CALAI “Mrs. Cervantes, I was able to talk to Julia the other day and asked her some personal questions. Apparently, the situation at your home greatly affects her academic performance, as well as her behavior…” Ilang oras rin ang ginugol ni Calai sa meeting bilang mediator sa isang student at sa kanyang single mom. Sa bandang huli naman ay napag ayos niya ang mag-ina at nakakitaan ng improvement ang bata makalipas ang ilang linggo. Kaya naman tuwing Oktubre, bukod sa mga teachers ay binibigyang pugay din siya ng mga estudyante at mga magulang kasabay ng Teacher’s day.
“Ma’am Calai, salamat po sa weekly na tip mo sa akin, yung sobra po itinatabi ko kaya nakaipon na po ako ng pang noche buena namin,” masayang ibinalita ni Kim sa kanya. “Wow naman Kim, eh higit isang buwan pa ang pasko ah! Hahaha ikaw talaga!” “Eh maigi na yun Ma’am, kasi may balak akong bilihin na regalo para kila mama at papa.” “Napaka buti mo talagang bata ka! O siya, pasok na muna ako sa bistro ha, ikaw nang bahala dito.” “Yes Ma’am!” Saludo ng binatilyo kay Calai.
“Good afternoon Ma’am, maaga po tayo ngayon ah,” bati ng waiter sa kanya. “Oo kuya, nag leave kasi ako, pero eto bitbit ko ang ilang trabaho. Pa order nga po ng beef salpicao tsaka iced tea.” “Okay Ma’am, pahintay lang po.”
Inilabas ni Calai ang kanyang pencil case, planner binder, at ilang modules na kailangan niyang ireview para sa nalalapit na career orientation day ng mga estudyante. Sa loob ng binder planner ay hindi mawawala ang post it notepads niya. Mahilig kasi siyang magsulat ng mga notes, kung minsan ay iniiwan niya sa desk ng mga bata, o kaya naman ay sa table ng mga teachers na kaibigan niya. Eksaktong pumasok sa bistro ang bokalista ng Before Sunrise na si Chris. Napalingon siya dito, ngumiti, atsaka bumalik ang mata sa binabasa. Inihatid na ng waiter ang order niya, ngunit hindi pa siya agad nakakain dahil tinatapos niyang basahin ang nasa isang blue folder.
CHRIS “Iced tea nga please,” hiling ni Chris sa bartender. “Here you go, sir.” “Salamat.” Inikot ni Chris ang paningin sa loob ng bistro. Ganitong oras pala ay kakaunti pa lang ang tao. Tinungo niya ang lamesa malapit sa gilid ng stage. Doon sila namamalagi ng kanyang mga ka-banda tuwing naghihintay ng set nila. Muli ay iginala niya ang mata sa mga taong nakapaligid. May isang lamesa na tila may meeting, sa kabilang gawi naman ay nagde-date, sa bar ay may ilang mga lalaki na umiinom na ng beer. “Ang aga pa ah,” nasabi niya sa kanyang isip. Napukaw ang kanyang atensyon ng isang babae na mag isang kumakain habang binabasa ang nasa isang dilaw na folder. Napako ang tingin niya dito nang buksan nito ang kanyang binder planner at matanaw niya ang isang pahina na puno ng post it notes. Mataman niyang binantayan ang galaw ng dalaga at lingid sa kaalaman niya ay napatayo na siya at dahan dahang lumapit sa lamesa nito.