A week later...
Ella’s POV
"Anong ginagawa mo?" bungad nitong tanong.
"Naghahanda, obvious ba? Tsk," inis kong sagot.
"Bakit ka naghahanda?" tanong niya ulit. Hindi ko na ito pinansin at nagpatuloy sa ginagawa ko.
"May pupuntahan tayo," saad ko.
"Saan naman tayo pupunta?"
"Anak ng—pwede ba, huwag ka nang madaming tanong?"
"Nagtatanong lang naman 'yong tao eh. Sungit."
Ilang minuto na rin ang nakalipas at natapos na ako sa ginagawa ko.
---
"What in the world is...this?" OA nitong tanong.
"Obvious ba? Fiesta. Tara na nga ro’n tayo!" Mabilis ko itong hinila papunta sa mga lugar na may palaro.
Nabalitaan ko kasing fiesta pala ngayong araw kaya may naisip akong ideya para naman hindi kami maburyo sa bahay at makalimutan ang lahat ng nangyari kahit pansamantala lang.
"Ayon! Tara, sumali tayo," yaya ko. Hihilahin ko na sana ito pero nagpigil.
"Ano? Tara na," ani ko.
Nakarating kami ro’n at pinagmasdan ko ang mga taong naglalaro.
"Ah... kuya! Manong! Kuya Manong!" tawag ko sa may-ari ng palaro.
"Bakit po?" tanong naman nito.
"Magkano?" tanong ko.
"₱5 lang, Ma’am. Dalawa ba kayo?" dugtong niya.
Napatingin naman ako kay James na nakanguso na ngayon.
"What?" inis nitong tanong.
"Hays, ako na lang Manong, huwag na ’tong KJ na ’to."
Nagbayad na ako at binigyan ako ni Manong ng water gun.
"Marunong ka ba talaga niyan?" tanong ni James.
Napangiti na lang ako habang nagfo-focus sa titirahin ko. Hindi niya ako kilala—pagdating sa palaro, expert ako riyan.
"Oo naman. Madali lang eh. Kailangan mo lang tirahin ’yang balloons para mapuno ng tubig. Pagkatapos, kapag napuno na ’yan ng tubig, sasabog ’yan! Ang unang pumutok o sumabog na balloons, siya ang panalo," paliwanag ko sa mechanics ng game.
Tinuonan ko ng pansin ang balloons na titirahin ko. Dapat focus lang.
3... 2... 1. Boom!
Ay. Medyo napahiya yata ako ro’n. Tapos tawang-tawa pa ’tong kasama ko.
"’Yan ba ’yong pinagmamalaki mo? Tsk," panlalait nito.
"Kainis naman! Di bale, hindi pa ito ang time ng panalo ko. Baka na-traffic lang ’yong swerte ko," ani ko.
"Ang dami mo pang sinasabi."
Aba’t nilalait pa ’ko ah. Hinarap ko ito na nakapamewang.
"I’m just kidding. Chill." Tinaas pa niya ang kanyang dalawang kamay at hinila niya ako sa isang video game.
"Ay, hindi ako marunong niyan... tara—"
"Sino bang nagsabing ikaw? Tabi. Let me handle this," putol nito sa sinabi ko.
Naka-cross arms na nakatingin ako sa kanya.
"Eh kung matalo ka? Libre mo ’ko?" Baka lang naman makachamba.
"Oh, sige ganito, let’s make a deal," sabi niya.
"Seryosong deal ba ’yan?"
"Of course. Wala ka bang tiwala sa ’kin?"
"Obvious namang wala kang gagawing tama."
"Hey!"
"So ano nga ’yong deal?"
"So, kapag natalo ako, libre kita. Pero kapag nanalo ako, kiss mo ’ko!" ani nito.
Aba, hindi patas.
"Sinasabi ko na nga ba! Ayoko! Libre na lang kita kapag nanalo ka," saad ko.
"Hindi, may deal na tayo eh. Game na ’yan ha?"
"Ayoko nga!"
"Sir/Ma’am, maglalaro po ba kayo o magbabangayan? Kasi marami nang nakapila oh," singit ni Manong.
Nahihiya na rin ako sa mga taong naghihintay dito.
"Ok fine! Bilisan mo na! Hindi ka naman mananalo, m-in-a-nefest ko na ’yan." In-eye to eye ko pa ito.
"Segurado ka? Watch."
Pinindot niya na ang red button at nag-start na ang game. Pinanood ko lang itong enjoy na enjoy sa paglalaro. At sa isang iglap lang... panalo nga siya. Kapag minamalas nga naman oh.
Binigyan kami ni Manong ng teddy bear na si Winnie the Pooh. Dati naman walang premyo ’yang video game ah, pero ngayon meron na.
"For you!" ibinigay niya sa akin ’yong malaking teddy bear.
"Thank you," ani ko. Dahan-dahan akong tumalikod pero hinila niya ang braso ko.
"At saan ka pupunta?"
Hays, akala ko nakalimutan na niya.
"Ha? Eh... aalis na," ani ko.
"Not too fast. Kiss ko?" tanong nito.
Napapikit naman ako habang nakatalikod.
"Oo na. Sa cheeks lang ha!" ani ko.
Tumango naman ito at itinapat ang kanyang pisngi. Pinikit ko ang aking mga mata at dahan-dahan ko itong hinalikan sa pisngi at saka tumakbo.
---
Pumasok kami sa isang parang tent—o ano ba ’to kung tawagin. Basta may manghuhula sa loob. Magpapahula ako.
"Hanggang ngayon naniniwala ka pa rin sa hula-hula na ’yan? Ella, new generation na tayo! Hindi na uso ’yan," ani ni James.
Hindi ko na ito pinansin pa at hinila na siya papasok ng cabin. Ang swerte naman, kami lang ’yong tao. Lumapit ako sa babaeng nakatakip ang mukha ng tela.
"Magandang araw, ano ang aking ipaglilingkod?" pauna nitong saad.
Napa-irap naman si James. Alam kong hindi siya naniniwala sa ganito pero ako, oo.
"Magpapahula sana ako," ani ko.
Umupo ako sa upuan at kinuha naman nito ang palad ko. Nakapikit na binabasa nito ang palad ko. Nagulat naman ako nang bigla itong magsalita.
"Hindi maganda ang magiging kapalaran mo, hija. Haharap ka sa maraming pagsubok. Masasaktan ka nang husto sa desisyong iyong pipiliin sa hinaharap."
"Ho?"
"Pero huwag kang mag-aalala dahil sa desisyong ito, maitatama mo ang lahat."