Kabanata 2

1155 Words
“Sibley!” maligayang tawag sa akin ni Lucas. Pagkapasok ko pa lang sa bahay nila ay nakita ko na ito kaagad sa sala na nakaupo at tila naghihintay sa pagdating ko. Masaya itong kumaway at lumapit sa akin. “Tara, laro na tayo!” Hinatak niya ako paakyat sa kwarto na madalas naming pinaglalaruan. Ramdam ko ang excitement niya at hindi ko na lang napigilang mapabungisngis. Habang naglalakad kami ay lumingon ako kay Nanay. Nakangiti ito at hinayaan na akong sumama kay Lucas. Nakita ko ring dumating si Ma’am Luciana at bahagya silang nagkausap hanggang sa tuluyan na silang nawala sa paningin ko. “Mayroon akong mga bagong coloring book. Nagpabili rin ako kay mommy ng mga pambabae para sa’yo.” Inabot nito ang isang manipis na libro sa akin saka binuksan ang isang lagayan na punong-puno ng iba’t-ibang pangkulay. Bilang bata ay halos wala akong control sa pagkukulay. First time ko pa kung kaya’t hindi makatotohanan ang mga kulay na nailalagay ko sa mga princess characters na naroon. Basta ang natatandaan ko ay aliw na aliw ako habang may hawak na pangkulay at kung ano-ano na ang ginagawa ko sa bawat pahina ng libro. Napalingon ako kay Lucas nang magsimula itong tumawa. Inosente akong tumitig sa mukha nito. “Bakit ka tumatawa?” kuryosong tanong ko rito. Itinuro niya ang mga kinukulayan ko saka muling natawa. “Ang gulo mo mag-color, Sibley! Lagpas-lagpas masyado. Saka hindi naman blue ang kulay ng mga balat at mukha ng princess eh,” natatawa pang wika nito. Itinuro niya ang maliit na larawan sa ibaba kung saan nakalagay ang maliit na version ng drawing. Doon ay may kulay ito. “Susundin mo ‘yan. Teka, alam mo ba ang tawag sa mga colors na ‘to?” Umiling ako sa sinabi niya. Totoo namang wala pa akong idea sa mga ginagawa namin. Hindi rin naman ako natuturuan ni Nanay dahil abala siya magtrabaho. Isa-isa niyang tinuro sa akin ang tawag sa iba’t-ibang kulay na mayroon siya. Tinuro niya rin sa akin ang tama at mas maayos na paraan ng pagkukulay. Tuwang-tuwa ako dahil kahit may mga pagkakataon na lumalagpas ang pagkukulay ko ay mas maganda naman na siya tignan ngayon kumpara noong una. Napahinto kami ni Lucas nang bumukas ang pinto. Pumasok doon si Ma’am Luciana na may dala-dalang tray ng pagkain. Nakangiti itong lumapit sa amin saka sinilip ang ginagawa namin. “Wow, marunong ka pala mag-color, Sibley?” wika nito. Nahihiya akong ngumiti saka nagsalita. “Ngayon lang din po ako natuto. Tinuruan po kasi ako ni Lucas,” sagot ko rito. Tumango-tango ito saka ibinigay sa amin ang meryenda namin. Mula nang isinama ako rito ni Nanay ay nakakain na ako ng mga bago at masasarap na pagkain. Sobrang swerte nga talaga namin ni Nanay dahil sobrang bait ng pamilya ni Lucas. Hindi nila kami tinuturing ni Nanay na kakaiba sa kanila. “Mommy, she never experienced going to school yet that’s why I’m teaching her some of the things I learned,” sabi ni Lucas. Nakikinig lang ako sa kanila kahit na ang totoo ay wala akong malay sa pinag-uusapan nila sa mga oras na ito. Napansin ko ang paglingon sa akin ng mommy ni Lucas. Ngumiti ako sa kanya at narinig ko ang pagbuntong-hininga nito bago ako sinuklian ng ngiti. “Sibley, hindi ka pa ba mag-aaral ngayong taon?” tanong nito. Marahan akong umiling. "Hindi pa raw po sabi ni Nanay. Wala pa po kaming pera at wala rin pong mag-aasikaso sa akin,” kalmadong sagot ko sa kanya. “Gusto mo bang mag-aral?” maingat na tanong nito. Malungkot akong ngumiti saka tumango. “Opo. Gusto ko po mag-aral. Gusto ko po matutunan paano magsulat at magbasa. Kaso hindi pa po pwede,” saad ko. Muling huminga nang malalim si Ma’am Luciana saka ako pinakatitigan bago ito tuluyang lumabas ng kwarto. Medyo nawalan ako ng gana magpatuloy sa pagkukulay sa mga oras na iyon dahil masyado akong nalulungkot na hindi pa ako makakapag-aral sa taon na iyon. Ang mga kaedaran ko ay mga naghahanda na rin sa pagpasok. Si Lucas ay sanay na dahil pumapasok na ito sa school ngunit ako ay heto, naghihintay lang kung kailan ako makakayanang mapag-aral ni Nanay. Kinahapunan ay inimbita kaming muli ni Ma’am Luciana na roon na kumain. Hanggang sa mga oras na iyon ay nakakaramdam pa rin ako ng hiya dahil kumpleto lagi ang pamilya nila at kami lang ni Nanay ang kasambahay na kasabay nilang kumakain. Tahimik lang kami ni Nanay na nakikinig sa masayang kwentuhan ng pamilya nila Lucas. Muli ay hindi ko maiwasang malungkot dahil ni minsan, hindi ko naranasan ang magkaroon ng masaya at kumpletong pamilya. Masaya ako kasama si Nanay pero naroon ‘yung pakiramdam na may kulang dahil wala na akong tatay. Ang sabi lang ni Nanay sa akin noong nagsisimula akong hanapin si Tatay ay patay na raw ito. Nakakalungkot lang dahil hindi ko manlang naranasan ang magkaroon ng tatay. Pagkatapos kumain ay nagpaalam na kami kila Lucas para makauwi ngunit nang palabas na kami sa mansyon nila ay napahinto kami nang marinig ang pagtawag sa amin ni Ma’am Luciana. “May gusto sana akong sabihin tungkol kay Sibley…” panimula nito. Kaagad kong napansin sa tabi niya si Lucas. Ngumiti ito sa akin at kumaway. Hindi ko napigilang mapabungisngis. “N-Nako, Ma’am Luciana, nakabasag po ba ang anak ko? May nasira po ba siya?” natatarantang tanong ni Nanay. Napailing at bahagyang napatawa si Ma’am. “Huwag kang mag-alala at napakabait na bata niyan ni Sibley. Nakikita ko pa ang pagiging masipag niya sa tuwing siya ang kusang nag-aayos ng mga pinaglalaruan nila ng mga anak ko. Nakikita ko rin ang kagustuhan kay Sibley na matuto pa nang marami sa mga bagay bagay,” wika nito. “Kaya naman kung okay lang sa’yo, gusto ko sana siyang pag-aralin. Ako na ang bahala sa lahat ng expenses niya sa pag-aaral. Isipin mo na lang na scholar ko siya at natitiyak kong hindi masasayang ang perang ilalabas namin para sa kanya. She has a bright future ahead of her,” nakangiting saad nito. “Nako, Ma’am! Hinding-hindi po ako tatanggi riyan! Maraming salamat po at pag-aaralin niyo ang anak ko. Halos mabaliw na po ako sa kakaisip kung paano ko siya mapag-aaral ngayong taon. Maraming salamat po talaga, Ma’am Luciana! Habang buhay ko po itong tatanawin na utang na loob sa inyo,” naiiyak na sabi ni Nanay. “Doon ko siya i-e-enroll kung saan ko planong i-enroll si Lucas ng first grade para magkaklase sila. No worries, Sibley deserved this. I’ll be so glad to help,” masayang sabi ni Ma’am Luciana. Nagulat ako nang mabilis na lumapit sa akin si Lucas. Niyakap ako nito sa sobrang saya at nang humiwalay ay hinawakan ako sa magkabilang balikat. “Magiging classmates na tayo! Sabay na tayong papasok sa school. Sobrang excited na akong kasama ka, Sibley!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD