CALAI “Oh my god, I love that song!” sigaw niya sa kaibigan, na nasa pangatlong bote na ng beer. Pambungad na kanta pa lang ng banda, pero hindi na magkamayaw ang mga tao sa pagsigaw at pagsabay sa kanila. Kaya naman minabuti na ng magkaibigan na lumabas muna. May mga naka set up rin namang lamesa at upuan sa may porch ng bistro. “Two black coffees please,” order ni Austin sa dumaan na waiter. “That is noted, sir, pahintay na lang po,” magalang na sagot naman ng batang waiter. “Nagkita na ba kayo ng mga boys?” tanong ni Calai kay Austin. “Hindi pa. Alam mo namang ikaw ang inuuna ko kapag umuuwi ako. Tsaka wala na rin ako sa mood makipagsabayan ng inom sa kanila. Di na tayo bumabata, pero kung magpuyat sila eh para bang mga college students pa rin tayo. Ayoko na ng ganun,” litanya ng kaibigan. Taas kamay namang sumagot si Calai, “Okay, tinatanong ko lang naman, ito talaga.” Matamis namang ngumiti si Austin.
Rinig naman sa labas ang tugtugan galing sa loob. Kaya naman na enjoy pa rin nilang magkaibigan ang musika habang sumisimsim ng mainit na kapeng barako. Marami pa ring dumadating na mga tao. May mga pamilyar na mukhang nakikita si Calai, mga madalas din manuod ng gig katulad niya. Maging ang mga waiters ay kilala na rin siya, pati ang parking boy na matiyagang nagbabantay ng sasakyan niya tuwing Huwebes na nanunuod siya ng gig. Kung minsan kasi ay maagang napupuno ang parking kaya sa gilid ng kalsada na lang siya pumaparada, at binabantayan na lang ng isang binatilyo para makalipat siya kapag may nabakanteng parking slot.
“Ano na naman ang iniisip mo…” basag ni Austin sa sandaling katahimikang namagitan sa kanila. Pagkatapos huminga ng malalim ay sumagot si Calai, “Wala, eto naman. Alam mo namang mahilig ako manuod ng mga taong dumaraan di ba. Iyong isang babaeng yun, last week ibang lalaki ang kasama niya dito, hahaha! Iyon namang dumaang matangkad na naka blue shirt at maong pants, palagi ko rin nakikita sa gigs. Ilang beses na rin nag attempt makipag small talk. Buti nga kasama kita ngayon kaya hindi lumapit.” “Hindi ka pa rin ba nagpapaligaw?! Calai ah, baka tumanda kang dalaga niyan!” kantiyaw ni Austin. “Hmmm. Nandiyan ka naman buds di ba. Ayos na ko. Kaysa naman masaktan na naman ako…” “Buds, it’s been 7 years. Kala ko ba naka move on ka na?” “I did! Pero na trauma ako Austin. Feeling ko hindi ko na kayang magtiwala pa…” Hinawakan na lamang ni Austin ang kamay ng kaibigan at hinalikan ang likod ng palad nito. Mga isang oras pa ang lumipas bago sila nag desisyong umuwi na dahil may pasok pa ang dalaga kinabukasan.