Mula sa Colser kaagad pinaharurot ni Jayden ang sasakyan papunta sa bar na sinabi ni Bench. Hindi pa niya natatapos ubusin ang pangalawang bote niya ng alak nang tumawag si Clarie, na si Bench naman pala iyon. Nagmamadali na siya.
Noong nasa Colser, naiinis siya sa kasintahan dahil hindi niya nagustuhan ang mga sinabi nito. Napag-usapan na nila ang tungkol kay Karla ngunit inuungkat na naman iyon ni Clarie. Hindi na niya maintindihan ito. Gusto niyang sisihin ang sarili dahil sa tingin niya napakalaki ng problema nito dahil sumadya pa itong maglasing.
Ito na ang pangalawang beses na naglasing si Clarie sa isang bar na hindi siya ang kasama. Naalala ni Jayden noong una niyang nalamang naglasing ito sa Colser. Tama lang ang pagdating niya noon dahil pinagsasamantalahan na si Clarie noon ni Raymond nang maabutan niya ito. Si Raymond ang dati nitong nagugustuhan na hindi naglaon ay nagkagusto din dito. Pero nang makilala ni Clarie ang ugali nito’y kaagad din itong umiwas kay Raymond.
Hindi alam ni Jayden kung paanong nagkita ang dalawa sa Colser noon, pero wala siyang ibang ginawa kundi ang iligtas si Clarie. Sa pagkakataong ito, ganoon pa rin ang gagawin niya.
Nang mahanap na niya ang bar, kaagad siyang pumasok. Nakita niya doon si Bench na tumayo at kumaway sa kanya. Maraming tao ng oras na iyon. Nang makalapit siya, nakita na lang niyang nakayuko na si Clarie sa mesa at halos limang walang laman na bote ng alak ang naroon.
“Siya lahat ang umubos nito?” tanong niya kaagad kay Bench. Tumango ito. Inalalayan niya si Clarie na nakatulog na sa mesang iyon. Dinala sa kotse.
“Jayden, 35589,” tawag sa kanya ni Bench sabay abot ng cell phone ni Clarie. Nakuha naman kaagad ni Jayden iyon maging ang numbers na sinabi nito. Ipinagtaka niya lang kung bakit sinabi pa nito sa kanya. Siya ang boyfriend kaya dapat alam din niya iyon, pero ganoon pa man hindi niya rin talaga alam. Ito pala ang sinabi ni Clarie for security, nalaman naman ni Bench ang password. Sumagi tuloy sa isip ni Jayden na may itinatago talaga ito sa kanya.
“Clarie deserves to be happy,” patuloy ni Bench na kausap sa kanya. “Alam ko, mahal ka pa rin niya. Kung naabutan mo lang siya kanina, pinagmumura ka na din niya. She truly loves you even you used her for your selfish revenge.”
“Teka, revenge?” tanong naman niya kaagad.
“Iyon ang nalaman niya. Kung totoo nga ‘yun, please lang itigil mo na. May ibang taong handang tapatan ang pagmamahal niya.”
“Ano bang sinasabi mo?!” tumaas na ang boses ni Jayden dahil hindi niya gusto ang mga sinasabi ni Bench. “Ikaw ba ‘yung ibang tao na tatapat sa pagmamahal niya? Sorry man, but I’m still here. I used her? Hindi ‘yan totoo!”
“Then prove it! Prove to her. Kung ayaw mong mawala siya sa’yo,” tumaas rin ang boses ni Bench. Nagkatinginan sila. May kutob si Jayden na nalaman na nga siguro ni Clarie ang tungkol sa dati niyang plano. “I’ll go. Take care of her.”
Pinaandar na ni Jayden ang kotse sakay ang natutulog pa ring si Clarie. Gusto niyang gisingin ito at sermonan kung bakit ito naglasing nang hindi siya ang kasama at ibang tao pa ang hinayaan nitong makasama. Gusto niyang itanong kung anong problema nito, kung bakit hindi nito sinabi sa kanya o kung nalaman na ba nito ang planong iniiwas niyang malaman ni Clarie?
Hininto niya ang kotse at kinuha ang cell phone ni Clarie na naitago niya sa bulsa ng pants. Kung may itinatago nga si Clarie sa kanya gusto niyang alamin iyon. Inuna niyang buksan ang mga messages – inbox, sent messages, outbox. Ang memo notes, pictures, videos natapos na niyang i-browse lahat pero wala namang dapat na ilihim sa kanya. Binuksan niya ang iba pang folders ng memory card nito. Hanggang sa napatigil siya sa folder na may file name na Audio Diary. Kaagad niyang in-open iyon, pinakinggan ang unang record.
“Napakasama mo Jayden.Napakasakit... Bakit ako pa? Bakit? Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon. Niloko mo lang pala ako. Pinaglaruan. Ginamit. Ginantihan! Nang marinig ko kayo ng mga walang hiya mong kaibigan gusto kitang sugurin, suntukin, hanggang sa maibuhos ko lahat ng galit sa’yo...”
At ang mga katanungan ni Jayden ay nabigyan na ng kasagutan matapos niyang mapakinggan ang recording na iyon ni Clarie. Naroon din ang petsa kung kailan nai-record na sa tingin niya’y kanina lang iyon ginawa. Napatingin na lang siya kay Clarie na katabi niya sa driver’s seat habang nakasuot ng seat belt at tulog pa rin.
Nang mapakinggan niya iyon ay nagkaroon lang ulit siya ng bagong katanungan. Kung bakit hindi siya nito kinompronta at sinigurado ang lahat ng mga narinig nito?
Kung bakit sinolo nito ang lahat ng sakit?
Dahil maging siya nasasaktan din sa mga nalaman ng kasintahan. Ang planong iyon ay matagal na niyang hindi itinuloy.
Marami rin ang mga recording nito na naroon. Tiyak ni Jayden na ito na nga ang itinatago ni Clarie sa kanya.
Hindi niya hahayaang patuloy na masaktan pa si Clarie dahil lang sa maling nalaman nito. Gagawin niya ang lahat mapatunayan lang na hindi siya manloloko gaya ng ibinibintang nito sa kanya base sa recording na narinig niya.
Sinamantala na niya ang pagkakataon habang mahimbing pa rin sa pagtulog ang kasintahan, at habang malaya pa siyang gamitin ang cell phone nito.
“Anong nangyari? Ang sabi niya mag-paparelax lang siya, eh bakit amoy alak itong pamangkin ko, Jayden?” kompronta kaagad ni Tita Melly nang naihatid na si Clarie sa tinitirhan nito.
“Patawarin niyo po ako Tita Melly. Kasalanan ko kung bakit siya nag-lasing. Pero huwag kayong mag-alala. Magiging okay rin siya pagkagising niya,” sagot niya. Iyon talaga ang inaasam rin niya, na sana’y sa muling pagmulat nito ay mawala na ang sakit na dinulot niya.
Hindi naging maganda ang impresyon ng tiyahin ni Clarie sa kanya dahil sa nangyari. Ngunit nangako si Tita Melly na kailangang malaman nito ang dahilan kung bakit ginawa ni Clarie iyon. Ang hiling lang ni Jayden ay huwag na sanang ipaalam pa sa kuya Caloy nito.
Nang nasa sariling kuwarto na, pinakinggan niya ang iba pang laman ng audio diary ni Clarie na pinasa niya sa sariling cell phone. Dahil sinamantala na niya iyon kumuha siya ng kopya.
Sinimulan niya sa pinakaunang recording. Iyon ang araw na sinagot siya ni Clarie bilang boyfriend nito.
“Akala ko talaga may masama nang nangyari sa kanya. Pero, buti na lang maayos siya. Maayos na maayos pa. Lokong ‘yun akala ko pa naman may gagawin siya sa’kin nung sinagot ko na, may ‘not now babe’ pang sinabi! I thought gagawin niya... Ah! Never mind.”
Hindi napigilan ni Jayden ang mapangiti. Tama nga ang sinabi niya noon na may hinhintay si Clarie na gagawin niya. At sigurado nga siya sa napakinggang record na ito na, nadismaya niya ang girlfriend. Pero sa isip ni Jayden kung alam lang sana nito, pinigil lang niya ang sarili dahil... hindi pa siya nagmumog noon. Natawa siya sa naalalang dahilan.
At ang mga sumunod na audio diary nito ay tungkol sa mga nararamdaman nito sa kanya at sa mga ikinilos niya nang mga panahong magkasama sila. May mga magagandang sinabi ito tungkol sa kanya ngunit mayroon ding hindi. Gaya ng naiinis ito sa pagiging seloso niya na kung sinu-sino na lang ang magustuhang mapagselosan. Maging si Tessa ay nasama rin sa diary nito. Kaya naman alam ni Jayden na hindi lang siya ang selosong tao sa relasyon nila. Ngunit sa kabila ng mga iyon, proud si Clarie sa kanya. Nalaman niya na talagang minamahal siya ni Clarie. Ang pagiging mapanuyo niya, pagiging pilyo, mapagpatawa, maalalahanin, panghaharana, pagluluto ng kung anu-ano ang mga nagustuhan talaga nito sa kanya. Masaya siya na mula sa unang ni-record na diary ang pinakinggan niya.
Pero habang tumatagal, pasakit ng pasakit ang kalooban ng may-ari ng diary maging siya, na nakikinig. Nalaman din niyang pinlano ni Clarie na pagselosin lang siya gamit si Bench tapos sa huli ay sasaktan at iiwan gaya ng planong narinig nito mula sa kanya at mga kaibigan.
Kumpiyansa si Jayden noon nang sumagi sa isip ang tsansang maaaring narinig ni Clarie ang pag-uusap nilang iyon ng mga kaibigan niya. Hindi naman iyon magagalit sa kanya kung narinig nito ang lahat ng naging pag-uusap nila. Nagkaroon nga ng planong paghihiganti ngunit gaya ng sinabi na niya sa mga kaibigan, hindi na niya tinuloy pa ang planong iyon magmula ng marinig niya ang unang pagkanta ni Clarie noong sila’y nasa sanktuwaryo. At nang makilala niya pa ito ng husto ay pinanindigan niya ding hinding-hindi niya gagawing lokohin ito.
Nagbalik-tanaw siya sa eksena nilang iyon. Kung anu-anong mga panlalait ang sinabi sa kanya ni Clarie noon nang una na niyang laitin ang boses nito. At sa hindi niya rin inaasahang gagawin ay bigla na lang niya itong nahalikan sa labi. Maging siya nagulat sa ginawa niya kaya naman hindi niya iyon ipinahalata kay Clarie at kaagad lang din niyang inilayo ang mukha dito. Kampante siya na parang wala lang nangyari. Ngunit bigla na lang siyang sinampal nito. Masakit iyon sa pagkakaalala niya. Alam niyang dapat lang iyon sa kanya, mali talaga ang ginawa niyang kapilyuhan. Kaya naman dahil din sa kahihiyan na iyon, minabuti ni Jayden na bumalik na lang muna sa lugar nila dahil tiyempo ding tinawagan siya noon ni Karla. Nagdesisyong babalik na lamang dito sa panahon na handa na ulit siya. Iyong panahon na unti-unti ng naghihilom ang kirot na dulot ni Karla at panahon rin upang bigyan ng tsansa ang sarili sa iba, partikular ang babaeng unang natipuhan niya sa Manalansan. Walang iba kundi si Clarie. At dahil kay Clarie, nagawa niyang tiisin, iwasan, at makalimutan si Karla.
“Minahal kita... At napakasakit dahil mahal na mahal pa rin kita... Ang tanga ko di’ba?”
Paulit-ulit niya itong naririnig kahit na nakahiga na siya. Malungkot at umiiyak ang nagsalita noon ngunit kabaligtaran sa nararamdaman ni Jayden ng sandaling iyon. Matatapos rin ang problemang ito. Iyon ang alam niya. Patutunayan niyang hindi siya ang naghiganti. Dahil walang ibang naghiganti kundi si Clarie. Siya ang pinaghigantihan nito.