BUKAS NA BUKAS
"Mamimiss ko kayong dalawa. Sana makabalik agad kayo rito." Niyakap kaming mahigpit ni Aling Fe, halos mangiyak-ngiyak sa pagpa-paalam sa amin.
"Sigurado 'yan Aling Fe! Baka po sa summer makabalik ako." Ani Jacob
"Ikaw lang?" Tanong ni Mang Bitoy. Napatingin silang tatlo sa akin.
"O-opo sa summer po. Babalik po kami ni Jacob" Sabi ko.
"Mabuti naman, hija. Masaya ako na nakilala kita. Aasahan ko 'yan ha?" Nakangiting wika ni Aling Fe, malapad na ang ngisi.
"Ay s'ya! Bumyahe na kayo para mabilis kayong makauwing Las Huelva. Malapit na ang piyesta at baka matraffic na sa daan." Si Mang Bitoy.
At sa huling pagkakataon ay niyakap ulit ako nang mahigpit ni Aling Fe. Umuna na ako sa sasakyan para hayaang magkapagusap sila Jacob. Nakakalungkot na matagal pa bago ko ulit sila makita. Hindi ko nga alam kung makakabalik pa ba ako rito sa summer, nabigla lang talaga ako sa nasabi ko kanina pero sana nga makabalik pa ako.
5 A.M. eksaktong nakaalis kami sa bahay nila Jacob. Tahimik lang ang naging byahe, wala ni isa sa amin ang gustong mag salita. Matapos ang nangyare kagabi ay napag desisyonan kong umuwi na agad sa Las Huelva, hindi naman na nagtanong pa si Jacob at pumayag din agad.
Gaya nang sinabi ni Mang Bitoy, abala nga ang mga tao sa bayan kahit na maaga pa lang. Nahirapan kami makadaan dahil sa dami ng tao sa daan.
Sinulyapan ko si Jacob para tignan kung ayos lang ba siya. Naramdaman niya yata na nakatitig na ako sa kanya kaya tinignan niya rin ako.
"May problema ba, Sums?" Tanong niya.
"W-wala. Hmm.. about sa nangyare kagabi. Sorry kung nasigawan kita."
"It's okay... wala ka namang nagawang mali."
"N-nasaktan kita. S-sorry..." I trailed off.
"Kaya kong tiisin lahat ng sakit, Summer. Mahal kita, tandaan mo iyan."
Kinagat ko ang pangibabang labi ko at mariin ipinikit ang mata. Hindi ko talaga makakalimutan kung paulit ulit niyang sasabihin.
Sa buong byahe ay nakatulog lang ako. Hindi naman kasi ako palakain sa byahe, at para wala na ring stop-over. Nagising ako at nasa b****a na kami ng Las Huelva. Ang bilis naman yata?
Nag unat ako para makadaloy naman ang dugo sa ibang parte ng katawan ko.
"Nagugutom ka na ba?" Ani Jacob
"Hindi." Tipid kong sagot
"Ah, kumain ka na ba?"
"Hindi." Pag gaya nito sa akin.
"Ano nga?" tumawa ako.
"Hindi pa nga."
Tawanan lang naming ni Jacob ang naririnig sa buong sasakyan. Hindi na raw siya nag-abalang kumain pa dahil tulog naman daw ako.
Natigil ang kuwentuhan namin nung bigla niyang ihinto yung sasakyan. Andito na kami sa arco. Bakit may check point? Anong meron? May lumapit na dalawang pulis officer sa sasakyan namin at kinatok ang bintana ni Jacob. Agad na ibinaba ni Jacob ang bintana at napatitig ang dalawang pulis sa akin.
Bigla akong kinabahan nang mag tinginan ang dalawa, lumayo yung isang officer. Sinundan ko 'to ng tingin at kita ko na may kinakausap siya sa telepono.
"May problema ho ba?" Iritang tanong ni Jacob. Magkasalubong ang kilay niya at kitang kita ko kung paano mag igting ang kanyang panga.
Kinakabahan talaga ako. Ano ba kasing meron?
"Wala boss. Pakigilid na lang muna ng sasakyan niyo." Utos nung natirang police officer na nakasandal ang siko sa itaas ng sasakyan.
Tahimik lang si Jacob pero alam kong naiirita na siya sa nangyayare. Hinawakan ko ang kamay niya dahil natatakot na talaga ako.
Ilang minuto lang ay may tatlong police car ang nagsidatingan. Humigpit ang hawak ko sa kamay ni Jacob at bumibigat na rin ang aking paghinga. Alam ko na sa pagkakataong ito ay may hindi magandang mangyayare.
"Don't be scared, Sums. Hindi kita pababayaan." Sa mga sinabi ni Jacob ay nawala kahit papano ang kaba ko. Pero sa kanya ako mas natatakot, siya ang inaalala ko.
Muling lumapit ang dalawang pulis sa amin. Ang isa kay Jacob at yung isa ay nasa pintuan ko. Kinatok nila ulit ang bintana ni Jacob. Sa halip na ibaba ay siya na mismo ang bumaba sa sasakyan.
"Wag kang lalabas, Summer. Babalik din ako agad." Nakangiting aniya at marahang isinara ang pinto. Alam kong pinapakalma lang ako ni Jacob dahil nararamdaman niya na kinakabahan ako.
Nakamasid ako sa kanila. Taimtim na kinakausap si Jacob ng mga pulis. Hindi ko maintindihan ang pinaguusapan nila, gusto kong bumaba pero sinabihan ako ni Jacob na babalik din siya agad. I trust him. Sa pagmamasid ko ay nakikita kong nagkakainitan sila. Hindi nila pwedeng saktan si Jacob dahil wala naman kaming ginagawang masama.
Nakapamulsa si Jacob at nanlilisik ang kanyang mga mata. May lumapit pang tatlong pulis at umakmang poposasan si Jacob. Nataranta ako nang makita kong nanlaban si Jacob. Baka talagang saktan nila si Jacob! Hindi ako nagdalawang isip pang lumabas at tumakbo papalapit sa kanila.
Tinulak ko yung dalawang pulis sa nakakapit sa braso at balikat ni Jacob.
"Sabi ko sayong wag kang lalabas 'di ba?" Nagaalalang tono ni Jacob.
"Natatakot ako, Jacob." niyakap kong mahigpit si Jacob. Wala akong pakealam kung marami ang nakakakita sa amin ngayon. Hindi ko lang maintindihan kung bakit ba nila 'to ginagawa.
Lumapit muli ang mga pulis sa amin at sa pagkakataong ito, tatlong lalake na ang may hawak kay Jacob dahil sa pagpupumiglas. May isang pulis ang biglang humawak sa balikat ko.
"Ano ba?! Bakit niyo ba kami huhulihin! Wala kaming ginagawang masama! Taga rito kami! Let me go!" Para akong baliw na nagsisigaw at pilit na kumakawala sa pulis na may hawak sa akin.
Nag simula nang magalit si Jacob, nakita ko na lang nakadapa na 'yung isang pulis.
Mas lalo tuloy akong natakot nang tinutukan nila si Jacob ng baril. Hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Napuno nang takot ang buo kong katawan. Ang tanging nasa isip ko na lang ay si Jacob. Please, don't let anything bad happen to him. Please, Clyde. Help me...
"Ikaw si Summer Asuncion, hindi ba? Pinahalughog ng lola mo ang buong bayan pero wala ka. Bawat daanan sa buong Las Huelva ay may check point. Wag na lang kayong manlaban para wala nang masaktan pa." Sabi nung pulis na may hawak sa akin.
Napabagsak ako sa damuhan sa panghihina ng tuhod ko. Hindi ko masisi si lola kung ganon ang ginawa niya. Hindi ko lang inakala na aabot sa ganito na pati si Jacob madadamay pa. Baka siya ang sisihin ni lola sa pagkawala ko.
Para akong papel na inihagis at lumilipad sa hangin, tulala ako at ang bilis ng pangyayare. Hindi na nanlaban pa si Jacob at dinala nila 'to sa presinto at ako naman sa hospital. Nakita nila ang pagaling ko na pasa sa braso at ang sugat ko sa paa.
"Ma'am, padating na rin po ang pamilya niyo. At makakauwi na kayo." Sabi nung babaeng nurse.
I simply nodded. Hanggang ngayon ay lutang pa rin ako. Gusto kong makita si Jacob!
Nasa Emergency room ako, nakahiga sa kama habang iniisip kung ano na ang nagyayare kay Jacob.
"Anak!" Si Mama.
Tumakbo sila palapit sa akin, umiiyak. Ganon din si Sunny na basang basa na ang damit, mukhang kanina pa sila naiyak.
"Ate... miss na miss na kita! Akala ko hindi na kita makikita eh." Hagulhol ni Sunny.
"Anak, I'm sorry kung hindi man lang kita pinakinggan. Sorry kung nasaktan kita. Sana mapatawad mo ako anak ko." Iyak lang nang iyak si Mama sa tabi ko.
"Nasaan si Lola?" Tanong ko, hindi ko pinansin ang mga sinabi niya. Sa totoo lang ay may tampo pa rin ako sa kanya. Lalo na sa nangyayari kay Jacob.
"Nasa bahay anak.. pero alam niya na nakabalik ka na. Saan ka ba kasi nagpunta?"
Huminga akong malalim at yumuko.
"Ano nangyare sa braso at sa paa mo? Sinaktan ka ba nung lalakeng kasama mo?"
Natuhan ako sa sinabi ni Mama. "Asan na po siya?"
"Nakakulong na siya."
Nanlaki ang mata ko, "P-po?! Hindi pwede iyon, Ma!" bulalas ko.
Nagtaka si mama sa reaksyon ko. "Anak... dapat lang na makulong siya..."
Hindi ako makapaniwala! Anong ibig niyang sabihin sa dapat makulong? Anong basehan nila para makulong si Jacob?!
"Hindi! Pupunta ako sa presinto, Ma. Hindi niyo siya pwedeng ipakulong!" Tumayo ako at naglakad palayo sa kanila. Ako ang may kasalanan, ginusto kong umalis para makalayo sa kanila. Tapos, ganito pa ang mangyayare?!
"Ate! Ate!" Awat ni Sunny,
"Summer ano ba!? Hayaan mo na 'yung lalake na 'yon. May mali siya, itinago ka niya sa amin..." Hinaltak ako ni Mama para iharap sa kanya,
"Bakit, Ma?! Ako ang may gustong lumayo. Ako ang may gustong magtago. Tinulungan niya lang ako. Dapat nga magpasalamat pa kayo dahil inalagaan niya ako. Siya lang din yung nakinig sa akin!"
"Nahihibang ka na! Ano? Magpapakabaliw ka na naman sa lalake? Ha? Hindi ka na ba nadal--"
"Akala ko ba, Ma, nagsisisi ka na? Bakit nanjan pa rin tayo? Kaya nga ako umalis. Gusto ko munang mapag-isa at makapagisip-isip. Ginawa ko naman lahat. Lahat lahat! Hindi niyo ba nakikita 'yon? O yong mali ko pa rin ang nakikita niyo? Na isa akong disappointment para sa inyo. Hindi ko na nga kilala sarili ko dahil binago ko yung ako para lang mapatawad niyo."
Pakiramdam ko wala na akong maiiyak pa. Ubos na ubos na lahat ng luha ko para sa mga pangayayareng paulit-ulit lang.
"Gusto ko lang yung makabubuti para sa'yo. At hindi siya 'yung taong makakatulong sa'yo! Hahatakin ka lang niya pababa, Summer."
"Ma! Naririnig niyo ba ang sarili niyo? Mama kita pero wala kang karapatang diktahan ako!"
Isang malakas na sampal ang natanggap ko mula kay Mama. Ang init at ang hapdi ng pisnge ko dahil doon.
"Anak kita. Anak lang kita kaya may karapatan ako!"
"Hindi... hindi ko hahayaang ipakulong niyo si Jacob.. Mahalaga siya sa akin!"
Hindi ko na hinintay pang makapagsalita pa si Mama. Binilisan ko ang paglalakad kahit na iika-ika ako at agad pinara yung taxi na dumaan.
"Okay na ba siya, Doc?"
"Yes. Kailangan lang niyang magpahinga at kumain sa tamang oras."
"Eh, yung sugat mga niya?"
"Actually, fully healed naman na ang sugat niya, dala marahil ng stress at pagpipilit niyang ilakad ang paa kaya medyo bumuka iyon."
Iminulat ko ang mga mata ko, laking pagtataka ko kung bakit ako nandito sa kwarto ko. Ang pagkakatanda ko ay pinara ko yung taxi na padaan at... nahimatay ako?
"Ayos ka na ba, Apo?" Tanong ni lola, bakas sa kanya ang pagaalala habang hinahaplos ang pisngi ko.
"O-opo. Si Jacob... gusto ko siyang makita." nanghihina kong sabi.
"Tungkol don... nakauwi na siya sa kanila."
Nabuhayan ako sa sinabi ni lola. Mabuti naman at nakauwi na siya sa kanila. Hindi ko kakayanin kung tuluyang makulong si Jacob dahil sa akin.
"Sige apo, magpahinga ka muna. Mukhang pagod na pagod ka eh. Bukas na lang tayo mag-usap.."
Lumabas na si Lola sa silid ko. Nakatitig lang ako sa balkonahe at sa kurtina habang sumasayaw sa hangin. Naalala ko tuloy yung kwarto ko sa bahay nila Jacob. Tanaw na tanaw doon yung malawak ng karagatan, namiss ko na tuloy.
Kailangan ko na lang muna harapin ang problema ngayon, bukas na bukas ay kakausapin ko si Jacob.