CHAPTER II

1740 Words
       NATATANDAAN pa ni Isidro kung paano siya hinigop ng mahiwagang aklat nang buksan niya iyon. Para siyang dumaan habang nakalutang sa isang kalawakan na tila walang hangganan. Iniluwa siya ng kalangitan at bumagsak sa makapal na yelo. Sa paglibot ng mata niya sa kapaligirang nababalutan ng yelo ay napayakap siya sa sarili nang dahil sa labis na lamig. Nakita niya ang aklat at ang susi. Kinuha niya iyon at naglakad-lakad. Una niyang nakilala ang binatang si Lorcan na ang kasuotan ay bakal na akala mo ay isa itong kawal sa palasyo. Kagaya ng napapanood niya sa mga pelikula. Kay Lorcan niya nalaman na siya ay nasa Velaris—ang mundo ng yelo at tubig. Binigyan siya nito ng makapal na kasuotan upang makayanan ng katawan niya ang lamig. Naging magkaibigan silang dalawa. Nang araw din na iyon ay nakilala ni Isidro ang prinsesa ng Velaris na si Aurelia. Iniligtas siya nito sa muntikang pagkahulog sa bangin nang siya ay madulas. Labis ang pagkamangha ni Isidro nang nagawang kontrolin ni Aurelia ang yelo upang yakapin siya niyon at alisin sa bingit ng kamatayan. Hinding-hindi makakalimutan ni Isidro ang makailang beses na pagbalik niya sa Velaris para katagpuin si Aurelia na sa unang pagtatama ng kanilang mga mata ay agad silang nakaramdam ng pag-ibig. Hanggang sa tuluyan nang ninakaw ni Isidro sa babaeng may-ari ng silid-aklatan ang Pordego upang mas mabilis siyang nakakapunta sa Velaris. Halos isang buwan na siyang nagpapabalik-balik sa mahiwagang mundo nang magdesisyon si Aurelia na sumama na sa kaniya sa mundo ng mga tao. Handa nitong talikuran ang pagiging prinsesa para sa kaniya. At iyon na ang naging huling pagtungo ni Isidro sa Velaris. Isinama na niya si Aurelia sa kaniyang mundo upang manirahan kasama siya. Iniwasan nito ang paggamit ng kapangyarihan dahil isang malaking g**o kapag iyon ay nalaman ng mga tao. Makalipas ang tatlong buwan ng pagsasama ay nagdalang-tao si Aurelia kaya pinakasalan na ito ni Isidro bago pa maisilang ang kanilang nag-iisang anak na si Apollo... Si Apollo ang naging bunga ng pagmamahalan nina Isidro at Prinsesa Aurelia. Isang batang lalaki na may bukol sa likod at markang kulay itim sa kalahating mukha. Ganoon pa man, sa kabila ng kapintasan nito ay isang perpektong bata ang tingin dito nina Isidro. Ang pagdating ni Apollo sa buhay nila ang pinakamasayang bahagi ng buhay nilang mag-asawa. Nangako silang dalawa na gagawin nila ang lahat upang protektahan si Apollo at hinding-hindi sila makakapayag na merong manakit sa mahal nilang anak...   MAKALIPAS ANG SAMPUNG TAON... “Aray ko! Tama na, tiyang!” daing ni Apollo habang pinipingot siya ng Tiyang Precy niya. Amoy-suka siya. Pinaliguan ba naman siya ng mga binata sa may tindahan ng isang bote ng suka na binili niya. “Dapat lang sa’yo itong kuba ka! Ang tagal mong bumili ng suka! Nasunog na lang at lahat ang adobo ko!” Payat na babae ang Tiyang Precy niya. Matangkad at kayumanggi ang balat. Manipis ang kilay nitong tuwid. Mahaba ang mukha at may nunal sa kaliwang pisngi na kasing-laki ng butil ng munggo. Mataray itong tingnan. Palaging nakairap ang mga mata. Nasa labas sila ng bahay at marami ang nakakakita sa ginagawang p*******t ng Tiyang Precy niya sa kaniya ngunit lahat ay pinagtatawanan siya. Wala man lang naaawa o pumipigil sa malupit niyang tiyahin. Sanay na si Apollo sa pambu-bully ng ibang tao sa kaniya nang dahil sa pagiging kuba at pangit niya. Ang hindi niya maintindihan ay ang pagiging malupit ng Tiyang Precy niya at ng dalawa nitong anak na kambal na sina Ronron at Tonton. Kamag-anak niya ang mga ito. Pamilya. Hindi ba’t ang pamilya ay dapat na nagmamahalan? Ganoon ang itinuro sa kaniya sa school. Isa pa, ipinagkatiwala siya ng Tatay Isidro niya kay Precy noong bata pa siya. Sampung taon na ang nakakalipas nang biglang mawala ang kaniyang Nanay Aurelia. Dalawang taon ang lumipas at ang tatay naman niya ang sumunod. Ang pagkakaiba ng dalawa ay nagpaalam ang ama niya sa kaniya habang ang ina niya ay hindi. Natatandaan pa ni Apollo ang paggising ng Tatay Isidro niya sa kaniya sa gitna ng gabi... “Anak, gumising ka.” Sa pagmulat ng mata ni Apollo ay sumalubong sa kaniya ang mukha ng ama na nababahala. “Bakit po, `tay?” Pupungas-pungas niyang tanong. “Doon ka muna kay Tiyang Precy mo. Siya na muna ang bahala sa iyo.” “Bakit po?!” Napabalikwas siya ng bangon. Nakita niya ang isang travelling bag sa tabi niya at ang hula niya ay mga damit niya ang laman niyon. “Kay Tiyang Precy mo muna ikaw. Nakausap ko na siya at payag na siya. Makakalaro mo roon ang mga pinsan mo. Sina Ronron at Tonton!” Kahit hindi pa pumapayag ay hinila na siya patayo ng ama. Lumabas sila ng bahay. Nagtataka man ay sumunod na lang si Apollo. Bata pa siya. Hindi pa niya alam ang nangyayari kung bakit kailangan na ibang tao ang mag-alaga sa kaniya. Hanggang sa huminto si Apollo sa paglalakad. Nilingon siya ng kaniyang ama. “Apollo, halika na. Tumatakbo ang oras!” “Tatay, b-bakit po si Tiyang Precy ang mag-aalaga sa akin? Bakit hindi na ikaw?” May luhang nagbabadyang malaglag sa mata ni Apollo. “Anak, k-kailangan kong umalis. Pansamantala lang. A-alam ko na kung nasaan ang iyong ina at pupuntahan ko siya. Babalik din ako agad at pagbalik ko ay kasama ko na ang nanay mo. Magkakasama na ulit tayong tatlo. Makukumpleto na tayo ulit!” Lumiwanag ang mukha ni Apollo. Pagkarinig na babalik na ang ina ay walang pagdadalawang-isip na sumama na siya sa ama papunta sa kapatid nitong panganay na si Precy. Doon ay inihabilin siya nito. “Huwag kang mag-alala, Isidro. Ako ang bahala dito kay Apollo. Ituturing ko siyang parang tunay kong anak!” Nakaakbay pa si Tiyang Precy niya sa kaniya. Nakita niya nang abutan ng tatay niya si Tiyang Precy ng isang bara ng ginto. Nanlaki ang mata ng tiyahin niya at nagtatakang nagtanong. “Saan ito galing, Isidro?!” “`Wag mo nang alamin, ate. Gamitin mo iyan sa pagpapalaki kay Apollo. May tiwala ako sa iyo.” Yumukod nang bahagya si Isidro sa kaniya at hinalikan siya sa noo. “Magpapakabait ka, anak. `Wag kang pasaway kay tiyan mo. Sundin mo siya. Babalik din ako agad. Mabilis lang ako, anak. Babalikan kita. Pangako!” Isang kwuintas na yari sa ginto at may palawit na susi ang isinabit nito sa leeg niya bago ito tuluyang umalis. Tumulo ang luha ni Apollo habang pinipingot siya ni Tiyang Precy hindi dahil sa sakit kundi dahil naalala niya ang pangako ng kaniyang ama na ito ay babalik agad. Masakit sa kaniya na nagbinata na siya ay hindi na niya ulit ito nasilayan kahit anino o dulo ng buhok nito. Napako na ang pangako nitong babalikan siya. Marami na itong mahahalaga sa buhay niya na hindi nito nasaksihan. Ang graduation niya ng elementary at high school. Ang una niyang trabaho. Sa kasalukuyan ay siya ang nagbabantay ng maliit na internet shop ng Tiyang Precy niya na naitayo nito dahil sa gintong ibinigay ng tatay niya bago umalis. Napakalaking halaga pala niyon kaya kahit paano ay napaayos ng tiyahin niya ang bahay nito na dating kubo. Ngayon ay yari na iyon sa semento at yero. Kung nandito lang sana ang nanay at tatay ni Apollo ay hindi siya makakaranas ng pisikal na p*******t mula sa ibang tao. Mabubusog siya sa pagmamahal habang lumalaki. Merong magpoprotekta sa kaniya sa mga nambu-bully sa kaniya. May matutuwa sana kapag meron siyang honor sa school at umaakyat siya sa entablado upang tumanggap ng awards. Kulang na lang ay tadyakan ni Tiyang Precy si Apollo papasok ng bahay. Linggo ng araw na iyon kaya sarado ang internet shop. Mas gusto pa nga niya na nasa internet shop dahil kahit paano ay nakakatakas siya sa mga walang tigil na utos sa bahay. Wala na siyang pahinga. “O, ano’ng ginawa niyan, mommy?” tanong ni Ronron. Nasa salas ang kambal at naglalaro ng isang shooting game gamit ang PS4. Kahit isang beses ay hindi pa siya nakakapaglaro niyon. “Yuck! Ang asim mo, kuba!” pakli ni Tonton. Magkamukha ang kambal na sina Ronron at Tonton. Parehas na maitim ang balat at malalaki ang mata na akala mo ay naninindak. Ang pinagkaiba lang ay ang katawan. Mataba si Ronron habang payat si Tonton. Wala na ang ama ng dalawa. Sa pagkakaalam niya ay may sinamahan na ibang babae matapos na manganak ni Tiyang Precy. Bente anyos na ang kambal ngunit isip-bata pa rin. Hindi niya kagaya na kahit paano ay mature ang pag-iisip. “Ang kuba ninyong pinsan! Ang tagal bumili sa tindahan! Nasunog na ang adobo ko ay hindi pa bumabalik kung hindi ko pa sinundo!” “Tiyang, pinagtripan kasi ako ng grupo nina Max sa tindahan. I-ibinuhos po nila sa aking iyong suka kaya wala akong nabili. Tapos hinaharangan pa po nila ako kaya hindi ako makaalis.” Nakayukong paliwanag ng kaawa-awang si Apollo. Umaasa siya na kakampihan siya ng Tiyang Precy niya sa pagkakataong iyon. Ngunit nabigo si Apollo. Binatukan pa nga siya nito ng isa na ikinatawa ng kambal. “Magpapalusot ka pa! E, nakita kitang kasama si Prima!” Si Prima ay si Primitivo—ang kababata niyang binabae. Hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin sila at ito ang madalas na magtanggol sa kaniya kapag may umaapi sa kaniya sa labas. Kagaya kanina. Kahit na nilait nina Max ang pagiging bakla ni Prima ay matapang pa rin siya nitong inalis palayo sa mga nagmbu-bully sa kaniya. “Ipinagtanggol po kasi ako ni Prima—” “Tumigil ka na nga sa pagsisinungaling mo, Apollo! Kuba ka na nga, sinungaling ka pa! Sa tingin mo ba ay matutuwa ang nanay at tatay mo sa langit sa asal mo?!” “Tiyang, h-hindi pa po sila patay—” “Anong hindi patay? Bakit kung buhay ba sila ay nandito ka sa akin? Bakit hindi ka pa nila binabalikan? Kasi nga patay na silang dalawa! Hindi na siguro nila kinaya ang pagkakaroon ng anak na kuba na nga ay pangit pa! Hindi kagaya ng mga babies ko na ang popogi!” Hindi na lang sumagot si Apollo. Kahit ilang pang sabihin ni Tiyang Precy na patay na ang mga magulang niya ay hindi niyon mababago ang paniniwala niyang buhay pa ang mga ito. Matagal man, alam niya na babalikan siya ng nanay at tatay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD