“PIPILITIN kong maagang makalabas,” ani Mina kay Sandy.
Tumango si Sandy sabay baba ng dalawang tasa ng gatas sa ibabaw ng mesa. “Hayaan mo at kaya ko na iyon. Para ka namang bago sa akin.” Kinuha niya ang isang mug at sumimsim ng gatas.
“Hanggang 2:00 lang naman ang klase namin ngayon. Madami pang vacant bago ang last subject kaya may time akong gumawa ng ibang assignment,” wika ni Mina at inabot ang isang mug ng gatas.
Maagang nagsimula ang pasukan nina Mina lalo at nag-ireg ito. Siya naman ay waiting pa rin sa tawag ng mga pinag-applyan. Inubos ni Mina ang laman ng mug at kinuha na ang gamit nito. Inihatid naman ito ni Sandy hanggang sa labas ng gate. Maglalakad pa ito hanggang sa may kanto at doon maghihintay ng sasakyang jeep. Pinagmasdan niya ang kaibigan hanggang mawala sa paningin.
Pagkatapos mag-agahan ay naglinis si Sandy ng bahay. Namalengke at nagsimula nang gumawa ng paninda nila tuwing hapon. Maaga siyang naglabas ng hapong iyon pero hindi niya inaasahang nakapagtayo na din si Aling Bebang ng kaniyang ihaw-ihaw sa kanilang bakuran. May malaki pa itong tarpaulin ng mga paninda at dahil opening nila ay may promo itong discount at free pork barbeque para sa first 50 customers nila. Dumagdag pa na halos dinudumog ito ng mga tao habang siya ay gasino pa lang ang nabebenta. Hindi rin siya natutuwa sa ngisi ni Matet, ang anak na dalaga ni Aling Bebang na kulang na lang ay magmukhang clown dahil sa kapal ng foundation, makapal na eyeshadow, mapulang pisngi at labi.
Minabuti na lang niyang ialis ang tingin sa kabilang tindahan at huminga ng malalim. Kailangan niyang kumalma. Kailangan niyang makabenta ngayon. Doon nakasalalay ang gastusin nila ni Mina.
“Hi, mga suki! Gusto ninyo ba ng freshly made na barbeque, wag na kayong mahiya, lapit na!” Hindi nakalingat sa kaniya ang pagtaas ng kilay ni Matet. Hindi niya ito pinansin at taas-noong ipinagpatuloy ang pagtatawag. “Barbeque namin ay ‘di lang masarap, garantisadong subok na malinamnam at fresh na fresh pa!”
May mga ilang nagsilapitan sa kanila pero wala pa rin iyon kumpara sa mga taong abala sa pagbili kina Matet at Aling Bebang na ihawan.
“Pili lang po kayo,” aniya sa mga naglapitang customer.
“Wala ka din bang pa-discount?” tanong ng isang mama.
“Kuya, kapag marami kang bibilihin bakit hindi kita bibigyan ng discount,” masigla niyang tugon.
“Twenty percent din ba?” excited na tanong ng mama.
“Ay kuya naman. Baka naman malugi kami niyan. May pa-discount lang naman sila at opening. Kami naman ay matagal nang nagtitinda dito.”
“Wag na lang. Doon na lang ako sa kabila,” saad ng mama sabay balik lahat ng dapat ay bibilihin.
“Wow lang ha,” inis niyang bulong habang pinagmamasdan ang tumalikod na mama at nagpunta kina Aling Bebang na ihawan. Nang mapasulyap siya kat Matet ay nginisihan siya nito at pinandilatan. Inirapan niya na lang ito at inasikaso ang dalawang customer na naiwan
‘Matutong magpasalamat kahit sa maliit na bagay,’ bulong niya sa isip habang nag-iihaw.
Mag-aalas tres na dumating si Mina. Bagsak ang balikat nito ng maabutan siyang pailan-ilan ang bumibili habang kina Aling Bebang ay dagsa ang tao. Idagdag pa sa inis nila ang walang tigil na pang-aasar ni Matet. Lalo na nang pagsapit ng alas-kwatro at nagsisimula nang magligpit sina Matet at Aling Bebang.
“Oh, Mina at Sandy, kumusta ang benta ninyo?” nakakalokong tanong ni Aling Bebang.
“Mali, mama. Itanong ninyo kung may nabenta ba sila?” pang-aasar ni Matet na sinundan ng malakas na halakhak. Humalakhak din ang ina nito.
Nagkatinginan sina Sandy at Mina. Nagkibit-balikat na lang sila kesa pansinin pa ang mag-ina. Isip-bata lang ang papansin sa kanila.
“Bye bye, losers!” maarteng paalam pa ni Matet.
“Aba at—“ namilog ang mata ni Mina sa inis.
“Hayaan mo na,” pigil niya.
“Ang kapal eh!”
“Wag na lang nating pansinin,” may munting ngiting sabi niya. Naiinis pa rin siya kay Matet pero wala naman siyang magagawa. Kung kinakailangan niyang mag-isip ng mga twist ay gagawin niya. Nagsisimula na siyang humabi ng mga plano para makabenta bukas nang mapalingon siya sa kalsada. “Mukhang hindi naman tayo uuwing walang benta,” makahulugang aniya habang awtomatikong bumilis ang kabog ng dibdib niya. Ang kaninang inis at lungkot ay naglahong parang bula.
“Ano pong inyo?” bungad kaagad ni Mina sa apat na nagtatangkarang lalaking nagdatingan. Halos pare-parehong nakaitim ang mga ito pero ang kaisa-isang lalaking naka-V neck na shirt ang umagaw ng atensiyon niya. Gulo ang buhok nito na para bang ilang beses na pinasadahan nito ng daliri ngunit sa halip na pangit tingnan ay mas lalong bumagay dito. He looked tired pero ang hot niya pa ring tingnan.
“Masarap daw ang mga barbeque ninyo,” ani ng isang lalaki.
“Opo naman. Lahat po iyan,” masigla niyang ani pero ang mga mata niya ay na kay Macoy.
“Kaya naman pala dito naisipan nitong si Macoy mag-aya. Hindi lang paninda ang mukhang masasarap, magaganda rin ang magtitinda,” makahulugang saad ng isa.
“Pumili ka na lang diyan at kumain. Kung ano-anong sinasabi mo.” Seryosong siniko ni Macoy ang kasamahan. Lihim namang napangiti si Sandy. Hindi niya mapigilan mapangiti sa isiping sinadya nito ang paninda nila.
Sana naman sa susunod ay ang magtitinda naman ang sadyain niya.
“Bibili ako ng marami, libre daw ni Macoy,” wika naman ng isa pa.
“Uy, gusto ko niyan,” singit naman ng isa pa.
“Sige, kuha lang kayo. Ako ng bahala,” casual na turan ni Macoy na abala din sa pagkuha ng kaniyang order.
Nagbaba sila ng plato kung saan pwedeng ipaglalagay nila ang mga napili. Halos nakatatlong puno na plato ang mga ito ng binili. May isaw, dugo, bituka ng baboy, atay, pork barbeque, chicken wings, at legs.
“Take-out ba lahat iyan?” tanong ng isa.
“Siyempre, bukod ang take-out, bukod ang kain,” ngisi ng isa pa.
Nagkatawanan ang tatlo habang si Macoy ay inarkuhan ng kilay ang tatlo sabay sabing, “Wag sana kayong saktan ng tiyan.”
Nagkatawanan sila. Hindi naman niya mapigilan ang mapabungisngis. Seryoso ang mukha ni Macoy pero batid niyang nagbibiro lang ito.
“Gusto po ba ninyo ng toasted?” singit niya sa usapan ng mga ito.
“Sige lang. Kung anong masarap,” ‘yung isang lalaki ang sumagot. Hindi niya nga lang mapigilan na hindi lingunin si Macoy. Tahimik na nakatingin ito sa kaniya. Nakaisang linya ang labi nito. marahil nabasa nito ang iniisip niya kaya nagsalita ito. “Dating gawi.”
“Sige po,” masigla niyang wika at tinulungan na si Mina sa pag-iihaw. Nagsiupuan naman ang apat sa kabilang tabi pagkaraang maglabas siya ng bangko.
“TULOY ba tayo bukas, Rex?” tanong ni Macoy sa kasamahan.
“Kapag aksyon talaga ay mabilis itong si Macoy,” nakangising komento ni Ronnie.
“Siyempre tuloy tayo bukas kahit wala si Sir,” tugon ni Rex sa kaninang tanong ni Macoy. “At palaging ikaw ang una kong kasama. Iiwan ko itong si Ronnie at Maximo pero hindi kita iiwan,” dugtong nito sabay turo sa dalawa pang kasama.
“Hindi masaya kapag wala kami ni Ronnie, ano?” pagbibiro ni Maximo.
“Baka naman tulugan ninyo lang ulit kami habang nagbabantay?”
“Grabe itong si Rex, hindi maka-move on. Iba bukas at sure ng may habulan iyon,” lingos ni Ronnie.
“Basta maaga tayo bukas,” simpleng tugon ni Macoy sabay baba ng tingin sa cellphone.
May operation sila bukas. Sunod-sunod ang kasong hinaharap nila nitong nagdaang linggo. Noong nagdaan ay halihinan ang nakawan sa malalaking grocery store tuwing gabi. Nandiyan na din ang mga dating sa bayan nila na nahuling gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Sila pa talaga ang malalakas ang loob. Idagdag pa ang ilang reklamong nagkakawalaan ng kung ano-anong gamit. Pero ang pinakamalala ay isang kilalang lalaki ang naabutang walang buhay sa loob ng bahay nito. Sa hinuha nila ay nilason ito bago pinagnakawan. Limas lahat ng pera nito sa vault kasama ang mga alahas, mamahaling cellphone, at laptop. Ilang araw na nilang hinahanap ang kinakasama nito na siyang primary suspect. Malakas ang paniniwala nilang may kasabwat ito lalo pa’t kahapon lang ay nakatanggap sila ng impormasyon na magkakaroon ng transaction kung saan ipinagbebenta ang mga gamit ng biktima.
“Luto na po!”
Masiglang tinig ng dalaga ang nagpatigil sa isip ni Macoy. Sinulyapan niya ito. Nakatingin ito sa kaniya. Matamis ang ngiting nakapaskil sa munti at namumulang mga labi. Parang kumikislap ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya. Wala talaga siyang balak kumain ng barbeque ngayon pero parang hinihila ang mga paa niya papunta sa tindahan.
“P’re kanina pa iba ang tingin at ngiti sa’yo ni Miss,” pasimpleng bulong ni Rex sa kaniya.
Pansin niya na iyon simula nang mag-order si Miss Leah at siya ang nautusang kumuha. Hindi niya lang pinapansin dahil ang huling gusto niya sa buhay ay isa pang dagdag isipin. Pero tila siya din ang bumabali sa sariling rules. Heto at narito siya sa tindahan ng dalaga hindi para bumili kundi para makita ito.
Isang bagay na ayaw niyang aminin sa sarili. “Pakibalot na lang ng mga iyan.”
Napatingin sa kaniya ang mga kasamahan tsaka ang dalawang dalaga.
“Kakain pa kami,” angal ni Ronnie.
“Mamaya na. Kayo din naman ang kakain niyan,” aniya sabay tayo. “Pakibalot na lang. Magkano lahat?”
Sinabi ni Sandy kung magkano ang babayaran niya. Nakangiti ito pero hindi nakalingat sa kaniya ang disappointment sa mga mata nito.
“Thank you po,” sabay na saad ng dalawang dalaga.
Tumango siya pagkakuha ng mga binili sabay talikod. Wala siyang balak patulan ang kakaibang tingin at ngiti nito.
‘Wala nga ba talaga, Macoy?’ kastigo niya sa sarili.