Chapter 3

2235 Words
Ayumi Reyes NAGTATAKANG nakatunganga ako sa dalawang lalaki na nasa aking harapan. Parehong-pareho ang kanilang mukha at sa pagkakataong ito, alam na alam ko nang kambal silang dalawa. Hay... naku! Ayumi, bakit mo naman napagkamalan na si Jacob ay si Jake? Humalukipkip ako saka tahimik na nag-isip. Oo nga naman. Kung iisipin mong mabuti, ibang-iba ang ugali nilang dalawa. Ang Jacob Suarez na nagustuhan ko ay hindi brusko at antipatiko at 'yong Jacob na nakasama ko nang ilang araw ay tila mala demonyo ang pag-uugali. "Hindi mo pa rin pala binubuwag ang club na ito, Jake," narinig kong saad ni Jacob habang inililingon sa paligid ang kaniyang ulo. "Umaasa pa rin kasi ako na may sasali sa soccer team ko," tugon ni Jake sa kaniya, saka niya itinaas ang kaniyang mga paa sa ibabaw ng lamesa. "Teka nga, ano ba ang ginagawa mo rito?" tanong niya kay Jacob. Matapos ilingon ni Jacob ang kaniyang ulo sa paligid, bumalik siya ng tingin kay Jake. "Hinahanap ka sa 'kin nila mommy at dapat daw dumalo ka sa Birthday party ni Anna," diretsong saad ni Jacob sa kanya. "Bakit pa? Eh matagal naman na kaming hiwalay," tugon ni Jake sa kaniya. "Alam mong malapit ang pamilya nila sa pamilya natin, kaya kailangan natin dumalo sa kaarawan niya. Kung gusto mo." Nanlaki ang aking mata nang tingnan ako ni Jacob saka siya ngumiti. "Isama mo na lang ang babaeng ito sa party," saad niya. Babaeng ito? Hindi niya ba ako natatandaan? O hindi na niya ako nakikilala? Bakit niya ako tinawag na babaeng ito? "Hindi ko kailangang isama si Ayumi sa party na iyon. Isa pa, para lang 'yon sa mga sosyal. Kita mo ba hitsura niyan, mukhang yagit?" Aba! sumosobra na talaga itong lalaking 'to ah! Sige, umalis lang si Jacob mamaya, bibigwasan kita ng isa makita mo, pagbulyaw ko sa kanya sa aking isip. "Kung ayaw mong isama si Ayumi," biglang singit ni Jacob sa sinasabi ni Jake. Tila uminit naman ang aking mukha nang bigla kong maramdaman ang kaniyang kamay na nakapatong sa aking kamay, saka ko naramdaman ang mabilis na t***k ng aking puso. Ito na 'to, si Jacob na nga talaga ang kaharap ko. Halos maihi na ako sa kilig dahil matagal kaming hindi nagkita. Siguro batang uhugin pa ang natatandaan niya sa akin, iyon ay kung natatandaan pa nga niya ako. "Ako na lang ang magsasama sa kaniya," muling wika ni Jacob na siyang pumutol sa mga bagay na aking iniisip. Gosh! 'Yong puso ko, muntikan nang tumalon palabas sa ribcage ng katawan ko. Ngunit habang nasa kalagitnaan ako ng pagpapantasya sa lalaking matagal ko nang napupusuan, bigla na namang sumingit ang antipatikong lalaki na si Jake. Marahas niyang kinuha ang aking kamay upang matanggal sa pagkakahawak ni Jacob. "H'wag mo 'tong pakialaman, alaga ko siya at kung mayroon man siyang sasamahan, ako 'yon! Ako lang," iritable niyang wika. Bakit pakiramdam ko ang ganda-ganda ko? Pinag-aagawan ba nila ko? Gosh! "Kung ganoon, It's final. Dadalo ka sa pagsasalo kasama ang babaeng ito," wika ni Jacob. Tila litong-lito ang aking isip sa kanilang pinagsasabi. Ako lang ba o talagang parang naiipit ako sa dalawang ito? Isang matalas na tingin ang tinapon ni Jake sa kanyang kapatid. Hindi ko alam ngunit, pakiramdam ko ay may kung anong alitan ang dalawang ito. Tila may pinagmumulan ang galit nila sa isa't isa. "Okay, sige," saad ni Jake. "Iyon lang ba ang sasabihin mo? Bukas ang pinto, makakaalis ka na," iritableng wika ni Jake. Nakita ko ang pagtayo ni Jacob, saka nilagay ang kamay sa kanyang bulsa. Halos tumalon ang aking balikat nang dumapo sa akin ang kanyang tingin. Isang matamis na ngiti ang binigay niya sa akin at nagulat ako dahil sa kanyang ginawa. Naramdaman ko ang pag-init ng aking mukha at pamumula nito. Tila lumutang ang aking isip sa alapaap at tanging siya lang ang aking nakikita. Naramdaman ko ang mabilis na t***k ng aking puso. Ngayon ko mas napag-alaman na gusto ko nga talaga ang lalaking ito. Hindi ko na nga rin napansin na siya ay umalis na, nanatili lang akong nakatulala sa pinto kung saan siya lumabas. "Aray!" pagreklamo ko nang makaramdam ng isang malakas na pitik sa aking noo, dahilan upang maputol ang aking pag-iisip. Tinapunan ko ng matalas na tingin si Jake na ngayon ay nakatingin din sa 'kin. "Alam mo, ikaw? Papansin ka, ano?" inis kong wika kay Jake sabay himas sa aking noo na kanyang pinitik. Kumunot naman ang noo ni Jake, saka ako tinapunan ng masamang tingin. Marahas siyang tumayo mula sa kanyang upuan saka lumapit sa aking harapan. Mariin akong napapikit at lumundag ang aking balikat nang malakas niyang ihampas ang palad sa lamesa na nasa aking harapan. Nakaramdam ako ng takot dahil sa kanyang ginawa. Hanggang sa unti-unti niyang nilapit ang kanyang mukha sa aking mukha. "Sa akin ka lang at ayokong may ibang taong aangkin sa alaga ko!" mariin niyang bato ng salita sa akin. Mariin akong napalunok dahil sa kanyang sinabi. Kahit hindi ko maintindihan ang ibig niyang iparating, ramdam ko ang pagiging ma-otoridad ng wikang iyon. *** Kinabukasan, nagsimula akong pumasok sa entrada ng Carlson University na tila walang gana. Alam ko kasi na ang araw na ito ay ang sinasabing araw ni Jake at dadalo ako sa isang handaan kasama siya. "Hoy, Ayumi!" isang pagtawag ang aking narinig sa hindi kalayuan. Agad kong nilingon ang aking ulo at laking gulat ko nang may isang kamay ang humila sa aking buhok. "Aray ano ba?! Bitiwan mo nga ako!" sigaw ko habang hawak-hawak ang buhok ko. "Akala mo ba nakalimutan na kitang babae ka!" iritable niyang wika. Patuloy niya akong kinaladkad hanggang sa makatungo kami sa likod ng school kung saan wala masiyadong tao at doon niya ako marahas na hinagis. Dahil wala akong balanse, halos masubsob ako sa sahig at nakadapang bumagsak dito. Tinaas ko ang aking ulo saka siya nilingon. Nakita ko ang kanyang mukha at naalalang siya iyong babaeng nakasalubong ko sa hallway. Mabilis akong tumayo at pinagpagan ang aking palda. "Ano bang problema mo sa 'kin, ha?" matapang kong wika, saka hinalukipkip ang braso. "Aba! At may tapang ka pa, ha?" tugon niya. "Malaki ang problema ko sa 'yo dahil feelingera ka! Isa pa, gusto mo pang banggain ang queen bee ng school na si Ms. Andy. Nakakairita ang katapangan mo!" sunod-sunod niyang paliwanag. "Binura ko na ang bagay na sinulat ko roon, hindi ba? Hindi ka maka-move on?" pang-aasar ko pa at pagtukoy sa comment ko roon sa page ni Ms. Andy. Isang matalas na pagngisi ang kanyang pinakita sa akin. "No! Bakit ako magmo-move on kung nandito ka pa?" tugon niya. Nakita ko ang pagtaas ng kanyang kamay sabay pitik ng kanyang daliri. Maya-maya pa, may isang grupo ng lalaki ang lumitaw mula sa likod na pader na kaniyang kinaroroonan. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa nakita. Limang lalaki ang dumating sa aking harapan. "Anong gagawin namin dito, boss?" nakangising saad ng isang lalaki na may hawak na baseball bat habang hinahampas hampas ito sa kanyang palad. "Wala na akong pakialam kung anong gagawin nyo sa babaeng 'yan. Basta ayoko na siyang makita sa unibersidad na 'to," saad ng babaeng iyon. Isang matalas na pagngisi ang kanyang ginawa saka hinakbang ang mga paa palayo sa aming kinaroroonan at tuluyang umalis. Tila iniwan na niya ako sa kamay ng limang lalaki na ito. Mariin kong kinuyom ang aking kamay habang may matapang na tingin sa mga ito. Bakit ba ang aga-aga nararanasan ko agad ang bagay na ito? Ano ba talaga ang ginawa ko noong past life ko? Parang gusto ko na lang talaga maging isang patatas, wika ko sa sarili. "Mis, anong gusto mo? Laro tayo?" saad ng isang lalaki. "Laro mo mukha mo!" mapang-asar kong tugon. Tila nainis naman ang lalaking iyon sa akin dahil nagbago ang ekspresyon ng kanyang mukha. "Matapang ka pala talaga, ano?" Maya-maya lang dahil sa kanyang inis, tinaas niya ang kanyang kamay na may hawak na baseball bat at animoy ihahampas ito sa akin. Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang binabalak gawin. Talaga bang may ganitong tao? Handang manakit ng kahit na sino mang wala namang kasalanan sa kanila? Ano ba ang aking ginawa sa mga taong ito? sunod-sunod kong isip. Mariin akong napapikit nang mapagtanto ko ang tila slow-motion na paggalaw ng kanyang balikat. Mabilis kong hinarang ang aking braso sa aking mukha. Ngunit maya-maya lang, wala akong naramdamang kahit anong bagay na tumama sa akin. Dahan-dahan kong binukas ang aking mga mata. Nagulat na lang ako nang makita si Jake na nasa aking harapan. Hawak niya ang baseball bat na dapat ay ihahampas sa akin. Nangninisik sa galit ang kanyang mga mata na animoy papatay ng tao. "J-Jake?" takot at nauutal na wika ng lalaki sa harapan ni Jake. "Hindi ba sinabi ko nang walang sino man ang maaaring lumapit sa babaeng ito?" malalim at punong puno ng galit na wika ni Jake. "N-Napag-utusan lang ako." "Sino ang nag-utos sa inyo?!" sigaw ni Jake saka marahas na tinulak ang lalaki sa kanyang harapan, dahilan upang bumagsak ito sa sahig. "S-Si Noemi! Si Noemi!" pag-amin ng lalaking iyon. "Umalis na kayo kung ayaw nyong maligo sa sarili nyong dugo!" pagbabanta ni Jake. Natatarantang tumayo naman ang lalaking iyon at halos madapa-dapang tumakbo palayo sa aming kinaroroonan. Sumunod naman ang iba pa niyang kasama. Marahang humarap sa akin si Jake. Tiningnan ko ang kanyang mukha at hindi ko alam kung bakit madilim at tila maging sa akin ay galit siya. Ngunit kahit ganoon, pinili ko pa ring magpasalamat. "Salamat, Jake –" "Gusto mo ba talaga na laging napapahamak?! Bakit ba napakatakaw gulo mo?!" sigaw niya sa akin, dahilan upang mapatalon ang aking balikat at mariing mapapikit ang aking mata. "S-Sorry," "Paano kung hindi ako dumating? Paano kung napahamak ka na kanina? Paano kung–" "Sorry na nga, eh!" sigaw ko saka mahigpit ko siyang niyakap. Nagsimulang sumikip ang aking dibdib at numipis ang aking paghinga. Hindi ko na rin namalayan ang mabilis na paggapang ng maaalat na luha sa aking mga mata. Noon ko lang naramdaman ang panginginig ng aking katawan dahil sa takot na naramdaman ko kanina. Ngayon ko lang binuhos ang lahat ng aking luha. Ngayon lang nang dumating si Jake at maramdaman kong ligtas ako sa bisig niya. "A-Ayumi," gulat na wika ni Jake dahil sa aking pagyakap. "Hindi ko alam kung bakit takaw gulo ako. Hindi ko alam kung bakit ganoon sila sa 'kin. Hindi ko alam, Jake! Hindi ko alam!" sunod-sunod kong sigaw sabay sa aking pag-iyak. Tila naging maamong tupa naman si Jake sa aking harapan. Naramdaman ko ang paghagod niya sa aking likod at paghaplos niya sa aking ulo, saka mahigpit akong niyakap pabalik. "Patawad, Ayumi. Patawad dahil nasigawan kita, nag-alala lang talaga ako nang sobra," wika niya sabay sa marahang paghimas niya sa aking ulo. *** Dahil sa nangyari, hindi na rin kami nakapasok sa unang subject namin. Pakiramdam ko ay lumiban ako sa klase dahil sa nangyari. Ngunit nang tuluyan kong maramdaman na maayos na ang aking pakiramdam, hinatid ako ni Jake sa aking classroom. Ang totoo, masuwerte ako dahil nandiyan si Jake upang ako ay protektahan. Nandiyan siya upang maging sandalan ko sa tuwing may mga taong nananakit sa akin. Ngunit hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung bakit niya ito ginagawa. Bukod sa pagsisilbi ko sa kanya, sa tingin ko ay may mas malalim pang dahilan kung bakit siya ganito sa akin. Hindi kaya, gusto niya ako? Naputol ang aking pag-iisip nang sumagi sa akin ang bagay na iyon. Napadungaw ako sa bintana habang nakapalumbaba. Kasalukuyan ako ngayong nasa classroom at patuloy na nagtuturo ang aming guro sa harapan katabi ng pisara. Imposible naman ang iniisip mo, Ayumi. Feelingera ka talaga, ano? pag-away ko sa sarili. "Okay, class. Dismissed," rinig kong wika ng aming guro, saka lumabas ng classroom. Sinimulan kong ayusin ang aking mga gamit at isa isang nilagay ito sa bag. Narinig ko ang nagsisimulang ingay sa aking paligid. Dahil wala naman akong pakialam, abala na lang akong inayos ang mga hawak ko. Hangang sa magsimulang lumakas ang hiyawan sa paligid. "Ang gwapo naman ni Jake!" Tumaas ang isa kong kilay nang marinig ang pangalan ng lalaking iyon. At dahil sa kuryosidad, tinanaw ko ang aking mga classmate at kung ano ang kanilang pinagkakaabalahan. Nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Jake na naglalakad patungo sa aming classroom, saka siya pumasok sa pinto. Napapasinghap naman ang mga babaeng estudyante dahil sa kanyang hitsura, dahil sa porma niyang tila bibihag sa puso ng mga kababaihan. Naka-blue suit siya at pormal na pormal ang kanyang dating. Maging ang dati niyang magulong buhok, ngayon ay ayos na ayos. Oo, masasabi kong napakagwapo niya ngayon. Tila nakatulala lang ako sa kanya habang dahan-dahan siyang lumalakad palapit sa aking kinaroroonan. Hanggang sa tuluyan na siyang tumayo sa aking harapan. "Hoy, tukmol! Tara na, mag-aayos ka pa." Animoy nabasag na salamin ang magandang pantasya kanina. Kumunot ang aking noo dahil sa walang modo niyang pananalita. Ano raw? Ako, tukmol? inis kong wika sa sarili. "Alam mo ikaw, Mr. Jake Suarez–" "Tsk. Dami pang sinasabi!" iritable niyang wika, saka kinuha ang aking kamay at sapilitang pinatayo mula sa aking pagkakaupo. Namalayan ko na lang na sumusunod na ako sa kanya palabas ng aking classroom habang ang tingin ng mga estudyante sa Carlson University ay sa amin nakatuon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD