Kabanata 1

1112 Words
“Anak, magpakabait ka ha? Huwag kang magkukulit doon at baka makabasag ka. Nako, wala tayong pambayad!” paalala ni Nanay sa akin. Inayos niya ang aking buhok. Pinulbuhan din niya ang aking likod saka ako pinabanguhan sa damit. “Huwag ka ring lalapit kay Lucas ha? O sa kahit na sino sa kanila roon. Basta sa maid’s quarter ka lang. May banyo naman doon. Mayroon ka rin namang baon na pagkain at tubig kaya’t walang dahilan para lumabas ka. Naiintindihan mo ba, Sibley?” dugtong ni Nanay. Dahan-dahan akong tumango sa kanya. Ngumiti ito at yumakap sa akin saka kami umalis. Hindi ko maiwasang mamangha nang makakita ng napakalaking bahay. Iyon ang unang beses na nakakita ako ng ganito kaganda at kalaking mansyon. Nasanay ako sa squatters na dikit-dikit at maliliit na bahay. Halos lumuwa ang mga mata ko habang naglalakad kami papasok. Hindi ko alintana ang leeg kong nagsisimulang sumakit sa bawat pagtingala sa napakagandang disenyo ng bahay. Ramdam ko na nga noon ang panaka-nakang paghigpit ng kapit ni Nanay sa kamay ko at mahihinang pitik nito para mas bilisan ko pa ang paglalakad. “Magandang umaga po, Ma’am Luciana. Pasensya na po at medyo nahuli ako. Sinama ko na po kasi ang anak ko tulad ng sabi niyo pero huwag po kayong mag-alala dahil nabilinan ko na siya na sa maid’s quarter lang siya sa buong oras ng trabaho ko,” wika ni Nanay. Umangat ang tingin ko sa magandang babae sa harapan ko. Nakita kong nakamasid ito sa akin saka matamis na ngumiti. Hindi ko naiwasang mapangiti rin sa kanya. “Ang cute naman ng anak mo. Ilang taon na siya?” magaang tanong nito. “Ah, si Sibley po, mag-si-six years old na po siya ngayong taon, Ma’am.” Hinaplos ni Nanay ang ulo ko. Nanatili ang tingin sa akin ng magandang babae sa harapan ko. “Nako, sakto at halos kaedaran niya ang panganay ko. Bakit hindi mo muna siya hayaan na makalaro ang mga anak ko? Para naman hindi siya mabagot habang naghihintay sayo?” suhestiyon nito. Alanganing ngumiti si Nanay. “Ah, eh, Ma’am, kahit hindi na po. Nakakahiya kasi baka may masira si Sibley sa mga gamit ninyo. Magiging maayos lang naman po siya sa kwarto namin kasi may baon din naman siyang pagkain at inumin,” saad ni Nanay. “Hindi naman siguro makakasira itong si Sibley. Hindi naman siya mukhang pasaway na bata. Mukha naman siyang mabait at hindi maglilikot. Kung meron mang makakasira ay paniguradong ang anak kong si Lucas iyon. Kaya sige na, hayaan mo na muna siya sa mga anak ko para makapaglibang naman,” pangungumbinsi pa ng babae. Tila walang nagawa si Nanay dahil sa pakiusap ng babae. Bumaling ito sa akin at bahagyang yumuko. “Sibley, huwag kang maglilikot ha? Nako, sinasabi ko sa’yo, ikaw ang ipambabayad ko sa kanila kapag nakasira ka ng gamit!” mariing bulong ni Nanay. “Opo, ‘Nay…” mahinang sagot ko rito. Ilang sandali ay nagpaalam na ito sa amin. Naiwan kami ng magandang babae roon. Tumingin ako sa paligid at huling dumapo ang mga mata ko sa kanya. Malalaki ang ngiti nitong lumapit sa akin. Inabot nito ang aking kamay saka inanyayahan sa isang kwarto. “Huwag kang mag-alala, Sibley. Maglaro ka lang muna rito. Tatawagin ko si Lucas para may kasama ka,” sambit nito saka muling lumabas ng kwarto. Umikot ang tingin ko sa paligid. Napakaraming laruan doon at halos magningning ang mga mata ko sa oras na ‘yon nang makakita ng mga mamahaling laruan na nakikita ko lang sa mall kapag napapadaan kami ni Nanay. Kaagad akong lumapit doon at naupo sa sahig para maglaro. “Hi!” Napahinto ako sa ginagawa nang marinig ang boses na iyon mula sa batang lalaki. Nakahawak siya sa kamay ng magandang babae. Malapad ang ngiti nito sa akin at katulad kanina ay sinuklian ko rin siya ng ngiti. “H-Hello,” nahihiyang bati ko. “Sibley, ito si Lucas, anak ko. Lucas, she’s Sibley. Anak siya ng isa sa mga kasambahay natin dito. Makipaglaro ka muna sa kanya habang busy sa trabaho ang mama niya ha?” bilin nito sa kanyang anak. Maligayang tumango si Lucas at hindi rin nagtagal ay naiwan na kami sa kwarto. Bumaling si Lucas sa akin saka naupo sa tapat ko. “You want to play with this?” tanong nito. Nakatitig lang ako sa kanya dahil sa mga panahon na ito ay hindi naman ako fluent at nakakaintindi ng english. Hindi pa nga ako nakakapag-aral. “Ito gusto mong laro?” tanong nitong muli at sa pagkakataon na iyon ay tumango ako sa kanya. Malalaki ang ngiti nito habang tinuturo sa akin kung paano ang laro na iyon. Sa kalagitnaan niyon ay bumukas muli ang pinto at pumasok naman ang nakababata nitong mga kapatid upang sumali sa laro namin. Sobrang naaliw ako at hindi namalayan ang oras. “Sibley! Saan ka nag-aaral?” tanong ni Lucas sa akin. Mabilis akong umiling sa kanya. “Wala eh. Hindi pa ako nag-aaral,” sagot ko rito. Tumango-tango siya saka nagsimulang magkwento. “Pumapasok na ako ng school. Doon tinuturuan kami magsulat, mag-drawing saka mag-color. Masaya pumasok sa school, Sibley!” nakangiting saad nito. Nagpatuloy ito sa pagkwento sa mga ginagawa niya sa school at hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit sa kanya dahil siya, ang dami na niyang nagagawa at natutunan samantalang ako ay lagi lang nasa bahay, naghihintay kay Nanay na umuwi. Kung hindi pa nga ako sinama ni Nanay ngayon ay malamang, walang bagong mangyayari sa araw ko. Maya-maya ay pumasok muli si Ma’am Luciana at isa-isang tinawag ang mga anak nito. Huli niya kaming tinawag na may kasamang ngiti habang nakatingin sa akin. “Kakain na ng hapunan. Bumaba na kayo. Lucas, make sure to clean the mess first before leaving the room, okay?” wika nito bago lumabas. Susunod na sana ako sa kanya nang makita ko si Lucas na isa-isang nililigpit ang mga pinaglaruan namin kanina. Kaya naman imbis na mauna ay tinulungan ko siyang ipasok sa lagayan ang mga laruan. Bahagya siyang napahinto nang makita akong tumutulong sa kanya. Ngumiti ito nang malapad sa akin. Sobrang liwanag ng kanyang mukha at ang gaan ng kanyang aura sa mga oras na iyon. Doon ko unang nasabi sa sarili ko na mabait na tao nga talaga si Lucas. “Thank you, Sibley.” Lumapit ito sa akin at kinuha ang huling laruan na hawak ko para siya na mismo ang magtabi niyon. Pagkatapos niyon ay muli niya akong hinarap. “Mula ngayon, friends na tayo ha? Pupunta ka ba ulit dito bukas? Lagi kang pumunta ha? Hihintayin kita!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD