Kabanata 12

1068 Words
Nanliit ang mata ko nang makitang tumayo si Lucas at naglakad papalapit kay Toby. Lalo akong napuno ng pagtataka nang lumabas ng room si Lucas at sumunod sa kanya si Toby. Hindi ko naiwasang makaramdam ng kaba dahil baka awayin na naman ni Lucas si Toby pero pinanghahawakan ko ang sinabi niya noon na sisikapin niyang maging mabait sa tao. Naupo ako at pilit silang sinisilip sa labas. Sa ngayon ay pareho lang naman silang nakatayo at seryosong nag-uusap. Sobra na rin akong curious sa kung ano mang pinag-uusapan nila. Nagawa ko lang na makahinga nang maluwag nang marahang tinapik ni Lucas ang balikat ni Toby at malapad na nginitian ito. Si Toby naman ay napailing at nagpipigil ng tawa. Hindi ko na naitago ang ngiti sa akin nang makitang sabay silang naglalakad papasok habang kaswal na nag-uusap. “Sige pre, salamat ha!” wika ni Lucas saka ito naglakad papalapit sa akin at naupo sa tabi ko. Malalaki ang ngiti ko kay Lucas at napansin ko ang pagbungisngis nito nang makitang nakatingin ako sa kanya. “Bakit ganyan ka makatingin?” natatawang saad nito. “Anong pinag-usapan niyo?” kuryosong tanong ko. Sobrang magaan talaga ang pakiramdam ko dahil sa wakas naman ay okay na kay Lucas si Toby. Ayoko lang kasi talaga na may hindi siya kasundo at mas lalong ayokong nag-aaway kami dahil sa ibang tao. “Sa amin na lang ni Toby ‘yon. Usapang lalaki, Sibley. Usapang lalaki,” sabi nito. Napailing na lang ako at nagkibit-balikat. Dumaan ang ilang minutong katahimikan bago ako muling nagsalita. “Salamat, Lucas. Sana hindi ka lang napipilitan dahil sa akin,” mahinahong wika ko. Humalakhak at napailing si Lucas. “Grabe ka naman sa akin! Napag-isip ko na rin naman kasi talaga na medyo nagiging OA na ako sa tuwing nagagalit ako sa’yo kapag nasa paligid si Toby. Wala ka naman kasing kasalanan doon pero huwag kang mag-alala. Nagkausap naman na kami ni Toby. Sa amin na lang iyon pero masisiguro ko sa’yong okay na kami,” nakangiting sabi nito. Lalo akong napanatag dahil doon. Ibig sabihin nito ay hindi na siya magagalit at bigla-biglang mang-aaway sa akin saka hindi mamansin. Babalik na ulit kami sa normal ni Lucas. Nang mag-lunch time ay inilabas ni Lucas ang baon naming dalawa. Madalas kasing sa bag niya nakatago ang lunch namin. Si Nanay ang palaging naghahanda niyon kaya naman lagi kaming sarap na sarap tuwing kumakain ng pananghalian. Kakaumpisa pa lang namin sa pagkain nang mapansin kong naglalakad-lakad si Toby habang naghahanap ng mapupwestuhang table. Inikot ko ng tingin ang paligid at nakita na halos wala na palang bakante ngayon. Tatawagin ko na sana si Toby nang maunahan ako ni Lucas. “Pre, tara dito ka na sa table namin!” tawag nito. Nagliwanag ang mukha ni Toby saka naglakad papalapit sa amin. Naupo siya sa tapat ko at ngumiti sa amin. “Salamat…” sambit nito. Iwinasiwas ni Lucas ang kanyang kamay saka nagpatuloy sa pagkain. Napailing ako. Aba naman talaga, bumabawi si Lucas ah. Alam niyang marami-rami siyang kasalanan kay Toby, at sa akin kaya todo pakitang-gilas ngayon sa pagpapakabait. “Bakit ka nahuli mag-lunch?” kaswal na tanong ni Lucas sa tabi ko. Napakamot sa batok si Toby at napahalakhak. “Dumaan pa kasi ako sa admin office para makuha ang allowance ko galing sa scholarship dito sa school. Medyo napatagal sa pagpila kaya ‘yon,” kwento nito. Iyon ang pinagkaiba namin ni Toby. Although pareho kaming scholar, ako kasi ay scholar ng pamilya ni Lucas. Sila ang nagbabayad sa tuition ko at gumagastos sa mga pangangailangan ko samantalang si Toby, talagang scholar siya direkta dito sa high school namin. Sa pagkakaalam ko, ang mga katulad niya ay nag-e-exam at sumasabak pa sa interview bago mapagbigyan ng scholarship. Medyo mahirap pero worth it naman dahil sa dami ng benefits na maaaring matanggap. Kada buwan ay may natatanggap pa silang cash assistance. “Wow! Ehem, parang ang sarap ng softdrinks ngayon. Lalo na kapag libre grabe,” parinig ni Lucas. Nagkatinginan kami ni Toby at sabay na napatawa. “Gusto niyo ba? Sige bibili muna ako,” sabi ni Toby. Humalakhak naman nang malakas si Lucas saka umiling. “Biro lang, pre. Ako na bahala. Dito na muna kayo at bibili ako ng softdrinks natin.” Tumayo si Lucas at naiwan kaming dalawa ni Toby roon. “Mabait din pala si Lucas ‘no? Sa totoo lang kasi, ngayon ko lang siya nakausap nang maayos. Ngayon niya nga lang din ata ako nangitian mula noong maging magkaklase tayo,” wika nito. “Pagpasensyahan mo na si Lucas ha? Hindi kasi nasanay ‘yan na may iba akong kaibigan na lalaki. Nanibago lang ‘yon at nagtampo. Pero okay naman na ngayon ‘di ba? Ano bang pinag-usapan niyo kanina?” kaswal kong tanong. Tumikhim ito at kaagad kong naaninag ang hiya sa kanyang mukha. “Ah, wala ‘yon, Sibley. Hindi naman masyadong mahalaga kumpara sa sitwasyon ngayon na medyo tinatanggap na ako ni Lucas bilang kaibigan mo,” mabilis nitong sagot. Palihim akong napangiti. Sayang, akala ko pa naman makakalusot at sasabihin sa akin ni Toby ang napag-usapan nila. Pero kahit ano pa man iyon ay wala namang kaso sa akin. Tama naman sila, ang mahalaga ay okay na sila ngayon. Maya-maya ay bumalik din si Lucas dala ang tatlong softdrinks na nasa bote. Nagpatuloy kami sa pagkain habang panaka-nakang tinatanong ni Lucas si Toby sa kung ano-anong mga bagay. Dahil nga rin doon ay mas nakilala ko si Toby. Nakakatuwa nga lang din dahil alam ko naman na may espesyal siyang paghanga o pagtingin sa akin pero hindi ako nakaramdam ng ilang ngayon na kasama namin siya. Hindi ko alam kung dahil ba kasama ko naman si Lucas at kumportable ako o baka dahil masyado rin talagang magaan ang awra ni Toby. Hindi rin kasi siya ‘yung tipo ng lalaki na sobra kung magpapansin sa mga nagugustuhan nilang babae. Masyado siyang kaswal ngayon na kaharap ako at ako pa mismo ang napapaisip kung talagang crush nga ba ako nito o hindi. Kahit ano pa man, mas okay naman iyon sa akin. Napatingin ako kay Lucas na tumatawa habang nakikipag-usap kay Toby. Ramdam ko ang abnormal na t***k ng puso ko habang pinagmamasdan siya kasabay ng mga bagay na naglalaro sa utak ko. Si Lucas kaya? Paano kaya siya kapag may nagustuhang babae?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD