***Mira POV***
"KAMUSTA school, nak?"
Tumingin ako kay papa habang ngumunguya. Nilunok ko muna ang pagkain.
"Ayos lang po, pa."
Tumango tango si papa. "Baka may dumidiskarte na naman sayo, ha. Lagi mong tatandaan ang sinabi ko."
Ngumuso ako. "Opo, pa."
"Masyado naman po yata kayong mahigpit kay Mira, pa." Ani Kuya Felix.
"Oo nga po, pa. Bakit sila kuya high school pa lang may mga girlfriend na." Kunwaring protesta ko.
Sa dalawa kong kuya ay maluwag si papa. Nakailang girlfriend na nga sila at dinadala pa dito sa bahay para ipakilala sa kanila ni mama. Tapos sa akin, sobrang higpit. Curious lang ako.
"Iba naman kasi ang mga kuya mo, bunso. Mga lalaki sila. Walang mawawala sa kanila." Tugon ni papa.
"Masyado ka lang kasing praning, Lauro. Akala ko ba hindi ka naniniwala sa hula noon ni Ka Tureng." Saad ni mama.
Napatingin kaming lahat sa kanya.
"Ano pong hula ni Ka Tureng, ma?" Tanong ni Kuya Dany.
"Ang hula noon ni Ka Tureng dito sa kapatid nyo ay maaga daw mabubuntis. Kaya ganyan kahigpit ang papa nyo sa kanya."
"Sos! Hindi naman talaga ako naniniwala sa hula na yun ni Ka Tureng. Natural lang na maging mahigpit ako dahil nag iisang babaeng anak natin sya at bunso pa." Katwiran ni papa.
"Hay naku! Ewan ko sayo, Lauro." Sambit na lang ni mama.
"Ewan ko rin sayo." Panggagaya ni papa kay mama sa mahinang boses pero dinig naman naming tatlong magkapatid.
"Anong sabi mo, Lauro?" Inis ng tanong ni mama na mahigpit ang hawak sa tinidor.
Sabay sabay naman kaming napatinging magkakapatid kay papa.
'Paktay ka Mang Lauro. Mapupuksa ka ni Aling Valen.'
Nanlaki ang butas ng ilong ni papa sabay dampot sa baso nyang may lamang tubig at uminom.
"Wala. Ang sabi ko ewas muna si Mira sa mga lalaki." Palusot ni papa na muntik na naming ikatawang tatlo nila kuya.
Hindi na umimik si mama pero masama pa rin ang tingin nya kay papa. Si papa naman ay patay malisya lang na nagsandok pa ng kanin.
Matapang si papa at pinangingilagan ng ibang tao. Pero tiklop sya kay mama lalo na kapag galit na ito.
--
"HMP! Ano ba yan piggy! Ang bastos mo naman!" Reklamo ko nang mabasa ako dahil nagwagwag ang baboy na pinapasiritan ko ng tubig gamit ang hose.
Pinahid ko ng braso ang pisngi na natalsikan ng tubig. Ibang baboy naman ang pinasiritan ko.
Sabado ngayon kaya tumulong ako dito sa babuyan namin. Tumutulong talaga ako sa mga gawain dito kapag walang pasok.
Nasa parteng likuran ng bahay namin ang babuyan. Ilang metro lang ang layo nun sa mismong bahay. Nasa kulang kulang limang daang piraso ang mga baboy namin ngayon hindi pa kabilang ang mga biik na bagong silang. Mahigit sampung taon ng nagbababoy si papa. Naalala ko noong bata ako ay dalawang pirasong baboy pa lang ang inaalagaan nya hanggang sa unti unting dumami. Maganda ang kita sa baboy. Yun nga lang kapag nagkakasakit ay damay damay ang lahat kapag hindi naagapan. Ganun ang nangyari sa babuyan namin dati. Halos sabay sabay na nangamatay ang mga baboy hanggang sa wala ng natira. Pero hindi pinanghinaan ng loob si papa. Nagpahinga lang sya at nagsimulang muli. At heto na nga, dumadami na naman ang mga baboy namin.
Bukod sa pag aalaga ng mga baboy na kakatayin ay nag li-litson na rin kami. Malakas ang litsunan namin at hindi nawawalan ng order. Hindi lang kasi sya basta inihaw lang sa nagbabagang uling kundi nilalagyan pa yun ni papa ng sikretong timpla kaya malinamnam ang lasa.
Pinatay ko ang hose at napapalatak na tiningnan ang damit na basa na. Ang liligalig kasi ng mga baboy.
"Hays! Basang basa na talaga ako. Ang liligalig nyo kasing mga baboy kayo. Ang sarap nyong litsunin." Sambit ko.
"Baka sumagot yang mga yan." Biro ni Aries. Ang isa sa mga caretaker namin dito sa babuyan at kababata ko na rin.
"Ano namang isasagot nila?" Nakangusong tanong ko.
"Deserve." Nakangising tugon nya.
"Ah, deserve pala ha. O, heto." Tinutok ko sa kanya ang hose at pinasiritan sya ng tubig.
Nagulat naman sya ng tumama direkta sa kanya ang tubig. Ngunit di sya nagpatalo at siniritan din ako ng tubig. Kaya ang ending ay nagbasaan kami habang tumatawa.
"Susmaryosep! Ang sabi ko ay paliguan nyo ang mga baboy hindi kayo ang maliligo."
Agad naming pinatay ni Aries ang hose ng biglang dumating si papa.
Kakamot kamot sa ulo si Aries habang ako naman ay napakagat labi. Para kaming mga bata na nahuling gumawa ng kalokohan.
Salitan pang tumingin sa amin ni Aries si papa. Pero nagtagal ang tingin nya kay Aries.
"Oy Aries, napapansin ko panay ang dikit mo dito sa bunso ko. Dinidiskartehan mo ba sya?"
"Pa!" Bulalas ko.
"Hindi po, Mang Lauro. Friends lang po kami ni Mira." Nakangusong sabi ni Aries.
"Prens prens.. Siguraduhin mong prens lang ha. Kung hindi, hahalik ka sa talim ng itak ko. Bawal pang ligawagan ang bunso ko. Naiintindihan mo?" Paninindak pa ni papa kay Aries na kakamot kamot lang ng ulo.
"Opo, Mang Lauro. Hindi ko naman po nililigawan si Mira."
"Sooos! Pero kaninang nagbabasaan kayo kilig na kilig ka ah. Feeling mo nasa pelikula kayo ha. Hmmp nako! Nanggigigil ako sayo Aries."
"Si Mang Lauro talaga.."
"Aba't bubulong bulong ka pa. Doon ko na sa kabilang coral at paliguan ang mga baboy doon at hindi yung anak ko ang pinapaliguan mo." Utos ni papa.
Agad namang tumalima si Aries.
Nahiya naman ako sa kanya. Masyado na kasing oa si papa.
"Pa naman.. bakit nyo naman ginanun si Aries. Nakakahiya sa kanya." Sita ko kay papa.
Humarap naman sya sa akin at namaywang. "At baket? Pinagtatanggol mo sya?"
"Pa, di naman sa ganun. Pero ang oa nyo na, eh. Kaibigan ko si Aries. Magkakabata kami. Kalaro ko nga sya noong maliit pa ako di ba?"
Umingos si papa. "Noon yun. Mga bata pa kayo noon. Pero iba na ngayon. Yung mga ganung kilos ni Aries sayo, basang basa ko."
Napakamot na lang ako sa batok. "Ewan ko na lang po sa inyo, pa."
"Aba't! Mira. Di ko gusto yang tono ng pananalita mo, ah."
Bumuntong hininga ako. Nakonsyensya naman ako. Mabait si papa sa akin. Mabait sya aming magkakapatid. Mas mabait nga lang sya pagdating sa akin dahil nag iisang babae ako at bunso pa. Never ding dumampi ang kamay nya sa akin kahit pinapagalitan nya ako. Lahat din ng gusto ko ay binibigay nya. Spoiled ako sa kanya.
"Sorry po.." Sambit ko.
Bumuntong hininga rin si papa at lumapit sa akin.
"Alam kong minsan naiinis ka sa akin dahil hinihigpitan kita sa mga lalaki. Pero pinangangalagaan lang kita anak. Lalo na ngayong dalaga ka na. Maraming mga lalaking nag aabang na masilo ka. Aba'y hindi ko hahayaang mangyari yun. Hahayaan naman kitang magpaligaw at magnobyo pero dapat tapos ka na ng pag aaral. Alam mo naman sa pamilya natin na importanteng makapag tapos ng pag aaral."
"Alam ko po yun, pa. Lagi ko naman pong tinatandaan ang mga pangaral nyo sa akin." Nakangiti ng turan ko.
"Mabuti kung ganun. Sige na, umuwi ka muna sa bahay at magbihis. Para ka ng basang biik. Baka pagalitan pa ako ng mama mo at sabihin na pinabayaan kita dito."
"Opo, pa."
Binitiwan ko na ang hose at naglakad na pabalik ng bahay.
--
"WOW! Salamat sa pa-bag Ate Stacey." Tuwang sambit ni Nene na tumatalon talon pa habang yakap yakap ang bagong bag na bigay ni Ate Stacey. At hindi lang yun basta bastang bag kundi isa yung luxury bag na halos umabot sa 6 digit ang presyo.
Hindi lang si Nene ang binigyan ng luxury bag ni Ate Stacey kundi kaming lahat na magpipinsan na babae. Pati ako ay nakatanggap at labis ang tuwa ko dahil yung gusto ko pang luxury brand ang binigay nya sa akin.
Galing sila ni Kuya Bryce sa Italy at namili sya doon ng pasalubong sa amin. At ang bongga ng pasalubong nya sa amin.
"Thank you ulet, Ate Stacey. Sobrang bait mo talaga." Sabi ko na kinikilig pa rin sa luxury bag.
"You're welcome." Malambing na sambit ni Ate Stacey na nakangiti pa. Para syang anghel na nakangiti. Maamo pa ang magandang mukha.
"Hindi talaga nagkamali si Kuya Bryce ng babaeng pakakasalan nya. Hindi ka lang maganda kundi generous pa." Wika ni Ate Badet na sinang ayunan pa naming magpipinsan.
"Binola nyo pa ang fiancee ko." Nakangising wika ni Kuya Bryce na kabababa lang ng hagdan.
"Bakit? Hindi ba ako totoong maganda?" Nakangusong tanong ni Ate Stacey kay Kuya Bryce.
"Oo nga kuya, parang pinagdududahan mo ang kagandahan ni Ate Stacey." Buyo ni Ate Mariel.
"Of course not." Natatawang tugon ni Kuya Bryce at lumapit kay Ate Stacey sabay halik sa gilid ng labi nito.
Sabay sabay naman kaming napa 'ayie' dahil sa kilig. Nakakakilig naman kasi silang dalawa. Perfect couple talaga. Maganda si Ate Stacey tapos ang gwapo pa ni Kuya Bryce. Para silang mga bida sa romance pocketbook na nababasa ko. Ganun ang atake nila.
*****