitong supot.
Habang naglalaho ang mga rosas at ang nakahahalinang halimuyak ng mga ito, noon ay pumatak ang luha mula sa mga mata ni Ceron. Luha na puno ng lungkot at sakit. Isang eksenang hindi nasilayan ni Aurea.
***