ANGEL
Pinilit kong magpumiglas sa mga bisig ng humila sa akin ngunit sadyang mas malakas ang pangangatawan nito. Nang maibaba niya ako sa pathway ay niyakap niya ako ng mahigpit. Lumabot ang humihiyaw kong puso ko at ngumawa ako ng napakalakas sa sobrang sakit na aking nararamdaman. Kumapit ako sa kanyang likuran at naramdaman ko ang lapad ng kanyang balikat. Nang mapagtanto kong lalaki ang sumagip sa akin ay hindi ko na napigilan pa ang aking sarili at pinagsusuntok ko ang kanyang matitigas na dibdib.
“Bitawan mo ako! Nakakadiri kayong mga lalaki! Pare-pareho kayo! Mga taksil!!!”
Sa halip na pigilan ako ng lalaki ay lalo pa niyang hinigpitan ang kanyang pagyakap. Dumadaloy ang init ng kanyang katawan sa akin na para bang ramdam ko ang nilalaman ng kanyang puso. Unti-unti akong naubusan ng lakas at nagparaya na lamang sa pag-iyak ng aking mga mata. Kumalas ang lalaki sa aking katawan at isinandal ako sa pader ng tulay. Nanlalabo na ang aking paningin sa mga oras na iyon sa tindi ng aking pagod ngunit nasisiguro kong kabigha-bighani talaga ang hitsura ng lalaki.
Napakapino ng kanyang balat. Napakalinis ng kanyang gupit. Medium brown ang kulay ng kanyang buhok na kasing-kulay ng kanyang mga mata. Makapal at mahaba ang tubo ng kanyang mga kilay. Nangingintab ang linya ng kanyang matangos na ilong sa pawis. Kinakagat ng kanyang mapuputing mga ngipin ang ibaba ng kanyang labi habang ako’y kanyang pinagmamasdan.
Nais ko pa sanang magsalita ngunit biglang nagdilim ang aking paningin sa sobrang pagod at tuluyan akong nawalan ng malay.
---
GIORDAN
“Oh! Damn… Shhhh-it!” Nasiwalat ko sa bigat ng babaeng aking binitbit dahil sa pagkahimatay nito.
Pagkatapos ko siyang i-upo sa aking sasakyan ay lumingon-lingon ako sa paligid. Natakot ako dahil kami lang ang nasa gitna ng tulay at kung may makakita man sa amin ay baka pag-isipan ako ng hindi tama, lalo na’t walang malay itong aking kasama. Inikot ko ang kanyang sasakyan at nakita kong may naiwan itong isang kaha ng Marlboro Red at voice recorder sa pathway. Lumingon akong muli sa babae. Pinulot ko ang dalawang bagay na iyon at sinilip ang kanyang sasakyan.
“Thank God. The car key is there.” Bulong ko sa aking sarili.
Mabilis kong pinaandar ang aking kotse at pinark malapit sa saradong fruit stand. Pagkatapos ay binalikan ko ang kanyang sasakyan para iparada rin ito kasunod ng aking kotse. Pagkatapos ay mabilis kong tinakbo ang 7/11 Convenience Store na malapit para makabili ng kape. Pagbalik ko sa saradong tindahan ay umupo ako sa wooden stand katabi ng sasakyan ko. Sinipat ko ng mabuti ang hitsura ng babae at hindi ko mapigilang humanga sa kanyang hitsura. Maiksi ang buhok na hindi lalampas sa kanyang baba. Mamula-mula ang kanyang balat at matangos ang ilong. Kahit na ito ay may katabaan ay naaaninag ko sa kanyang hitsura na minsan sa kanyang buhay ay napakaganda nitong dilag. Naka-bestida ito ng kulay pula na animo’y may pupuntahang isang party. Napayuko ako sa aking naisip at napailing.
“Gaano ba kabigat ang problema mo, Miss Angelic Face at naisipan mong gawin ito sa bisperas ng Pasko?”
Napangisi ako sa aking sinabi dahil parang tinamaan din ako sa sarili kong tanong. Tama, December 24 pala ngayon at sa halip na nagsasaya ako kasama ng aking pamilya o ng mga kaibigan ay heto ako ngayon—inubos ang oras sa gym at mag-isang nagkakape.
“I guess we’re on the same boat, Miss Angelic Face…” Bulong ko sa aking sarili.
Humigop ako sa kapeng binili ko at humingi ng isang stick ng Marlboro Red sa babaeng walang malay na ito. Hindi ko na napigilan pa ang aking sarili na tikman ang ginhawang hatid ng yosi. Pagkatapos kong ibuga ang unang hithit ay binunot ko sa aking bulsa ang voice recorder. Sumulyap akong muli sa babae. Nang makita kong mahimbing pa rin ang kanyang pagtulog ay naglakas-loob na akong i-on ang device. Marami-rami rin ang naka-save dito. Nakita ko ang isa sa mga naka-save na may titulong “Officially Missing You.” Pinindot ko ito at nabigla ako sa aking napakinggan. Napakaganda ng boses ng babaeng ito—nakakagaan ng puso ang kanyang malambing na tinig. Inubos ko ang lahat ng mga kanta niya sa kanyang voice recorder na tila sa oras na iyon ay naging instant fan ako ng babae.
Pagkatapos ay nakita ko ang pinakahuli niyang ni-record. Napansin kong mas mahaba ang recorded voice na ito kumpara sa iba pang laman ng kanyang device. Huminga ako ng malalim at sinubukang i-play ito.
At sa malamig na simoy ng hanging hatid ng nakakabinging katahimikan ng bisperas ng Pasko na iyon ay gumuho ang aking mundo nang marinig ko ang kanyang istorya. May asawa na pala siya at gaya ko ay nag-alay ng buong buhay niya para pagsilbihan ang kanyang kabiyak. Kapwa pala kami nag-sakripisyo at tumalikod sa aming mga pangarap upang ibigay ang nais ng aming mga asawa ngunit sa huli ay iniwan din kami sa ere. Ngunit ano ang nag-udyok dito para wakasan niya ang kanyang buhay? Bakit parang kulang ang kanyang istorya?
Pinitik ko ang cigarette butt na hawak ko at tumungo sa kanyang kotse. Binuksan ko itong muli at nagbaka-sakaling may mahanap ako ng kung ano mang mas makapaglilinaw pa sa akin kung bakit ganoon na lamang siya ka-desperadong iwan ang masaklap na mundong ito pero wala ni isa mang litratong laman ang kanyang sasakyan.
---
ANGEL
“Araaay…” Nasambit ko nang magkamalay akong muli.
Kinuskos ko ng madiin ang aking noo para pawiin ang pananakit ng aking ulo habang kinikilala ko ang sasakyan kung saan ako pansamantalang nahimlay. Magarbo ang istilo ng loob ng kotse at walang pang-ibabaw na takip. Inapuhap ng isipan ko kung bakit ako nandoon at nakaramdam ako ng pagkabalisa. Hinanap ko ang aking sasakyan at nakaparada ito sa likuran ng aking kinalalagyan. Lumingon-lingon ako at nakita ko ang lalaking sumagip sa akin na naka-upo sa ibabaw ng isang malapad na mesa. Nang mapansin kong hawak-hawak niya ang aking voice recorder ay bigla akong napakilos ng mabilis at bumaba sa kotse.
“Sir, akin po iyan.” Sambit ko at kinuha ng malumanay ang device.
Tinitigan ako ng matagal ng lalaki. Nananalaytay sa napakaamong light brown niyang mga mata ang matinding lungkot. Nakaramdam ako ng pagkabalisa na baka napakinggan niya ang huli kong ni-record tungkol sa aking buhay. Hinigpitan ko ang pagkimkim sa device at inilagay ko ang ang aking kamay sa aking likuran upang ilayo ito sa kanya. Ngunit sa halip na makaramdam ako ng takot ay para akong hinehele ng kanyang presensya. Sumisiksik ang kanyang malalaki at maskuladong mga braso at dibdib sa kanyang sando ngunit napakagaan ng kanyang pagkilos. Sa kabila ng pagyapos ng lamig ng hangin ng Disyembre na pumapalibot sa amin ay dumadaloy ang init sa aking kalooban habang tinitignan ko ang kislap ng kanyang mga mata. Para akong nakahanap ng isang taong lubos na nakakaintindi sa kung anong klaseng karanasan ang pinagdaanan ko sa mahabang panahon. At sa sandaling iyon, parang napalitan ng malinis na papel ang buhay kong punung-puno ng kamalian at pulang marka.
“Th-thank you, Sir… Sa pagliligtas mo sa akin kanina…” Nasabi ko sa kanya.
Bigla akong binagabag ng konsensya sa padalos-dalos kong kilos kanina dala ng bugso ng aking damdamin. Sa hindi malamang dahilan ay napaalala sa akin ng napaka-gwapong lalaking ito ang kahalagahan ng buhay. Bago ako makapagsalitang muli upang mamaalam na sa kanya ay bigla siyang nagbitaw ng mga salitang alam kong makakapagpabago sa takbo ng aking buhay.
“LET ME SAVE YOU FROM DROWNING, MISS ANGELIC FACE.”