“Lady Theia, naihanda na po namin ang pagkain ninyo. Pasensya na po pumasok na ako, kanina pa po ako kumakatok. Nag-alala po ako sa inyo,” magalang na wika ng dalagang si Len kay Theia na nagpatigil sa pag-alaala niya sa nakaraan.
“It’s okay! Susunod na ako,” malamig niyang tugon sa dalaga.
“Ayos lang po ba kayo, Lady Theia?” nag-aalalang tanong nito sa kanya na may halong pagtataka.
“Yes,” tipid niyang tugon sa dalaga.
Hinamig ni Theia ang sarili at dahan-dahan siyang tumayo.
Di nakaligtas sa dalagita ang panandaliang lungkot na dumaan sa mga mata ni Theia, habang muling tinapunan ng tingin nito ang sapatos na nakita nitong yakap-yakap ng amo.
Yumuko ang dalagita at magalang na nagpaalam kay Theia.
Matapos kalmahin ang kanyang sarili ay kumuha siya ng damit, isang empire cut dress ang napili niyang isuot. Muli na naman niyang isusuot ang kanyang maskara para maisalba ang buhay ng kanyang kapatid.
“Endure it, Theia!” mahinang wika niya sa sarili bago tuluyang lumabas ng master bedroom.
Nagring ang kanyang cellphone habang pababa siya ng hagdanan. Huminto siya at agad niyang sinagot ito nang makitang si Lena ang tumatawag.
“Hello, Lena, kumusta si Kuya Greggy?” bungad niya sa pinsan sa mahinang tinig.
“Couz, may mga dumating na tauhan ni Master Rome at inilipat nila si Kuya Greggy,” sagot nito sa kanya.
“Anong ibig mong sabihin? Nasaan ka ba?” nag-aalalang tanong niya kay Lena.
“Couz, kalma ka lang! Kasama ko si Kuya Greggy, nasa Vasquez Medical Hospital na kami at naka private suite ang room ni Kuya Greggy,” pagbibigay-alam ni Lena sa kanya.
“Salamat sa Diyos!” tutop niya ang kanyang dibdib.
Kinakabahan siya para sa kapatid.
“Couz, huwag kang mag-alala, may sariling mga doctor at nurses si kuya, kaya mas maalagaan siya.”
“Hindi ko maiwasang hindi mag-alala, Lena,” tugon niya sa pinsan.
Bumuntong-hininga ito, “Theia, alam kong mahirap para sa iyo ang muling pagpasok sa mundo ni Master Rome, kung may iba lang sanang paraan,” humihikbing dagdag nito.
“Lena, para sa kapatid ko, alam mong gagawin ko ang lahat. Even playing games with the devil himself,” mariing sagot niya.
“Basta, couz, mag-iingat ka, lalo na ngayon,” mahinang sabi nito sa kanya.
“I know, Lena, I know!” aniya.
“Sige, couz, tatawagan kita uli kung may balita. Sana talaga gumising na si Kuya Greggy,” malungkot nitong saad.
“Oo naman L-lena!” pumiyok ang kanyang tinig, “Hindi ako nawawalan ng pag-asang gigising si Kuya Greggy. Hindi ako titigil na alamin kung ano ba talaga ang nangyari noong araw na iyon,” aniya.
“Sige, couz, basta mag-iingat ka,” tugon nito.
“Salamat, couz! Ikaw din, tawagan mo ako agad kung may development sa condition ni kuya,” bilin niya rito.
“Oo, couz, bye,” paalam nito sa kanya.
“Sige, bye, Lena,” ini-end niya ang tawag.
Hawak ang kanyang naninikip na dibdib ay pilit niyang kinakalma ang sarili upang maitago niya ang kanyang emosyon.
“Kuya Greggy, kailangan mong mabuhay dahil kung hindi ang lahat ng ito ay wala ng halaga maging ang buhay ko,” mahinang usal niya habang pinipigilan niyang pumatak ang kanyang mga luha.
“Rome ayos ka lang ba?” tanong ni Albert sa kanya.
“I don’t know, Albert!” napabuntong-hiningang sagot niya sa kaibigan. Hinilot niya ang kanyang batok.
Nasa H.E. siya, kakatapos lang ng meeting niya sa mga stockholders. Wala siya sa sarili simula nang iwanan niya ang asawa sa bahay nila. Ang daming gumugulo sa kanyang isipan. Lalo na at nararamdaman niyang may tinatago sa kanya si Theia.
Hindi din alam ni Rome kung paano ipapaliwanag sa kapatid ang tungkol sa kanyang asawa. Sigurado din siyang hindi alam ng asawa ang tungkol kay Blanca.
“Rome, di ba dapat masaya kang nagbalik na si Lady Theia,” wika ni Albert sa kanya.
Nilingon niya ito, “How can I be truly happy kung nakapagitan sa amin ang lalaking iyon.”
Hindi nakakibo si Albert sa tinuran niya. Nangangalit ang kanyang panga tuwing naaalala niya ang Gregory na iyon.
“Did you transfer him?” tanong niya rito.
“Yes, as of this time he is still in comatose stage,” tugon ni Albert sa kanya.
“As much as I hated that man, make sure to keep him alive. Dahil siya ang alas ko sa asawa ko.”
Nilagok niya ang baso ng alak na nasa harapan niya, pumikit siya upang kalmahin ang kanyang sarili. Kapag si Gregory ang pinag-uusapan ay namumuo ang galit sa puso niya.
“Ako na ang bahala sa lahat,” tugon ni Albert sa kanya.
Hinilot niya ang kanyang sentido. Para siyang nalulunod sa sari-saring emosyong nararamdaman niya sa pagbabalik ni Theia.
Tumikhim si Albert. Kunot-noong tumingin siya rito.
“Spill it out, Albert!” malamig na wika niya.
“Alam kong wala akong karapatan na manghimasok, pero bakit di mo pa ipaalam kay Lady Theia ang totoo tungkol kay Gregory?” tanong nito.
“Mahalaga sa asawa ko ang lalaking iyon. Isa pa kung malalaman ni Theia ang totoo, sa tingin mo ba mananatili siya sa tabi ko,” tugon niya rito.
Hindi nakakibo si Albert sa sinabi niya.
"Sa pagkakataong ito, sisiguraduhin ko na ako ang mananalo sa laro namin ni Theia," dagdag niya.
"Pero Rome, baka sa laro ninyo hindi na si Lady Theia ang kalaban mo, kundi ang iyong sarili," malumanay na saad ni Albert sa kanya.
"You know me, Albert, walang laban akong ipinatalo kahit buhay ko pa ang kapalit," aniya.
Hindi ito umimik, alam nilang pareho ang ibig niyang sabihin.
“Nakabalik na pala siya sa organisasyon,” masayang wika ng kanilang pinuno.
“Opo, Boss, ayon po sa report ng tao natin ay si Henarez mismo ang sumundo kay Altheia,” pagbibigay alam ni Alfonso.
“Magaling kung ganoon! Siguraduhin ninyong hindi papalpak ang mga plano natin Alfonso, kung hindi alam mo na ang mangyayari,” banta nito sa kanya.
“Sigurado po, Boss. Wala ng hahadlang sa mga plano natin ngayon.”
Tumikhim siya at muling nagsalita, “Kaya lang po, Boss, paano po kayo nakakasiguradong gagawin ni Altheia ang pinag-uutos ninyo makalipas ang dalawang taon?” nag-aalangang tanong niya.
“Dahil hawak ko ang lihim niya,” nakangising sagot nito.
“Nakakasigurado po ba kayo sa taong nagbigay sa inyo ng impormasyon?” muling tanong ni Alfonso.
“Tuso ang taong iyon, pero maasahan. Isa pa walang pagpipilian si Altheia kundi ang sumunod sa plano ko,” dagdag nito.
Bumuntong-hininga si Alfonso. Sinundan niya ng tingin ang taong tinutukoy na kanilang pinuno. Hindi maikakailang maasahan sa misyon ang taong iyon. Pero alam ni Alfonso na may sariling masamang balak ito kay Altheia.
“Sana nga Altheia, sa pagkakataong ito magawa mo ang misyon mo. Dahil baka hindi na maisalba pa ang buhay mo gaya ng dati,” bulong niya sa kanyang sarili.