“Sibley, baka naman napipilitan ka lang ha?” tanong ni Lucas.
Umangat ang tingin ko sa kanya saka ngumiti.
“Hindi ah. Okay lang naman sa akin,” diretsong sagot ko. Napatitig ito sa akin saka huminga nang malalim.
“Are you sure? Mamaya ay hindi naman pala talaga iyon ang nasa puso mong kurso. Huwag mong pakinggan si Dad sa sinasabi niya. If you have something in mind, if you want anything then go and pursue it,” mahinahong sabi nito.
Kanina kasi noong pinasabay ako ng pamilya ni Lucas na kumain ng hapunan ay napag-usapan ang kurso na kukuhanin namin ni Lucas. Actually ako lang pala dahil given naman ng business related ang magiging course ni Lucas dahil siya ang tagapagmana ng kumpanya nila.
Siya ang nakasunod na tagapamahala kung kaya’t magiging malaking tulong talaga sa kanya kung Business Management ang matatapos niya. Ngunit noong ako naman ang tinanong ng Daddy niya ay medyo napaisip ako dahil sa totoo lang, wala pa naman talaga akong gustong kurso.
Noong minsan ngang tinanong ko si Nanay kung ano bang pangarap niya para sa akin ay napagalitan pa ako. Bakit daw sa kanya ko tinatanong samantalang para sa akin daw iyon. Hindi ko nga muna iyon iniisip dahil hindi ko pa talaga alam kung anong kurso ba ang kukunin ko.
Parang sa tuwing may mga naiisip akong course ay okay lang naman sa akin kung iyon na lang kunin ko. Sa tuwing nagbibigay naman ng suggestion si Lucas tulad ng accountant, teacher, architect, engineer, doctor, lawyer at iba pa ay parang tinatanggap ko naman. Feeling ko kasi, kahit anong kurso ang kunin ko ay kakayanin ko namang pag-aralan at mahalin.
Ngunit noong nabanggit ng Daddy ni Lucas na katulad na lang sa kanya ang maging kurso ko ay may naramdaman akong kakaiba. Hindi ko alam kung natuwa ba ako o ano. Hindi ko rin maintindihan kung para saan. Sa dinami-rami ng kursong naiisip ko ay doon lang ako naging interesado. Siguro dahil ay makakasama ko pa rin si Lucas doon.
Siguro, hindi ko namamalayan sa sarili ko na kaya wala akong masyadong reaksyon sa ibang kurso dahil alam kong hindi naman iyon ang kukunin niya. Ibig sabihin niyon ay maiiba siya sa akin at hindi ko na siya palaging makakasama. Magiging busy na ito sa ibang bagay at hindi na pareho ang mga pinagkakaabalahan namin. Siguro ay hindi pa ako handa para roon.
“Sa totoo lang kasi, Lucas, wala pa naman talaga akong naiisip na kurso. Pamantayan ko kasi ngayon sa pagpili ng kurso ay ‘yung may mataas na sahod. Siyempre may mga pangarap ako para sa amin ni Nanay at mangyayari lang ang lahat ng iyon kapag may maayos akong sweldo,” pagdadahilan ko rito. Hindi man ito ang pangunahing dahilan pero isa rin ito sa mga iniisip ko.
Napatango-tango ito at interesadong nakinig pa sa akin.
“Kapag naman kapareho ng kurso mo ang kinuha ko ay natitiyak ko namang makakapasok ako sa kumpanya ninyo. Kapag nakapasok ako sa inyo ay sigurado naman akong maayos ang magiging pasahod kaya okay na rin,” dagdag ko pa.
“Hmm, okay. Mabuti naman kung ganoon. Mas maigi rin na ganoon para magkasama pa rin tayo. Kapag naibang landas ka ay baka mapariwara ka kasi hindi mo na ako kasama. Mamaya marinig ko si Nanay na nagrereklamo kasi nagbubulakbol ka na. Nako, Sibley…” panimulang asar nito.
Hindi ko napigilang hampasin siya sa braso. Kahit kailan talaga loko-loko siya. Ang lakas ng loob na ipakita sa akin itong pagiging makulit niya samantalang sa harap ng ibang tao ay akala mo kung sinong pa-good boy na hindi maloko. Palibhasa kasi, best friend niya ako. Kilalang-kilala ko na siya at alam niyang tanggap ko siya kahit ano pa siya.
“Feeling ka talaga. Samantalang sa ating dalawa, ikaw pa nga ang bad influence sa akin. Nako, isusumbong talaga kita kay Nanay minsan,” pang-aasar ko rin sa kanya.
“Aba! Grabe ka sa akin ha. Ang bait-bait ko nga. Good influence ako sa’yo ‘no. Kasi kung hindi, edi matagal ng patapon ang buhay nating dalawa,” wika nito.
“Ewan ko talaga sa’yo, Lucas. Ewan ko sa’yo.”
Nang matapos akong makapaghugas ay nagpaalam na ako kila Lucas saka hinanap si Nanay. Nakita ko itong nag-aayos ng gamit sa kwartong tinutulugan namin. Umangat ang tingin nito sa akin nang marinig ang pagpasok ko.
“Tapos ka na, ‘Nak? Uuwi na tayo?” tanong nito. Tumango ako sa kanya at lumapit.
“Opo, ‘Nay. Akin na po ‘yang bag ninyo. Ako na po ang magdadala.” Kinuha ko ang gamit namin saka inalalayan si Nanay sa paglalakad.
Habang tumatanda ako ay hindi ko nakakaligtaan na tumatanda rin si Nanay. Alam kong pahirap nang pahirap sa sitwasyon niya ang pagtatrabaho bilang katulong pero kinakaya niya para mabuhay kaming dalawa.
Sobrang swerte ko talaga kay Nanay kaya naman ang pangarap ko talaga ay ang maibalik kay Nanay ang lahat ng ginawa niya sa akin at ang mabigyan siya ng maginhawang buhay. Sa oras na ako na ang may kakayanan ay babawi talaga ako para sa lahat ng sakripisyo niya sa akin.
Hindi ko pa man nararanasan ay nakikita ko ang hirap na dinadanas ni Nanay para tumayong magulang sa akin nang mag-isa. Mahal na mahal ko si Nanay higit pa sa sarili ko.
“Anak, may sasabihin sana ako…” Bumaling ako kay Nanay nang magsalita ito. Naglalakad na kami papasok sa eskinita namin ng mga oras na iyon.
“Ano po ‘yun?” kuryosong sagot ko.
“Napapansin ko lang, na parang masyado na kayong nagiging close ni Lucas. Alam kong tinuturing niyong matalik na kaibigan ang isa’t-isa pero anak, ingatan mo ang sarili mo ha? Lalo na ang puso mo. Kilala ko ang batang iyon at sa sobrang bait niya ay alam kong hindi malayong lumalim ang pagtingin mo sa kanya,” kalmadong sabi ni Nanay.
Napatahimik ako sa sinabi nito. Mabuti na lang at nakarating na kami sa bahay namin kung kaya’t nagkaroon ako ng pagkakataon na magkunwaring abala habang sinususian ang pinto.
Nang makapasok kami ay dumiretso sa upuan si Nanay. Kaagad naman akong sumunod at naupo sa tabi niya. Inabot niya ang kamay ko at nag-aalalang ngumiti.
“Kilala kita anak at nararamdaman ko kung ano ang nasa puso mo ngayon. Maaaring hindi mo pa nadidiskubre sa sarili mo pero nakikita ko ang mga kilos mo at kung paano ka sa tuwing nariyan si Lucas. Ikaw ang nag-iisang anak ko at kahit kailan ay ayokong masaktan ka.”
Unti-unti kong nararamdaman ang kaunting p*******t ng dibdib ko. Tila may kung anong sumasakal sa puso ko at bawat segundo ay pahigpit iyon nang pahigpit na parang pinipigilan na akong huminga.
Ilang beses kong iniiwasan sa sarili ko ang tungkol sa bagay na ito ngunit masyado na pala akong nahahalata. Ayoko man aminin sa sarili ko ay sa tingin ko ito na ang oras. May lihim na pagtingin ako kay Lucas. May gusto ako sa best friend ko.