Chapter 4

3133 Words
Ayumi NAKAPIKIT ang aking mga mata habang kung ano-anong kulay ang dinadampi sa talukap nito. Kung minsan ay napapagalaw pa nang kusa ang aking ulo dahil hindi naman ako sanay na inaayusan at lalong hindi rin ako mahilig mag-ayos. Simple lang naman kasi ang nais ko sa buhay, ang mag-aral at makapagtapos ng pag-aaral. "Dilat ka nang kaunti, ma'am," wika ng babaeng make-up artist sa aking harapan. Marahan ko namang binuksan ang talukap ng aking mga mata. Tila umurong ang aking dila habang nakaharap ako sa isang salamin. Hinawakan ng babae ang aking balikat, saka tumingin sa aking mukha sa harap ng salamin. "Ang ganda, hindi ba?" aniya. Sumilay ang ngiti sa aking labi. "Oo, ang ganda ko pala?" tugon ko. "Tapos na ba kayo?" Sabay kaming napalingon ng kasama ko nang makarinig kami ng isang tinig na nagsalita sa aming likod. Nakita ko si Jake na ngayon ay nakatayo at diretsong nakatingin sa akin. Halata sa kanyang mukha ang pagkabigla. Kitang-kita ko sa ekspresyon ng kanyang mga mata na gandang-ganda siya sa akin. Well... "Baka tumulo ang laway mo, Jake. Itikom mo 'yan," utos ko sa kanya sabay smirk. Kumunot naman ang kanyang noo saka tila nagising sa reyalidad. Agad niyang iniwas ang tingin sa akin at tumalikod. "Very good 'yan, nagmukha kang tao." Sabay lakad palayo. Hindi ko alam kung matutuwa o maaasar ako sa kanyang sinabi. Ngunit iisipin ko na lang na compliment 'yon dahil minsan lang naman talaga ako magmukhang tao. Natatawa pa ako sa sarili nang isipin ang mga ganitong bagay. Matapos kong isuot ang damit na binigay sa akin ni Jake, mas napansin kong halos hindi siya makatingin nang diretso sa akin. Mabaliw ka sa ganda ko, Mr. Jake Suarez, natatawa ko pang sabi sa sarili. Nakasuot ako ng isang royal blue na cocktail dress habang mayroong magandang pearl necklace. Simpleng sandals lang din ang aking suot at komportable naman ako rito. Binigyan niya rin ako ng handbag na hindi ko naman alam kung para saan dahil may backpack naman ako. Ewan, baka design lang. Nakataas din ang aking buhok at may kaunting hibla na dumadampi sa aking pisngi. With matching side bangs na nakapagpatingkad sa aking hitsura. In short. Ang ganda-ganda ko. "Let's go." Naputol ang mga bagay na aking iniisip nang marinig kong magsalita si Jake. KJ naman nito. Nagse-self love pa nga ako, eh. Umikot ang aking mata sabay sa pagtayo. Nagsimulang lumakad si Jake palabas ng hair and beauty salon kung saan kami naroroon. Hindi man lang niya ako hinintay to think na ako pa ang kasama niya ngayong gabi. Hindi naman kaila sa akin kung saan kami pupunta. Tulad ng napag-usapan nilang magkapatid, pupunta kami sa kaarawan ng ex-girlfriend ni Jake na Anna yata ang pangalan. Ang totoo, hindi naman talaga ako pumayag, pero wala rin naman akong magagawa kung tatanggi ako. Malaki rin ang utang na loob ko kay Jake dahil sa pagprotekta niya sa akin, kaya bilang pasasalamat, nandito ako ngayon at kasama niya. *** Sa pagpasok namin ng kotse, sinimulang magmaneho ng kanyang personal driver patungo sa venue na nasa Makati City. Isipin ko palang na dadalo ako sa isang sosyaling handaan, nangangatog na ang tuhod ko. "'Wag kang kabahan, kasama mo naman ako," rinig kong wika ni Jake na ngayon ay diretso lang na nakatingin sa labas ng bintana. "Mas lalo nga akong kinakabahan, eh. Dahil kasama kita." Kunot-noong tumingin sa akin si Jake na may animoy naiinis pang hitsura. Impit akong tumawa dahil sa wakas ay muli ko na naman siyang naasar. Ewan ko ba, parang hindi kompleto ang araw ko kung hindi ko siya aasarin. "We're here, Sir Jake," wika ng driver ng kotse nang tuluyan siyang huminto sa tapat ng glass entrance ng hotel kung saan gaganapin ang party. Panay ang lingon ko sa paligid dahil sa maraming ilaw na nandoon. Kulay dilaw ang ilaw na matatanaw sa loob ng hotel at may isang malaking chandelier na nasa ceiling ng lobby area. "Hindi ka pa ba bababa d'yan?" pagputol ni Jake sa mga bagay na iniisip ko. "Oo na! Heto na nga, oh," iritable kong wika saka pinihit ang pinto ng kotse. Hindi man lang nagpaka-gentlemen at binuksan ang pinto para sa 'kin. Sinimulan kong itapak ang aking sapatos sa labas ng kotse at tuluyang lumabas mula rito. Bumungad agad sa akin ang magandang fountain na nasa gitna ng drop-off ng hotel. Mariin akong napalunok at huminga nang malalim. Kailangan kong pigilin ang pamamangha ko sa paligid at ayokong mahalata ng mga taong nandito na isa akong hampaslupa. Sa aming pagpasok sa loob ng hotel, sunod-sunod ang pagbati ng mga staff na nasa lobby area. Nang dumapo ang aking tingin sa counter ng receptionist, doon ko nabasa ang pangalan ng hotel na aming kinaroroonan – ang Shang Ina Hotel, isang kilalang hotel sa Makati City. "Good evening, Sir. The party is in the third-floor," saad sa amin ng isang staff habang nakayuko, saka niya tinuro ang isang executive elevator. Halatang sosyal ang elevator dahil ito lang ang naiiba sa lahat. Iba ang kulay, iba ang lining at hindi siya tulad ng iba na kulay gray. "Let's start walking," muling wika ni Jake sabay lakad niya patungo sa elevator. Halos lakad takbo naman akong sumunod sa kanya. Sa totoo lang, hindi naman sa hindi ako sanay sa ganitong mga okasyon, ngunit hindi naman ganito kagarbo ang mga napupuntahan ko. Hindi rin naman mayaman ang aming pamilya at kaya lang naman ako nakapasok sa Carlson University ay dahil sa isa akong full scholar. Aware akong mayayaman ang mga estudyante rito, pero hindi ko akalaing ganito sila kabongga. At ang lalaking kasama ko pala ngayon ay isa sa mga lalaking matataas sa school namin. Pero hindi naman halata. Sa pagpasok namin sa elevator, lihim akong sumulyap sa mukha ni Jake na ngayon ay tila malalim ang iniisip. Akalain mo nga naman, ang mokong na to ay may ganitong antas pala sa buhay? Halos tumalon ang aking balikat nang tumingin siya sa akin, saka ako agarang lumipat ng tingin. "Tss... Nagagwapuhan ka na naman sa 'kin," aniya na tila nagpatindig sa aking balahibo. "Kapal, ha," iritable kong tugon, sabay ikot ng mata. Narinig ko pa ang impit niyang pagtawa na lalong nagpa-inis sa akin. Pero hindi ko naman tinatanggi na tama siya. Gwapo si Jake, siyempre, kapatid niya kaya si Jacob. Nagsimulang bumukas ang pinto ng elevator. Agad akong namangha nang masilayan ang pulang carpet na nasa paligid. Malawak ang venue at halos lahat ng bisita ay naka-dress, halatang formal ang event na ito. Pakiramdam ko ay nanliliit ako dahil halatang sosyal ang mga tao sa paligid. Hanggang sa maya-maya lang, naputol ang mga bagay na aking iniisip nang isang mainit na palad ang yumakap sa aking kamay, noon ko napansin na hinawakan ako ni Jake saka nagsimulang maglakad. Wala na akong nagawa kung hindi ang sumunod sa kanya. Sa paglabas namin ng elevator, halos manliit ang aking katawan dahil sa mga matang nakatingin sa aming dalawa. Pakiramdam ko ay hinuhusgahan nila ako sa kanilang mga tingin. Sa biglaang paghinto ni Jake sa paglalakad, halos mauntog pa ang aking ilong sa kanyang likod, mabuti na lang at sanay na ako sa ganito niyang gawain. "Jake, anak. Buti naman at nakapunta ka," wika ng isang lalaki na tantya ko ay nasa singkwenta anyos na. "Good evening, Dad." Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang sinabi ni Jake, sabay napatingin muli sa lalaking nasa aming harapan. "G-Good evening po," nauutal kong pagbati sa daddy niya. "Good evening din, hija." Ngumiti siya sa 'kin ngunit muli ring bumalik ng tingin kay Jake. "By the way, Jake. Wala kasing escort ngayon si Anna, pwede bang –" "Can't you see I'm with someone right now?" Agad na pagputol ni Jake sa sinasabi ng kanyang ama. "Walang sinabi sa 'kin si Jacob na kailangan kong mag-escort," muli niyang wika. "It's un-expected, Jake. Hindi rin alam ng family ni Anna na magkakasakit ang escort niya." "Not my business, dad. Now, if you'll excuse me," walang ganang wika ni Jake, saka nagsimulang lumakad. "Jake!" Muli na namang may tumawag sa kanyang pangalan, ngunit sa pagkakataong ito, alam na alam ko kung sino ito – si Jacob. Hindi ko alam kung bakit, pero naramdaman ko ang mariing pagkuyom ng kamay ni Jake. Tila mayroon siyang pinipigilan na kung ano. Marahan kaming lumingon sa taong tumawag sa kanya at hindi ako nagkamali, si Jacob nga, dahilan upang maramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Iba talaga ang epekto sa 'kin ni Jacob. Naaalala pa kaya niya ako? wika ko sa sarili na may halong lungkot. "'Wag kang ganyan kay, daddy." Isang buntonghininga ang ginawa ni Jake. Marahan niyang tinanggal ang pagkakahawak sa aking kamay, saka diretsong tumingin kay Jacob. "Ano bang gusto nyong gawin ko?" walang gana niyang wika. "This is only a favor, Jake. Just to give respect to our family friend." Nagpamulsa si Jake saka tumingin sa akin. "Okay lang ba?" tanong niya na nagpagulo sa aking isip. Anong okay lang ba ang sinasabi nito? kunot-noo kong wika sa sarili. Nagulat na lang ako nang may humawak sa aking balikat mula sa aking likuran. "Ako na muna ang bahala sa magandang binibini na to, Jake," saad ni Jacob na ngayon ay nakatayo sa aking likuran. Binalot ng matinding kaba ang aking puso. Maramdaman ko palang ang init ng palad niya na nasa aking balikat, tila nais nang tumalon palabas ng ribcage ang puso ko. Tinapunan ako ng masamang tingin ni Jake at hindi ko alam kung bakit. Baka nahahalata niyang kinikilig ako. "Sige na, sige na, puntahan mo na 'yon," halos pabulong kong utos kay Jake sabay sa kuway ng aking kamay na animoy pinalalayas siya. Lalong dumilim ang kanyang mukha dahil sa aking ginawa at halatang iritable. Bahagya niyang tinaas ang braso. Gamit ang dalawang daliri, tinuro niya ang kanyang mata at muli itong itinuro sa akin, tila ba nagsasabing I'm watching you, saka sinimulang lumakad palayo sa aming kinaroroonan. Hindi ko na rin pinansin pa ang kanyang ginawa dahil pakiramdam ko ay mamamatay na ako sa kilig ngayon. *** Pakiramdam ko ay nagmistulang estatwa ang aking katawan habang nakatayo sa tabi ko ang lalaking si Jacob. Pareho kaming nakatingin sa malawak na entablado kung saan lalabas ang may kaarawan ngayon at si Jake. Ngunit hindi ko mai-focus ang isip sa bagay na aking tinitingnan dahil kay Jacob lang tumatakbo ang isip ko. "Awkward ba ang atmosphere, Ayumi?" pagbasag ni Jacob sa katahimikan na namamagitan sa aming dalawa. "H-Ha? Kilala mo ko?" nauutal ko pang wika saka humarap sa kanya. Sumilay ang ngiti sa labi ni Jake na mas lalong nagpatunaw sa aking puso. "Yes. Elementary days, tama? Sinong makakalimot sa 'yo?" wika niya. Pakiramdam ko ay ano mang oras, aatakihin na ako sa puso dahil sa kanyang sinabi. Sinong mag-aakalang kilala pala nya ako? Ibubukas ko palang ang aking labi nang biglang dumilim ang paligid, tanging spotlight sa gitna ng stage na lang ang natirang ilaw. "Start na," wika ni Jacob saka lumingon sa stage na nasa aming harapan. Napalingon na lang din ako sa bagay na kanyang tinitingnan, hanggang sa maya-maya lang, napansin ko ang dalawang tao na dahan-dahang lumalakad pababa sa isang puting hagdanan kung saan may nakalatag na pulang carpet. Nakita ko ang seryosong mukha ni Jake habang naka-angkla sa kanyang braso ang kamay ng isang babae. Tila nanliit ang buo kong katawan nang mabaling ang tingin ko sa babaeng kanyang katabi. "Ang ganda niya," mahina kong bulong sa sarili habang nakatingin ang dalawa. Masasabi kong perfect couple ang dalawang ito. Maputi ang malaporselanang kutis ni Anna, maliit at matangos ang kanyang ilong, maging ang labi nito ay hugis puso, at may kaliitan ang mukha. Mukha siyang prinsesa at halatang mahinhin siya. Hindi ko alam kung bakit ngunit may kung anong kumirot sa aking puso habang tinitingnan ang pagiging perpekto ng dalawang tao na nasa aming harapan. Hinawakan ko ang aking dibdib dahil pakiramdam ko ay hindi ako makahinga. Hindi ko na rin napansin na kalapit ko pa rin si Jacob dahil ang buong atensyon ko ay nasa dalawang ito na. "Ayos ka lang ba? Parang namumutla ka?" tanong sa akin ni Jacob na nagpaputol sa mga bagay na aking iniisip. "A-Ayos lang ako," tugon ko saka pilit na ngumiti. Nakita ko ang isang baso ng tubig na nakapatong sa bilog na lamesa. Kinuha ko ito at mabilis na nilagok, ngunit tila may kung anong mainit ang gumuhit sa aking lalamunan. "S-Sandali, alak 'yan!" Huli na nang sabihin ito ni Jacob sa akin dahil naubos ko na ang laman. Bakit ba kasi kulay puti ang kulay ng alak na iyon? Ano 'yon, Gin bulag? "Ayos ka lang ba talaga, Ayumi?" muling tanong sa akin ni Jacob. Nag-okay sign ako sa kanya pero ang totoo ay nahihilo ako. Hindi ako sanay sa alak at hindi naman talaga ako umiinom, kaya kahit isang lagok lang ang gawin ko, agad akong nahihilo. "S-Saan ba 'yong CR dito, Jacob?" "Doon sa left side ng dulong corner. Samahan na kita?" turo ni Jacob sa akin sabay sa kanyang pagpresinta. Mariin akong umiling at ngumiti. "No, 'wag na. Kaya ko naman," tugon kon Hindi ko alam kung napansin ni Jacob na tila susuraysuray akong maglakad. Diretso lang naman ang tinatapakan ko pero animoy umikot ako nang ilang beses dahil sa gumagalaw na sahig sa aking paningin. Ngunit natigilan ako sa paghakbang nang magsimulang magsalita ang MC ng event na ito. "Ladies and gentlemen, thank you for coming in the most awaited eighteenth birthday of our beloved Anna Hermosa Villanova, the only heiress of family Villanova," sunod-sunod na wika ng lalaking MC. Sandali akong nagpalipas ng hilo at nanatiling nakatayo kung saan ako naroroon. Maya-maya lang, muling nagsalita ang MC na muling nakakuha ng atensyon ng mga tao. "We are about to hear a special announcement between the Suarez family and the Villanova." Kumunot ang aking noo dahil sa narinig. Nakita ko naman ang pagtataka sa mukha ni Jake habang nakatingin din ito sa announcer. "Let us hear a greeting speech from Ms. Anna's fiancé, Mr. Jake Suarez." Kitang-kita ko ang panlalaki ng mata ni Jake nang sabihin ang kanyang pangalan at mas lalo pa siyang nagulat nang sabihin ang salitang fiancé. Maging ako ay nagulat sa aking narinig. May kung anong bagay sa akin ang tila nagsimulang sumikip. Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga, dahilan upang hawakan ko ang aking dibdib. Ano bang nangyayari sa 'yo, Ayumi? Bakit hindi ako makahinga? Masikip ba ang bra na nasuot ko? sunod-sunod kong wika sa sarili. Dahil ayoko nang marinig pa ang mga bagay na sasabihin ng MC, muli akong naglakad patungo sa washroom, ngunit hindi ko akalain na dahil sa aking pagkahilo, hindi ko napansin ang isang malaking flower vase na malapit sa aking kinaroroonan. Isang malakas na pagbagsak ang umalingawngaw sa paligid, dahilan upang maputol ang pagsasalita ng MC at ang lahat ng tao ay mapatingin sa aking kinaroroonan. Nanatili akong nakaupo sa sahig habang ang malaking flower vase ay tuluyang natumba at nabasag. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kahihiyan. "What's happening?" wika ng mga tao na nasa paligid. Nagsimulang umingay at nabalot ng bulungan ang paligid. "Sino siya? Never seen her before?" "Parang siya 'yung kasama ni Jake kanina." "Really?" Ito ang mga bagay na aking naririnig sa paligid. Hanggang dito ba naman ay pinag-uusapan ako? Pero kasalanan ko rin naman dahil nakagawa ako ng isang nakahihiyang bagay. Sinimulan kong ilapat ang aking palad sa sahig at pilit na tumayo, ngunit mariin akong napapikit nang may maramdaman akong kirot sa aking palad. Hindi ko napansin na may piraso pala ng bubog na nasa sahig, dahilan upang tuluyang dumugo ang aking kamay. Ngunit kahit ganoon, hindi ko pinahalata ang sugat na iyon. Sa aking pagtayo, isang lalaki ang lumapit sa akin. "Bakit ba hindi ka nag-iingat?" sigaw ng lalaking nasa aking harapan. Agad kong tiningnan kung sino siya at laking gulat ko nang makita ko si Jake. "J-Jake, a-anong," nauutal kong tugon. Animoy padabog ang kanyang galaw nang hawakan niya ang kamay ko. Isang panyo ang tinali niya sa aking palad upang takpan ang sugat kong iyon. "Tukmol ka talaga! Hindi ka talaga pwedeng iwanan dahil takaw disgrasya ka," sermon niya sa akin. Maya-maya lang, tinanggal niya ang suot niyang coat at nanlaki ang aking mga mata nang isuot niya ito sa akin. "Let's go, umalis na tayo rito," aniya sabay sa paghawak niya sa aking balikat at pagtalikod namin sa mga tao. Nadirinig ko ang pagsinghap ng mga bisita na halos lahat ay nakatingin sa aming direksyon. Pakiramdam ko ay pinagtsitsismisan na nila kaming dalawa dahil sa ginawa ngayon ni Jake. "Jake!" sigaw ng isang lalaki dahilan upang muli kaming mapalingon, saka ko nakita si Jacob. "Where are you going? Stay here. Ako na ang sasama sa kanya," wika ni Jacob sabay lakad patungo sa aming kinaroroonan. Hinawakan ni Jacob ang aking kamay at sinubukan akong hilahin patungo sa kanyang tabi, ngunit hindi ako nakagalaw dahil sa mahigpit na paghawak ni Jake sa aking braso. "She's with me," malamig na wika ni Jake. "Ako ang mag-uuwi sa kanya," aniya saka marahas na hinawakan ang kamay ni Jacob at tinanggal ang pagkakahawak nito sa akin. Muli kaming tumalikod at nagsimulang humakbang palayo. "How about Anna?" pahabol na sigaw ni Jacob ngunit hindi na tumugon si Jake sa kanya. *** "I-I'm sorry, hindi ko sinasadyang mag-cause na naman ng gulo," nakayuko at lubos na nahihiya kong wika kay Jake na ngayon ay nakaupo sa driver seat. Kasalukuyan na kaming nasa kotse dahil ihahatid niya ako pauwi. "Okay lang 'yon. Ayos nga, eh. Dahil sa katukmolan mo, nagkaroon ako ng rason para umalis sa boring na party na 'yon." Kumunot ang aking noo dahil sa kanyang sinabi. "Hoy! Ikaw! Naka-ilang tawag ka na sa 'kin ng tukmol, ha! Sumusobra ka na!" iritable kong sigaw saka tuluyang nahimasmasan mula sa aking pagkahilo. Tumingin siya sa akin saka tumaas ang gilid ng labi na malademonyo. Hanggang sa maya-maya lang, unti-unti siyang lumapit sa akin, dahilan upang maramdaman ko ang pagbilis ng t***k ng aking puso. "A-Anong gagawin mo?" nauutal ko pang wika habang patuloy siyang lumalapit sa akin at nakangisi. Mariin akong napapikit nang tila ilang pulgada na lang ang pagitan ng aming mga mukha. "Seat-belt mo," maiksi at natatawa niyang wika sa akin sabay sa paglagay niya ng seat-belt. Matapos iyon ay mabilis na siyang lumayo at diretsong tumingin sa kalsada, saka nagsimulang magmaneho. Sh*t, ano ba 'yon? B-Bakit ako pumikit? bulyaw ko sa sarili. Pakiramdam ko ay umaapoy sa init ang aking pisngi dahil sa hiya. Narinig ko pa ang pagpipigil ng kanyang pagtawa dahil sa aking ginawa. Tumingin na lang ako sa bintana at pilit na kinalilimutan ang lahat ng kahihiyan na nangyari ngayon. Bwisit ka talaga, Jake! May araw ka rin sa 'kin!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD