“WHAT happened to your tenga? Parang ube halaya! OA sa pagka-violet!” tanong ni Prima kay Apollo habang nagpupunas siya ng mga monitor ng computer sa internet shop. Nakaupo ito sa harap ng main computer na ginagamit niya. Akala mo ay ito ang nagtatrabaho roon.
Lunes na naman kaya umpisa na ng trabaho niya roon. May sweldo siya kahit paano. Dalawang libo kada buwan. Ang sabi ng Tiyang Precy niya ay huwag na siyang mag-request ng increase dahil sa libre naman ang pagtira niya sa bahay ng mga ito at maging ang pagkain at iba pang pangangailangan.
Alam niya na maaari siyang umalis na lang sa poder ng malupit na tiyahin at magtrabaho sa iba na susweldo siya ng mas malaki ngunit ayaw niya iyong gawin. Bukod sa pagtanaw ng utang na loob ay iniisip niya na baka isang araw ay biglang bumalik ang nanay o tatay niya tapos nasa ibang lugar siya. Siyempre, gusto niya na makikita siya agad ng mga ito.
“Tinanong mo pa? E, sino ba ang nakita mong pumipingot sa akin kahapon?”
“Ah, si Tiyang Precy mo. Ang tita mong dragon!” Tawa ni Prima.
Payat si Prima at palaging may lipstick na pula sa labi. May headband na kulay puti at ang buhok ay hanggang batok. Palagi itong nakangiti. Ang paborito nitong isuot ay fit na t-shirt at shorts na ang haba ang hanggang sa itaas ng tuhod nito. Minsan ay mas maikli pa. Maliit ang boses nito. Sinasadya nitong ipitin pero madalas ay malambot talaga itong magsalita.
Marami man ang nagbibigay ng malisya sa pagkakaibigan nila dahil sa lalaki siya at bakla si Prima ay hindi nila iyon binibigyan ng pansin. Ang mas importante ay alam nilang dalawa na tunay silang magkaibigan.
Naging magkaklase sila simula elementary hanggang high school. Nagpatuloy ito sa pag-aaral sa kolehiyo habang siya ay huminto na. Hanggang high school na lang daw siya, sabi ng Tiyang Precy niya. Wala naman daw siyang magiging matinong trabaho dahil sa kuba at pangit siya. Hindi raw ito tanga para pag-aksayahan siya ng pera para sa college. Ngunit kung tatanungin ay gusto niyang maging architect. Iyong magpaplano siya sa pagtayo ng bahay at kung anu-ano pa. Naging pangarap niya iyon dahil sa impluwensiya ng tatay niya na isang mahusay na karpintero.
“Ingay mo. Baka mamaya nandiyan iyon sa labas, marinig ka!” saway ni Apollo sa kaibigan.
Umirap si Prima. Kumuha ng pamunas at tinulungan na siya. Ilang oras na lang kasi ay malapit na niyang buksan ang shop. “Hindi ako natatakot sa tita mo, `no! Saka mukha naman talaga siyang dragon. Parang `yong master doon sa nilalaro natin sa computer na Wild Legends!”
Natawa na rin si Apollo. Bumubuga kasi ng apoy ang dragon na tinutukoy nito. Iyon ang paborito nilang laruin sa computer pero nakakapaglaro lamang siya kapag walang customer. Iyon ay lima kayong magkakampi na iba’t iba ang characters. May fighter, mage, tank, marksman at assasin. May ibang grupo kayong makakalaban. Isa sa madalas na gawin ng player ng Wild Legends ay ang patayin ang malaking dragon dahil tutulungan nito ang grupong makakatalo rito para sirain ang tore ng kalaban.
Nang makita ni Apollo na merong dalawang binatilyo na nag-aabang sa labas ng internet shop ay inilagay na niya ang sign na OPEN sa harap ng pinto. Pumasok na ang dalawa at pumwesto sa magkatabing computer.
“Kuya, tig-isang oras po kami!” turan ng isa sa mga binatilyo.
“Sige,” tugon niya.
Nagkatinginan sila ni Prima.
“O, pa’no? Gora na ako, ha. Magpe-prepare pa ako sa pagpasok sa school. See you later na lang, friend!” Pagpapaalam ni Prima at umalis na ito.
Routine na iyon ni Prima. Palagi siya nitong tinutulungan sa pagbubukas ng internet shop. Alam kasi nito na nahihirapan siyang abutin kapag mataas na kagaya ng mga CPU dahil sa bukol sa likuran niya. Talagang malaking tulong si Prima sa kaniya.
Pumwesto na ng upo si Apollo sa harapan ng main computer. Nasa gilid iyon ng pinto. Sa pamamagitan niyon ay nagagawa niyang kontrolin ang anim na computer na naroon para patayin o buhayin at lagyan ng timer para kusang mamamatay kapag ubos na ang oras ng gumagamit ng computer.
Si-net na niya ang computer ng dalawang binatilyo ng tig-isang oras at habang nagpapatay ng oras ay naglaro siya ng Wild Legends.
Ganito ang palagi niyang ginagawa mula Lunes hanggang Sabado. Gigising ng ala-singko ng umaga, mag-aalmusal, liligo, magbibihis at magpupunta na sa internet shop para magtrabaho.
NAG-UNAT ng katawan si Apollo nang sa wakas ay matapos na ang huling customer niya para sa araw na iyon. Nagsasara talaga siya ng alas nuebe ng gabi ngunit inabot na siya ng alas diyes dahil sa dumating ito ay magsasara na sana siya. Bilang customer ito at wala pang closing ay kailangan niya pa itong i-entertain.
Dito na rin siya nagtatanghalian at hapunan. Sa labas ay may karinderya at bumibili siya roon ng pagkain. Sariling pera niya ang ginagamit niya kaya hindi siya gaanong nakakaipon. Sa ngayon kasi ay gusto na niyang magkaroon ng sariling cellphone para hindi na siya nakikihiram palagi kay Prima.
Maya maya ay isa-isa na niyang pinatay ang mga computer. Matapos iyon ay pinatay na niya ang ilaw at sinigurong nakalock ang pinto ng internet shop bago siya naglakad pauwi.
Sa gitna ng paglalakad ni Apollo ay naramdaman niya na nag-iinit ang gintong susi na nakakuwintas sa kaniya. Tatlong pulgada ang haba ng susi na iyon. Minsan na iyong pinag-interesan ni Tiyang Precy. Puwersahan nito iyong kinuha sa kaniya para isangla sa pawnshop. Ngunit pagdating doon ay nalaman nito na wala iyong halaga kaya ibinalik sa kaniya. Wala mang halaga ang susi na iyon para sa iba, para sa kaniya ay iyon ang pinaka mahalagang bagay na meron siya. Sapagkat iyon ay nagsisilbing alaala ng kaniyang ama kaya palagi iyong nakasabit sa kaniyang leeg.
Napahinto siya sa paglalakad. Hinawakan niya ang gintong susi. Umiinit nga iyon. Nagulat pa siya nang tila may bumulong sa kaniya. Boses ng isang babae at ang sabi ay pumunta siya sa kubo kung saan sila dati nakatira ng kaniyang ama’t ina. Ang kubo kung saan siya isinilang at naging bata.
Luminga siya sa paligid nang may pagtataka. Baka kasi binibiro siya ni Prima o nina Max ngunit wala nang tao sa kalsada kundi siya lamang. Sarado na rin ang lahat ng bahay. Ganoon talaga madalas sa probinsiya. Maaga pa lang ay tulog na ang mga tao.
Ipinilig ni Apollo ang ulo. Pagod lang siguro siya kaya kung anu-ano ang naririnig niya.
Ipinagpatuloy niya ang paglalakad papunta sa bahay ni Tiyang Precy ngunit mas tumitindi ang init. Dumating na sa puntong para iyong nagliliyab na apoy!
“Aray! Aray!” igik niya. Inaalis niya ang kuwintas pero hindi niya magawa. Tila may kung anong hindi nakikitang puwersa ang pumipigil sa kaniya.
Medyo tinatablan na tuloy siya ng takot. Pinaglalaruan ba siya ng maligno?!
“Ano bang nangyayari?! Bakit hindi ko mahubad ito?!” tukoy niya sa kuwintas.
Magtungo ka sa kubo ng iyong ama’t ina, Apollo. Puntahan mo ako roon... Hihintayin kita... Muli niyang narinig ang boses. Sa pagkakataon na iyon ay mas klaro at malinaw!
May bahagi ng utak niya na nagsasabing umuwi na lamang siya at huwag sundin ang tinig. Ngunit meron ding bahagi niyon ang nagsasabi na sundin niya iyon.
Magkataliwas ang direksiyon ng bahay ni Tiyang Precy at ang kubo nila.
Sa pagtalikod ni Apollo para maglakad sa kubo nila ay naramdaman niya ang pagkabawas ng init ng gintong susi na nakaditi sa may dibdib niya. At nang mag-umpisa siyang maglakad sa direksiyon ng kanilang kubo ay nakakapagtaka na unti-unti iyong lumalamig na para bang yelo ang palawit ng kuwintas na suot niya.
Masarap sa pakiramdam ang lamig na nagmumula sa kuwintas. Pinapayapa ang puso niya at pinapakalma ang utak niyang maraming iniisip.
Hanggang sa matagpuan ni Apollo ang sarili na nakatayo sa harap ng kubo kung saan naroon ang masasayang alaala noong buo pa ang kaniyang pamilya. Bumalik tuloy sa memorya niya ang mga araw na gumigising siya sa tawa ng kaniyang tatay habang nakikipagkuwentuhan sa kaniyang nanay. Tapos magkakasabay silang kumakain ng almusal. Aalis ang tatay niya para magtrabaho habang nakikipaglaro ang nanay niya sa kaniya. Nag-aagaw ang liwanag at dilim saka darating ang tatay niya. Kakain sila ng hapunan at sa pagtulog ay magkakatabi sila sa papay na yari sa kawayan.
Nakaka-miss talaga ang araw na iyon. Hindi siya nawawalan ng pag-asa na muli niya iyong mararanasan.
Hindi namalayan ni Apollo ang paglalandas ng luha sa kaniyang pisngi. Nang kumurap siya ay saka niya iyon napansin. Gamit ang palad ay pinunasan niya ang luha sa mukha.
Ano bang ginagawa niya rito? Ang mabuti pa ay umuwi na siya at baka mapagalitan pa siya ni Tiyang Precy kapag hindi niya naisulit agad ang kinita ng internet shop para sa araw na iyon. Baka kung ano pa ang isipin nito at mapingot ulit siya.
Akmang tatalikod na si Apollo nang biglang may lumiwanag sa loob ng kubo. Isang puting liwanag na para bang nagmumula sa isang bagay!
Napamaang siya. Nakakapagtaka na merong ilaw sa loob ng bahay. Simula nang ihabilin siya ng kaniyang ama kay Tiyang Precy ay wala na roong tumira. Paminsan-minsan ay nagpupunta siya rito para bumisita. Nakakapagtaka nga na sa tagal ng panahon ay hindi man lang nabubulok ang haligi, dingding, sahig at bubong ng bahay.
Apollo, pumasok ka. Oras na para malaman mo ang iyong tunay na pagkatao...
Ang boses! Narinig niyang muli! At bakit tila nanggagaling na iyon sa loob ng kubo?