“Tara, Sibley. Gala tayo. Ipapaalam kita kay Nanay,” wika ni Lucas.
Napatigil ako sa paglilinis ng mga picture frames at napailing sa kanya. Kitang-kita ko ang pagkabagot sa kanyang mukha habang hindi mapakaling nakaupo sa sala at nanunuod sa akin. Kakatapos lang kasi ng graduation namin at ngayon ay ang huling bakasyon namin bago maging kolehiyo.
Mayroon pa nga kaming dalawang buwan upang magliwaliw bago kami magsimulang mag-apply at mag-enroll sa mga universities na malapit dito sa Abra. Iba pala kasi ang school year kapag college na kaya mahaba-haba ang magiging pahinga namin ngayon. Mas okay na rin upang maihanda namin ang sarili para sa mga mabibigat na haharapin namin pagsapit ng pasukan.
“Naglilinis ako oh, Lucas. Sabi ko sa’yo, kung nababagot ka ay maglaro ka na lang ng kahit na anong mobile games o kaya naman manuod ka ng movie. Pwede ring magbasa-basa ka,” suhestiyon ko. Parang magmamaktol ito dahil sa sinabi ko. Nahiga ito sa sofa saka sumimangot sa akin.
“Kakalinis mo lang diyan kahapon eh. Hindi naman agad-agad magkakaroon ng alikabok ‘yan kapag isang araw na hindi nalinisan. Tara na kasi, alis tayo. Promise libre ko lahat. Wala kang gagastusin,” muling pamimilit nito. Ayan na siya, nagsisimula ng mang-uto. Akala niya ata madadala niya ako sa ganyan.
“Hay nako, Lucas. Huwag mo akong sisimulan sa ganyan…” babala ko rito. Unti-unting lumitaw ang ngisi sa kanyang mukha at muling bumangon. Lumapit ito sa pwesto ko at hinawakan ang magkabilang balikat ko.
Hindi ko maipagkakaila ang gulat at sikdo sa puso ko dahil sa biglaang paglapit niya sa akin. Matagal ko na itong nararamdaman tuwing malapit siya pero hindi ko talaga magawang masanay. Pakiramdam ko ay mas lumalala pa nga iyon sa bawat paglipas ng mga oras.
“Bibilhin natin paborito mong pagkain, Sibley. ‘Di ba, mahilig ka sa blueberry cheesecake? I’ll buy you the whole cake. Gusto mo tatlo pa niyon eh,” nakangising saad nito.
Pigil na pigil ang pagkibot ng mga kilay ko sa sinabi niya. Pinigilan ko rin ang paglaki ng mga mata ko dahil sa oras na mapansin niyang nagniningning ang mga mata ko ay tiyak na lalong lalakas ang loob nitong suhulan ako.
“Saka ‘di ba, may paborito kang inumin? Ano nga ba iyon? Milktea? ‘Yung maraming cheesecake? Bibilhan kita kahit ilan pa ‘non,” pagpapatuloy nito.
Bahagya akong gumilid at napapikit. Parang awa, ang laking tukso! Parang unti-unti na ata akong naglalaway sa pag-imagine ng mga paborito kong pagkain!
Gustong-gusto ko naman kasi sanang sumama at umalis kasama siya kaso kinakabahan kasi akong ipaalam iyon kay Nanay. Mula kasi noong napag-usapan namin ang tungkol kay Lucas ay hindi na ako napapakaling makasama si Lucas kapag alam kong nasa paligid lang si Nanay.
Sa tuwing nasa iisang lugar nga kami ay halos hindi ko muna pinapansin si Lucas. Palagi lang akong nagkukunwaring abala at nasasaktuhan naman din talaga na may ginagawa ako kaya’t parehong hindi nagdududa sila Nanay at maging sila Lucas.
Naiintindihan ko naman kung saan nanggagaling si Nanay kasi maski ako ay may nararamdaman din namang takot para sa lihim kong pagkagusto kay Lucas. Sa ngayon ay kahit papaano, nalilimutan ko ang mga agam-agam ko dahil masaya ako at kuntento sa kung anong meron kami ni Lucas pero alam kong darating ang panahon na hindi lang puro saya ang mararamdaman ko para sa kanya.
Ngunit ewan ko ba, mas nananaig sa akin na mag-go with the flow na lang muna. Ayokong isipin kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap. Bahala na muna kung balang araw ay masasaktan ako dahil sa pagkagusto ko kay Lucas. Basta ang mahalaga, masaya ako ngayon. Masaya ako sa samahan namin ni Lucas.
“Tapos ano pa ba? Hmm…” Umarte itong nag-iisip. Bakas pa rin ang paglalaro sa kanyang mukha kung kaya’t alam kong may huling bala pa siyang sasabihin na pakiramdam ko ay tiyak na makakapagpapayag sa akin.
Napalunok ako habang naghihintay sa sasabihin niya.
“Dadaan tayong book shop. Bibilhin ko mga libro na gusto mo,” wika nito.
Sabi ko na nga ba. Napailing na lang ako sa sarili ko nang bitawan ko ang pamunas na hawak ko at dahan-dahang tinatanggal ang apron na suot ko. Kasabay niyon ay ang paghagalpak ng tawa ni Lucas.
“I knew it! That’s the last key. Sobrang obsessed ka sa pagbabasa ng libro at hindi mo iyon kayang palagpasin. I heard may bagong release na book ang paborito mong author. I could easily get you a copy at malay mo, may mga freebies pa iyon like autograph or cards because you were one of the first buyers. What do you think?” dagdag pa nito. Pambihira talaga!
“Oo na, sige na. Pumapayag na ako. Magbihis ka na at mag-aayos na rin muna ako. Ako na bahalang magpaalam kay Nanay,” natatawang sabi ko ngunit sa loob-loob ko ay nilalamon na ako ng kaba kung paano ko ipapaalam kay Nanay na lalabas kami ni Lucas.
Excited na umakyat si Lucas papunta sa kanyang kwarto habang ako naman ay tuluyan nang niligpit ang mga gamit ko na panglinis saka hinanap si Nanay. Natagpuan ko siyang nag-aayos ng mga damit sa laundry area.
Dahan-dahan akong naglalakad papalapit sa kanya. Noong una ay hindi pa niya ako napapansin. Nakikinig kasi ito sa radyo at kinailangan ko pang tumikhim nang malakas upang mapansin ako ni Nanay.
Nang makita ako ay hininaan niya ang radyo at ngumiti sa akin.
“Oh, anak. Bakit nandito ka?” kuryosong tanong nito. Napahawi ako sa aking buhok ng ilang beses bago naglakas loob na magsalita.
“Uhm, ‘Nay, may sasabihin po sana ako…” panimula ko.
Napatigil ito sa pag-aayos ng damit. Saglit itong tumingin sa akin bago tumagos iyon sa aking likod kasabay ng pagdapo ng kamay ni Lucas sa aking mga balikat.
“Nanay, aalis po muna kami ni Sibley ha! Sa mall lang po kaming dalawa,” maligayang sabi ni Lucas. Tila hindi nito pansin ang kaba at kakaunting tensyon sa pagitan namin ni Nanay.
Napahinga ako nang malalim at halos gusto ko na lang maglaho sa harap nila. Ang kulit talaga nitong si Lucas. Sinabi ko na ngang ako na ang bahalang magpaalam.
Napansin ko ang pagtango ni Nanay at pagngiti nito kay Lucas. Hindi ko alam kung dapat ko bang ikapanatag iyon o lalo kong dapat na ikakaba. Natitiyak ko na kung sakali mang makaalis ako ngayon ay mapagsasabihan naman ako ni Nanay namayang pag-uwi.
“Sige, Lucas. Mag-ingat kayo ha? Sibley, may pera ka ba?” Kinapa ni Nanay ang kanyang bulsa at mula doon ay nilabas niya ang kanyang maliit na wallet. Kukuha na sana ito ng pera nang magsalita ulit si Lucas.
“Nako, ‘Nay, huwag ka ng dumukot diyan. Ako na pong bahala sa gagastusin ni Sibley.” Lalo akong nilapit ni Lucas sa kanya at ginulo pa ang aking buhok. Kinakabahan akong nakatingin kay Nanay.
Dahan-dahan itong tumango saka tumingin sa akin at matipid na ngumiti.
“Mag-ingat kayo ha,” wika nito habang mariin na nakatingin sa akin.
Napalunok ako ng ilang beses. Patay talaga ako nito pag-uwi.