Napailing na lang si Lucas habang nakangising nanunuod sa akin. Halatang aliw na aliw ito habang nilalantakan ko ang paborito kong blueberry cheesecake na sinuhol nito sa akin upang masamahan siyang gumala.
Sunod-sunod ang naging pagsubo ko dahil sa excitement at hindi ko na namalayan na halos mapuno na pala ang bibig ko dahilan upang masamid ako.
Sunod-sunod ang naging pag-ubo ko dahil doon. Kaagad naman akong inabutan ni Lucas ng tubig habang nagpipigil ng tawa dahil sa nangyari.
“Para ka talagang bata,” saad nito. Sinamaan ko siya ng tingin pagkatapos uminom ng tubig.
“Bata pa naman talaga ako. Palibhasa kasi ikaw, mukha ng matanda.” Pinunasan ko ang bibig ko ng tissue saka dahan-dahang nagsimula ulit na kumain.
Muling napailing si Lucas. Bahagya itong dumukwang sa harap ko at marahang pinunasan ang gilid ng labi ko. Napahinto ako at halos manigas sa kinauupuan ko dahil doon. Kasabay niyon ay ang pagwawala ng puso ko. Parang naninikip sa kaba ang kalooban ko dahil sa simpleng ginawa niyang iyon.
Malala ka na, Sibley. Lahat na lang ng kinikilos ni Lucas ay kinababaliw mo na. Huwag ka naman masyadong magpahalata!
“Talaga ba? Mukha akong matanda? Ganoon ako sa paningin mo?” kuryosong tanong nito. Lalong bumilis ang t***k ng puso ko sa tanong niyang iyon.
Ano bang problema mo, Sibley!? Kumalma ka nga! Mas kinakabahan pa ako sa mga ginagawa at sinasabi ni Lucas kaysa sa mga exams ko noon eh!
“J-Joke lang naman! Hindi ka naman mabiro eh,” wika ko saka pilit na tumawa.
Pumangalumbaba ito at bahagyang tumahimik. Kung kanina ay ganado pa akong kainin ang pagkain sa harapan ko, ngayon ay hindi na ako mapakali at parang gusto ko ng tumakbo sa CR dahil parang babaliktad na ang tiyan ko sa kaba dahil sa nangyayari.
“You don’t find me handsome, Sibley?” kaswal na tanong nito. Pakiramdam ko ay nasamid na naman ako kahit wala pa naman akong nginunguya. Pambihira!
“Bakit mo ba tinatanong?” stressed kong sabi. Napanguso ito saka saglit na pinasadahan ng tingin ang paligid bago muling tumingin sa akin.
“I have always been aware of all the women looking at me. Lalo na sa school natin that’s why I’m always confident of my looks but now I’m curious. Iniisip ko, sa mata mo ba, gwapo rin ba ako?” Napaiwas ako ng tingin at yumuko sa pagkain ko.
“Gwapo ka naman, Lucas. Hindi mapagkakaila. P-Pero siyempre, walang epekto sa akin iyon hindi tulad ng mga kaklase natin at ng mga babaeng nandito ngayon sa loob ng shop na ito,” kaswal na sabi ko.
Narinig ko ang paghalakhak nito nang marinig ang sinabi ko.
“Right. I knew it. You’re my bestfriend at wala talagang magiging talab sa’yo ang kwapuhan ko but thanks anyway, inamin mong gwapo ako,” nakangising saad nito.
Pagkatapos ng nakakabang tanong niyang iyon ay nagsimula na siyang magkwento ng kung ano-ano. Unti-unti na rin akong nakakahinga nang maluwag. Grabe ‘yon ha. Medyo intense iyon para sa akin.
Gusto ko rin purihin ang sarili ko dahil napaniwala ko siya sa sinabi ko kanina. Ibig sabihin ay hindi pa naman ako obvious sa nararamdaman ko para sa kanya. Mas mainam iyon dahil wala pa naman akong balak na ipaalam sa kanya ang nararamdaman ko. Hindi pa sa ngayon at hindi ko alam kung darating ba ang oras na iyon.
Tumingin-tingin ako sa paligid at lalo akong nakakalma habang nakakakita ng maraming libro. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko kung bakit parang nakakaadik para sa akin ang amoy ng mga bagong libro.
“Sa ngayon, piliin mo ang mga librong gusto mo, Sibley. I will find a way para makakuha ng copy ng bagong libro na ilalabas ng favorite author mo,” sabi ni Lucas habang nakasunod sa likuran ko.
Tahimik lang ito at hinahayaan akong mamili at magbasa-basa ng libro. Halos napapasarap na nga ako sa pagbabasa to the point na nakakalimutan kong may kasama pa nga pala ako.
“Sometimes I wonder, what’s so enticing with books and why are you so engrossed with it?” kuryosong tanong ni Lucas sa tabi ko.
Ibinaba ko ang librong hawak ko saka ngumiti sa kanya.
“Hindi ko rin maintindihan kung paano ba nagsimula na nahilig ako sa pagbabasa. Siguro dahil sa tuwing nagbabasa ako, pakiramdam ko nasa ibang mundo ako. Nagagawa kong ma-imagine sa utak ko ang mga nababasa ko at nagbibigay iyon ng satisfaction sa akin,” magaang na sabi ko.
“But it’s so boring! I tried reading once, twice, noong sinabi mong subukan ko pero wala pang isang paragraph ay nakakatulog na ko agad and yet you, you almost forgot I’m here with you as of this moment because you’re totally focused on reading a few pages,” wika nito habang umiiling.
“Well, ganoon siguro talaga. Hindi ka kasi book lover at naiintindihan ko naman iyon. Parang ako lang sa iyo, hindi ako mahilig sa sports kaya’t kahit anong aya mo sa akin makipaglaro ng basketball ay hindi rin ako tumatagal. Quits lang tayo,” natatawa kong sabi.
“Kaya nga eh. Sa tuwing naiisip ko ang mga pagkakaiba natin sa ibang bagay, mas nagtataka ako kung paano tayo naging mag-best friend. Maybe we really just clicked with each other. Despite our differences, I think we’re really meant to be best of friends after all,” he said softly.
Natahimik ako sa sinabi niya. Kasabay niyon ay ang pinong kurot na naramdaman ko sa puso ko ngunit isinantabi ko iyon.
Malapad akong ngumiti at isinara ang librong hawak ko. Kumuha pa ko ng ilan at mahigpit na niyakap iyon bago muling humarap sa kanya.
“Ito na lahat ng gusto ko. Dadalhin ko na sa counter ha?” mabilis kong saad.
Hindi ko na siya hinintay pa na sumagot sa akin. Lakad-takbo ako patungo sa counter. Mas hinigpitan ko ang yakap sa mga libro na para bang makakatulong iyon upang hindi ko maramdaman ang patuloy na pagkadurog ng puso ko.
Hanggang sa pag-uwi ay laman iyon ng isip ko. Alam kong hindi dapat ako nagkakaganito dahil ako naman ang naglagay sa sarili ko sa posisyon na ito pero masakit pala sa tuwing isinasampal niya sa akin ang manipis na linya sa aming dalawa.
Paulit-ulit niyang sinabi kung hanggang saan lang ako para sa kanya at kahit kailan, hindi ko maaaring tawirin ang linya na inilagay niya sa pagitan naming dalawa.
Huminga ako nang malalim habang nakatingin sa mga librong binili sa akin ni Lucas. Napabaling ako sa pinto ng kwarto nang marinig ang pagbukas niyon. Nakita ko si Nanay na nag-aalalang nakatingin sa akin.
“Anak, ayos ka lang ba?” Malayo ito sa inaasahan ko. Akala ko ay masesermunan ako dahil sumama ako kay Lucas pero hindi. Lalo lang akong nalungkot.
Ngumiti ako kay Nanay at yumakap sa kanya nang mahigpit.
“Ayos lang po ako ‘Nay. Pagod lang po.”