KABANATA 5: t***k Ng Puso

2569 Words
NAGISING si Aurea sa loob ng kanyang silid, sa maliit ngunit magandang bahay kung saan siya matagal na nanirahan noon kasama ang kanyang ama-amahang salamangkero. Ito ay sa isang bayan na matatagpuan sa gitna ng malawak na kagubatan ng Sta. Elena na pag-aari ng kaibigan nitong tao. Ang taong ito ay bantog hindi lamang dahil sa yaman nito at maraming ari-arian, kundi dahil sa kabutihan sa kapwa at libreng pagpapatira sa mga tao sa kanyang lupain kapalit ng pag-aalaga ng mga ito sa lugar. Nakakapanibago ang katahimikan, maging ang bagong kapaligiran. Kahit na nga ba sanay na siyang magpalipat-lipat ng tirahan na buong buhay niya nang ginagawa. Biglang nagbabago ang mga bagay nakasanayan na. Naagaw ng isang pulang rosas sa ibabaw ng lamesitang katabi ng kanyang higaan ang kanyang pansin. At batid niya, hindi niya man nakita, nasisiguro niya na galing iyon kay Hideon. Napapangiti na lamang siya tuwing mapapansin niyang halos wala na itong mga tinik. Ingat na ingat talaga sa kanya ang binatang Levithian. Hindi niya tuloy maiwasang maalala iyong mga napapanood niya sa telebisyon. Tumataba ang kanyang puso tuwing naiisip niyang wala siyang pinagkaiba sa mga pangunahing tauhan sa mga palabas sa telebisyon kung saan ang mga ito ay mga maybahay na alagang-alaga ng kanilang mga asawa. Mayroon din namang hindi mapalad at nakararanas ng pananakit, emosyonal man o pisikal na dalangin niyang sana’y hindi niya maranasan balang araw. Kahit na nga ba mga engkantado’t engkantada sila, alam niya base sa kanyang pagmamasid na wala silang pinagkaiba sa ugali at mga personal na katangian ng mga tao. Sa totoo lang, noong una pa lamang niyang makita si Hideon, may kakaiba na siyang nararamdaman. Hindi niya lamang iyon pinapansin at pilit na iniwawaglit sa kanyang isipin. Ayaw niya lamang bigyan ito ng pagkakataon sapagkat alam niyang mali. At dahil sa pagtatapat ni Hideon sa kanya, nagkaroon ito ng puwang sa puso niya na para bang matagal na itong naroroon at nakalimutan lamang. Ang kakaibang damdamin na iyon ay unti-unti nang lumilinaw sa kanya. Ilang araw na ring hindi nagpapakita si Hideon, ngunit pinapawi ng mga pulang rosas na handog nito tuwing umaga ang kanyang pag-aalala at pangamba para sa posibleng kalagayan nito. Alam niya namang nasa paligid lamang ito at nagmamasid. Maaaring umiiwas na magtagpo sila ni Ceron. Ganoon pa man, dalangin ng puso ni Aurea na makita niya itong muli—ang maamo nitong mukha at magagandang mga mata. Maraming nangyari sa mga nagdaang araw at linggo. Maliban sa bangungot niya na nahanap na siya ni Orlo, dinadalaw rin siya ng mga guni-guni, pira-pirasong pangitain at sa kabila ng tahimik na kapaligiran ay ang mga taong dumadaing sa kahirapan. Ibang-iba sa lungsod kung saan sagana sa kabuhayan. Madalas kumakalam ang kanilang mga tiyan. At dahil likas sa mga Zeldyvian ang tumulong, ganoon na lamang ang kanyang kagustuhan na tulungan silang makabangon sa kanilang pagdarahop at pagdurusa. Kung kaya’t umisip siya ng paraan kung papaano makatulong sa mga taong ito. Sinilip niya si Ceron sa silid nito. Masarap pa ang kanilang tulog ni Quera. Sumisilip pa lamang ang araw sa silangan, gumayak na siya patungo sa bayan. Suot ang paborito niyang pantalon at jacket na may suklob sa uluhan ay nagmamadali siyang umalis. Gusto niyang ipagluto si Ceron nang makabawi naman siya sa lahat ng pagod at sakripisyo nito kahit sa maliit lamang na paraan. Sinadya niyang hindi na ito gisingin dahil alam niya namang hindi siya nito papayagang lumabas. Bakas na ang kahirapan, sa daan pa lang. Napaghulo niyang sa kabila ng malaking pagbabago sa buong mundo, mayroon pa ring naiwan sa laylayan. Sa wari niya’y nakakalimutan na sila ng lokal na pamahalaan. Ang lugar na kanyang namamalas ay isang imahe ng tunay na paghihikahos sa buhay ng mga mamamayang hindi nabibigyan ng wastong pansin at sapat na tulong. “Hija, dito ka na lang bumili sa akin. Sariwang-sariwa pa itong mga gulay ko,” pagtawag ng isang matandang babae sa kanyang pansin. Nakangiti ito sa kanya na kaagad niya namang ginantihan. Namamayat ang ale, lubog ang mga mata at halata ang katandaan sa kulubot na niyang balat. Napatingin si Aurea sa mga paninda nito. “Magkano po rito sa mga gulay n’yo, lola?” Hinawakan niya ang ampalayang tila kaaani pa lang. “Trenta pesos lang ang isang kilo. Gano’n din sa isang bigkis ng sitaw,” magiliw niyang sagot kay Aurea. “Sige po, bigyan n’yo po ako ng kalahating kilo ng ampalaya at sitaw, samahan n’yo na rin po ng bawang, sibuyas at limang itlog.” “Ay, sige!” Masaya nitong isinilid sa plastik ang mga iyon para kay Aurea. Tuwang-tuwa itong mayroong bumili sa kanya sapagkat ang mga naunang nagdaan ay nilagpasan lamang siya. “Heto po ang bayad ko.” Iinabot ni Aurea sa matanda ang hawak niyang limang daan. “Naku, wala pa akong baryang panukli, hija. Ikaw pa lamang ang bumibili sa akin. Teka lang ha, magpapapalit ako sa iba,” paalam niya na noo’y babangon na sana mula sa pagkakaupo sa munti nitong silya. “Hindi na po. Itabi n’yo na `yan.” “Talaga? Naku, hija, hindi na kita tatanggihan, ha? Kailangan ko kasi talaga ng pambili ng gamot para sa apo ko,” paliwanag niya. Maluha-luha itong nakatitig sa kanya na mistulang ganoon na lamang sa pasasalamat sa konting biyaya. “Ano po ba ang kanyang karamdaman?” urirat ni Aurea. “May malubha siyang karamdaman. Sabi ng mga doktor, cancer daw sa dugo. Wala kaming sapat na halaga para ipagamot siya. At sa kanyang kalagayan ngayon, parang palubha pa siya nang palubha,” malungkot nitong kuwento. Tila kinurot naman niyon ang puso ni Aurea. “Oh, heto na, hija. Maraming salamat.” “Wala pong anuman.” Tatalikod na sana siya nang muli itong magsalita. “Kayo ba `yong nakatira doon sa magandang bahay? `Yong kadarating lang noong isang araw mula sa lungsod?” usisa ng matanda. “Opo.” “Ang ganda-ganda mo at ang bait pa. Masaya akong makilala ka. ” Muling nasilayan ni Aurea ang ngiti sa mga labi ng matanda. Magpapakilala pa sana siya sa sa matanda nang may biglang umakbay sa kanya. Kaagad siyang napatingin dito at bumungad sa kanyang paningin ang nakangiting mukha ni Hideon. Kung dati ay natatakot siya at naiirita sa Levithian, ngayon ay natuwa siyang makita ito. “Hideon,” naibulalas niya. “At bakit ka nag-iisa?” Pinandilatan siya nito ng mga mata. “Alam ko namang nasa tabi-tabi ka lang, kaya’t bakit ako matatakot?” pabiro namang balik-tanong ni Aurea kay Hideon. “Halika!” Bigla siya nitong hinatak. Hindi niya na tuloy nagawa pang makapagpaalam sa matanda. “Teka, saan mo ba ako dadalhin?” nag-aalala niyang tanong. Hindi niya maiwasang isipin na nagpapanggap lang itong mabait para madali siyang makuha. “Mamamasyal tayo,” seryoso nitong tinuran. Muling napawi ang kanyang pag-aalala. Huminto siya sa paglalakad bilang pagtutol sa gusto nitong gawin. “Kailangan ko nang umuwi. Ipagluluto ko pa sina Ceron. Hindi ba p’wedeng sa ibang araw na lang?” Napakunot ang noo ni Hideon. “Hindi ba siya marunong magluto para sa sarili niya? Inaalipin ka ba niya?” “Hindi sa gano’n. Gusto ko lang bumawi sa mga sakripisyo niya para sa akin.” “Siya kaya, kailan niya ba nanaising matutunang gamitin ang kapangyarihan niya na hindi niya alam kung saang lupalop nagkukubli para protektahan ka? Hindi siya maaring manatiling ganyan. Hindi ba siya nag-iisip?” Napansin ni Aurea na bahagyang lumungkot ang mukha nito at kababakasan din iyon ng pagkainis. Inayos ni Hideon ang suklob sa kanyang uluhan kaya bahagyang natakpan ang kanyang mukha. Hindi rin naman maiwasan ni Aurea na malungkot sapagkat ang totoo ay gustong-gusto niyang sumama kay Hideon. Iyon nga lang, may iba na siyang nakatakdang gawin sa araw na iyon na hindi niya na maipagpapaliban. Baka magising ang dalawa nang hindi pa siya nakakabalik at tiyak niyang mag-aalala ang mga ito para sa kanya. “Mamayang gabi, susunduin kita,” muling hirit ni Hideon. “Ano? Hindi ka nila maaaring makita,” naibulalas ni Aurea. “Hindi ako magpapakita. Alam ko ang pag-aalalang nasa puso mo at hindi ko rin ibig ng gulo.” Natatakot si Aurea na gumawa ng isang bagay na maaaring ikagalit o ikasama ng loob ni Ceron. Labag sa kanyang kalooban ang magsinungaling sa taong naatasang maging tagapangalaga niya na tapat sa kanya at sa tungkulin nito. Gayun pa man ay napaisip siya, hanggang sa maalala niya ang tungkol sa may sakit na apo ng matandang nakausap niya. Kung kaya’t nag-aalala man, mabilis na nagbago ang isip ni Aurea. Batid niya na mauunawaan ni Ceron kung gagawin niya ang kanyang nasa isip. “Sige, may gusto rin akong puntahan. Samahan mo ako, Hideon.” *** HATINGGABI na nang dumating si Hideon. Gusto niyang siguruhin na walang makakakita sa kanila lalo pa’t alam niya kung gaano na kadelikado ang sitwasyon. Naglibot sila sa buong baryo, na hindi ikinukubli ang kanilang tunay na anyo at kakayahan. Iyon ay upang magawa nila kaagad ang kanilang pakay nang walang sinasayang na panahon. “Aurea, sino ba’ng hinahanap mo? Kanina pa tayo naglilibot sa mga kabahayan. Baka may taong makakita sa atin. Akala ko ba mamamasyal tayo?” tila asar na wika ni Hideon sa kanyang likuran. “`Yong lola na kausap ko kanina. Sandali na lang. Nararamdaman kong malapit na ako sa kanya.” “Kanina mo pa sinasabi `yan. Aabutin tayo ng bukang-liwayway rito, tapos magmamadali ka na namang umuwi sa tagapangalaga mo,” reklamo nito. Marami pa itong sinabi ngunit wala na siyang naunawaan. Hindi naglaon ay nakarinig siya ng tinig ng mga nag-uusap at ang isa sa kanila ay tila sa taong kanyang hinahanap. Gumuhit ang ngiti sa kanyang mga labi at sinundan ang pinanggagalingan ng mga tinig na iyon. Sa hindi kalayuan ay napansin niyang may isang kubo na nakabukas ang bintana at tanging maliit na lampara ang nagsisilbi nitong ilaw. Doon ay natagpuan na nga niya ang matanda. Nakita niya ang hirap ng buhay ng mga ito. Ang kasama nitong babae ay umiiyak habang yakap-yakap ang isang batang babae na natutulog na. Hanggang sa mapansin niya nahiga na ang matanda sa nakatalaga niyang higaan upang matulog. Naghintay sila sandali. Tahimik nilang pinagmasdan mula sa hindi kalayuan ang tatlo. Hindi nagtagal ay natahimik na sila at tila nakatulugan na nang tuluyan ang pagbabantay sa may sakit na bata. Inihakbang ni Aurea ang kanyang mga paa papalapit sa bahay-kubo na iyon, subalit kaagad nahawakan ni Hideon ang kanyang kanang kamay na balak siyang pigilan sa gusto niyang gawin. “Ano’ng gagawin mo? Baka makita ka nila,” pag-aalala ni Hideon. “H’wag kang mag-alala, walang makakakita sa akin. Pagagalingin ko lamang ang bata. Kawawa naman ang pamilya niya,” sagot niya kay Hideon. Noo’y lumuwag ang pagkakahawak nito sa kanya hanggang sa tuluyan na siya nitong bitiwan. Pagkatapos ng mahabang panahon na pinili niyang mabuhay ng normal, muli niyang ginamit ang kanyang kapangyarihan. Tumagos siya sa dingding na kawayan ng kubo at maingat silang nilapitan. Hinawakan niya ang noo ng bata. Hindi naglaon ay may liwanag na namuo sa pagitan ng kanyang palad at sa noo ng bata. Mayamaya lamang ay namula ang kanyang maputlang mga labi, gano’n din ang kanyang balat na tila ba pinanawan na ng dugo at lakas. Ang kanyang nanghihina at nangangayayat na katawan ay hangad ni Aurea na magkaroon ng panibagong lakas na kakambal ng idinugtong niyang buhay sa bata. Samantala, habang pinagmamasdan ni Hideon si Aurea, damang-dama niya ang lalim ng kagustuhan nitong tumulong sa iba. Pinagpala ito. May ginintuang puso. Naisip ni Hideon na marahil ay batid ni bathalang Zaian na lalaking ganoon kabuti si Aurea kung kaya’t ito ang kanyang pinilipi upang mangalaga sa hiyas—sa buhay ng mga minamahal na Zeldyvian ng bathala. Nang dahil sa pagkamangha at namalas niyang kabutihan ay tila lalo pang lumalim ang pag-ibig na nararamdaman niya para sa diwata. Lalong umigting ang kanyang kagustuhang maprotektahan ito upang marami pang matulungan at mapasaya. Ang katulad ni Aurea na isang natatanging diwata ay marapat na pakaingatan at pakaibigin katulad ng kanyang ibinibigay sa lahat ng bagay na nasa paligid niya. Napangiti naman si Aurea nang mapansin niyang gumalaw ang mga mata nito na tila ba nagising niya mula sa pagkakatulog nito. Nagmadali siyang pumihit paalis. Nagmadaling lumayo sa tatlo at binalikan ang naghihintay na si Hideon na noo’y inabutan niya namang nakangiti habang ang kanyang mga kamay ay nakalahad sa dalaga. “Umalis na tayo,” alok ni Hideon. Humawak si Aurea sa mga kamay nito na naghihintay sa kanya. Kaagad siyang tumalima kay Hideon. Hindi pa sila lubusang nakakalayo nang marinig nila ang natutuwang tinig ng matanda. “Maria, apo ko...” Nagkatinginan sila ni Hideon at nagpalitan ng ngiti. “Ano, hanga ka na ba sa kapangyarihan ko?” biro ni Aurea sa Levithian. “Matagal na at hanga rin ako sa malaki mong puso para sa iba. Kinaiinggitan ka ng iyong mga kapatid at ng aking lahi dahil ang totoo, nasa `yo ang lahat ng kakayahan.” Napabuntong-hininga siya. “Nagawa mo na ang gusto mo, masaya ka na ba?” “Nagsisimula pa lang ako, Hideon. Aalagaan ko ang bayang ito sa abot ng aking makakaya.” “Marahil ay kailangan ko na ring simulang ibigin ang lupaing ito,” makahulugang tinuran ni Hideon na nagpangiti kay Aurea. Magkahawak pa rin ang kanilang mga kamay. Sa pagkakataong iyon, kapwa sila masaya sa kakaibang pakiramdam na dulot ng pagkakalapat ng kanilang mga palad. “Ako? Kailan mo kaya sisimulang ibigin?” dugtong pa ni Hideon. Kinabahan si Aurea sa tanong na kanyang narinig. Bumilis ang t***k ng kanyang puso at bigla siyang pinagpawisan ng malamig. Nakaramdam siya ng hiya, ngunit mas tumindi ang paghahangad niyang muling maramdaman ang yakap ni Hideon. Iyon nga lang, hindi niya napaghandaan ang tanong na iyon. Kung sakaling sumagi man ito minsan sa kanyang isip, hindi pa siya nakasisiguro sa kanyang nararamdaman at magiging pasya. Sa ngayon, isang bagay lang ang natitiyak niya. Mahalaga si Hideon sa buhay niya at masaya siya tuwing nakikita ito. Kung iyon na nga ang tinatawag na pag-ibig, may takot siya sa maaaring mangyari. Alam niyang ito ay ipinagbabawal, subalit naniniwala rin naman siyang hindi madidiktahan ng kahit na sino o ng kahit na ano kung ano ang kanyang dapat na maging damdamin at kung sino ang tunay niyang iibigin. Noo’y napaisip siya kung susugal ba siya at magtataksil sa batas ng kanilang mga lahi o susundin ang ibinubulong ng t***k ng kanyang puso. “Mukhang malapit na,” mga salitang kumawala sa kanyang bibig. Gustuhin niya mang bawiin, hindi niya na magagawa dahil gumuhit na ang ngiti sa mga labi ng kanyang kaharap. “Halika na, kailangan mo nang magpahinga. Gumamit ka ng kapangyarihan para sa isang nag-aagaw-buhay na mortal kaya batid kong dobleng pagod ang mararamdaman mo,” paalala ni Hideon. “Akala ko ba, mamamasyal pa tayo?” Napasimangot si Aurea. “Marami pa namang ibang araw. Mas mahalaga ka.” Unti-unti silang nagmistulang usok kaya’t hindi na nakapagreklamo pa si Aurea. Sa loob ng ilang sandali, natutop na lamang ni Aurea na nasa loob na sila ng kanyang tahimik na silid.. “Ano’ng nangyari?” namamangha niyang tanong. “Kaya mo ba `yon?” mapang-asar na balik-tanong ni Hideon. Marahan itong tumawa. “Hindi pa, ngunit ikaw na rin ang nagsabi na nasa akin ang lahat ng kakayahan kaya nababatid kong magagawa ko rin. Subalit sa ngayon, may iba naman akong pamamaraan,” ganti ni Aurea. “Subukan mo sa susunod. Sige, magpahinga ka na.” “Maraming salamat, Hideon.” Napamulagat sila nang kapwa nila maulinigan ang paglagatik ng switch at pagbukas ng ilaw. Magkasabay silang napalingon ni Hideon sa may pinto. Tumambad sa kanila ang mga matang may galit at pagkadismaya. “Anong kalokohan `to?” ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD