“Sibley!” Halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ang maligayang pagtawag sa akin ni Lucas. Mabuti na lang at wala akong hawak na babasagin dahil kung hindi, malamang ay nabitawan ko na iyon dahil sa gulat.
“Makatawag ka naman! Parang ang tagal nating hindi nagkita ah?” wika ko sabay iling sa kanya.
“May ibabalita kasi ako sa’yo eh,” excited na sabi nito. Kaagad naman akong nakuryoso sa sasabihin niya.
“Ano ‘yun?” Ngumiti ito nang malapad saka ako hinila papunta sa sala at inayang maupo.
“Ganito kasi ‘yan. Alam mo namang malapit na ang birthday ni Dad ‘di ba? At malapit na rin ang enrollment at pasukan natin kaya nagdesisyon sila na magbakasyon muna kami sa Baguio!” masayang sabi nito.
Hindi ko napigilan mapangisi sa sinabi niya. Tuwang-tuwa ang loko, akala mo naman talaga ay first time niya pa lang na makakarating doon. Samantalang hindi ko na nga ata mabilang kung ilang beses na silang nagbakasyon sa kung saan-saang sikat na lugar hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
“’Yung saya mo parang pang-first time na pupunta roon ha?” pang-aasar ko rito. Humalakhak ito at inalog ako sa aking balikat.
“Hindi ako masaya para sa sarili ko. Masaya ako para sa’yo kasi kasama kayo ni Nanay! Actually lahat ng kasambahay ay kasama na magbabakasyon doon. Makakapunta ka na ng Baguio, Sibley!” Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya.
Sa maraming beses na nakapunta ang pamilya nila Lucas sa Baguio ay never naman kaming nakasama roon. Kapag kasi masyadong malayo ay hindi na kami sumasama. Palagi naman kaming inaaya nila Ma’am Lucianna pero kami mismo ang tumatanggi dala na rin ng hiya dahil sa malaking magagastos nila sa amin. Dagdag bigat lang kami.
“Mukhang hindi naman kami makakasama riyan. Tatanggi si Nanay lalo pa’t malayo at tiyak na malaki pa ang magagastos niyo sa amin,” kaagad na sagot ko. Muli itong napangisi nang malapad.
“Pumayag na si Nanay, Sibley.” Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya.
“Seryoso ka ba?” gulat na tanong ko. Humalakhak ito at inalog ako.
“Mukha ba akong nagbibiro?” Ilang minuto ko siyang tinitigan bago ko nakita si Nanay sa likod nito na naglalakad palapit sa amin.
“Totoo ang sinasabi nitong si Lucas, anak. Kasama tayo sa kanila sa Baguio,” nakangiting saad nito.
Pakiramdam ko ay pumalakpak ang tenga ko sa saya. Base kasi sa mga pictures at sa mga kwento ni Lucas ay sobrang maganda sa Baguio. Ang tagal ko na ring gustong makapunta roon at sa wakas ay mangyayari na iyon ngayon.
Nang matapos ako sa pagtulong sa paglilinis sa araw na iyon ay nagtungo kaagad ako sa kwarto namin ni Nanay. Nakita ko itong inaayos ang ilang gamit namin sa cabinet. Uuwi kasi kami ngayon sa amin para makapaggayak.
Sa susunod na araw kasi ang magiging alis namin. Ngayon na kami kukuha ng gamit para bukas ay nasa bahay na lang kami nila Lucas.
Hindi ko mapigilan ang excitement habang naglalakad palapit kay Nanay. Umangat ang tingin nito sa akin at napailing.
“Hindi naman halatang tuwang-tuwa ka ‘no, anak?” tanong nito.
“Paano ka napapayag nila Lucas, ‘Nay? Hindi naman tayo sumasama kapag ganoon kalayo ah?” kuryosong tanong ko.
“Sasama naman kasi ang lahat. Nakakahiya kung magpapaiwan pa tayong dalawa. Saka para na rin makapagpahinga tayo. Lalo ka na, malapit ka na ulit mag-aral at sa pagkakataong ito, sa kolehiyo na. Alam kong hindi biro ang naging pagod mo sa pag-aaral nitong mga nakalipas na taon kaya’t pumayag na rin akong sumama,” sabi ni Nanay.
Hindi ko mapigilang mapayakap kay Nanay. Kahit kailan talaga, kahit sa anong sitwasyon, ako pa rin ang iniisip. Kaya sobrang swerte ko kay Nanay eh. Kahit mag-isa lang niya akong binubuhay ay never niya akong pinabayaan.
Habang naglalakad kami papasok ng mansyon dala-dala ang mga gamit namin ay natanaw ko na agad si Lucas na ngiting-ngiting naglalakad palapit sa amin.
Ramdam ko ang pagtalon ng puso ko sa saya. Para na talaga akong baliw. Hindi ko na ma-control ang puso ko dahil kay Lucas. Wala naman siyang ginagawa sa akin pero sobrang laki pa rin ng epekto niya sa akin. Paano niya ba nagagawa sa akin ito?
Paglapit ni Lucas ay tinulungan niya kaming buhatin ang mga dala namin ni Nanay. Ramdam na ramdam ko talaga ang saya at excitement niya para sa akin. Para talagang siya ang first time na pupunta ng Baguio. Napapailing na lang ako habang nagpipigil ng tawa.
Hindi ko namalayan ang oras sa araw na iyon. Lahat kasi kami ay naging abala na para sa paghahanda namin sa pag-alis bukas. Dagdag pa si Lucas na hindi magkandaugaga sa pangungulit sa akin. Hindi ko na nga mabilang kung ilang beses ko na bang narinig ang mga salitang ‘Excited na ako!’ mula sa kanya. Halatang-halata naman eh!
Kinagabigan ay sinabihan na kami at ang iba pang mga kasambagay na magpahinga nang maaga dahil madaling araw kami tutulak ng Baguio bukas.
Kanina pa ako nakahiga sa kama namin ni Nanay pero hindi ako mapakali sa kakahanap ng pwesto. Nang mapansin kong muntikan ko ng maistorbo si Nanay na mahimbing na ang tulog ay nagpasya na akong bumangon muna at lumabas.
Sakto pagkadaan ko sa kusina ay nakita ko si Lucas na umiinom ng tubig. Napalingon ito sa akin pagkatapos saka ngumisi. Hindi nakalusot sa pakiramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko habang nakikita ang ayos niya ngayon.
Magulong buhok, plain na puting t-shirt at katamtamang iksi na shorts. Kahit ganoon lang ay litaw na litaw ang kagwapuhan niya. Ako na siguro ang pinakamaswerteng babae na nagkakagusto kay Lucas dahil nakikita ko siya ng ganitong ayos. Ngunit kung iisipin, ako rin ang pinakamalas dahil hanggang best friend lang talaga ang maituturing niya sa akin.
“Can’t sleep too? Ngayon lang pumasok sa’yo ang excitement ‘no?” mapanuksong wika nito. Huminga ako nang malalim ag marahang umiling sa kanya kasabay ng pagwaksi sa isipan ko ng mga bumabagabag sa utak ko kanina lang.
“Oo eh. Lumabas na nga muna ako dahil baka magising ko pa si Nanay,” saad ko. Narinig ko ang pagkahalakhak nito. Lumapit siya sa lamesa at inatras ang isang upuan malapit sa akin bago naupo sa tabi niyon. Bumaling siya sa akin saka tinapik ang upuan sa tabi niya.
“Ako rin. Hindi ako makatulog. Halika, kwentuhan muna tayo?”