PART 3

1440 Words
NAGPATULOY ang paglipas ng araw. Diretso sa pagpasok si Mina habang si Sandy naman ay patuloy sa paghihintay sa pinag-aapplayan niya. Natapos niya nang maluwat ang interview pero gaya nang dalawang nauna niyang pinag-applayan ay sinabi nitong tatawag na lang daw. Nakakapanghina ng loob pero umaasa siya na matatawag siya lalo ngayon at medyo humina ang business nila ni Mina. “Uy, Sandy, may atay ka pa ba?” Halos mapatalon si Sandy mula sa pagkakaupo nang bigla na lang sumulpot sa tabi niya si Aling Nena. “Opo naman. Kumpleto pa atay ko. Mahirap namang mawalan ako ng atay.” “Diyaskeng bata ito. Paninda ang itinatanong ko,” mahina nitong tanong na para bang takot itong may makarinig sa kaniya gayong sila lang naman ang tao. Maaga siyang naglabas ngayon para kahit papano ay may kita na siya bago makapagbukas si Aling Bebang. “Opo naman. Ilan ba?” “Pagbilihan mo nga akong sampu. Gandahan mo ang luto ha. ‘Yung gaya ng dati.” “Sige po.” Kumilos siya kahit medyo nagtataka dahil sa kaniya bumili ang ale gayong palagi itong kaumpukan ni Aling Bebang. “Paupo muna ako dito ha?” “Sige lang po.” “Wag mong sasabihin kay Bebang na dito ako bumili ha. Hindi na ako pauutangin noon kapag nalaman na sa’yo ako bumili ng atay. Gustong-gusto lang ni ineng ang atay.” “May tinda naman din pong atay si Aling Bebang, ah.” “Naku, ay ayaw naman ni ineng at wala daw lasa tapos matigas pa. Noong isang araw nga kung hindi pinaluto ni ineng ang pakpak ng manok na binili namin. Gusto ng inihaw kaso ang nilabasan ay prito na lang. Kung ‘di ba naman ang batang iyon ay naglilihi ay hindi ko ibibili dito. ” Pinanlakihan niya ng mata ang ale. Hindi naman halatang marites talaga ito. Walang ka-preno-preno ang bibig. Kung hindi lang nito sinabi na naglilihi ang anak ay hindi niya ito pagbibilihan eh. NANG sumapit ang hapon ay napilitang iwan ni Sandy kay Mina ang tindahan. Nawala sa isip niya na siya nga pala ang naka-schedule na makikipagkita sa kanilang supplier ng mga paninda. Kailangan niyang makipagkita dito dahil kung hindi ay wala silang maiitinda sa mga susunod na araw. Nasa labas na siya ng palengke. Halos kokonti na ang tao dahil hapon na. Dumiretso siya sa meat section. Halos nagsasara na lahat ng karnehan. “Sandy!” Napalingon siya sa tumawag sa pangalan niya. “Kuya Arning!” nakangiti niyang salubong dito. Lumapit siya sa lalaki. Marahil nasa 40s na ang lalaki. Wala pa itong asawa pero may kapisan na dalawang anak na babae. “Akala ko ay hindi mo ako sisiputin ngayon,” ngising-ngising anito. Nagpupunas pa ito ng kamay sa suot na apron na halos puro talsik ng dugo ng karne. “Kuya naman, alangan namang hindi.” Kinuha niya ang wallet at naglabas doon ng lilibuhin. “Mahina ang bentahan ngayon eh kaya pwede bang tsaka ang kulang na five hundred.” Inabot nito ang pera sa kaniya at binilang iyon. “Bakit nga ito kulang, Sandy? Parang napapadalas na kulang ang ibinibayad ninyo sa akin ngayon ah.” Kakamot-kamot ang ulong tanong nito. “May kasabay na rin kasi kaming magtitinda.” “Ah si Aling Bebang?” Mabilis na sumulyap ito sa kaniya habang inaayos ang lilibuhin sa kamay. “Bakit alam mong nagtitinda na din siya?” Ngumisi ito. “Siyempre sa negsyo, mas masaya kapag marami.” “Ikaw rin ba ang nag-susuply sa kanila?” Ngumiti lang ito. Ngiting hindi niya gusto. “Kaya ba minsan kokonti na rin ang dinadala mo sa bahay?” “Nagiging kulang na ang binabayad ninyo. Kailangan ko rin naman ng dagdag kita. Gaya nito kulang ng 500.” “Binabayaran naman namin.” “Binabayaran ninyo naman kaso napapadalas na palya.” “Noong isang linggo lang naman at ngayon kami pumalya.” “Kahit na. Kapag kay Aling Bebang, swak na swak pa ako kapag si ate tang kukuha ng supply at magbabayad.” Naging makahulugan ang tingin nito sa kaniya. Bumaba ang tingin nito sa binti’t hita niya. Naka-shirt at short shorts lang kasi siya. Hindi siya katangkaran pero hindi papahuli ang mahaba at makinis niyang biyas. “Kuya Arning, usapang pera at paninda ito. Chicken and pork barbeque ang itinitinda namin, hindi kung anong laman,” mahinahong aniya habang pasimpleng tumitingin sa paligid. Medyo kinabahan siya nang mapansing marami ay palabas na ng palengke. Halos sila na lang tao sa loob ng karnehan. Idagdag pa na nasa pinakadulo ang pwesto ni Arning. “Pwede din namang hindi mo na bayadan ang kulang na 500.” Humakbang palapit sa kaniya si Arning. “Kapag nagustuhan ko pa ang serbisyo mo ay libre mong makukuha ang paninda bukas.” Gustong umurong ni Sandy pero pakiramdam niya ay naninigas ang mga binti niya. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari ngayon. “Ano, Sandy? Gusto mo ba?” Tuluyan nang nakalapit si Arning sa kaniya. Lumandas ang likod ng palad nito sa pisngi niya. Umaawang ang labi niya, nagbabalak sumigaw pero walang tinig na kumawala sa lalamunan niya. Mukhang ikinasisiya nito ang nangyayari dahil bumaba ang kamay nito sa leeg niya papunta sa balikat patungo sa— “Bastos!” impit niyang sigaw nang hindi na matagalan ang ginagawa nito. Hindi siya makagalaw ng maayos dala ng panginginig ng katawan dahil ng galit at takot pero nakaurong siya ng bahagya. “Kung hindi mo gusto ang bago kong patakaran ay nauunawaan naman kita pero sana ay maunawaan mo rin kapag naisipan kong bigyan ng mas maraming supply sina Aling Bebang at Matet. Hihintayin ko na lang ang kulang ninyo. Pag-isipan mo rin ang sinabi ko.” Pagak siyang tumawa. “Wow, so kasama na din ba sa bayad ang magtitinda.” “Depende sa ibabayad mo,” lalong lumawak ang ngisi nito, “at ibibigay mo. Dalawa naman kayo ni Mina! Dodoblehin ko pa ang bigay ng paninda sa inyo.” Nagtindigan ang balahibo niya dahil sa sinabi nito. Hindi niya akalaing halang na talaga ang bituka nito. “Tayo na lang naman dito, Sandy. Walang makakaalam nang manyayari.” Tuluyan na itong lumapit sa kaniya. Akmang yayakapin siya nito pero ubod-lakas niyang itinulak ito. Naghahalo-halo na ang emosyon niya. Takot. Galit. “Hindi pa ako nababaliw gaya ng inaakala mo!” sigaw niya at akmang tatalikod na pero mabilis siyang nahablot nito sa braso. “At ikaw pa ang may balak na mag-inarte?” Nahuli siya nito at sa pagkagilalas niya ay ikinulong siya nito sa malalaking braso bago tinakpan ang bibig niya ng malapad nitong palad. “Akala mo ba’y basta-basta na lang ako?” “Hmmmppp!” Nagwala nang nagwala si Sandy. Nagpipiglas siya at ng tila wala ding silbi ay kinagat niya ito ng mariin. Napasigaw si Arning at nabitawan siya. Sinamantala niya ang pagkakataon at tumakbo. “Walanghiya ka! Bumalik ka!” Lumingon si Sandy. Lalo siyang napahindik ng makitang palapit ito. Binilisan niya ang takbo kahit na halos magkandudulas na siya. Nilingon niya muli ito na isang malaking pagkakamali. Nadulas siya at tuluyang nadapa. Napaigik siya sa sakit nang tumama ang tuhod sa semento. Akmang tatayo siya ng hinila siya nito sa balikat. Tuluyan ng nawawalan ng pag-asa si Sandy nang umpisahan siyang kaladkarin nito. “At talagang nagbabalak ka pang tumakas. Akala mo ba ay papaya—“ Naputol lahat ng sasabihin ni Arning nang may kumulbit sa balikat nito. Sa paglingon nito ay nasundan iyon ng malakas na suntok sa panga. Lumipad na ito patungo sa sahig. Napatili si Sandy nang makitang humandusay sa sahig si Arning na duguan ang labi. May humawak sa kaniya pero dala ng takot ay nagwala siya. “Bitiwan mo ako! Tulong!” “Miss, calm down… Pulis ito!” Hindi kaagad naingli si Sandy pero nang makilala niya si Miss Leah ay halos yumakap siya dito. Tinulungan siya nitong makatayo. Mahigpit siyang nakahawak dito habang nililingon si Arning na pinupusasan ni Macoy. Madilim ang anyo ni Macoy na para bang anumang oras ay babasagin nito ang mukha ng makakasalubong. Nang bumaba ang tingin niya kay Arning ay hindi na lang labi nito ang duguan. Maumula din ang kabilang pisngi at mata nito. “Miss,” untag sa kaniya ni Miss Leah. “dadalahin kita sa clinic para magamot natin ang sugat mo.” Bumaba ang tingin niya sa binti. May ilang gasgas siya doon at sugat sa tuhod. “Para na rin makapagsampa ka ng kaso…” dugtong pa ni Miss Leah. Dahil tulala pa ay wala siyang nagawa kundi ang sumama dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD