CHRIS “Gaano katagal nga tayo sa Subic?” tanong ni Chris kay David, ang kanilang manager. “Friday morning tayo aalis, balik natin Sunday night na. Friday at Sabado ng gabi ang mga gig, sa hotel lang rin naman kung saan tayo mag stay,” sagot ni David. “So may gig pa kami sa Anonas ng Huwebes?” “Ayieee talagang ayaw mong ma-miss yung request ah,” biro ni Lee kay Chris. “Pero last week wala ah? Kaya ba looking forward ka sa Huwebes, Chris?” kantyaw na naman ni Lee habang tumataas baba pa ang kilay na naka ngisi sa kaibigan.
Highschool pa lang ay magkaka barkada na sila Chris, Lee, Jad, at Martin. Noon pa man ay pangarap na nilang sumikat. Madalas silang manalo sa mga battle of the bands, at suportado ng kani kanilang pamilya ang kanilang passion sa pagtugtog. Mabait silang magkakaibigan- magalang sa mga nakakatanda, may respeto sa mga babae, at walang mga bisyo. Bukod kay Martin na naninigarilyo. Paminsan minsang nagkakainuman sila, pero hindi nagpapaka lango. Sa isang university naman sa Intramuros grumaduate ang magkakaibigan. Sila Chris at Lee ay licensed architects habang licensed engineer naman sila Martin at Jad. May maliit na firm din silang itinatag, na siyang day job nila.
“Lee, I forwarded the permits to your office, please have it checked,” ani Martin. “Okay pre, I’ll just meet with one of our clients and I’ll make sure to review the papers and submit it for processing,” sagot naman ng kaibigan. “Chris, paki puntahan naman yung building sa Alabang, the contractor will meet you there,” bilin naman niya sa isa pang kaibigan. “Roger that, Mart, thanks.” Maagang natapos ang meeting sa contractor kaya naman naisipan ni Chris na pumasyal sa kalapit na mall. Mabuti na lang at weekday kaya walang masyadong tao, hindi siya pagkakaguluhan dito. Malaya siyang nakakain sa isang Italian restaurant, at nakapamili ng mga damit na gagamitin para sa out of town gig nila. Bumili rin muna siya ng pizza at fried chicken bago bumiyahe pabalik ng Makati, para sa mga kaibigan niya.
Maagang dumating sa bistro si Chris para sa kanilang gig. Madalas niya namang ginagawa ito, baka sakaling makita niya kung sino ang nag aabot ng request. Sa post it note pad nakasulat ang request, iba ibang kulay iyon. Kahit kilala na ng mga waiters ang karamihan sa mga fans nila ay hindi nila matukoy kung kanino nanggagaling ang post it dahil sabay sabay ang pag abot ng mga customers sa kanila. Unti unti na ring napupuno ang bistro ng mga magdi dinner, yung iba ay direcho nang manunuod ng gig nila. Marami na rin siyang naging kaibigan dahil sa trabahong ito. Marami ring babae ang sumusubok na kuhanin ang atensyon niya. Ngunit mailap ang binata. Matagal na rin magmula ng mag break sila ng kanyang girlfriend. Mutual decision kung tawagin nila, dahil tumulak papuntang America ang dalaga upang alagaan ang kanyang inang nagkasakit. Ang huling balita ni Chris ay may nobyo na ito at malapit nang ikasal. Saglit pa ay dumating na rin ang mga ka banda kaya umorder na rin sila ng pagkain.