bc

The Lost Son Of Velaris

book_age12+
37
FOLLOW
1K
READ
adventure
no-couple
lighthearted
bold
magical world
war
weak to strong
like
intro-logo
Blurb

Palaging binubully si Apollo sa mundo ng mga tao dahil sa kaniyang panlabas na anyo. Nang matuklasan niya ang mahiwagang mundo ng Velaris ay doon niya naranasan kung paano ang mahalin at tanggapin. Ngunit paano kung matuklasan niyang siya pala ang matagal nang hinihintay ng mundong iyon upang tuluyan na itong makawala sa kamay ng kampon ng kadiliman na si Periya?

chap-preview
Free preview
CHAPTER I
          VELARIS... Isang napakaganda, mahiwaga at kakaibang mundo na tahanan ng mga Velarian. Sila ang mga pinagpalang nilikha ni Bathala na magkaroon ng kapangyarihan na wala ang ibang nilalang. Ang Velaris ay tinatawag na mundo ng tubig at yelo. Malamig ang klima ngunit nababalanse iyon ng init na nagmumula sa kanilang sariling araw. Nahahati ang Velaris sa apat na regnu o lugar. Ang Louska, Rahim, Aedion at Ta’ra. Sa Louska naninirahan ang mga mandirigmang Velarian. Sila ay bihasa sa pakikipaglaban at paggawa ng sandata. Sa Rahim ay ang bahaging pinaka maganda dahil nandito ang malaking bahagi ng kagubatan sa Velaris. Mahusay naman sa paggawa ng gamot ang mga Velarian sa Rahim. Naroon din ang malaking pamilihan na kung saan ay matatagpuan ang lahat ng iyong nais at kailangan na kagamitan. Ang Aedion ay ang katubigan. Malawak ang karagatan sa Aedion kaya ang mga nananahan rito ay nakatira sa malalaking balsa, bangka o mga bahay na nakalutang sa tubig. Mahusay sila sa paglangoy at panghuhuli ng isda. At ang panghuli—ang Ta’ra. Ito ang pinakamataas na bahagi sa Velaris na mararating sa pamamagitan ng pagtawid sa maraming matataas na tulay. Mapanganib ang pagtungo sa lugar na ito dahil na rin sa labis ang taas ng bundok na dapat tahakin. Ngunit sa tuktok ng Ta’ra ay naroon ang napakaganda, napakalaki at napakataas na palasyo ng Velaris. Sa palasyo ay nakatira ang hari at reyna na siyang namumuno at nagpapanatili ng balanse at kapayapaan sa Velaris. Ang mga Velarian ay magagandang nilalang ni Bathala. Ang lahat ng Velarian ay biniyayaan ng kakayahan na makontrol ang tubig at yelo. Meron silang kakaibang kapangyarihan sa paggamit ng nasabing elemento. Kaya nilang tunawin ang yelo at gawing yelo ang tubig... Tahimik, masaya at mapayapang naninirahan ang mga Velarian sa Velaris ngunit iyon ay nagbago simula nang isilang ang isang sanggol. Isang sanggol na ayon sa propesiya ni Hiraya ay ang siyang magdadala ng apoy sa Velaris. Tila tama si Hiraya dahil ang naturang sanggol ay may naglalagablab na mga kamay! Ayon pa kay Hiraya, ipinadala ng impyerno ang sanggol na iyon upang guluhin ang mapayapang mundo ng Velaris...   MASUYONG pinagmasdan ni Isidro ang walong taong gulang na anak na lalaki—si Apollo. Natapos na niyang basahin ang unang pahina ng makapal na aklat na kaniyang hawak. Nakakandong si Apollo sa kaniya mula sa pagkakaupo sa labas ng kanilang maliit na kubo na sa harapan ay may malawak na palayan. Katamtaman ang init ng araw ng tanghali na iyon. Kanina ay binuksan ni Apollo ang malaking baul na yari sa makapal na kahoy at nakita nito ang isang malaking aklat na ang pabalat ay yari sa magandang uri ng kahoy. Walang kahit na anong nakasulat o nakaukit sa harapan niyon ngunit kapag iyong binuksan ay mababasa mo ang napakagandang mga salita tungkol sa kasaysayan ng isang lugar na kung tawagin ay Velaris. “Tatay, totoo po ba ang Velaris?” inosenteng tanong ni Apollo. Isinara ni Isidro ang aklat at inilagay iyon sa espasyo sa gilid ng mahabang upuan. Binuhat niya ang anak at itinayo sa harapan. Matiim niya itong tiningnan sa mata. “Oo, anak. Totoo ang Velaris. Pati ang mga Velarian ay totoo.” Mahina niyang sabi na sinundan niya ng pagngiti. “T-talaga po, `tay?” Namilog ang mata ng batang si Apollo. “Oo. Huwag kang maingay pero ang nanay mo ay isang Velarian. Hindi siya naninirahan dito sa Earth kundi sa Velaris. At ikaw ay half-tao at half-Velarian, anak!” “Paano po iyon nangyari, `tay? Ang sabi mo, magagandang nilalang ang mga Velarian? Bakit po meron akong bukol sa likod? Tapos meron pa akong peklat sa kalahati ng aking mukha?” Malungkot na tanong ni Apollo. “Iniisip mo ba na iyan ay isang kapintasan?” Tumango ito. “Mali, anak. Iyan ay biyaya sa iyo ng Diyos. Aba, isinilang ka ng iyong ina na meron ka nang ganiyan. Ang ibang bata ba ay meron niyan? Hindi ba’t wala?” “Pero pinagtatawanan nila ako dahil sa mukha at likod ko, `tay... W-wala tuloy akong nagiging kaibigan.” “Anong wala? Anong tawag mo kay Primotivo? Kaibigan mo siya. Nakikipaglaro siya sa iyo kahit na kuba at meron kang peklat sa mukha.” “Iyon na nga po, e. Dahil sa kaibigan ko si Primotivo ay pinagtatawanan nila akong lalo. Bakla kasi si Primotivo kaya ganoon na rin ako.” “Anak, walang masama sa pakikipagkaibigan sa isang bakla. Isa pa, masaya kang kalaro si Primotivo kaya huwag mong papansinin ang sinasabi ng iba. Ang importante, masaya ka at hindi ka nakakatapak ng ibang tao. Saka, tandaan mo na isa kang Velarian. Iba ka sa mga bata dito sa San Nicolas!” “Ganoon po ba, `tay? Paano po ba makapunta sa Velars—” “Apollo!” Naputol ang pagsasalita ng anak ni Isidro nang marinig nito ang pagtawag ng inang si Aurelia. Mula sa nag-iisang bintana na nasa harapan ng bahay ay dumungaw ang napakagandang asawa ni Isidro. Si Aurelia. Bente-otso anyos na ito at sa loob ng limang taon na magkakilala sila at ngayon ay asawa na niya ito ay hindi man lang nabawasan ang kagandahan nitong tinataglay. Tila mas lalo pa nga itong gumaganda sa paglipas ng panahon. Ganoon pa rin ang buhok nito na kulay brown na may malalaking kulot. Hanggang beywang nito iyon. Maputi ang balat at maganda ang hubog ng katawan. Ang mata ay malaki na tinernuhan ng malalantik na pilik-mata. Natural na mapula ang labi at pisngi nito. Kahit hindi na gumamit ng kung anong kolorete at mananatili itong maganda. Aba, hindi naman siya magpapahuli sa kagandahan ng kaniyang asawa. Hindi sa pagbubuhat ng bangko ay masasabi niyang meron siyang kagwapuhan na pinagpapantasyahan ng kababaihan dito sa San Nicolas. Noong wala pa siyang asawa ay ilang beses na niyang naranasan na ang babae ang nagpaparamdam ng pagkagusto sa kaniya. Hindi nga lang siya ang klase ng lalaki na mapagsamantala kaya hindi niya pinapansin ang mga ito. Naniniwala siya sa tunay at wagas na pag-ibig at iyon ay naramdaman niya sa unang paglapat ng mata niya kay Aurelia. Hindi lamang ang kagandahan ni Aurelia ang bumihag kay Isidro kundi ang kabaitan nito. Ibang-iba si Aurelia sa mga babaeng nakilala niya. Karamihan kasi ay masyadong nagpapabulag sa mga materyal na bagay ngunit si Aurelia ay iba. Isinuko nito ang buhay prinsesa na meron ito para siya ay makasama. “`Nay, bakit?” “Halika. Ibili mo muna ako ng suka. Naubusan na pala tayo. Hindi ako makakapagluto ng paksiw na bangus kung wala iyon,” ani Aurelia. Umakyat muna si Apollo sa kubo upang kunin ang perang pambili ng suka sa nanay nito. Matapos iyon ay umalis na ito para magtungo sa malapit na tindahan. Tinawag siya ni Aurelia kaya siya naman ang pumasok sa loob. “Hindi mo na dapat sinasabi kay Apollo ang tungkol sa Velaris, Isidro. Alam mo na tinalikuran ko na ang mundong iyon para sa iyo at sa kaniya...” Nababahala nitong turan. Ngumiti siya at hinaplos ang pisngi ng butihing asawa. “Aurelia, wala kang dapat ipag-alala. Bata pa si Apollo at makakalimutan niya rin ang mga sinabi ko. Masyado kasi siyang mausisa at maging ang aklat na daan patungo sa Velaris ay nakita niya. Sa tingin ko naman ay hindi siya naniniwala sa mga sinabi ko sa kaniya dahil matalino siyang bata.” “Iyon na nga. Matalinong bata si Apollo. Baka madala niya hanggang paglaki ang mga sinasabi mo na nanggaling sa Pordego.” Ang “Pordego” ay ang aklat na hawak niya kanina. “Nauunawaan kita. Hayaan mo at iyon na ang una’t huling beses na babanggitin ko kay Apollo ang tungkol sa Velaris. Itatago ko sa ibang lugar ang Pordego para hindi na niya iyon makita pa. Pagpasensiyahan mo na ako...” Matamis na ngumiti si Aurelia. “Mabuti naman kung gano’n. Pasensiya na rin. Nais ko lang protektahan ang anak natin sa Velaris. Kapag nalaman ng aking amang hari at inang reyna na ako ay nagkaroon ng isang anak sa taga-lupa ay baka patayin nila si Apollo at ikaw. Iyon ang iniiwasan kong mangyari. Sa mundo namin ay isang masamang pangitain ang pagkakaroon ng anak ng isang Velarian sa ibang nilalang kagaya ng tao.” Alam ni Isidro kung saan nanggagaling ang takot ng kaniyang mahal na kabiyak. Tunay kasing mahiwaga at kakaiba ang mundong pinanggalingan nito. Kahit siya ay hindi makapaniwala na magagawa niyang makapasok sa Velaris. Limang taon na ang nakakaraan ay nagpunta si Isidro sa isang lumang silid-aklatan sa bayan na huli na niyang nalaman na pagmamay-ari ng isang Velarian na babae na piniling manirahan nang payak sa mundo ng mga tao. Mahilig siya sa mga lumang aklat at iyon ang karamihan na nakalagay sa nasabing silid-aklatan. Walang tao roon kundi ang babaeng may-ari na siya ring nagbabantay. Habang nagtitingin-tingin ng mga aklat ay isang pinto ang kaniyang nakita. Pumasok siya roon at isang hagdan paibaba ang sumalubong sa kaniya. Sa pagbaba ni Isidro sa hagdan ay isang luma at malaking aklat ang nakita niya na nakapatong sa espesyal na lamesang gawa sa ginto. Sa sobrang kuryusidad ay nilapitan niya ang aklat. May isang gintong susi iyong katabi. Agad niyang napansin na may nakaukit sa pabalat ng aklat na kahugis ng susi kaya inilagay niya sa ukit ang naturang susi. Hindi niya akalain na kapag ginawa niya iyon ay dadalhin na siya ng mahiwagang aklat sa mahiwagang mundo ng Velaris!

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Ang Mahiwagang Puting Liquid

read
41.6K
bc

Guillier Academy ( Tagalog )

read
185.0K
bc

Luminous Academy: The Intellectual

read
40.9K
bc

MAYOR DUX: My Brother Is My Lover

read
128.2K
bc

Yakuza's Contract Wife [ SPG ]

read
170.2K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
68.7K
bc

Rain Alcantara :The Boss Thunder

read
8.5K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook