SA GITNA ng kanilang paglalakbay, hindi maitago ni Aurea ang pagkasabik na marating ang kanilang destinasyon. Kinaiibigan niya ang paghalik ng hangin sa kanyang mukha at ang paglalaro niyon sa kanyang buhok. Busog na busog ang kanyang mga mata sa luntiang kapaligiran na dinadaanan nila. Ganoon niya kamahal ang kalikasan, katulad na katulad ng kanyang ina.
“Among Ron, nahihilo na ako. Malayo pa ba tayo?” reklamo ni Quera na palipad-palipad sa loob ng kanilang sasakyan.
“H’wag ka kasing makulit. Pumirmi ka lang sa isang lugar. Ang gulo-gulo mo kasi kaya ka nahihilo. Sumasakit na ang ulo ko sa `yo! Palalabasin na talaga kita!” banta naman ni Ceron na may halong pagkauyam at pananakot.
“Ayaw ko nga sa labas. Ang init, baka matusta ang beauty ko,” muli namang pag-iinarte nito sabay dapo sa balikat ni Aurea. Isiniksik niya sa ang kanyang mukha sa ilalim ng buhok ng diwata, sa may batok.
“Quera, nakikiliti ako,” natatawa namang naibulalas nang maramdaman ni Aurea ang dulo ng tuka nito sa bahaging iyon.
“Dito na muna ako. Pangako, hindi na ako maglilikot. Galit si Among Ron,” natatakot na wika nito.
Hinimas-himas ni Aurea ang balahibo nito sa dibdib. Sinulyapan niya naman si Ceron na bahagyang napangiti. Halatang naggagalit-galitan lang siya para tumahimik si Quera at makapagmaneho siya nang maayos.
“May dinaramdam ka ba?” tanong ni Aurea.
“Wala naman. Malungkot lang iwan ang lugar na napamahal na sa akin at ang mga gawaing nakasanayan ko na sa araw-araw. H’wag mo akong alalahanin,” sagot nito.
“Sigurado ka ba?” paniniguro niya.
Tumango ito at ngumiti. “Gutom ka na ba?” balik-tanong niya sa kasama. “May pagkain d’yan sa likod.”
“Mabuti pa siguro, itabi mo na muna ang sasakyan at sabay na tayong kumain. Para din makapagpahinga ka,” suhestiyon ni Aurea. Kaagad naman siyang tumalima at hindi nagdalawang isip na sandaling magpahinga sa kanilang paglalakbay.
Matapos nilang kumain ay nagpasya si Ceron na matulog sandali. Halatang pagod na ito at maaring nangangalay na. Samantala, napasandal din si Aurea sa sandalan ng kanyang kinauupuan at napapikit pagkatapos niyang magbitiw ng malalim na buntong-hininga. Dama niya ang mahinang ihip ng hanging pumapasok sa nakabukas na bintana ng sasakyan. Pinapawi nito ang alinsangan na dulot ng mainit na panahon. Hanggang sa biglang mag-iba iyon na tila ba mayroong ibinubulong sa diwata. Kung panganib o babala ay hindi niya masabi.
Dagli siyang napadilat. Napatingin siya kina Ceron at Quera na kapwa nasa malalim na tulog. Mula sa bintana ay tanaw niya ang kalangitang tila nag-iiba. Mabilis na dumating ang makakapal na ulap, sanhi ng pagdidilim ng langit. Bahagyang napawi ang init ng katanghaliang tapat. Dumilim pa nang dumilim na tila ba uulan ng napakalakas o kaya naman ay may bagyong nag-aambang manalasa. Mayamaya’y napapitlag na lamang siya sa kanyang kinauupuan.
“Hiyas... Hiyas...” pagtawag ng tinig ng isang babae. “Halika, sundan mo ako,” dugtong pa nito.
Ilang beses itong nagpaulit-ulit sa kanyang pandinig. Mistulang isang makapangyarihang balik-tinig na gumulo sa kanyang isipan. Hindi siya kumportable sa tinig na iyon na para bang isang banta ng panganib. Nakaramdam siya ng kaunting panghihina at pagkahilo. Nang dahil doon ay nagpasya siyang bumaba ng sasakyan upang makita kung sino ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Iginala niya sa paligid ang kanyang paningin, subalit wala siyang sinumang nakita.
Kasabay ng tinig na iyon ay dinig na dinig niya rin ang kakaibang himig na tila unti-unting bumibihag sa kanyang diwa. Hanggang sa hindi niya na mapigilan ang kanyang katawan sa pagsunod sa tinig na iyon kung kaya’t hindi niya namalayang nasa bangin na pala siya. Hindi na niya mabawi ang kanyang mga paa. Nakatapak siya sa nakausling bato na natatakpan ng makapal na damo. Humiwalay iyon sa lupa at gumulong paibaba. Napasigaw na lamang si Aurea dahil sa pagkawala ng kanyang balanse. Ipinikit niya na lang ang kanyang mga mata at inasahan ang tuluyang pagkahulog niya sa malalim na bangin, kasunod ng batong iyon.
Hindi niya napansin ang unti-unting paggalaw ng mga sanga ng mga puno. Mistulan itong mga braso na handang sumalo sa diwata upang maisalba sa pagkakahulog sa bangin. Yumabong ang mga dahon at naging matibay ang mga sanga.
Nagitla na lamang si Aurea na sa gitna ng kanyang pagsigaw sa inaakala niyang oras ng kanyang katapusan, may makikisig na mga braso na yumakap sa kanyang baywang. Napadilat siya at nagtaka ng hindi niya na makita ang malalim na bangin na kanina’y mistulang hinihintay siyang lumagapak doon. Bagkus ay ang mga sanga ng punongkahoy na handang sumalo sa kanya ang tumambad sa kanyang mga mata. Samantala, hindi niya makilala kung sino ang nagligtas sa kanya subalit dahil sa dama niya ang t***k ng puso nito mula sa kanyang likuran, tila ba sinasabi rin ng puso niyang kilalang-kilala niya ito at ligtas na siya sa panganib.
Napamulagat siya nang mapansin na hindi man lang nasasaling ng hanging humahalik sa kanyang mukha at isinasayaw ang kanyang mahabang buhok, ang mga dahon ng mga puno sa ibang bahagi ng lugar na iyon. Ang mga lumilipad na ibon sa himpapawid ay huminto. Maging ang mga ulap na kanina lang ay mabilis na hinihipan ng hangin, tila ba ito’y huminto katulad ng oras at pag-inog ng mundo.
“Teka! Pinahinto mo ba ang oras?” naibulalas niya sa nilalang na nakayakap sa kanya.
“Pinahinto ko ang oras, ngunit hindi ako ang nagpagalaw sa mga punongkahoy,” tugon ng pamilyar na tinig. “Kung hindi ikaw, marahil ay kusang kumilos ang kalikasan para sa kinikilala nilang isang mabuting diwata mula sa Vecca. Maaari din namang mayroong ibang may gawa at mayroong mga matang nakatunghay sa atin sa mga sandaling ito. Kung sino man siya, batid kong hindi siya kaaway.”
Hindi naman naglaon ay naramdaman niya ang paglapat ng kanyang katawan sa gilid ng kalsada. Noon din ay nakita niya at tuluyang napagsino ang mukha ng nilalang nagligtas sa kanya. Sa kanya ring harapan ay unti-unting naglaho ang kanyang makaliskis na buntot at napalitan ng mga paa. Sa isang kisap-mata’y suot niya na ang itim na pantalon at pantaas na may suklob sa uluhan.
“Ikaw ulit?” namamanghang tanong ni Aurea. “H’wag mo naman akong takutin. Hindi na yata ligtas ang mundong ito para sa akin. Ngunit, bakit mo ba ako iniligtas?”
“Tinatanong pa ba ang bagay na iyon? Kung sana’y inuunawa mo lamang ang mga salitang tinuturan ko sa `yo, sana’y hindi ka na nagtataka o nagtatanong pa.”
“Hindi ko naman talaga nalalaman ang tunay mong pakay sa akin, Ginoong Levithian,” mariing tinuran ni Aurea na napasimangot.
“Hindi ka nag-iingat, Aurea,” kunot-noo niyang tugon sa diwata. “Kung hindi ako dumating, magigising ka sa kamay ng aking walang pusong ama.”
Tila ba binayo ng kaba ang kanyang dibdib nang marinig ang mga tinuran nito. Nanumbalik ang kanyang takot sa mga Levithian, ang galit na mukha ni Orlo, ang mga ipo-ipong sumira sa kanilang kaharian at ang imahe ng kanyang mga magulang na naliligo sa kanilang sariling dugo.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” nanginginig na tanong ni Aurea.
“Sa susunod, h’wag mong pakikinggan ang tinig. Labanan mo. Hindi ka tao kaya gamitin mo ang kapangyarihan mong tinataglay upang iligtas ang iyong sarili. H’wag mong hayaang tangayin ka ng mapang-akit na himig nito.” Naupo siya sa tabi ni Aurea at napatingala sa maulap na langit.
“Bakit? Saan ba nanggaling ang tinig na `yon?” urirat pa ni Aurea.
“Natuklasan na ni Miran—ang aming itim na salamangkera—na nabubuhay ka pa. Hinahanap ka na nila,” paliwanag niya. Iyon ay naghatid ng matinding takot kay Aurea.
“Paano nila nalaman? Sinabi mo?” Napakapit siya sa kaliwang braso nito. Napatingin naman ito sa kamay niya bago ibaling ang kanyang tingin sa mga mata ni Aurea.
Lingid sa kaalaman ni Aurea, sa simpleng pagkapit niyang iyon sa Levithian na kanyang kasama ay saya ang idinulot niya rito. Simpleng bagay ngunit sadyang kinasasabikan nito. Konting pansin na kaytagal na nitong pinapangarap.
“Hindi ko batid na nasundan ako ni Miran nang minsang tumawid ako rito sa mundo ng mga tao para makita ka. Kamakailan lang, narinig niya ang huni ng hiyas. Patawad.” Napansin ni Aurea nang gumuhit na lungkot sa kanyang mukha. “Ang aking ina ay nagkaroon ng hindi matukoy na karamdaman. Ang sabi ni Miran, maari siyang pumanaw anumang oras. Kinakain ng sakit na iyon, hindi lang ang kanyang nanghihinang katawan, kundi pati ang kanyang kapangyarihan bilang diwata ng lupa at ang buhay niyang napakahalaga para sa akin. Kaya humina ang proteksyon namin sa `yo,” paliwanag ng Levithian.
“Proteksyon sa akin? Kayo ng iyong ina?” tanong ni Aurea na puno ng pagtataka. “Hindi kita maunawaan.”
Tumango lamang ang Levithian at bahagyang ngumiti. Pahiwatig na masaya siyang protektahan ang diwata sa abot ng kanyang makakaya at ipinagmamalaki niya iyon.
“Bakit n’yo ba ito ginagawa?” urirat ni Aurea.
“Noong unang beses pa lamang kitang makita na umiiyak sa pagkakabihag sa inyo ng aking ama, mayroong hindi maipaliwanag na damdaming sumibol dito.” Itinuro niya ang kanyang dibdib, sa tapat ng kanyang puso. “Hindi ko kayang makita kang nahihirapan at lalong hindi ko makakayang mamatay ka.”
“Ngunit, bakit mo nga ito ginagawa? Hindi ba’t pagtataksil ito sa inyong lahi? Ikapapahamak ninyo ito.”
Nang mga sandaling iyon, hindi man gustong maniwala ni Aurea sa kanyang kausap at may pagdududa man siyang baka binibilog lang nito ang kanyang isip, nadarama niyang mula sa puso ang mga tinuturan nito. Hindi niya maiwasang lumambot ang kanyang puso rito sa kabila ng takot, lalo pa’t dalawang beses na nitong inililigtas ang kanyang buhay.
“Mula nang makatakas kayo, lagi ka nang nasa isipan ko. Sa loob ng mahabang panahon, nagtiyaga akong panoorin ka sa isang mahiwagang salamin na nakatago sa isang lihim na silid. Nahuli ako ni ina at ikinatakot niya ang natuklasan niya. Maaring patayin ako ng aking sariling ama dahil sa ginagawa ko. Nakiusap ako sa kanya. Nagmakaawa. Hindi naging madali ang lahat, ngunit sa huli, pinili niya pa ring pagtakpan ako at ingatan ang aming lihim—na buhay pa ang hiyas ng Zeldyvia. Hanggang sa hindi ko na kayang panoorin ka na lang. Gusto kitang makasama,” kwento niya. May kalungkutan at takot sa mga mata niya sa maya’t mayang pagngiti at pagtingin sa malayo.
“Bakit?” makahulugang tanong ni Aurea. Ganoon pa man, may hinala na siya kung ano ang ibig nitong sabihin at natatakot siya hinggil dito.
Nagtama ang kanilang paningin. Sa kanilang mga mata ay tila may damdaming kumakawala. Hindi man maunawaan ni Aurea at pilit niya mang iwaglit ito ngunit nararamdaman niya rin. Kung kaya’t nang dahil doon ay tila ba wala siyang lakas na bawiin ang kanyang pagganti ng titig dito.
“Iniibig kita, Aurea.”
Napaluha si Aurea dahil sa ipinagtapat nito. Nakumpirma na nga niya ang sapantahang kinatatakutan niya. Ang mga tanong sa kanyang isip ay nasagot ng mga salitang iyon—kung bakit may kakaiba siyang damdamin dito at kung bakit palagi itong nakabantay. Hindi niya malaman kung ano ang kanyang itutugon o kung dapat ba siyang tumugon.
“Ano’ng magagawa ko para sa `yong ina? Dalhin mo ako sa kanya. Nakakapagpagaling ako ng karamdaman.” Iyon na lamang ang nabigkas niya upang maiba ang usapan at upang mawala ang narararamdaman niyang pagkailang sa kaharap.
“Hindi!” naibulalas naman ng Levithian na may bahid ng takot. Hinawakan niya ang magkabilang pisngi ni Aurea. “Hindi kita dadalhin sa panganib. Natitiyak kong hindi ka na bubuhayin pa ni ama. Hindi ako papayag na mawala ka. Mahahanapan ko rin ng lunas ang karamdaman ng aking mahal na ina.”
Napamulagat si Aurea nang bigla siya nitong yakapin, subalit sa pagkakataong iyon ay wala na siyang lakas para pigilan ito. Ginantihan niya ito ng yakap—ang yakap na gusto niya ring ihandog bilang pasasalamat sa lahat ng nagawa nito para sa kanya. Tuluyang pumatak ang mga luhang kanina pa nila pinipigil.
Samantala, ganoon na lamang ang ligayang namayani sa puso ng Levithian nang maramdaman ang pagganti ng yakap ng diwata. Sa wari niya ay lumulutang siya sa ulap dahil hindi nagalit si Aurea sa kanyang ipinagtapat, batid man nilang dalawa na iyon ay mahigpit na ipinagbabawal sa kanilang lahi mula nang magsimula ang hidwaan ng kanilang mga amang hari.
Hindi naglaon, mabilis na napaangat ang mukha ng Levithian at napalingon sa kung saan. Tila binalot siya bigla ng pag-aalala. Bigla itong nabahala. Dagli siyang napatayo na tila ba may tinig na naririnig mula sa kung saan.
“Ano’ng problema?” pag-aalala naman ni Aurea dahil sa kanyang napansin.
“Tila tinatawag ako ni ina. Kutob ko, may masamang nangyayari sa kanya,” sagot niya. Hinawakan niya nang mahigpit ang magkabilang balikat ni Aurea at nagbilin. “Tawagin mo lang ako kapag kailangan mo ng tulong. Darating ako kaagad, para sa `yo.”
“Iyakap mo ako sa `yong ina. Ipagdarasal ko siya. H’wag kang mawawalan ng pag-asa. Hindi siya pababayaan ng bathalang si Zaian,” ani Aurea kasabay ng isang ngiti.
“Asahan mo. Tiyak na ikatutuwa iyan ng aking ina. Hindi ko man batid kung bakit, nararamdaman kong mahal ka niya—kayo ng iyong mga kapatid,” masayang tinuran nito saka ito tumayo upang pansamantalang magpaalam. “Mag-iingat ka na. Kailangan ko nang umalis, aking hiyas.”
Patalikod na sana ang Levithian nang hawakan ni Aurea ang kanyang kanang kamay bilang pagpigil dito. “Sandali! Paano kita tatawagin? Hindi ko batid kung ano ang iyong pangalan.”
“Hideon, aking hiyas. Ako si Hideon. Hindi mo alam kong gaano mo ako napasaya. Salamat.” Pagkawika noon ay unti-unti itong nagmistulang usok na humahalo sa hangin saka naglaho sa harapan ng diwata. Kasunod ang pagdidilim ng kanyang paningin.
***
“AUREA, gising! Gumising ka!" Panggigising ni Ceron sa diwata kasabay nang marahang tapik sa kanyang pisngi.
Ikinasilaw ni Aurea ang liwanag na sumalubong sa kanyang paningin sa kanyang unti-unting pagdilat. Bumungad sa kanya ang nag-aalala at pawisang mukha ni Ceron. Tagaktak din ang kanyang pawis nang umayos siya sa pagkakaupo.
“Ano’ng nangyari?” tanong ni Aurea.
“Binangungot ka yata. Heto, inumin mo.” Inabutan ni Ceron ng tubig si Aurea. Kaagad naman itong ininom ng diwata lalo na’t pakiramdam nito ay nanunuyo ang kanyang lalamunan. “Okay ka na ba?”
“Oo, pasensiya na kayo.” Pinunasan ni Aurea ang kanyang pawis gamit ang kanyang mga palad.
Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, ginugulo ng mga nangyari ang isipan ni Aurea. Kung totoo ba iyon o binangungot lamang siya? Subalit sa kanyang puso, ang damdaming napukaw roon ay buhay na buhay.
Napatingin siya sa suot niyang pantalon na kulay lila. Sa laylayan nito ay may ilang amorseko na nakadikit. Patago niyang kinuha iyon saka muling napaisip. Sa pagkakataong iyon ay napangiti siya sapagkat nararamdaman niyang totoo ang nangyari at iyon ang patunay.
Hindi siya binangungot. Hindi iyon panaginip. Mahal siya ni Hideon.
Sa muling pagtama ng hangin sa kanyang mukha mula sa labas ng sasakyan na matulin ang takbo, isang pamilyar na tinig ang kanyang muling narinig. Isang paalalang kailangan niyang pakatandaan..
Aurea, tandaan mo. Hindi ka maaaring masugatan. Kahit gaano ka pa kalayo, maamoy nila ang iyong dugo. Mahahanap ka nila.
Kinabahan siya sa mensaheng iyon na kanyang natanggap. Kasabay nang biglang pagpreno ng sasakyan ay mabilis niyang ibinaling ang tingin niya kay Ceron, subalit isang estrangherong nilalang ang nasa kanyang tabi na siyang may hawak ng manibela at sarkastikong nakangiti sa kanya.
“Aurea…”
“Orlo?” naibulalas ni Aurea.
Umalingawngaw ang kanyang mga sigaw sa loob ng sasakyan at natutop sa huli na nasa loob siya ng patung-patong na bangungot.
***